Chapter 30

1670 Words
“MA. . .” mahinang sambit ni Nyxie habang sapo ang kanyang ulo. Lumabas siya sa kanyang silid at agad na tumungo sa kusina kung saan abala sa pagluluto ang kanyang ina. “Ano’ng nangyari sa ‘yo?” bulalas nito nang makita siya. Itinigil nito ang ginagawa at agad siyang inalalayan sa pag-upo. Sunod nitong sinipat ang kanyang noo. “Masakit po ang ulo ko,” reklamo niya. “’Yan na nga ba ang sinasabi ko. Siguro nagbabad ka na naman sa pagbabasa ng mga libro kaya sumakit ‘yang ulo mo. Hindi ka kasi nakikinig sa akin. Pinagsasabihan kita para sa ikabubuti mo pero palagi mo akong kinokontra. Ayaw ko lang naman na mapunta ka sa masama. Nanay mo ako at kabutihan mo lamang ang hinahangad ko. Huwag kasing matigas ang ul—” “Ma. . . masakit po ang ulo ko.” “Oo, alam ko. Kumain ka na at uminom ng gamot. Matulog ka agad dahil baka puyat ka lang. Itigil mo na kasi ang pagbabasa ng mga nobelang ‘yan. Wala naman ‘yang magandang naidudulot sa ‘yo.” Nagpatuloy ito sa pag sermon kaya hindi na lamang nagsalita si Nyxie. Kumain na siya at agad na uminom ng gamot. Bumalik din agad siya sa kanyang silid para magpahinga. Nakatulog siya at hapon na nang magising. Pumasok sa silid ang kanyang ina para alamin ang kalagayan niya. Kahit papaano ay hindi na gano’n kasakit ang kanyang ulo kaya marahil ay napuyat lang siya. Ilang gabi na rin siyang natutulog nang hatinggabi dahil sa tinatapos niyang gawain. “Kumusta na ang pakiramdam mo? Masakit pa rin ba ang ulo mo?” tanong nito matapos ilapag sa side table ang dalang lugaw. Narinig ni Nyxie ang pag-alburuto ng kanyang sikmura kaya nagmadali siyang abutin ang dala nitong pagkain at agad na nilantakan. “Ano ‘to?” Natigil siya sa pagsubo nang abutin ng ina ang mga papel na nakapatong sa ibabaw ng mesa. Saglit itong natigilan habang binabasa ang mga gawa niya. “Kailan ka pa nagsimulang magsulat?” tanong nito at tinapunan siya ng matalim na tingin. Napayuko si Nyxie at nahihiyang tinakpan ang kanyang mukha. “Noong nakaraang araw lang po. Sorry, Ma kung hindi ko po agad sinabi sa inyo. Gusto ko lang po talagang sumali sa nalalapit na Writing Contest sa school,” sambit niya. Nitong mga nakaraang araw ay naging abala siya sa pagsusulat ng Manuscript para sa sasalihang contest. Nag-aaral din siya ng tamang pamamaraan sa pagsusulat, mga tamang gamit ng salita at paggawa ng magandang karakter. Lahat ng ‘yon ay ni-research lamang niya online at bagaman alam niyang hindi sapat ang mga kaalamang naipon niya pero hindi ‘yon naging balakid para hindi niya ipinagpatuloy ang ginagawa. “Alam mo ba kung gaano kahirap maging isang writer? Tingnan mo itong karakter mo, kulang sa buhay. At ang unang kabanata mo, hindi tumugma sa plot. Sigurado ka ba talaga na ito ang ipapasa mo sa contest?” Humaba ang nguso ni Nyxie sa sinabi ng ina. Hindi lingid sa kanyang kaalaman na dati itong manunulat kaya hindi na siya magtataka kung gano’n na lamang nito pintasan ang kanyang gawa. Pero ginagawa naman niya ang lahat ng makakaya niya. Nagkataon lang na kulang na kulang pa ang kanyang mga natutunan. “Ma, turuan n’yo po ako ng mga alam n’yo kahit kaunti lang po. Alam kong dati po kayong writer. May mga sarili nga po kayong libro sa loob ng kuwarto n’yo, eh. Sige na, Ma. Please,” pagmamakaawa niya at niyakap ang braso nito. Natigilan ang ina at matagal na natahimik. “Nakita mo ang mga libro ko?” hindi makapaniwalang sambit nito. Ngumiti si Nyxie at sunod-sunod na tumango. Muli niyang inabot ang kamay nito. “Sige na, Ma. Turuan n’yo na po ako.” “Hindi gano’n kadali ‘yon, Nyxie. Isa pa, ayaw kong maranasan mo rin ang lahat ng mga pinagdaanan ko noon,” wika nito bago tinanggal ang kamay niya. Tumayo ito at naglalakad papunta sa pinto. “Ma. . .” “Tigilan mo na ‘yang pagsusulat mo. Mag-aral ka na lang nang mabuti sa halip na ‘yan ang inaatupag mo. Sinasabi ko sa ‘yo, wala ‘yang magandang maidudulot,” sabi nito at agad siyang iniwan. Bagsak ang balikat na nahiga si Nyxie sa kanyang kama. Bakit kaya gano’n ang reaksyon ng kanyang ina? Ano ang mga pinagdaanan nito na ayaw na nitong maulit sa kanya? Dahil walang mahagilap na sagot ay nagpasya siyang bumangon at lumabas ng silid. Naupo siya sa living room at tahimik na hinintay ang pagdating ng ama galing sa trabaho. Halos talunin na niya ito nang makapasok ito sa kanilang bahay. “Papa, may itatanong po ako.” Hindi pa man nahuhubad ng ama ang suot na uniporme ay agad na niya itong hinila paupo. Sinilip niya ang kanyang ina na abala sa paglilinis ng banyo. Nang masiguradong sa iba nakatuon ang pansin nito ay muli niyang pinagbalingan ng tingin ang ama. “Ano ba ‘yan, anak? Nagkasagutan na naman ba kayong dalawa ng Mama mo? Nag-away na naman ba kayo?” “Hindi po sa gano’n, Pa. Gusto ko lang pong malaman kung ano po ang mga nangyari noon at bakit ayaw na ni Mama na magsulat ulit. Magpapaturo po kasi sana ako sa kanya kaso bigla siyang nagalit. Nakapagtataka po, ‘di po ba, rati rin siyang writer?” pabulong niyang tanong sa ama. Narinig niya ang pag buntonghininga nito bago sinilip ang kanyang ina na abala pa rin sa paglilinis. “Sigurado ka ba talaga na gusto mong malaman ang mga nangyari sa Mama mo noon? Baka matakot ka at piliing ‘wag na lang tumuloy sa pagsusulat,” sabi ng ama na bigla niyang ikinatahimik. Gano’n ba talaga kalala ang mga nangyari noon para isipin ng Papa niya na kaya niyang isuko ang pangarap na maging isang writer? Bagaman may nabuong takot sa puso ni Nyxie pero pinili niyang marinig ang kuwento ng ama. Tumahimik siya at matamang nakinig. “Isang mahusay na manunulat ang Mama mo noong panahon namin. Ilan sa mga isinulat niya ang nailimbag at ginawang libro. Sobrang saya niya ng mga panahong iyon at gumawa pa ng mas maraming kuwento. Ngunit ang lahat ng sayang iyon ay biglang naglaho nang minsan ay pasukin ng mga magnanakaw ang kanilang opisina. Halos lahat sa mga isinulat niya ay nawala. Huli na nang malaman niyang nailimbag na ang ilan sa mga kuwento niya ngunit sa ibang pangalan. Nagsampa siya ng kaso noon pero dahil may pera ‘yong kalaban niya na nagkataong matagal na ring may inggit sa kanya ay natalo siya sa kaso. Napunta sa wala ang lahat ng mga pinaghirapan niya noon. Hindi kalaunan ay nagsara na rin ang kompanyang pinagtatrabahuhan niya kaya napilitan siyang maghanap ng ibang trabaho. Simula noon ay hindi na ulit nagsulat pa ang Mama mo. Tuluyan na niyang kinalimutan ang pagmamahal niya sa pagsusulat at ang pangarap niyang maging isang kilalang writer.” Matagal na natahimik si Nyxie. Tila ay bigla siyang nawalan ng boses matapos niyang marinig ang kuwento ng ama. Hindi niya akalain na gano’n kasama ang mga pinagdaanan ng kanyang ina noon. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit pinagsasabihan siya nito at pinipilit na huminto sa pagsusulat. Hindi naging madali ang mga pinagdaanan nito noon at batid niyang iniisip lamang nito ang kanyang kalagayan. “Pero gusto ko pong magsulat,” sambit niya. Ngumiti ang ama at mahinang hinagod ang kanyang likod. Alam niyang isang daang porsyento ang suporta nito sa kanya. “Sige, anak. Ipagpatuloy mo lang ang pagsusulat. Hindi magtatagal ay maiisip din ng Mama mo na porke’t nangyari sa kanya ay mangyayari rin sa ‘yo. Basta, palagi kang mag-iingat. Patunayan mo sa Mama mo na kaya mong maging mahusay na writer kagaya niya,” pagpapalakas ng ama sa kanya. Ngumiti si Nyxie at agad itong niyakap. Masayang-masaya siya dahil naririto ito para suportahan siya. Hiling niya na sana ay gano’n din ang Mama niya. Sana’y dumating ang araw na matatanggap din nito ang mga bagay na gusto niyang gawin. Kinagabihan ay ipinagpatuloy ni Nyxie ang pagsusulat. Muli siyang nagkalap ng mga impormasyon sa internet at kahit papaano ay may mga natutunan naman siya. Nitong nakaraang linggo lamang ay nabasa niya sa website ng Eastville ang tungkol sa papalapit na writing contest. Isa sa mga requirement para mapasama sa listahan ng mga manlalahok ay ang sariling manuscript na magpapatunay na isang ngang manunulat ang sasaling participant. Kaya kahit ngayon pa lamang nagsisimulang magsulat ay pinilit talaga ni Nyxie na makagawa ng kuwento. Hindi ‘yon naging madali para sa kanya lalo na’t nag sa-sariling sikap lamang siya. Minsan ay hindi rin niya maintindihan ang mga nakukuhang impormasyon sa internet. Hindi rin niya alam kung paano i-a-apply ang mga ito sa ginagawang kuwento. May mga pagkakataon na gustong-gusto na niyang sumuko at itigil na lamang ang ginagawa ngunit makalipas ang ilang minuto ay muli niyang babalikan at ipagpapatuloy ang pagsusulat. Pakiramdam niya minsan ay nababaliw na siya. Nasa gano’ng isipin si Nyxie nang bigla na lamang bumukas ang pinto ng kanyang silid. Napatingin siya sa ina na pumasok sa silid at agad na naupo sa kanyang tabi. Inabot nito ang mga nagkalat na papel sa kanyang harapan at muling binasa. “Kinausap ako ng Papa mo at sinabi niyang gustong-gusto mo raw talagang magsulat. Sigurado ka ba talaga na ito ang gusto mong gawin?” tanong nito sa mababang boses. Ngumiti si Nyxie at agad na tumango. Narinig niya ang pag buntonghininga nito. “Mukhang wala na talaga akong magagawa pa. Sige, dahil ito ang gusto mo, ituturo ko sa ‘yo ang lahat ng mga alam ko. Ihanda mo ang sarili mo dahil paniguradong hindi ito magiging madali,” sabi ng ina na biglang ikinalaki ng mga mata ni Nyxie. Mabilis niya itong niyakap at pinaulanan ng halik sa pisngi. “Thank you, Ma. Thank you talaga,” masayang sambit niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD