"Itay naman, wala nga kaming ginagawa nitong si Sir Zeus," aniya at muling lapit kay Zeus.
"Ahhhh-" putol na hiyaw ni Zeus. Nabigla siya sa ginawa ni Kikay. Kitang nanlalaki ang mga mata nito kaya pinigil na ang bibig niya.
"Opo, Itay. Wala po kaming ginagawang masama," segunda na lamang upang bitawan na siya ni Kikay habang tumatagal ang kurot nito ay pasakit nang pasakit.
"Bakit, Itay ang tawag mo sa akin? Anak ba kita?" gilalas ng ama sa boss.
"Po?! Ah, T-Tito?" alanganing wika nito.
"Bakit, Tito? Pamangkin ba kita?" seryosong saad ng ama.
Napapangisi si Kikay dahil mukhang nabaling sa boss ang atensyon ng ama at kita ang pagkamot nito ng ulo bagay na hindi nito ginagawa. Ngunit agad na napawi ang ngiti nang makitang napalingon si Zeus sa kaniya. Kita sa mga mata nito na tila nahingi rin ng saklolo. 'Makakabawi rin,' ngisi niya at humalukipkip na lamang.
"Pumasok na at makapagpahinga," maya-maya ay turan ng ama. Tila naginhawaan ang mukha ng boss sa sinabi ng ama. Saka akmang aalis na nang muling bumaling sa kanila ang ama. "Siya nga pala, hijo. Sasamahan mo ba itong si Kikay sa pagpunta niya sa babaeng kamukha niya?" tanong nito.
"Opo, Tit-" putol nito sabay tingin sa kaniyang ama na noon ay natatawa na sa nakikitang reaksyon ng boss.
"Okay, tawagin mo na akong Tito," turan ng ama na natatawa. Doon ay napansin ng boss na pinagti-trip-an lang ito ng ama.
Napatingin sa kaniya dahilan upang ngumiti siya ng malawak. Upang ipabatid ritong nakaganti rin siya saka nakahalukipkip na sumunod sa amang papasok sa munti nilang bahay.
Naiiling na naiwan si Zeus saka tumingin sa malayo. Madilim na ang buong paligid at mangilan-ilan na lamang ang kabahayang may ilaw. Umupo siya sa ulit sa upuang kawayan at sumandig saka tumingala at pinikit ang mga mata. Ramdam ang simoy ng hangin kaya hindi niya napigilang hindi mapangiti.
Hindi pa rin ganap na nakakapasok si Kikay sa silid nang lingunin ang pinanggalingan. Nakitang hindi sumunod ang boss kaya nag-alala siya at binalikan ito. Akmang lalabas ulit nang makitang tumingin ito sa kawalan habang nakapamulsa saka maya-maya ay dumipa saka sumandig. Tumingala at pinikit ang mga mata nito, tila payapa ang mukha. Lalo pa nang makita ang pagsilay ng ngiti sa labi nito.
Napahawak siya sa hamba ng pintuhan nila at nakatitig sa nakangiti nitong mukha. Nalulugod ang pusong tignan ang guwapo at nakangiting mukha nito. 'Ang guwapo talaga,' kinikilig na turan. Aminin man niya o hindi ay crush niya ito. Sabagay, sino ba naman ang hindi kikiligin sa guwapo, matangkad, maputi at mestisong lalaki. Ito yata ang perpektong halimbawa ng lalaking pangarap ng bawat kabaro ni Eba.
"Hay, naku! Ang sarap-" putol niyang bulong sa sarili nang marinig ang tinig sa kaniyang may punong-tainga.
"Masarap ang alin, anak?" tinig ng ina.
"Inay?" aniya na pigil na pigil ang tinig. Baka kasi magambala ang lalaki at malamang nakamasid siya rito.
"Anong masarap o mas tamang sino?" sita ng ina na noon ay nakatingin na rin sa lalaking tinitignan.
"Naku, Inay talaga. Sabi ko masarap ang inadobo mo. Parang gusto ko ulit mag-ulam ng adobo," katwa rito.
"Sige ba, anak. Huwag kang mag-alala dahil uubusin natin ang manok ng Itay mo," natutuwang saad nito. Doon ay nakahinga siya ng maluwag dahil nawala ang atensyon ng ina sa kaniya. Akmang iiwan na ito upang pumasok na sa silid nila nang sitsitan siya nito.
"Psttt! Akala mo ba ay makakaligtas ka sa akin, Kikay. Alam kong pinagnanasahan mo ang amo mo-"
"Inay?!" sawatang wika saka mabilis na hinila ang inang papasok sa silid. Baka kasi marinig ng amo ang usapan nila at malaman pa nitong may crush siya rito. "Pinagnanasahan talaga, Inay?"
"Bakit, hindi ba?" gagad ng ina.
"Inay naman eh," gagad rito.
Natawa ang ina sa kaniyang reaksyon. "Ayie, dalaga na talaga ang Kikay namin," tudyo nito.
"Inay naman eh, baka marinig ka niya," turan pa rito.
Nakitang napatigil ang ina saka humugot ng malalim na paghinga. Tumitig sa kaniya na tila malalaglag ang luha nito.
"Oh, bakit mukhang iiyak ka na, Inay? Huwag mong sasabihin dadaigin mo na naman si Nora Aunor?" maang dito.
"Si Judy Ann Santos ito," anito at sinusubukan pang patuluhin lang ang isa nitong mata.
Mabilis itong inakbayan. "Inay talaga," aniya sabay yakap dito. "Mahal na mahal ko po kayo ni Itay. Makilala ko man sila, kayo pa rin naman ang nagpalaki at nakasama kong lumaki," aniya rito at naramdaman niya ang paghaplos nito sa kaniyang buhok bagay na palagi nitong ginagawa sa kaniya noong bata pa lamang siya. "Salamat, Inay," dagdag pa.
Naramdaman niya ang pagkalas ng ina sa pagkakayakap nito sa kaniya. Saka nito sinapo ang kaniyang mukha. "Huwag kang magpasalamat, anak. Kami ng Itay mo ang dapat magpasalamat dahil sa pagdating mo sa aming buhay ay natupad ang pangarap naming magkaroon ng anak. Hindi ka man nanggaling sa amin ay wala kaming ibang hiniling sa Diyos at gustong mangyari kundi ang mapaayos ka," litanya ng ina.
"Alam ko po, Inay. Hindi ko po naramdamang iba ako sa inyo. Kaya nga noong ipakita ni Sir Zeus ang mga larawan ng mga babaeng kamukha ko ay hindi ako makapaniwala. Kaya umuwi ako dahil gusto kong sa inyo mismo manggaling ang lahat," aniya rito.
"Patawarin mo kami, anak kung nilihim ko ang tungkol sa tunay mong pagkatao. Maniwala ka, aksidente ang lahat," giit pa ng ina. Hinawakan ang palad nito.
"Naniniwala po ako, Inay. Wala po akong galit kung bakit niyo ako kinuha. Kahit ako man din ang nasa sitwasyon niyo ay gagawin ko rin ang ginawa ninyo," saad sa ina.
Nakitang muli na naman itong naluluha. "Inay, mahal na mahal ko po kayo ni Itay," aniya.
"Mahal na mahal ka rin namin, anak," nito saka sila nagyakapan.
Kinabukasan ay maagaang nagising si Kikay. Pupungas-pungas na lumabas. Suot pa niya ang over size pajama niya. "Good morning world!" aniya na nahikab. Nakapikit pa rin ang mga matang kay hirap niyang idilat ngunit kailangan niyang gumising.
Napahikab pa siya at nang tuluyang idilat ang mga mata ay nasumpungan ang guwapong mukha ng boss. Mamasa-masa pa ang buhok nito at hubad baro. Tila kay kisig nito dahilan upang mapaawang ang bibig niya.
'Parang ganito lang ang panaginip ko kagabi?' aniya sa isipan. Lalo pang humanga sa angkin nitong kakisigan habang papalapit ito sa kaniya. Mas lalong natigilan si Kikay at napapalunok.
"Hoy! Kikay?" tinig ng ama ang nagpabalik sa kaniyang kamalayan. Agad na kinusot ang mata at nakita ang amang bagong paligo.
"Itay?!" bulalas niya sa kabiglaan. Masyado na yata siyang nahihibang sa boss dahil maging sa panaginip ay ito ang laman. Buong akala ay ito na ang papalapit sa kaniya. Iyon pala ay ang kaniyang ama.
"Bakit, ang aga-aga ay nakatulala ka diyan, anak?" maang na turan nito.
"Po?!"
"Tignan mo itong batang ito? Sabi ko, bakit nakatulala ka diyan?" malakas na turan ng ama.
Matamis siyang ngumiti at umakbay rito. "Ang guwapo mo kasi," aniya sa ama na kinangiti nito.
"Sinabi mo pa, anak?" segunda naman ng ama.
"Si Inay po?" tanong sa ina. Hindi kasi ito masilip sa munti nilang kusina.
"Na kila Goring, kukuha lang ng niyog dahil gagawa ng kakanin para daw may baunin kayo mamaya," tugon ng ama.
"Si Sir Zeus po, gising na po ba?"
"Ay, oo. Iniwan ko sa may poso dahil maliligo pa lamang," tugon ulit ng ama.
"Bakit sa may poso?" maang na turan.
"Ako rin naman ay sa may poso naliligo ah," gagad ng ama.
"Kayo po dahil sanay na kayo sa may poso pero siya baka-" putol na turan dahil iba-ibang senaryo na ang naglalaro sa isipan. Baka pinagkakaguluhan na ito ng mga babae at bakla sa kanilang lugar.
"Baka, ano anak?"
"Wala, Itay. Puntahan ko lang po si Sir Zeus," tugon na lamang sa ama.
Mabilis na tinungo ang kinaroroonan ng kanilang poso. Mabuti na lamang at walang ibang tao roon maliban sa boss na abala sa pagsabon sa buo nitong katawan. Naka-shorts naman ito. Akmang lalapitan ito nang makitang ipasok nito ang kamay na may sabon sa loob ng shorts nito.
Halos natulos siya sa kinatatayuan at hindi na nakalapit dito. Tila sinadya pang nagtagal ang kamay nitong nakapasok sa loob ng shorts nito.
Isipin pa lang ang ginagawa ng kamay nito ay tila nakapang-iinit na. Bigla ay naipaypay ang kamay. 'Oh, no!' hiyaw ng isipan ng makitang tila natutuwa pa ang lalaking laruin kung anu man ang nilalaro sa loob ng short.
Napapakagat-labi pa si Kikay habang pinapanood ang boss na banlawan ang sarili. Ang bawat paghulas ng bola ng sabon sa katawan nito, ang bawat hagod nito at bawat buhos nito ng tubig gamit ang tabo.
Nakakatakam ang kakisigan ng amo. Nang bigla siyang bulagahin ng ina. "Kikay?!" mala-serena ng bomberong bunganga ng ina.
Sa kabiglaan ay halos madapa siya. Habang si Zeus naman ay agad na napalingon sa pinanggalingan ng tinig at doon ay nakita si Kikay na tila pa masusubsob sa kaniya. Hindi nga siya nagkamali dahil tutulungan sana ito ngunit nasubsob na ito at saktong natapat pa ang mukha nito sa kaniyang harapan. Bahagyang naibaba pa ang short dahil iyon ang nahawakan ni Kikay para hindi tuluyang mangudngod ang mukha sa putikan.
'Oh my, ang laki,' hiyaw ni Kikay sa isipan dahil bahagyang nakapa ang hinaharap nito sa paghawak kanina dahilan upang bahagya iyong umalsa.
"Kikaaaay?!" malakas na boses ng ina ang nagpabalik sa kaniyang kaisipan.
"Inay?!" mabilis ding turan dito. 'Oh, Diyos ko. Ilayo mo po ako sa peligro dulot ng mahabang armas ni boss,' pilyang turan ng isipan. 'Gaga! Lagot ka na sa Inay mo, iyan pa rin ang iniisip mo!' ani naman ng kaniyang kabilang isipan.
"Hoy, Kikay! Ako ba ay ginagalit mo? Tumayo ka na riyan bago pa mahubo ang shorts ng boss mo at kumawala ang cobra!" walang prenong turan ng ina.
Doon ay nangingising tumayo siya saka tumingala sa mukha ng boss na natitigilan sa lahat. Napangisi siya rito ng nakakaloko. Alam niyang apektado ito sa kaniya dahil ramdam niya ang pagkabuhay ng p*********i nito sa simple at aksidenteng pagkakahawak kanina.