Chapter 31

1793 Words
ABALA si Knoxx sa paghuhugas ng pinggan nang marinig niya ang sunod-sunod na katok mula sa pinto. Napalingon siya at kunot-noong nagbanlaw ng kamay. Baka si Tan o kaya ay si Nyxie. Hindi niya alam pero bigla siyang na-excite nang maalala si Nyxie. Ilang araw na rin silang hindi nagkikita at kahit ayaw man niyang aminin ay nasasabik na siyang makitang muli ang dalaga. Marahil ay naalala siya nito at napagpasyahang dalawin. ‘Dapat ako ang bumibisita sa kanya,’ usal niya sa sarili. Nagpatuloy ang mga katok kaya saglit niyang tinitigan ang kanyang sarili sa salamin na nakasabit sa pader. Okay naman ang ayos niya kahit nakapambahay lang. ‘Di bali, guwapo pa rin naman siya kahit ano pa ang itsura niya. Hindi niya napigilang matawa sa gano’ng isipin. Nagmadali siyang tumungo sa pinto at malawak ang ngiting binuksan ito. Ngunit ang ngiting iyon ay agad ding naglaho nang makita ang kanyang ina na nakatayo sa kanyang harapan. Namumula ang mga mata nito ngunit maputla naman ang pisngi. “Ma. . .” sambit niya at agad itong hinawakan sa magkabilang balikat. Sunod na nabaling ang kanyang tingin kay Teacher Kevin na nakatayo sa likuran ng ina. “Sir Kevin, ano pong nangyari?” nag-aalala niyang tanong sa guro at agad na inakay ang ina papasok sa loob ng bahay. Pinaupo niya ito sa sofa at agad na ininspeksyon. “Nadaanan ko kanina ang Mama mo sa Ino Street habang namimigay ng mga flyer.” Tumigil ang guro sa pagsasalita at tumingin sa kanyang ina. Nakita niyang umiling ang Mama niya na tila ba’y pinipigilan si Teacher Kevin na sabihin sa kanya ang kung anumang nangyari kanina. “Sir Kevin, ano pong nangyari?” pag-uulit niya. Mabilis ang pagtibok ng kanyang puso at ramdam niyang hindi maganda ang sasabihin nito. “Knoxx, ang Mama mo. . . Binast*s siya kanina ng amo niya habang nasa gitna ng trabaho kaya wala akong nagawa kundi ang kunin siya.” “Ano?!” Napatayo siya sa narinig. Kumuyom ang kanyang mga kamay at nagtagis ang kanyang mga bagang. Akmang tatalikod siya para lumabas ng bahay nang bigla na lamang hinawakan ng ina ang kanyang kamay. Umiling ito at biglang napahikbi kaya napilitan siyang bumalik sa pagkakaupo. “Neo. . .” “Kailan pa nangyayari ‘to, Ma? Bakit hinahayaan mong bast*sin ka ng amo mong ‘yon? Magsasampa tayo ng reklamo. Ipakukulong natin ang taong ‘yon!” galit na galit niyang wika. “Neo, ‘wag na nating palakihin pa ang g**o—” “Hindi, Ma! Kailangang magbayad ng taong ‘yon! Binastos ka niya at hinding-hindi ako papayag na basta na lamang niya tatakasan ang ginawa niya sa inyo!” sagot niya. Kahit wala silang pera ay lalaban si Knoxx. Puwede silang lumapit sa Munisipyo para humingi ng tulong para makakuha ng pampublikong abogado. Palaging mayro’ng paraan at handa siyang gawin ang lahat makamit lamang ng ina ang nararapat na hustisya. “Handa akong tumulong kung ‘yan ang gusto mong mangyari, Knoxx. Tatawagan ko ang kaibigan kong abogado. Ipapaayos ko na agad ang—” “Kevin, huwag mo nang kunsintihin ang anak ko. Neo, hindi tayo magsasampa ng kaso. Aalis na lang ako sa trabaho, okay na ba ‘yon?” “Pero Ma. . .” “Sige na, anak. Ayoko na nang g*lo,” pagmamakaawa nito. Isang malalim na buntonghininga ang pinakawalan ni Knoxx bago ibinaling ang tingin sa guro. Nagkibit-balikat ito at hinayaan siyang gumawa ng pasiya. “Sige po, pero dapat bukas din ay mag-resign na kayo,” sabi niya. Tumango ito at yumakap sa kanyang braso. Tinapunan ni Knoxx ng tingin si Teacher Kevin na nakangiti habang nakatingin sa kanilang dalawa. “Thank you, Sir Kevin. Thank you po sa pagligtas n’yo sa Mama ko,” aniya. “Walang anuman, Knoxx. Ang totoo n’yan ay inalok ko ulit ang Mama mo na magtrabaho sa factory kaso ayaw niya. Ligtas siya roon at mataas din ang sahod kaya baka naman may magagawa ka para magbago ang isip niya. Nag-aalala lang talaga ako kapag sa iba pa siya nag-apply.” Seryoso ang mukha ng guro habang sinasabi iyon. Natahimik si Knoxx at saglit na nag-isip. Alam niyang magiging ligtas ang kanyang ina kapag nagtrabaho ito sa guro ngunit ano ang dahilan nito para hindi tanggapin ang trabaho? Maliban sa guro niya si Teacher Kevin at ayaw nito na magka-issue pagdating ng araw, ramdam din niyang may mas malalim pa itong dahilan. “Ma, gusto n’yo po bang magtrabaho roon sa factory?” tanong niya sa ina. Hindi ito nagsalita at nag-iwas ng tingin. “Viola, wrapping ng mga laruan lang naman ang magiging trabaho mo sa factory. May iba akong mga tauhan para sa mga mabibigat na gawain. Halos babae lahat ang nasa department na ‘yon at hindi rin gano’n kainit gaya sa dati mong trabaho kaya magiging komportable ka roon. Kaibigan ko ang namamahala sa factory kaya kilalang-kilala ko ‘yon. Nasisiguro kong magiging ligtas ka roon,” paliwanag ng guro. Nanatiling tahimik ang kanyang ina at nakatanaw sa malayo. “Ma, bakit po ayaw n’yong magtrabaho kay Sir Kevin? Maganda naman po ‘yong inaalok niyang trabaho at magaan lang din po. Bakit hindi n’yo po subukan? Kung talagang ayaw n’yo, puwede naman siguro kayong umalis. Tama po ba, Sir Kevin?” tanong ni Knoxx sa guro. “Oo, naman. May ilang buwan pa silang probationary period bago tuluyang maging regular. Kung gusto niyang umalis sa loob ng period na ‘yon, then hindi ko siya pipigilan,” sagot nito. “’Yon naman po pala. Subukan n’yo lang po. Kung talagang hindi n’yo nagustuhan, umalis po kayo at maghanap ng ibang trabaho,” aniya. “Neo, kung trabaho lang ang pag-uusapan ay walang problema ‘yon sa akin. Kaya kong gawin ang anumang trabaho, magaan man o mabigat. Kaso—” Pinagbalingan nito ng tingin ang kanyang guro. Mayamaya pa’y nakabuga ito nang malalim na paghinga. “Sige na, tatanggapin ko na ang inaalok mong trabaho alang-alang sa anak ko, Kevin.” Napatingin si Knoxx sa guro at kitang-kita niya ang tuwang rumihestro sa mukha nito. Tumango ito at agad na tinawagan ang katiwala para ipaalam ang desisyon ng kanyang ina. Nagpaalam na rin ang Mama niya na magpapahinga na kaya hinatid na niya ito sa sarili nitong silid bago binalikan ang guro na mukhang katatapos lang din makipag-usap sa telepono. “Sir Kevin, pagpasensyahan n’yo na po ang Mama ko kung hindi agad siya nakapagdesisyon. Ang totoo po n’yan ay minsan na rin po niya akong kinausap hinggil d’yan. Ayaw lang po talaga niyang magkaroon ng issue balang araw dahil sa guro ko kayo.” “Issue? Ano namang issue ang iniisip niya?” takang tanong nito. “Na baka paboran n’yo po ako sa school dahil nagtatrabaho siya sa inyo o puwede ring siya ang paboran n’yo sa trabaho dahil estudyante n’yo ako.” Mahina itong natawa sa sinabi niya. “Knoxx, hindi ako gano’n. Kung talagang matalino ka, then ibibigay ko ang deserve para sa ‘yo. Kung masipag ang Mama mo sa trabaho, ibibigay ko rin ang nararapat para sa kanya,” sagot nito. Biglang nakaramdam ng hiya si Knoxx sa sinabi. Siguro ay mali na hinusgahan agad ito ng kanyang ina. Ewan ba niya kung bakit gano’n na lamang kailap ang Mama niya kay Teacher Kevin kahit na batid niyang dating magkaibigan ang mga ito. Posible kayang may nangyari noon na naging dahilan para magbago ang pakikitungo ng mga ito sa isa’t isa? “Sir Kevin, ‘di po ba sabi n’yo magkaibigan kayong dalawa ni Mama noon?” Tumango ito. “Bakit po parang naiilang po siya sa inyo? May nangyari po ba noon para umakto siya nang ganito ngayon?” tanong niya. Kasalukuyan na sila ngayong naglalakad papunta sa labasan. “Sa totoo lang, hindi ko rin alam, Knoxx. Dati, masayahin naman ‘yang si Viola. Madalas nga akong biruin niyan noon pero nitong huli, parang nagbago nga siya. Hindi ko alam kung galit ba siya sa akin o ano. Wala naman akong natatandaan na may ginawa akong kasalanan sa kanya.” Gumuhit ang lungkot sa mga mata ng guro. Batid niyang kahit ito ay hindi rin nagugustuhan ang pagiging mailap ng kanyang ina. “Siguro, bigyan na lang po muna natin siya ng panahon na makapag-isip-isip. Baka sa mga susunod na araw o dahil sa pagpasok niya sa factory ay bumalik ang dating sigla niya. Salamat po talaga sa pagtulong n’yo sa Mama ko, Sir Kevin. Habang-buhay ko po itong tatanawing utang na loob,” nakangiti niyang sabi. Nakarating na rin sila sa labasan kaya pareho silang huminto sa paglalakad. “Hindi mo kailangang magpasalamat, Knoxx. Ginagawa ko ‘to dahil dito ako masaya. Kung natutulungan ko ang ibang tao, ‘yong Mama mo pa kaya. Mahalaga siya para sa ‘kin, Knoxx. Hindi ko siya puwedeng pabayaan.” Kumislap ang mga mata nito habang nagsasalita at kitang-kita iyon ni Knoxx. Hindi niya alam kung ano ang isasagot niya kaya minabuti na lamang niyang manahimik. “Sige na, bumalik ka na sa inyo. Bantayan mong mabuti ang Mama mo. Tawagan mo agad ako kapag kailangan mo ng tulong.” “Opo.” Pinanood ni Knoxx na mawala sa paningin ang guro. Isang malalim na buntonghininga ang pinakawalan niya bago nagpasyang bumalik sa kanilang bahay. Agad niyang tinungo ang silid ng ina ngunit wala ito roon. Bigla siyang kinabahan at agad na sinuyod ang buong bahay. “Ma—” Natigilan siya nang makita ang ina sa loob ng kanyang silid. Nakatayo ito sa harapan ng kanyang kabinet habang nagmamadaling ipinapasok sa loob ng backpack ang ilan sa mga damit niya. “Ano pong ginagawa n’yo?” nagtataka niyang tanong saka ito nilapitan. Nagpatuloy ito sa pag-e-empake ng kanyang mga damit. “Doon ka na muna sa Lola mo. Ihahatid kita roon.” “Pero Ma. . . next week na po ang pasukan. Hindi po ako puwedeng umalis,” sagot niya. Pinigilan niya ito sa ginagawa at inakay paupo. “Kahit ilang araw lang, Neo. Pakiusap, umalis ka muna rito.” “Bakit po ba?” “Hindi ka niya puwedeng kunin sa akin, anak. Hindi ako papayag.” Yumakap ito sa kanya. Kumunot ang noo ni Knoxx sa sinabi nito. Sino naman ang kukuha sa kanya? “Ma, hindi ko po kayo maintindihan. Sino po ba ang kinatatakutan n’yo? Sabihin n’yo po. Sino po ang nagbabalak na kunin ako sa inyo?” tanong niya pero marahan itong umiling. “Huwag po kayong mag-alala, hindi po ako sasama kahit kanino. Hinding-hindi ko po kayo iiwan,” sambit niya saka marahang hinaplos ang likuran nito. Humigpit ang pagkakayakap nito sa kanya bago natahimik hanggang sa tuluyang kumalma.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD