Chapter 9

2199 Words
DAHAN-DAHANG dumungaw ang ulo ni Nyxie sa pintuan ng kanyang silid. Hinanap ng kanyang paningin ang ina. Nang masilip niya ito sa loob ng kusina at abalang nagluluto ay bumalik siya sa loob. Isinukbit niya ang kanyang backpack at maingat na lumabas ng kuwarto. Pinilit niyang 'wag lumikha ng ingay hanggang sa makarating sa pinto. Araw ng Sabado ay gaya ng sinabi niya kahapon ay pupunta siya sa bahay nina Knoxx para magpaturo. Malapit na ang araw ng eksaminasyon kaya kailangan niyang makahabol sa mga aralin. Hindi na siya nagpaalam pa, alam din naman niyang hindi siya papayagan. Nang matagumpay na makarating sa labas ng pinto ay mabilis siyang tumakbo palabas ng gate. Natigilan siya nang sumalubong sa kanya ang seryosong mukha ni Addy. Ngumiti siya at agad itong nilagpasan. "Saan ka pupunta? Masyado pang maaga, ah." Huminto si Nyxie at nilingon ang kaibigan. Sumenyas siya na 'wag itong maingay. Mahirap na at baka mahuli pa siya ng Mama niya. "Pupuntahan ko si Knoxx, mag-aaral kaming dalawa." Agad na nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Addy sa sinabi niya. Hindi siya sigurado pero parang bigla itong nagalit. "Okay ka lang ba? Ano nga pala ang nangyari sa 'yo kahapon? Nagtataka ang lahat dahil bigla ka na lang umalis nang hindi nagpapaalam." Matagal na natahimik si Addy kaya hindi napigilan ni Nyxie na silipin ang mukha nito. Hindi kaya ay mayro'n itong problema? "Addy." Sinundot niya ang braso nito kaya nag-angat ng tingin ang binata. "Addy, kung may problema—" "Wala akong problema. Okay lang ako, " putol nito sa sasabihin niya. "Eh, bakit gan'yan ang itsura mo? Saan ka pumunta kahapon?" tanong niya. "Nagkita kasi kami kahapon ni Mama. Nagmamadali siya dahil may flight pa siya papunta sa ibang bansa kaya hindi na ako nakapagpaaalam pa. Pasensiya na." Napangiti si Nyxie. Akala pa naman niya ay may problema na ito. Alam niya ang nangyayari sa pamilya ni Addy kaya naiintindihan niya ang saloobin nito. "Basta sa susunod, magpaalam ka. Iniisip tuloy ng iba na lumalayo na ang loob mo sa amin. Nga pala, gusto mo bang sumama kina Knoxx? Sabay na tayong mag-aral doon." "Huwag na. Kumuha kasi ng private tutor si Mama kaya kailangan kong makipagkita sa kanya mamaya. Mag-iingat ka na lang doon," nakangiti nitong sabi bago ginulo ang kanyang buhok. Nagpaalam na siya at agad na tumakbo sa sakayan ng bus. Halos sampung minuto rin ang binyahe ni Nyxie bago makarating sa lugar nina Knoxx. Sumilip siya sa loob ng bahay pero tahimik ito. Marahil, nasa kubo na ito at kanina pa siya hinihintay. "Hija, may kailangan ka ba? Kalalabas lang ni Knoxx." Nabaling ang tingin ni Nyxie sa kanan nang marinig ang pagtawag ng tindera ng Karinderya sa gilid. Lumapit siya rito at agad na napasinghot nang maamoy ang niluluto nito. Agad na kumulo ang kanyang sikmura, hindi pa siya kumakain. "Saan po pumunta si Knoxx?" "Hindi ko rin alam, eh. Pero nagmamadali siyang umalis. Hintayin mo na lang, baka mamaya lang ay nandiyan na rin siya," paliwanag nito. Napaismid si Nyxie at pabagsak na naupo. Saan na naman kaya pumunta ang isang iyon? "Aba'y nakapag-almusal ka na ba?" Nag-angat ng tingin si Nyxie at agad na sinapo ang kanyang tiyan nang bigla itong tumunog. Ngumiti siya at sunod-sunod na umiling. "Siya, um-order ka na. At dahil ikaw ang unang customer ko ngayon ay bibigyan kita ng discount." Mas lalong lumapad ang pagkakangiti ni Nyxie at agad na tumayo. Isa-isa niyang binuksan ang mga nakahanda nitong pagkain at agad na um-order. NAKATUTOK ang tingin ni Tan sa hawak na kubyertos. Mahigit kalahating oras na siyang nakaupo sa harapan ng mesa pero hanggang ngayon ay hindi pa rin niya ginagalaw ang kanyang pagkain. Hindi siya nagugutom. Wala siyang ganang kumain. Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya bago inilapag ang hawak na kubyertos. Nabaling ang kanyang tingin sa mga nakahelirang upuan. Bukod sa kanya ay bakante na ang mga ito. Ilang araw na ba siyang kumakain nang mag-isa? Umiling siya. Hindi nga pala basta araw lang kundi linggo. Ilang linggo na siyang mag-isa at malungkot sa malaking bahay na ito. At napapagod na siya. Pagod na siyang maghintay sa mga taong hindi niya alam kung uuwi pa ba o hindi na. Ang alam ng lahat ay isa siyang masayahin at happy-go-lucky na klase ng tao. Pero lingid sa kaalaman ng mga ito ang lungkot at pananabik na halos araw-araw niyang pinapasan-pansan sa kanyang dibdib. Kahit sa mga kaibigan ay hindi rin niya magawang sabihin ang tunay niyang nararamdaman. Kahit na masaya siya tuwing kasama ang mga ito pero hindi pa rin no'n kayang ikubli ang pananabik niya sa mga magulang. At nagagalit siya sa tuwing pinaparamdam ng mga ito na higit na mahalaga ang perang kinikita ng mga ito sa pagpapatakbo ng kanilang mga negosyo kaysa sa kanya na mismong anak ng mga ito. Halos isang buwan na niyang hindi nakikita at nakakasama ang mga magulang. Kahit ang tumawag at kamustahin lamang siya ay halos nakalimutan na rin ng mga ito. Kaya kahit mahirap para sa kanya ay pinipilit ni Tan na ipakita sa lahat na okay lang siya. Laking pasasalamat na lamang niya na biniyayaan siya ng mga mabubuting kaibigan. Kahit papaano ay unti-unting pinupunan ng mga ito ang kasiyahang sabik siyang maramdaman. Kaya hangga't maaari ay pinipilit niyang panatilihin ang pagkakaibigang iyon. Ayaw niyang dumating ang araw na mawawala ang mga ito at muli siyang maiiwan nang mag-isa. Nang mapagod kakatitig sa kawalan ay inabot niya ang kanyang cell phone na nakapatong sa kanyang tabi. Tinawagan niya si Addy pero hindi ito sumasagot. Ano na naman kaya ang ginagawa ng isang iyon at palaging abala? Kailangan pa naman niya nang makakausap ngayon. "Matawagan nga si Knoxx," sambit niya at agad na hinanap ang numerong tinawagan nito noong araw na hiramin nito ang kanyang cell phone. "Uy, Knoxx. Kumusta? Puwede ba tayong magkita?" bungad niya. "Pasensiya na pero Mama ito ni Knoxx. Papunta kasi ako ngayon sa trabaho." Agad na nanlaki ang mga mata ni Tan nang mapagtantong hindi si Knoxx ang kanyang kausap kundi ang Mama nito. "Sorry po, Tita. Akala ko po kasi si Knoxx. Tita, puwede ko po bang mahingi ang address ng bahay n'yo? Gusto ko po sanang yayaing mamasyal si Knoxx." "Naku, baka hindi ka niya masasamahang mamasyal. Pupunta kasi ngayong araw si Nyxie sa bahay para mag-aral. Pero ibibigay ko na lang sa 'yo ang address ng bahay namin para makapag-usap din kayo." "Salamat po, Tita. 'Wag po kayong mag-alala, hindi ko na po yayayaing mamasyal si Knoxx. Sasabay na lang po ako sa pag-aaral sa kanila." "Mas maganda nga 'yan. Siya, kailangan ko ng ibaba ang tawag. Ipapasa ko na lang sa 'yo ang address ng bahay namin." "Sige po, Tita. Salamat po." Napangiti si Tan nang matapos ang pakikipag-usap sa ina ni Knoxx. Sa totoo lang ay nakaramdaman siya ng kaunting inggit. Mabait ang Mama ni Knoxx at halata sa boses nito na mahal na mahal nito ang kanyang kaibigan. Masuwerte talaga si Knoxx. Maliban sa pagiging matalino ay mayro'n pang kumpleto at masayang pamilya. Malayong-malayo sa klase ng pamilya na mayro'n siya. Bago pa man maiyak si Tan ay tumayo na siya at agad na tumungo sa kanyang silid. Nagbihis siya at inayos ang kanyang mga gamit. Saglit siyang natigilan nang mabaling ang tingin sa ibabaw ng kanyang side table. Napuno ng gadgets ang kanyang silid pero halos hindi rin niya nagagamit ang mga ito. Ngumiti siya at agad na inabot ang kahon ng cell phone na kararating lang noong isang araw. Pinapadala ng Sekretarya ng Daddy niya ang lahat ng mga gadget na ito para may mapaglibangan siya. Hindi naman gagets ang gusto niya, kundi ang mga magulang niya mismo. "Ang hirap kaya niyang tawagan dahil wala siyang cell phone," sambit niya. "Paano kung hindi niya tanggapin 'to? Alam kong hindi siya mapili pero baka kasi isipin niya na iniinsulto ko siya kaya ko ibibigay 'to sa kanya. Paano ko ba ibibigay 'to nang hindi siya tumatanggi?" Muling nabaling ang tingin ni Tan sa ilan pang kahon ng cell phone. Ngumiti siya at kumuha ng tatlo pang kahon saka ipinasok sa loob ng kanyang bag. Bibigyan na lamang niya ang iba pang mga kaibigan nang sa gano'n ay hindi mahiya si Knoxx na tanggapin ang kanyang regalo. Kasama ang kanyang driver na si Manong Ben ay nagpahatid si Tan sa address na ibinigay ng Mama ni Knoxx. Medyo masikip ang looban kaya nagpasya siyang maglakad na lamang. Pinauwi na rin niya si Manong Ben at tatawagan na lamang niya ito mamaya kapag susunduin na siya. Hindi napigilan ni Tan ang mapangiti habang pinapanood ang mga batang naghahabulan sa gilid. May mga naglalaro rin ng basketball sa maliit na court kaya napahinto siya saglit para panoorin ang mga ito. "Ano? Sali na tayo." "Pero kulang tayo ng isa. Kuya, gusto mo bang maglaro ng basketball?" Napalingon si Tan nang maramdaman ang pagkalabit sa kanyang damit. Lumingon siya at nakita ang grupo ng mga batang lalaki na nakatayo sa kanyang likuran. Hula niya ay nasa dose o trese ang edad ng mga ito. Hindi nalalayo sa edad niyang disiseis. "Kulang kami ng isa kaya baka gusto mong sumali?" maangas na sabi ng batang kulay pula ang damit. Napangiti si Tan at agad na hinabilin ang kanyang bag sa tindero ng kwek-kwek sa gilid. "Sige, tara!" pagyayaya niya sa mga ito. Lumapit ang batang nakapula sa mga batang naglalaro ng basketball at nang pumayag ang mga ito na sumali sila ay nakipag-apir pa ang mga ito sa kanya. Pumwesto na sila. Nang mapunta sa kanila ang bola ay mabilis silang tumakbo papunta sa kanilang ring. Mabilis na humarang ang mga kalaban kaya ipinasa ng batang naka-asul ang bola kay Tan. At dahil natural siyang matangkad ay naipasok niya ito nang walang kahirap-hirap. "Boo! Ang galing mo, Kuya! Basketball player ka ba?" Natigilan si Tan sa tanong ng batang kulay itim naman ang damit. Hindi niya kilala ang mga ito kaya tatawagin na lamang niya ang mga bata ayon sa kulay ng suot nitong damit. Nagpatuloy na ang laban kaya tumakbo na rin si Tan. Hindi sa nagmamayabang pero mahusay siya sa larong basketball. Kahit hindi siya sumasali sa mga laro sa loob ng Akademya pero mayro'n siyang sariling basketball court sa likod ng kanilang bahay. Madalas niyang kalaro sina Manong Ben at iba pa nilang mga guwardiya. Hindi niya nakakalaro si Addy dahil madalas itong abala sa pag-aaral. Hindi naman puwedeng sina Nyxie at Sab ang yayayain niyang mag-basketball. Kaya nga masayang-masaya siya na naging kaibigan niya si Knoxx. Alam niyang hindi nalalayo ang mga interes nilang dalawa. "Shoot!" sigaw ni Pula nang itira nito ang bola. Napasigaw ito nang hindi umabot sa ring ang bola at naagaw ng kalaban. Nilapitan niya ito at tinapik sa balikat. Alam niyang larong pambata lang 'to pero kailangan ng seryosohin ni Tan ang laban. Dalawang puntos na lang at mananalo na ang mga kalaban nila. Kailangan nilang humabol ng sampung puntos. Nang akmang ititira ng kalaban ang bola ay mabilis itong hinarangan ni Tan. Sinubukan nitong i-shoot ang bola ngunit dahil matangkad siya ay agad niyang naharang ang pagpasok ng bola sa ring. Napasigaw ang mga kasama niya kaya agad niyang ipinasa ang hawak na bola kay Itim. Tumakbo ito papunta sa kabilang court at agad na ipinasok ang bola sa ring. "Yes! Ang galing-galing mo talaga, Kuya!" tuwang-tuwang sabi ng mga ito. Puro depensa lang ang ginawa ni Tan. Hinaharangan niya ang mga kalaban at inaagaw ang hawak na bola saka ipapasa sa mga kasama. Hinahayaan niyang ang mga ito ang gumawa ng puntos. Hanggang sa naging tabla na ang laban. Dalawang puntos na lang para sa magkabilang panig. Hawak ni Asul ang bola pero hinarangan ito ng kalaban kaya napilitan itong ipasa kay Pula. Malakas na ang depensa ng kabilang panig at dalawa agad ang humarang kay Pula. Nabaling ang tingin nito kay Tan. Ngumiti ang binata kaya ipinasa nito ang bola sa kanya. Lumapit ang mga kalaban at agad siyang hinarangan. Hindi magawang makalapit ni Tan dahil sa pagharang ng mga ito. Nang wala ng magawa pa ay napilitan si Tan na itinira ang bola papasok sa ring mula mismo sa kanyang kinatatayuan. Sa kasamaang palad ay pumasok ito. Sila ang nanalo sa laban. Tuwang-tuwa naman ang mga kasama niya at binalak pa siyang buhatin. 'Di nga lang natuloy dahil mabigat daw siya. "Dahil nanalo tayo, tara, libre ko kayo," pagyayaya niya. Tinawag na rin niya ang mga nakalaban nila at niyayang kumain sa maliit na tindahan sa hindi kalayuan. "Tan?" Napalingon si Tan nang marinig ang boses ni Knoxx. "Ano'ng ginagawa mo rito? Bakit mo kasama ang mga bubwit na 'to?" "Hoy! Kuya Knoxx, hindi na kami bubwit. Tapos na kaya kaming magpatuli," sabat ni Pula. "Nga pala, tinawagan ko ang Mama mo. Yayayain sana kitang mamasyal kaso sabi niya, mag-aaral daw kayong dalawa ni Nyxie—" "Naloko na! Si Nyxie nga pala!" sambit nito at mabilis na tumakbo palayo. Dumukot ng pera si Tan at agad na inabot kay Pula. Inutusan niya itong bayaran ang mga kinain nila. Dinampot na rin niya ang kanyang bag at agad na sinundan ang tumatakbong si Knoxx.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD