Chapter 18

1994 Words
“KUMUSTA po ang massage ninyo ni Lola Gloring?” tanong ni Knoxx sa ina habang nagtutupi ito ng mga labahin. Kararating lang nila galing sa bahay ng mag-lola at gaya ng ipinangako niya ay sinundo niya agad ito pagkaalis na pagkaalis ni Teacher Kevin. “Medyo pumapayat na si Lola Gloring, ‘nak. Masyado na rin siyang nanghihina. Mukhang kailangan na niyang huminto sa pagbebenta ng kandila sa kanto. Baka mas lalo lang bumigay ang katawan niya kapag nagpatuloy siya sa pagtatrabaho.” Natahimik si Knoxx sa sinabi ng ina. Si Lola Gloring ang tumatayong magulang ni Boboy. Bagamat pinipilit ng bubwit na maghanap ng pagkakakitaan para matustusan ang mga pangangailangan nila araw-araw pero kulang na kulang pa rin ang perang naiuuwi nito. Kaya para makatulong sa apo ay naglalako naman ng kandila sa kanto si Lola Gloring kahit pa matanda at mahina na ito. “Hindi ko na alam kung paano ko pa matutulungan si Lola Gloring gayong walang-wala rin tayo. Sana talaga may magdilang-anghel at tulungan ‘yong mag-lola.” “Huwag po kayong mag-alala. Maghahanap po ako ng paraan para matulungan sina Lola Gloring at Boboy,” aniya. Susubukan niyang kausapin si Tan hinggil dito. Alam niya kung gaano kabusilak ang puso ng kaibigan kaya batid niyang may magagawa ito para sa mag-lola. “Kumusta na nga pala ang pag-aaral mo?” “Okay lang po, Ma. Babalik po rito bukas si Sir Kevin para sa review namin.” “Gano’n ba?” “Ah, nga pala, Ma. Nasabi ko po kay Sir Kevin ang tungkol sa Papa ko. Susubukan raw niyang magtanong-tanong sa mga dati n’yong kaklase. Kapag may balita raw siya tungkol sa Papa ko ay ipapaalam niya agad sa akin.” Tumigil sa pagtutupi ng mga damit ang kanyang ina at tinapunan siya ng seryosong tingin. Kapagkuwan ay ngumiti ito at hinaplos ang kanyang likod. Tumayo na rin ito at ipinasok sa loob ng kabinet ang mga tinuping damit. “’Nak, bumili ka muna ng ulam sa labas. Nagugutom na kasi ako.” Biglang nabasag ang boses ng ina pero hindi siya sigurado kung umiiyak ba ito dahil nanatili itong nakatalikod. Nang muli itong makiusap ay agad na tumayo si Knoxx at nagpaalam na aalis sandali. Agad siyang lumabas ng bahay at naghanap ng mabibilhan ng ulam sa kabilang kanto. “Knoxx!” Agad na napalingon si Knoxx nang marinig ang boses ni Tan na sumigaw mula sa gilid. Kumaway ito at agad na tumakbo papunta sa kanya. “Tan, ano’ng ginagawa mo rito?” nagtataka niyang tanong. Pasado alas sais na ng gabi kaya nakapagtataka na nagliligalig pa rin ito. “Nakakabagot kasi sa bahay. Mag-isa lang ako roon at wala man lang makausap. Puro computer na nga ang inatupag ko buong araw pero parang may kulang pa rin. Puwede ba akong makitulog sa inyo kahit ngayong gabi lang?” Natahimik si Knoxx sa sinabi ni Tan. Wala namang kaso sa kanya kung sa bahay nila ito matutulog ngayong gabi. Kaso nag-aalala siya na baka mahirap itong makatulog gayong alam niya kung gaano kakomportable ang buhay nito. Isang electric fan lang ang mayro’n sa kanyang silid. Wala siyang aircon at maliit lang din ang kanyang kama. Baka mainitan ito at masikipan sa kanyang silid. “Knoxx, sige na. Bored na bored lang talaga ako sa bahay.” Ngumiti si Knoxx at agad na tumango. Hindi magandang ugali kapag tanggihan niya ito. Kaibigan niya si Tan at nararapat na tanggapin niya ito sa kanilang tahanan nang bukal sa loob. Kung talagang hindi nito kakayanin sa kanyang silid, puwedeng-puwede naman silang magpalipas ng gabi sa kubo. Sumama ito pabalik sa kanilang bahay. Ikinagulat ng kanyang ina nang makitang may kasama siya. Pormal niyang ipinakilala si Tan sa ina at mainit naman itong tinanggap ng Mama niya. Sumabay na sa hapunan si Tan. Mabuti na lang at nakapaglinis ng kubo si Knoxx kanina kaya komportable na itong matutulugan. “Ang sarap talaga ng hangin dito sa inyo. Natural na natural.” “Mabuti naman at nagustuhan mo rito. Nga pala, Tan, may hihilingin sana akong pabor sa ‘yo kung okay lang.” “Kahit ano, Knoxx.” Tumagilid si Knoxx at hinarap ang kaibigan. “Naalala mo ba si Boboy? ‘Yong batang pumunta rito noong isang araw?” “Oo, si Pula. Bakit? Ano’ng nangyari sa kanya?” “Ang totoo kasi niyan, nanghihina na ngayon ang Lola niya. Kapag nagpatuloy pa si Lola Gloring sa pagtatrabaho ay baka tuluyan nang bumigay ang katawan niya. Itatanong ko lang sana kung matutulungan mo ba sila? Naawa na rin kasi ako kay Boboy. Sa murang edad, naghahanap-buhay na siya para makatulong sa Lola niya.” “Ako ang bahala, Knoxx. Mag-iisip ako ng paraan para matulungan si Pula.” Napangiti si Knoxx sa sinabi nito. Mabuti na lang talaga at naging kaibigan niya ito. Hindi lamang siya ang tinutulungan ni Tan, pati na rin ang mga taong alam nitong nangangailangan ng tulong. “Salamat, Tan. Malaking tulong ka talaga sa mag-lola,” aniya. “Walang anuman. Huwag mo ng isipin ang tungkol doon. Tutulungan ko si Pula at ang Lola niya. Nga pala, nasabi ni Addy na next week na raw ang Quiz Bee na sinalihan n’yo. Tiwala ako na mananalo kayong dalawa. Pagkatapos ng contest, hanapin na agad natin ang Papa mo. Tumawag na ang isa sa mga koneksyon ko. Nakatutok na rin sila sa paghahanap sa Papa mo. Baka isa sa mga araw na ‘to, may makuha na tayong impormasyon tungkol sa kanya,” paliwanag nito na ikinagiti ni Knoxx. Sana nga talaga ay mahanap na niya ang kanyang ama. Sabik na sabik na siyang makilala at makasama ito. Nagpatuloy sila sa pagkukuwentuhan ni Tan hanggang sumapit ang alas nuwebe ng gabi. Nagpaalam na rin siya na matutulog na dahil may review pa siya bukas. Hindi na rin ito umalma pa at ipinikit na rin ang mga mata. Mayamaya pa ay pareho na silang nakatulog. MABILIS na lumipas ang mga araw. Halos mag-iisang linggo na ring pabalik-balik si Teacher Kevin sa bahay nina Knoxx para sa ginagawa nilang review. Bagamat abala sa pag-aaral ay paminsan-minsan ding dinadalaw si Knoxx ng mga kaibigan sa kanilang bahay. Nangunguna na rito si Tan na halos nasa bahay na nila tuwing hapon o gabi. Madalas din itong nagpapalipas ng gabi sa kanilang bahay at walang naging problema roon dahil na rin sa mag-isa lamang si Tan at hanggang ngayon ay hindi pa rin umuuwi ang mga magulang nito mula sa ibang bansa. Hindi man nagkukuwento pero batid ni Knoxx na malungkot si Tan. Bakas sa mukha nito ang pananabik sa mga magulang at madalas pa niyang nahuhuli na nakatingin sa kanilang dalawa ng kanyang ina. Napansin din iyon ng Mama niya kaya tuwing nasa bahay nila si Tan ay hindi na rin iba ang turing nito sa kaibigan, kundi parang isa na ring tunay na anak. Lumipas ang mga araw at nagpatuloy ang ginagawang paghahanda ni Knoxx para sa papalapit na contest. Nadagdagan pa ang mga review materials na ibinigay ni Teacher Kevin sa kanya na walang palya naman niyang binabasa kapag walang ginagawa o kaya’y bago matulog. “Gusto ko pong maging doktor, Sir Kevin,” sagot ni Knoxx nang minsan siyang tanungin ng guro hinggil sa kursong gusto niyang kunin sa kolehiyo. “Okay ‘yan, Knoxx. Maganda ‘yong may pangarap ka. ‘Yong alam mo talaga kung ano ba ang gusto mong marating sa buhay.” “Pangarap po ‘yon ng Mama ko, Sir Kevin.” Natigilan ang guro at agad siyang pinagbalingan ng tingin. “Oo, nga. Naalala ko, pangarap nga ni Viola ang mag-doktor noon.” “Gusto ko pong maging masaya si Mama kaya gagawin ko po ang lahat upang matupad ang pangarap niya.” “Mahal na mahal mo talaga ang Mama mo. Sa totoo lang, hindi ko maintindihan kung bakit kayo iniwan ni Billy gayong mahal na mahal nila noon ang isa’t isa.” Hanggang ngayon ay naaalala pa rin ni Knoxx ang lungkot na lumandas sa mukha ng guro matapos ang pag-uusap nilang ‘yon. Marahil ay nalulungkot din ito sa paghihiwalay ng kanyang mga magulang. Kahit naman ang mga kaibigan niya ay gano’n din ang reaksyon tuwing napag-uusapan nila ang kanyang ama. Isang araw bago ang kompetisyon ay nakatanggap ng tawag si Knoxx mula kay Addy. Niyaya siya nitong magsimba at mag-alay ng dasal para sa gaganaping Quiz Bee. Namasyal din sila pagkatapos no’n, nag-enjoy at hinanda ang mga sarili. Kinabukasan ay maaga siyang nagising. Napag-usapan nilang tatlo na dadaanan sila ni Teacher Kevin sa kani-kanilang mga bahay at sabay-sabay na pupunta sa venue. “Kinakabahan ka ba?” Nabaling ang tingin ni Knoxx sa ina na abala sa pagbabalot ng kanyang meryenda. Ipinasok iyon ng ina sa loob ng kanyang backpack bago ito inabot sa kanya. “Marami na po akong mga nasalihang contest kaya sanay na po ako sa ganito,” sagot niya. Sa pagdaan ng panahon ay unti-unti na rin niyang nakasanayan ang takot tuwing sasali sa mga kompetisyon. “Basta galingan mo, ah. Gusto ko sanang manood kaya lang ay may trabaho ako. Ipagdarasal na lang kita,” sabi nito at inayos ang suot niyang uniporme sa huling pagkakataon. Sunod-sunod na katok ang narinig nila mula sa labas ng pinto at alam nilang si Teacher Kevin na iyon kaya sabay na silang lumabas. “Knoxx, handa ka na ba?” tanong ng guro. “Opo, Sir Kevin.” Ngumiti ang guro at sunod na nabaling ang tingin sa kanyang ina. “Huwag kang mag-alala, Viola. Hinding-hindi ko pababayaan si Knoxx. Ihahatid ko siya rito mamaya pagkatapos ng Quiz Bee,” dagdag pa ng guro dahilan para mapangiti ang kanyang ina. Muli siyang nagpaalam bago pumasok sa sasakyan nito kung saan ay tahimik na naghihintay sa loob ang kaibigang si Addy. Halos kalahating oras din silang bumiyahe bago nakarating sa venue. Gaganapin ang kompetisyon sa Northeast Academy, isang kilalang eskuwelahan sa kanilang Distrito. Agad silang gumayak papasok at tumungo sa function hall. Gaya ng inaasahan ay marami ang dumating para manood sa kompetisyon. Dumeretso na rin sila sa back stage kung saan naroroon ang iba pang mga kalahok. Saglit silang iniwan ni Teacher Kevin nang magtipon ang mga School Teachers at School Heads. May oras pa naman bago magsimula ang kompetisyon kaya napagpasyahan nilang dalawa ni Addy na maupo muna sa isang tabi at magkuwentuhan. “Knoxx! Addy!” Sabay na dumako ang paningin nilang dalawa sa audience area nang marinig ang pagtawag ng mga pangalan nila. Mula sa gilid ay nakita nilang nakatayo sina Tan, Sab at Nyxie at kapwa kumakaway sa kanilang dalawa. Agad silang tumayo at pinuntahan ang mga kaibigan. “Knoxx, nagkita rin ulit tayo.” Tumigil sa paglalakad si Knoxx at tinapunan ng tingin ang taong nagsalita. Napabuga siya nang malalim na paghinga nang mapagsino ito. “Flynn,” tipid niyang sambit. “Sumali ka rin pala sa Quiz Bee? Math o Science?” “Math,” diretso niyang sagot. “So, magkalaban pala tayong dalawa,” nakangisi nitong sabi bago lumapit sa kanya. Pinagpag nito ang kanyang uniporme at pasimpleng bumulong. “Kumusta ang paglipat mo ng eskuwelahan? Paniguradong marami ka ng kaibigan. ‘Yong nangyari sa Westward, hindi mo naman siguro gustong kumalat ‘yon, ‘di ba? Simple lang naman ang hihilingin ko sa ‘yo, Knoxx. Magpatalo ka sa contest at mananatiling lihim ang lahat.” Hindi nakapagsalita si Knoxx at nanatiling nakatitig sa dating kaklase. Gaya ng dati ay tinatakot na naman siya nito. “Knoxx.” Sabay silang napalingon. Lumapit si Nyxie kaya agad na napangiti si Knoxx. Tinapunan ito ng tingin ni Flynn bago siya tinapik sa balikat. “Good luck, Knoxx. Magkita na lang ulit tayo mamaya,” huling sambit nito bago tumalikod. Sinundan niya ito ng tingin. “Knoxx, okay ka lang ba?” “Oo, okay lang. Tara, puntahan na natin ang iba,” pagyayaya niya at nauna nang maglakad.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD