Chapter 17

1730 Words
PASIPOL-SIPOL si Knoxx habang abala sa paglilinis ng kubo. Pasado alas onse na rin ng tanghali at mayamaya lamang ay darating na si Teacher Kevin para sa kanilang review. Binilisan na niya ang ginagawa at agad na naligo. Ayaw niyang mag-amoy pawis mamaya. “Nakabihis ka, may lakad ka ba?” tanong ng ina habang abala sa pag-aayos ng mesa. Tinulungan na niya ito at agad na inakay paupo. Araw ng pahinga nito kaya buong araw rin niyang makakasama ang ina sa loob ng kanilang bahay. “May review po kami para sa nalalapit na Math contest,” sagot niya at nag-abot ng kanin. “Baka naman masyado mo nang sinasagad ang sarili mo sa pag-aaral, anak. Kung magbakasyon ka kaya muna sa Lola mo? Mabuti na rin ‘yon nang makapag-relax ka,” sabi nito. “Hindi po puwede. Next week na po ang contest namin at kailangan ko pa pong mag-review nang mabuti.” “Gano’n ba? Kung pagkatapos kaya ng contest? Gusto mo bang ihatid kita sa bahay ng Lola mo?” Natahimik si Knoxx sa sinabi ng ina. Hindi siya puwedeng pumunta sa bahay ng Lola niya sa susunod pang Linggo. Gaya ng sinabi niya ay hahanapin niya ang kanyang ama. Kulang ang panahon niya sa paghahanap kapag may pasok kaya ngayon na bakasyon na ay susulitin niya ang mga araw na mahanap ito, lalo na ngayon na katuwang niya sa paghahanap ang kanyang mga kaibigan. “Pero kung talagang busy ka, okay lang. Tumawag lang kasi no’ng nakaraang araw ang Lola mo. Miss na miss ka na raw niya.” “Huwag po kayong mag-alala, dadalawin ko na lang po si Lola kapag wala na po akong masyadong ginagawa.” “Siya, kumain ka nang marami. Kailangan mo ng lakas para sa review n’yo.” “Opo.” Pagkatapos magligpit ng pinagkainan ay bumalik si Knoxx sa kanyang silid. Kinuha niya ang kanyang backpack at mga reviewer saka lumabas ng kuwarto. Saktong narinig niya ang pagkatok sa pinto kaya nagmadali siyang buksan ito. Bumungad sa kanya ang nakangiting mukha ni Teacher Kevin. “Sir Kevin, pasok po kayo,” sabi niya at nilakihan ang pagkakabukas ng pinto. Pumasok ang guro at agad na umikot ang paningin sa buong bahay. “Neo, sino ‘yan—” Nilingon ni Knoxx ang kanyang ina at kitang-kita niya kung paano namutla ang mukha nito nang makita si Teacher Kevin na nakatayo sa kanyang tabi. Nabitawan nito ang hawak na baso na lumikha ng malakas na tunog. Bumagsak ito sa sahig at agad na nabasag. “Ma!” Nagmadali si Knoxx na lapitan ang ina at mabilis na hinawakan nang maramdaman niyang babagsak ito. Lumapit na rin si Teacher Kevin at nang akma nitong hahawakan ang kanyang ina ay agad itong umiwas. “N-Neo, d-dalhin mo muna ako sa kuwarto. Gusto ko lang magpahinga,” basag ang boses na sabi nito. “Opo.” Inakay niya ang ina papasok sa silid nito. Hiniga niya ito sa kama at agad na kinumutan. “Ma, okay lang po ba kayo? Ano po bang nararamdaman n’yo?” nag-aalala niyang tanong. “Okay lang ako, anak. Siguro napagod lang ako sa trabaho. Sige na, bumalik ka na sa labas. Kailangan mo pang mag-review.” “Pero—” “Huwag mo na akong isipin. Itutulog ko lang ‘to at bubuti na agad ang pakiramdam ko. Sige na, mag-aral kang mabuti,” sabi nito saka siya tinulak nang bahagya. Wala na ring nagawa pa si Knoxx kundi ang lumabas ng silid. Naabutan niya si Teacher Kevin na nililinis ang nabasag na baso kaya agad niya itong nilapitan at tinulungan sa pagliligpit. “Kumusta na ang Mama mo?” “Medyo napagod lang po siya sa trabaho. Pero magiging okay rin po siya. Gagawan ko na lang po siya ng tsaa mamaya para bumuti na ang pakiramdam niya,” sagot ni Knoxx saka ipinatong ang mga basag na bubog sa ibabaw ng lababo. Mamaya na niya ito itatapon kapag natapos na ang kanilang review. “Gano’n ba?” Ngumiti ito kaya dinala na ni Knoxx si Teacher Kevin sa kubo. Doon sila namalagi habang nag re-review sa papalapit na contest. “Mabilis ka talagang matuto, Knoxx. Alam mo, noong kasing edad mo ako, gan’yan din ako kabilis. Kaso, nitong nakaraang mga taon ay unti-unti nang nanghihina ang utak ko. Siguro, gano’n talaga kapag tumatanda ka na.” Mahina itong tumawa at pinagmasdan ang kanyang mukha. Hindi niya mawari pero may nababasa siyang kalungkutan sa mga mata nito. “Alam mo, nakikita ko talaga ang sarili ko sa ‘yo.” Simple pero may kahulugan ang mga salitang binitawan nito. Hindi nakapagsalita si Knoxx at sinalubong ang tingin ng guro. Mayamaya pa ay tumawa ito at nagbigay ng panibagong gawain. Tahimik itong sinagutan ni Knoxx at kahit hindi siya mag-angat ng tingin ay alam niyang nakatitig pa rin sa kanya si Teacher Kevin na wari’y iniinspeksyon nitong mabuti ang kanyang kabuuan. “Sir Kevin, maiwan ko na po muna kayo. Kukuha lang po ako ng meryenda sa loob,” paalam ni Knoxx makalipas ang halos dalawang oras na pag-aaral. Ngumiti ang guro at agad na tumango. Tumungo siya sa kusina at doon ay bumungad sa kanya ang bagong gawang sandwich at dalawang baso ng juice. Lumingon siya sa silid ng ina. Marahil ay ito ang naghanda ng meryenda para sa kanilang dalawa ni Teacher Kevin. Sa halip na bumalik sa kubo ay saglit na natigilan si Knoxx habang nakatitig sa basag na baso na ipinatong niya kanina sa ibabaw ng lababo. Hindi siya puwedeng magkamali. Kitang-kita niya kanina kung paano namutla ang mukha ng kanyang ina nang makita nito si Teacher Kevin. Muntik pa itong bumagsak sa sahig kung hindi lang siya naging maagap na saluhin ito. Bakit kaya biglang nagkagan’on ang Mama niya? Kahit si Teacher Kevin ay nag-iba rin ang kilos matapos ng pangyayaring iyon. Ano ba ang nangyayari sa mga ito? “Mukhang kailangan ko na ring magpahinga. Ilang araw na ba akong walang tigil sa pag-aaral? Kung anu-ano na rin ang naiisip ko,” aniya at nagpasyang bumalik na sa kubo. “Sir Kevin, mag meryenda po muna ka—” Hindi natuloy ang sasabihin ni Knoxx nang makita ang maliit na bagay na hawak ng guro, ang litrato ng kanyang ama. Marahil ay nakita nitong nakaipit doon sa kanyang kuwaderno kaya kinuha nito at pinagmasdan. “May picture ka rin pala ni Billy,” sabi nito dahilan para mapaupo si Knoxx. “Kilala n’yo po ang Papa ko?!” bulalas niya. “Siya ba ang. . . Papa mo?” tanong nito sa mababang boses. Tumango si Knoxx. “Opo. Sir Kevin, paano n’yo po nakilala ang Papa ko? Alam n’yo po ba kung nasaan siya?” sunod-sunod niyang tanong. Ibinaba ng guro ang hawak na litrato saka ibinalik sa loob ng kanyang kuwaderno. Tipid itong ngumiti bago siya hinarap. “Magkaklase kaming tatlo nina Billy at ng Mama mo noong High School. Magkasintahan silang dalawa ng Mama mo at malapit ko namang kaibigan si Billy. Sa totoo lang, pagkatapos ng graduation ay wala na rin akong narinig na balita sa kanilang dalawa. Lumipat na rin kasi ako sa Tita ko para doon mag-aral. Akala ko nga nagpakasal silang dalawa at bumuo ng pamilya. Hindi ko alam na, iniwan pala kayo ni Billy,” pagkukuwento nito. Unti-unting nabura ang ngiti sa labi ni Knoxx nang marinig ang tugon ni Teacher Kevin sa kanyang tanong. Buong akala niya ay matutulungan na siya nito sa paghahanap sa Papa niya. Ngunit katulad niya ay wala rin pala itong alam sa kinaroroonan ng kanyang ama. “Huwag kang mag-alala, susubukan ko ring magtanong-tanong sa mga kaklase namin noon. Itatanong ko ang tungkol sa Papa mo, baka mayro’n silang alam. Kapag may nakuha akong impormasyon tungkol sa kanya, sasabihin ko agad sa ‘yo.” “Talaga po, Sir Kevin? Thank you po.” Tumango ang guro at inabot ang sandwich na ginawa ng Mama niya. Kumain na rin si Knoxx at tahimik na pinagmasdan ang guro. Ilang beses niya itong nakitang humugot ng malalim na paghinga. Marahil ay pagod na rin ito. Mula sa Akademiya, papunta kay Addy at hanggang sa kanya. Sigurado siya na gusto na rin nitong magpahinga. “Sir Kevin, kaya ko na pong mag self-review. Mukhang pagod na po kayo.” Nag-angat ito ng tingin at sunod-sunod na umiling. Hindi pa raw ito pagod at kailangan pa nilang pagtuunan ng pansin ang mga mahihirap na topiko. Hindi ito aalis hangga’t hindi pa tapos ang oras na inilaan nila sa pag re-review. Kaya nang matapos mag meryenda ay muli silang bumalik sa pag-aaral. “Neo. . .” Natigil sa pagsusulat si Knoxx nang marinig ang boses ng kanyang ina na nagsalita sa kanilang likuran. Sabay silang napalingon ni Teacher Kevin at tinitigan ang kanyang ina. “Ma.” “Aalis muna ako, ‘nak. Pupuntahan ko si Lola Gloring sa bahay nila. Schedule ngayon ng massage namin kaya baka gabihin ako ng uwi. Nakapagsaing na rin ako kaya mauna ka ng kumain ‘pag nagutom ka,” paalam nito. “Ma, okay na ba ang pakiramdam mo? Ako na lang po ang pupunta kay Lola Gloring. Mayamaya lang, matatapos na rin po kami.” “Okay na ako. Mas lalo lang sasama ang pakiramdam ko ‘pag nagkulong ako rito sa bahay. ‘Wag ka ng mag-alala. Magpapahatid na lang ako kay Boboy mamaya,” sabi nito at tinapunan ng tingin si Teacher Kevin. Tipid itong ngumiti bago muling ibinalik ang tingin sa kanya. “Sige po. Pero susunduin ko po kayo mamaya. Hintayin n’yo po ako roon. ‘Wag na ‘wag po kayong umalis nang hindi ako dumarating.” “Oo na, hihintayin kita. Pasensiya na sa abala, Sir K-Kevin. Aalis na ako.” Pagkasabing iyon ng kanyang ina ay nagmadali itong bumalik sa loob ng bahay. Napabuga nang malalim na paghinga si Knoxx bago pinagbalingan ng tingin ang guro. Natigilan siya nang makitang natulala ito kakatitig sa direksyon kung saan nanggaling ang kanyang ina. “Sir Kevin,” tawag niya dahilan para matauhan ito. “Oh?” “Okay lang po ba kayo?” “Oh, okay lang. Saan na nga ba tayo?” Naupo itong muli saka binuklat ang librong nakalatag sa kanilang harapan. Naupo na rin si Knoxx at muling nakinig sa mga paliwanag nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD