Chapter 29

1680 Words
“ANO’NG GINAGAWA mo rito?” bungad ni Kevin sa kasintahang si Hana. Nakaupo ito sa sofa at nakadekwatro habang matalim na nakatitig sa kanya. “Kanina pa kaya kita tinatawagan but you are not answering your phone. Nag-aalala ako na baka kung ano na ang nangyari sa ‘yo kaya tumungo agad ako rito sa bahay mo. I was on my way to work at medyo late na ako pero inuna pa rin kita. Ano ba ang ginagawa mo, ha? Bakit hindi mo sinasagot ang mga tawag ko?” Bakas ang inis sa boses nito. Napabuga ng malalim na paghinga si Kevin saka naupo sa tabi nito. Kinuha niya ang kamay ng kasintahan at mahigpit na hinawakan. “Pasensiya na. Medyo abala lang ako sa paggawa ng mga Instructional materials at PowerPoint presentation. Alam mo namang next week na ang pasukan, ‘di ba?” malumanay niyang sabi. Umikot ang mga mata nito bago naghalukipkip. “Fine. Basta next time, sagutin mo agad ang tawag ko para hindi ako nag-aalala sa ‘yo, okay?” Ngumiti si Kevin at sunod-sunod na tumango. “I have to go now. Late na talaga ako para sa photoshoot.” Hinalikan siya nito sa labi pero sa halip na gantihan ang halik nito ay hindi gumalaw si Kevin. Napansin iyon ni Hana kaya nagtataka itong pinagmasdan siya. “What’s wrong? May problema ba?” “Wala. Medyo pagod lang ako. Sige na, baka ma-late ka na,” sabi niya at hinatid na ito palabas. “Kung ‘wag na lang kaya akong pumasok ngayon since I’m already late? Let me stay here for a while. I want to be with you.” Pumulupot ang mga braso nito sa kanyang leeg saka muling inabot ang kanyang labi. Mabilis na iniwas ni Kevin ang kanyang mukha at tinanggal ang mga braso nito. “Hindi ka puwedeng umabsent. Alam mo namang maraming staff at model ang naghihintay sa ‘yo. Sige na, pumasok ka na,” paliwanag niya. Hindi puwedeng manatili si Hana sa kanyang bahay lalo na’t naririto rin si Viola. Malaking g**o kapag nakita nito ang babaeng pinagseselosan na nakahiga sa kanyang kama. Paniguradong magwawala si Hana at kung anu-ano na naman ang iisipin sa kanilang dalawa ni Viola. “Fine. Pero didiretso ako rito mamaya after work. Dito ako matutulog, okay?” Ngumiti siya at sunod-sunod na tumango. Nagpaalam na ulit ito kaya hinatid na niya ang kasintahan hanggang sa kotse nito. Nang makabalik sa loob ng bahay ay sinigurado na ni Kevin na naka-lock nang mabuti ang pinto bago tumakbo pabalik sa kinaroroonan ni Viola. Napabuga siya nang malalim na paghinga at naupo sa tabi ng babae. Mahimbing na ang tulog nito at maaliwalas na rin ang mukha. Napangiti siya at marahang hinawi ang mga nagkalat na buhok sa gilid ng pisngi nito. Matagal niya itong tinitigan. “Kung alam mo lang kung gaano kita kamahal, Viola,” sambit niya. Nagpatuloy siya sa pagtitig dito bago tumayo. Lumabas siya ng silid at tumungo siya sa kusina. Nagluto siya ng sopas. Naghanda na rin siya ng pananghalian at sinadya niyang damihan iyon para kay Viola. Kailangan nitong kumain nang marami para mahimasmasan sa gutom. Mag-a-alas dose ng tanghali nang balikan ni Kevin si Viola bitbit ang niluto niyang sopas. Hindi niya napigilan ang mapangiti nang makitang halos komportable na ito sa kanyang kama. Bahagya itong nakatagilid kaya nasilip niya agad ang maganda nitong mukha. “Viola.” Matapos ipatong sa ibabaw ng side table ang dalang sopas ay ginising na niya ito. Gumalaw ito at ilang saglit pa ay tuluyan nang nagmulat ng mga mata. Natigilan ito nang makita siyang nakatitig dito. Umikot ang paningin nito sa buong kuwarto at agad na napabalikwas ng bumangon. Gulat na gulat itong napatitig sa kanya. “N-nasaan ako?” “Nakalimutan mo na ba? Dinala kita rito sa bahay. Nahimatay ka kaya hinayaan na muna kitang magpahinga. Kumain ka na, alam kong nagugutom ka na.” Marahan itong umiling. “Hindi. Hindi ako dapat nandito. Aalis na ako,” sambit nito at nagmadaling tumayo. Hinuli ni Kevin ang kanang kamay nito at mahigpit na hinawakan. Natigilan ito sa ginawa niya at kunot-noo siyang pinagbalingan ng tingin. “Huwag kang umalis. Samahan mo muna ako rito, kahit ngayon lang.” Puno ng pagmamakaawa ang kanyang boses. “Bitawan mo ako, Kevin. May girlfriend ka na. Mali na nand—” “Viola, wala naman tayong ginagawang masama. Ang gusto ko lang naman ay makasama ka. Sige na, dumito ka muna.” “Hindi puwede.” Hinila nito ang kamay mula sa pagkakahawak niya pero mas lalo lang humigpit ang hawak ni Kevin. Hindi siya papayag na basta-basta na lang itong aalis. Marami pa siyang mga katanungan na hindi pa nito nasasagot. “Viola, dumaan ako kanina sa bahay n’yo. May kinuha akong gamit ni Knoxx at dinala sa Lab. Viola, ipina-DNA ko ang anak mo,” wika niya na biglang ikinalaki ng mga mata nito. Dahan-dahan itong napaupo habang hinahagilap ang mga salitang dapat nitong isasagot sa kanya. “B-bakit mo ginawa ‘yon?” Nagsimulang mamuo ang mga luha sa gilid ng mga mata nito kaya biglang naalarma si Kevin. Humigpit ang pagkakahawak niya sa mga kamay nito at hindi malaman ang gagawin nang bigla itong humikbi. “Viola. . .” “Kevin, nakikiusap ako sa ‘yo. Parang awa mo na, huwag mong ituloy ang DNA. Huwag mong gawin sa ‘kin ‘to. Pakiusap, huwag mong ipa-DNA ang anak ko. Hindi puwede. Hindi puwede.” Lumakas ang pag-iyak nito at walang pasabi na biglang lumuhod sa kanyang harapan. Mabilis niya itong inakay patayo subalit nagmatigas ito. “Viola, tumayo ka.” Matigas itong umiling kaya wala na ring nagawa pa si Kevin kundi ang lumuhod sa harapan nito. Hinawakan niya ang magkabila nitong pisngi at maingat na pinunasan ang mga luhang lumalandas sa pisngi nito. “Viola, bakit? Bakit hindi ko puwedeng ituloy ang DNA? Kung talagang anak ni Billy si Knoxx, wala kang dapat na ikatakot. Ginagawa ko lang naman ‘to kasi gusto ko lang masagot ang mga katanungang gumugulo sa isipan ko. Gusto kong maliwanagan. At mangyayari lamang ‘yon kapag hawak ko na ang resultang nagsasabing wala nga kaming kinalaman ni Knoxx sa isa’t isa. Kasi ang g**o na talaga, Viola. Alam kong walang nangyari sa ating dalawa noon pero bakit nakuha ni Knoxx ang buong mukha ko? Nalilito na rin ako at nahihirapan,” malumanay ang boses na sabi niya. Tumitig si Viola sa kanya at mahigpit na hinawakan ang kanyang kamay. “Kevin, wala kang dapat na patunayan. Anak ni Billy si Neo. Anak niya, kaya pakiusap, tama na. Huwag mo ng ituloy ang DNA. Parang awa mo na.” Nagpatuloy ito sa pagmamakaawa. Napabuga ng malalim na paghinga si Kevin. Hindi niya alam kung bakit ayaw nitong ituloy ang DNA gayong inamin naman nitong anak ni Billy si Knoxx. Dahil sa kinikilos ni Viola ay mas lalo lamang lumalakas ang hinala niyang may tinatago ito sa kanya. Mas lalong hindi niya puwedeng itigil ang DNA hangga’t hindi niya nalalaman ang buong katotohanan. Mawawala lamang ang pagdududa niya oras na hawak na niya ang resulta ng test. Nagpatuloy sa pag-iyak si Viola kaya niyakap na lamang niya ito nang mahigpit. Naipikit niya ang kanyang mga mata nang gumanti ito ng yakap sa kanya. Marahan niyang hinaplos ang likuran nito hanggang sa napagod din ito sa kakaiyak. “Gusto ko nang umuwi,” sambit nito sa namamaos na boses. Nabitawan ni Kevin ang babae at tinulungang makaupo sa ibabaw ng kama. “Kumain ka muna—” “Ayoko,” matigas nitong sabi. “Kapag hindi ka kumain, tatawagan ko si Knoxx. Ipasusundo kita sa kanya.” Nag-angat ito ng tingin at matagal na tumitig sa kanyang mga mata. Inabot ni Kevin ang nakapatong na sopas sa ibabaw ng side table at ibinigay rito. Nag-alangan pa ito noong una pero hindi kalaunan ay nagsimula na rin itong kumain. Mabagal ang bawat pagsubo nito na tila ay nasa gitna ng malalim na pag-iisip. Hindi na lamang ito inabala pa ni Kevin at hinintay na matapos. Muli itong nagyayang umuwi kaya hinanda na rin niya ang kanyang sasakyan. “Mag-bu-bus na lang ako,” wika nito at agad siyang tinalikuran. Napabuga ng malalim na paghinga si Kevin bago hinawakan ang braso nito. Napalingon si Viola at tinitigan siya na walang kahit na anong ekspresyon sa mukha. “Huwag ka ng magmatigas. Ihahatid na kita sa inyo. Alam kong hindi ka pa rin okay kaya gusto ko lang masiguro na makakauwi ka nang ligtas. Pakiusap, Viola. Kahit para na lang sa mga pinagsamahan natin noon,” pagmamakaawa niya. Hindi ito nagsalita pero agad ding pumasok sa loob ng kanyang kotse. Sumunod na rin si Kevin at agad na binuhay ang makina ng sasakyan. Buong biyahe na tahimik lamang ito hanggang sa makarating sila sa labasan. Hindi na nito hinintay pa na makalabas siya ng sasakyan at nauna na sa pagbaba. Agad niya itong sinundan at inalalayan. “Kaya ko na kaya makakauwi ka na. Salamat sa paghatid,” mahinang sambit nito at pasimpleng tinabig ang kanyang kamay. “Ihahatid na kita sa bahay n’yo. Kailangan ko rin namang kausapin si Knoxx.” Muli itong natigilan sa sinabi niya. “Ano’ng sasabihin mo sa anak ko? Wala kang sasabihin sa kanya, Kevin,” inis nitong sabi. “Don’t worry, it’s not about the DNA. Kailangan ko lang talaga ng kakampi para mapilitan kang tanggapin ang inaalok kong trabaho. ‘Yon lang,” aniya. “Bakit ka ba kasi namimilit? Ayoko ngang magtrabaho sa ‘yo.” “Ayoko lang na mangyari ulit sa ‘yo ang mga nangyari kanina, Viola. Kapag nasa factory ka, panatag ang loob ko. And besides, mas mataas ang sahod ‘pag doon ka magtrabaho. Isipin mo na lang na tulong ko ito para sa inyong dalawa ni Knoxx. Tanggapin mo ang inaalok ko, alang-alang sa anak mo,” paliwanag niya. Hindi ito nagsalita at nagpatuloy sa paglalakad. Hindi na rin umimik pa si Kevin saka ito sinundan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD