Nang makita ni Lumen na nakangisi pa ang anak matapos sermunan ay mabilis itong tinapik. "Inay naman?" maktol nito.
"Anong Inay naman? Tapos ko nang katayin ang manok ng Itay mo. Tapos ikaw, hindi mo man lang nagawang hiwain ito!" gilalas pa ng ina.
"Saglit lang naman ito, Inay. May pinag-uusapan lang kami ni Sir Zeus," kaila sa ina sabay baling sa boss. Kinindatan ito upang sumang-ayon sa sinabi niya lalo na at nakatingin na ang ina rito bilang pagkuha ng kumpirmasyon sa kaniyang sinabi.
Ngunit nakailang kindat na si Kikay sa boss ay tila walang balak itong segundahan ang kaniyang sinabi. Sa inis ay pasimple itong siniko at doon lamang ito napalingon sa kaniya.
"Ah-opo, Tita!" mabilis nitong turan.
'Kailangan mo pa palang sikuhin ah,' aniya sa isipan nang marinig ang pagtugon ng boss sa ina.
"Oh, siya. Ayusin mo na ito at magsisimula na akong magluto," ani ng ina. Saka sila muling iniwan.
"Masakit iyon ah," anito sa paniniko sa tagiliran nito.
"Kanina pa kita kinikindatan pero hindi ka nakikiramdam!" gagad rito.
"Malay ko bang nagpapa-cute ka lang sa pagkindat-kindat mo!" tugon ni Zeus. Batid niya naman ang nais ipakahulugan noon pero natutuwa lang siyang inisin at kulitin si Kikay.
'Aba! Herodes na ito, mukhang nagpaparamdam ah,' aniya sa isipan. "Magpapa-cute? Ako? Sa'yo?" malakas na bulalas dito saka tumawa ng malakas. "Ako, magpapa-cute sa'yo? Hello!" aniya na pinaikot pa ang mata upang kapani-paniwala kunong hindi siya nagpapa-cute rito. "Hindi ko na kailangan iyon dahil dati na akong cute!" palatak pang turan.
Sa narinig na huling hirit ni Kikay ay napatawa naman ng malakas si Zeus.
Muling tumaas ang kilay ni Kikay. "Anong nakakatawa doon?" banas na sita ni Kikay sa among panay ang tawa.
"Wala naman, natawa lang ako sa huli mong sinabi," ani ni Zeus.
"Ang alin doon? Iyong cute ako?" maang na tanong ni Kilay.
"Yup!"
"Ano namang nakakatawa doon? Totoo naman ah," confident na sambit ni Kikay.
"Oo naman, you're too cute," puri ni Zeus kay Kikay. Doon ay muling nakitang nagtaas ito ng kilay. 'Mukhang ayaw na naman sa sinabi ko. Ayaw ng pinagtatawanan pero ayaw rin ng pinupuri,' maktol ng isipan.
Gustuhin mang kiligin si Kikay sa huling sinabi ng boss sa kaniya pero nanaig ang dikta ng isipan na mukhang pinagti-trip-an lang siya ng lalaki.
"Ako ba'y pinagloloko mo?" gilalas na tanong dito.
"Ha? Wait? Kanina ayaw mong nakatawa ako. Dahil feeling mo pinagtatawanan kita. Tapos nang pinuri kita sasabihin mong pinagloloko kita?" turan niya rito.
Nakitang napatigil si Kikay nang marinig ang tinig ng ina nito. Nakita ang panlalaki ng mata nito at mabilis na pinagpuputol ang sitaw. Wala siyang ginawa kundi ang panuorin na lamang ito. Mukhang bihasa ito sa kusina.
"Ano, Kikay tapos na ba?" tanong ng ina nitong papasok sa kusina.
"Opo, Inay," mabilis namang tugon nito.
Matapos ng masarap na hapunan nila ay lumabas si Kikay upang magpahangin sa gilid ng kanilang bahay. May malaking puno kasi ng Indian mango doon na may upuang kawayan sa ilalim.
Na-miss niya ang lugar nila kahit halos apat na buwan lang siyang nawala. Tahimik at payapa. Buti nga at hindi pa masyadong maraming tao sa parteng iyon ng Cavite. Marami na rin kasing napapabalita sa kanila na gagawin ng mga subdibisyon ang ilang palayan sa kanila. Medyo nakakalungkot pero kung parte iyon ng tinatawag nilang pag-unlad ay sino naman siya upang pigilan.
Napabuntong-hininga siya habang nakamasid sa kawalan.
"Ang lalim noon ah," tinig buhat sa kaniyang likuran.
"Ay! Kabayo!" sambulat sa kabiglaan.
"Bakit ba bigla-bigla kang sumusulpot?!" inis na turan.
"Hmmmp!" tikhim ni Zeus. Ayaw niyang mag-inisan sila nito. "Sorry kung nagulat kita," malumanay na saad. Kita naman ang paglambot ng mukha ni Kikay. "Hindi kasi ako makatulog," aniya.
Napalitan ng pag-aalala ang mukha nitong naiinis kanina. "Bakit, mainit ba? Matigas ba ang kama ko? Naku, pasensiya-" putol nito nang iharang ang palad ni Zeus ang palad sa bibig niya.
"Hindi lang ako makatulog kaya naisipan kong lumabas. Hindi ko inaasahan na nandito ka pa," turan niya. "Huwag mo akong alalahanin. Noong bata ako, ganito rin ang bahay namin at tulugan ko. This is not new to me. Lumaki rin ako sa hirap. Umayos lang ang buhay namin ni Mama noong binalikan ako ni Papa noong mag-high school na ako," ani ni Zeus.
Napamaang si Kikay sa nalaman sa boss. "You mean, mahirap ka rin noon?" hindi napigilang turan dito.
Tumango si Zeus saka umupo sa tabi ni Kikay sa upuang kawayan. "Yes, mahirap din ang buhay namin noon. Naranasan kong mangalakal at magtinda ng puto sa umaga noong elementarya ako. Idagdag pa ang panghuhusga ng mga tao kay Mama. Na masyado raw ambisyosa pero binuntis lang daw ng Kano. Kesyo, sayang daw ang kaguwapuhan ko kung magiging basurero lamang ako at kalaunan ay nagiging husto rin katulad ni Mama," malungkot na kuwento nito.
Hindi tuloy niya maiwasang malungkot para sa boss. Marami rin pala itong pinaghuhugutan sa buhay. Siya, kahit laki sila sa hirap pero hindi niya naranasang maglako ng kung anu-ano. Lumaki man siya sa sugarol na ina at sabungerong ama pero pagdating sa kaniya ay hindi sila nagkulang. Iyon nga lang ay namana rin yata ang pagiging wais ng ina sa pera dahil sa peryahan naman siya bumibida
"Sorry to hear that, Sir," English niya rito upang pagaanin ang loob nito. Batid niya kasing natutuwa ito kapag naririnig nitong nag-e-English siya.
Hindi nga siya nagkamali dahil nakita ang pagsilay ng ngiti sa labi nito. Maging ang puso ay nalugod ng makitang ngumiti ito. Hindi batid kung bakit ganoon na lamang ang epekto noon sa kaniya pero masaya siyang napasaya ito.
"There's nothing to sorry about. Lahat ng iyon ay nagsilbing motivation ko upang magpatuloy sa buhay. Wala ako sa kinaroroonan ko ngayon kung hindi dahil sa hirap na dinanas ko noong bata ako. Do you think, magiging doktor ako kung pagsilang ko pa lang ay nagisnan ko na ang marangyang buhay sa Amerika. Baka nga isa na ako sa mga batang naliligaw ang landas. Ngunit dahil sa mga hirap at pang-aalipusta ng mga tao noon, naging determinado akong kunin ang pangarap ko," ani ni Zeus.
Hindi napigilang maluha ni Kikay sa sinabing iyon ng boss. Napahanga siya sa dedikasyon nito. Napaka-inspiring ang buhay nito.
"Bakit ka umiiyak?" gagad na tanong ni Zeus sa kaniya.
"Nakakaiyak kasi ang buhay mo," aniya na patuloy ang pagdaloy ng luha niya.
Nangingiting na iiling na lamang si Zeus. Bagay na nakita naman ni Kikay. "Totoo naman ah," aniya rito.
"Hindi lang ako sanay na makita kang umiiyak. Ang pangit mo kasi," aniya saka tumawa.
Sa inis ni Kikay sa narinig buhat dito ay kinurot ito sa tagiliran.
"Ouch!" angil nito.
"Nakakainis ka kasi!" banas dito.
"Totoo naman ah, ang pangit mo kapag umiiyak ka!"
"At inulit mo pa talaga," buwisit na sambit saka inirapan ito.
Natawa na lamang si Zeus. Tila kay sarap asarin si Kikay dahil sa cute na cute nitong reaksyon.
"Ngayon, pinagtatawanan mo pa talaga ako?" Irap niya rito saka tumayo upang pumasok na nang biglang may humawak sa kaniyang braso at doon ay nakita ang kamay ni Zeus. Parang kinureyente ang katawan sa hawak na iyon ng boss. Naumid ang dila at hindi nakakilos sa kinatatayuan. "S-Sir?" maang na sambit.
"Call me, Zeus," anito.
"Sir," ulit ni Kikay.
"Call me, Zeus or else I will kiss you," banta na ni Zeus.
"S-Sir," muling sambit ni Kikay nang bigla siyang kabigin ng boss at siilin ng halik.
Hindi na napigilan pa ni Zeus ang sarili at hinalikan si Kikay. Kanina pa itong nais gawin dahil tila laging nag-iimbita ang mamasa-masa at mapupulang labi nito. Noong unang malasap ang sarap ng labi nito ay wala na siyang ibang hiniling kundi ang muling mahalikan ito at ngayong magkalapat muli ang labi nila ay hindi niya maiwasang ipasok ang dila sa labi nito.
Nanlalaki ang mata ni Kikay nang maglapat ang labi nila. 'Oh, noh! Lasang adobo pa naman ang bibig ko!' hiyaw ng isipan.
Ngunit hindi na siya nakatutol pa dahil ramdam na niya ang paggalugad ng labi nito sa kaniya lalo at mas lalong nanlaki ang mga mata nang maramdamang nagawa nitong ipasok ang dila sa loob ng bibig.
Halos mabulunan siya kaya nang makabalik sa huwesyo ang isipan ay bahagyang kinagat ang dila nito. Na mabilis naman nitong binawa. 'Buti nga sa'yo!' aniya sa isipan pero sa kaibuturan ay may panghihinayang. Masarap ang halik ng lalaki at hindi malaman kung bakit sa kabila ng ginawa ay gusto niyang ulitin nitong halikan siya.
Nangingiti na lamang si Zeus. Kinagat man ng babae ang dila pero batid na hindi nito ganoong kinagat. Gayun pa man ay masaya na siyang matikman ang halik nito.
Mauuna na sana siyang pumasok nang tawagin siya ni Kikay. "Ah, Zeus!" tawag nito.
"Ye-" putol nang sakupin ng labi ni Kikay ang labi niya.
Maging si Kikay ay nabigla sa ginawa. Mabilis siyang napabitaw sa boss at akmang uusog patalikod nang hapitin nito ang baywang niya. Nagtama ang kanilang mga mata hanggang sa unti-unting bumaba ang mukha nito.
Isang pulgada na lamang ang agwat ng labi sa isa't isa nang biglang may kumikhim sa hindi kalayuan.
Agad na naitulak ni Kikay si Zeus. "Itay?!" gilalas na turan ng malingunan ang ama. "W-wala po kaming masamang ginagawa," depensang saad sa ama na pormal ang mukha.
"May sinabi ba akong may ginagawa kayong masama?" gilalas ng ama ni Kikay na kinakamot nito ng ulo. "Bakit hawak ng lalaking iyan ang baywang mo?"
"Ah-eh," ani ni Kikay na naghahagilap sa isipan ang idadahilan sa ama. "Pagtayo ko kasi ay tila nalula ako, Itay kaya napahawak siya sa akin?" kaila rito. Dalangin lang na sana ay paniwalaan ng ama.
"Eh, bakit halos mangudngod ang mukha mo sa mukha niya?" dagdag lang tanong nito.
Napatingin siya kay Zeus upang humingi ng saklolo at tulungan siyang magpaliwanag ngunit tila mas natutuwa pa itong nakikita siyang aliliga na magpaliwanag sa ama. 'Impaktong ito, matapos akong halikan. Iiwan ako sa ere,' aniya sa isipan sabay irap dito.