Pagsuyo

1268 Words
Pagsuyo Ang simpleng araw sana ng pagsasaya nila Ela sa dagat ay mauuwi pa sa trahedya. Abot-langit na ang kaba nina Jea at Love nang hindi na nila matanaw si Ela dahil lumubog na ito sa tubig. "Ela!" sabay na hiyaw ng natatarantang magkaibigan pati na si Paolo. Ilang minuto na rin kasing hindi lumilitaw si Ela. Dahil sa unpredictable ng alon nahirapan silang tukuyin kung nasaan na si Ela. Mabuti at sa huling sandali, nakita nila ang pag-angat ni Ela sa ibabaw ng tubig, wala na siyang malay. Para silang nabunutan ng tinik nang makita na lumutang rin si Gio mula sa ilalim ng tubig. Sa sobrang taranta nila, pag-aalala, at pakikipagbaka para sagupain ang matataas na alon, hindi na nila napansin ang paglusong ni Gio. Napaka galing pala nitong lumangoy at agad ding nasagip si Ela. Naunang nakarating ng pampang si Paolo dahil siya ang pinakamalapit. Sumunod sila Jea at Love na umahon na rin sa tubig at parang isang kisap-mata na nakarating na rin ng pampang si Gio habang hatak-hatak sa leeg si Ela na walang malay at nang matunton na ang mababaw na parte ng dagat ay binuhat na niya si Ela at dali-daling inilapag sa buhanginan para i-CPR. Aalma pa sana si Paolo dahil ayaw niyang ipahawak si Ela sa kung kaninong lalaki ngunit hindi ito ang tamang oras para pairalin ang selos dahil nasa panganib ang buhay ni Ela. Mukha namang alam na alam ng lalaki ang kanyang ginagawa kaya hinayaan na lang niya ito kahit pa masakit sa paningin niya na lumalapat ang labi ng lalaki sa bibig ni Ela para bugahan ng hangin at ang mga kamay nitong bumobomba sa dibdib ni Ela. "Oh my ghad Ela!" paulit-ulit na sambit nina Jea at Love dahil sa kaba, nerbiyos, at taranta habang pilit na sinasagip ni Gio si Ela. Kaya rin naman ni Paolo gawin ang CPR, dahil minsan na rin silang nalunod ni Ela noong mga bata pa sila. Napag-aralan din nila ito sa kurso niyang Criminology. Naulit na naman ngayon, bakit kasi bigla nitong naisipan ang lumangoy sa dagat? Kapag maayos na ang lahat ay gusto niya itong pagalitan dahil pinakaba siya nito ng husto. Mabuti at sa maka-ilang ulit na ginagawang CPR ng lalaki ay bigla na lang nagmulat ng mata si Ela na parang bumalik ang kaluluwa sa katawan at bumukas ang bibig para sumagap ng hangin. Nagluwa ito ng maraming tubig at umubo nang umubo. Hinawi ni Paolo si Gio para makita ang kalagayan ni Ela. "Ok ka na? A-ano--" hindi magkamayaw sa pagtatanong si Paolo kay Ela habang hawak niya ang magkabila nitong braso. Hirap pa rin ito sa pag hinga. Napayakap na lang si Ela kay Paolo dahil sa pagod, lumaypay ang katawan dahil sa muntikan na siya talagang malunod at kung ilang minuto pa at hindi siya nasagip ay mawawala na talaga siya sa mundo. Isang mahigpit na yakap ang tugon ni Paolo at napa hingang malalim. "Thank God," sabay na sambit nila Love at Jea at nagyakapan din dahil nakahinga na sila ng maluwag. Wala na sa panganib ang buhay ng kanilang kaibigan. Sa wakas napansin na rin ni Ela si Gio, basang-basa ito simula ulo hanggang paa. Bigla niyang naalala habang nakikipag buno siya sa mga alon at pumailalim sa dagat, hindi na siya makahinga at parang mapapatid na ang kanyang hininga, parang natatanaw na niya ang liwanag, akala nga niya ay susunduin na siya ni Kamatayan... naramdaman niya ang pagpulupot ng bisig sa kanyang baywang at paangat siyang dinala sa liwanag. Wala na siyang matandaan pagkatapos no'n. Sa mga tingin ni Gio sa kanya ngayon, sigurado siyang si Gio ang nagligtas sa kanya. Thank you. Sambit ni Ela kay Gio na walang boses matapos kumalas sa pagkakayakap ni Paolo, Isang tipid na ngiti lang ang tugon ni Gio sa kanya at tumayo na rin ito. Gusto sana niyang pigilan ang pag-alis nito ngunit wala pa siyang lakas. Nawala ang lahat ng galit niya sa lalaking hambog na 'yon. Ninakaw man nito ang kanyang first kiss, bumawi naman ito at naging dahilan ng kanyang second life.  Kinagabihan, lalong hindi siya pinatulog ni Gio, ang kanyang knight in shining armor, life-saver, at first kiss... ah hindi lang, first love na yata ang kanyang nararamdaman. Pilit man niyang tanggalin sa isip niya si Gio para matiwasay siyang makatulog ay hindi niya magawa. Lalong tumindi ang pag-iisip niya rito. Bakasyunista lang siya. Nagpapalipas ng oras. Nagsasaya. Huwag na umasa, iiwan ka rin niyan. Masasaktan ka lang. Ito ang sinasabi ng kanyang isip. Taliwas naman ang sinasabi ng kanyang puso. Sayang. First Kiss. Mahal ka no'n, hindi ba halata? Lumandi ka na, huwag mo nang pakawalan, bihira lang dumating ang gaya niya. Antok na talaga ako. Sa huli, ang mata pa rin ni Ela ang nasunod. Tatlong sunod-sunod na gabi na kasi siyang halos walang tulog. Kinabukasan, ginising siya ng dumadagundong na katok ng kanyang nakababatang kapatid na babae na si Riza. Parehong OFW kasi ang kanyang mga magulang kaya silang dalawa na lang ng kanyang kapatid ang naiwan sa bahay. Kaya panay ang habilin sa kanya ng mga ito na mag focus sa pag-aaral. Paulit-ulit at nakakarinding paalala sa kanya na huwag na huwag munang mag bo-boyfriend at maiwasang mabuntis ng maaga. Kaya marahil naging taong-bahay siya at hanggang ngayon ay wala pa siyang naging nobyo at muntikan na ngang maging man-hater. "Ate! Ate! Gising na." Nakakapang-init ng ulo. Parang kakatulog lang niya at sa kasarapan ng tulog niya ay saka naman siya gigisingin. Ano naman kaya ang kailangan ni Riza at dumadagundong ang mga katok nito? Kahit kailan ay hindi pa siya inistorbo ng kapatid sa pag tulog dahil alam nitong nagpupuyat siya sa pag aaral at pagsusulat. "May bisita ka. Pogi!" Napabalikwas si Ela nang marinig niya ang sigaw ni Riza sa likod ng kanyang pintuan. Hindi kaya si Gio iyon? Napa-iling na lang siya at napa yakap sa unan. Si Gio lang talaga ang unang maiisip niya sa salitang 'pogi'. Ano naman kaya ang sadya nito kung sakaling siya nga ang poging sinasabi ni Riza? Napahinto siya sa kinauupuang kama. Hindi kaya it's a prank? Bakit naman kasi siya bibisitahin ni Gio at alam ba nito ang bahay niya? "Tigilan mo 'ko Riza, wala pa 'kong tulog!" bulyaw niya. "Edi bahala ka nga. Ano palayasin ko na 'to? Sayang naman. Ngayon ka na nga lang nagkaroon ng manunuyong maputi, matangkad, at mukhang mayaman--" Napabangon bigla si Ela kahit lutang pa. Saktong-sakto ang paglalarawan ni Riza kay Gio. Baka totoo ngang binibisita siya ni Gio. Dali-dali siyang nag ayos ng sarili. Sa sobrang taranta niya ay nahulog pa siya sa kama nang matisod siya ng kumot. "Sandali lang kamo at ako'y maliligo!" hiyaw niya habang tumatayo mula sa pagkakadapa. Doon siya sa likod-bahay lumabas para tuntunin ang banyo, at mabilisang naligo. Pagkatapos ay kung ano ang nahablot niyang damit mula sa kanyang drawer ay iyon ang kanyang sinuot, nakakahiya man na spaghetti sando at maikling shorts na butas-butas pa ang kanyang nahugot. Pero dahil sa pagmamadali ay hindi na siya nag-abala pang palitan iyon. Mas nakakahiya naman kasing pag hintayin si Gio. Pipihitin na sana niya ang seradura ng pinto nang napatigil siya at napa-isip. Bakit nga ba siya nagkukumahog sa pag bisita ni Gio? Ano na ba ang lagay ng lalaking 'yon sa buhay niya? Bigla niyang naalala ang sabi ng isip niya- aalis din ito at iiwan siya. Masasaktan lang siya kaya habang maaga pa kailangan niya na itong layuan. Susundin ba niya ang sinasabi ng kanyang isip? o mas susunurin ang sinasabi ng kanyang puso? --------------------- TO BE CONTINUED...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD