"Ahhhh-ray ko naman, anak!" angal ng itay niya habang dinadampian ng alcohol ng sugat ng ama. Biruin ba naman niyang hindi ito tinigilan ng ina at halos mahulog na sa burol at magkandapadapa na ito sa kahahabol ng walis ng ina.
"Ikaw naman kasi Itay, kung ano-anong kalokohan ang pinaggagawa niyo," sisi pa sa ama.
"Aba, anak, ayaw ko namang magsabong ng tuluyan ng mga lalaking iyan dahil sa'yo," anito.
'Naku po! Kasalanan ko pa sa lagay na ito,' aniya sa isipan. Nangunot ang noo niya sa sinabi ng ama. "Dahil po sa akin, bakit ako?" takang tanong dito.
Sumenyas ang ama na tila may ibubulong sa kaniya. "Alam mo, anak. Ramdam kong may patingin sa'yo ang amo mo," anito.
"Huh?!" gulat na turan sa sinabing iyon ng ama. 'Usyuserong frog ka talaga, Itay. Pero bet ko iyan,' bunyi ng isipan.
"Maniwala ka anak," anitong pabulong habang nakatingin sa direksyon ng sala nila kung saan nakaupo si Zeus. "Sa tuwing titignan ka, iba eh," turan pa ng ama.
"Hoy! Ikaw talaga, Karyo. Malisyoso ka masyado. Amo lang siya ng anak natin!" turan ng ina rito na parang galit na naman.
"Aray ko naman Lumen, hindi pa naghihilom mga sugat ko baka mamaya eh mabukulan naman ako sa—"
"Ay talagang mabubukulan ka, Karyo. Puro ka kalokohan. Hala, Kikay, igala mo muna amo mo sa lugar natin. Bago kayo pumunta sa pupuntahan ninyo," taboy na turan ng ina.
"Aba, hintayin mo ako Kikay at sasama ako. Mahirap na," buntot naman ng ama nito na iika-ikang lumakad.
"Ah, sasama ka ha? Tuluyan kaya kitang pilayan para 'di ka na makalakad?!" banta ng ina.
"Sige na anak, ilibot mo muna ang amo mo. Hayaan mo muna kami ng Inay mo rito. Gusto yatang mapagsolo kami," biro ng ama na muling binatukan ng ina. "Darling naman eh, grabe ka makipaglambing."
"Darling, darling ka pa diyan?! Eh, mas hinihimas mo pa nga mga manok mo eh," sentemiyento ng ina.
"Ayeeeeh! Si Itay kasi eh, dapat kasi si Inay ang himasin mo para 'di magselos sa mga manok mo," tudyo sa magulang.
"Aba, batang ito. Nanukso pa. Sige na lumakad na kayo para naman ay makita niya itong lugar natin," pagtataboy ng kaniyang ina.
"Ayeeeehhh!" banat pa rin niya saka tinungo ang kinaroroonan ng kaniyang amo.
Nananakit ang buong katawan ni Zeus gawa ng pinagawa ng tatay ni Kikay. Isang taon na rin kasi mula noong huli siyang nag-gym at nabanat ang muscle siya dahil sa mabilisang pagsisibak. May kalyo rin mga palad.
"Okay ka lang ba?" ang tanong ni Kikay ng makitang tahimik ang amo at tila minamasahe ang braso nito. Mukhang napasabak ito sa pagsisibak nito ng kahoy. Tumingin lang ito sa kaniya kaya agad siyang lumapit dito. "Gusto mo ng masahe? aniya sabay hawak sa balikat nito.
Agad napatayo si Zeus nang dumapo ang palad ni Kikay sa kaniyang balikat. Tila kasi may kuryenteng dumapo sa buong katawan niya. "No! I'm good!" mabilis na turan.
'Hanep, mamasahein na, siya pang galit!' ani ni Kikay sa isipan.
"Ah, ganoon ba? G-gusto mo bang maglibot muna bago tayo bumiyahe bukas?" anito tukoy ang biyahe nila papuntang Pampanga.
Dahil medyo nainitan sa hawak ni Kikay ay pumayag siya sa inalok nito. Para naman kahit papaano ay makita naman ang lugar na kinalakihan nito. Nauna si Kikay maglakad at pinapanood niya ang likod nito. Simple lang ito, suot ang shorts nito na halos hanggang tuhod na nito sa haba at isang puting tshirt. Mataman niyang pinagmamasdan ang likod ni Kikay nang bigla itong bumaling sa kaniya.
"Alam—" tigil nito nang magtama ang mga mata nila. "Aheeeemmm!" tikhim nang mapansin nito ang kaniyang pagtingin rito.
Agad na binaling sa paligid ang paningin. Bigla ay tumahimik silang dalawa. "Alam mo bang sa dulo ng parang na iyan ay may magandang talon," ani ni Kikay para mawala ang ilangan sa kanilang dalawa. Ngayon lang kasi sila halos mimu-minuto ay nakikita. Noong kasing sa Amerika ay lagi nagkukulong sa kuwarto nito ang lalaki at lalabas lang kapag kakain sila at may kailangan ito. Bente-kuwatro oras pa lang silang nagkakasama ng matagal kaya may ilang siya rito.
"Gusto mo puntahan natin?" masiglang turan para matanggal ang ilangan nila. "Bilis," aniya rito.
Masaya siyang patakbo patungo sa kasukalan. Mabuti nga at hindi pa masyadong matao ang parteng iyon ng Cavite. Halos lahat na kasi ay ginagawang subdibisyon.
Nang makarating sila sa sinasabi niyang talon ay napangiti siya. Feeling niya ay nagbalik siya sa pagiging bata at hindi napigilang mapasigaw gaya ng nakagawian niya. "Hello world and hello nature!" sigaw niya habang umi-echo pa ang boses.
Nabigla naman si Zeus sa pagsigaw na iyon ni Kikay pero agad din naman nakabawi pero muli siyang nabigla nang biglang tumalon si Kikay.
"Ki—" awat pa sana pero agad na napagtantong sinadya iyon ng babae at ngayon ay tuwang-tuwa na itong lumalangoy.
"Com'on, Sir. The water is good," barok na English nito sa kaniya.
Napalunok si Zeus. Hindi kasi siya mahilig lumangoy sa ilog o anuman. Tila may phobia pa siya nangyari noon sa kaibigang si Xian.
"Dali na Sir, ang sarap ng tubig," yaya ni Kikay. Mabilis na iling ang ginagawa rito. Napansin naman ni Kikay ang pag-aalinlangan ng lalaki kaya siya na ang kusang umahon nang medyo humupa na ang pananabig sa tubig ng batis.
Ngunit hindi niya inaasahan nang makitang tila natulos sa kinatatayuan ang amo at nanlalaki ang matang nakatitig sa kaniya. Feel na feel niya tuloy. Parang si Marimar na umahon sa tubig. Nang mapagtantong habang papalapit siya sa amo ay tila naiilang. Nang tignan ang sarili ay siya mismo ay nailang. Puti ang damit ay bakat na bakat ang damit sa katawan niya. Mabilis na pinagpag ang damit para matanggal sa pagkakahapit sa katawan.
Doon ay wala sabi-sabing hinila si Zeus patalon sa tubig. "Kikaaaaa—" angil nito ngunit nilamon na ng bulahaw ng tubig.
Nabigla si Zeus sa ginawang iyon ni Kikay. Tila namanhid ang buo niyang katawan at hindi makakawag o makalangoy.
Nang lumangoy papalayo sa amo ay tawang-tawa si Kikay. Naisahan niya kasi ito ngunit nang lingunin sa pinag-iwanan si Zeus ay wala roon. Bigla siyang nilukuban ng takot. Mabilis pa sa kidlat na lumangoy pabalik. "Zeus! Zeussssss!" tawag dito. sabay sisid. "Zeusssssss!" naiiyak na niyang turan. "Diyos ko," aniya saka muling sumisid. Hanggang sa mahagip niya ito. Mabilis na nilangoy ang kinaroroonan ng lalaki. Malapit na siyang lumubog sa pinakababang bahagi ng batis.
Mabilis na hinila ito. Nahirapan siya kaya niyakap niya ito sabay kawag pataas. Nang makitang nakapikit ito ay mas lalo siyang nataranta. Nang makaangat at makahinga ay nasa gitna na sila ng batis.
"Zeus!" tapik dito pero walang reaksyon. "Zeus!" tapik nito sa guwapong mukha nito ngunit wala pa ring reaksyon buhat dito. Panay ang kawag niya para marating na nila ang pampang. Sa pagkataranta kung nahinga o hindi ang lalaki ay wala siyang nagawa kundi halikan ito at ihipan ang bibig.
"Diyos ko Lord, ano bang nagawa ko?" panay ang dasal saka muling binukas ang labi ng lalaki sa muling inihipan.
Doon ay tila nagbalik si Zeus. Naramdaman niya ang pagdampi ng malambot na labi sa labi niya. At ang pagbuga nito dahilan para mabahing siya.
"Oh, God! Oh, God, Zeus?!" gilalas ni Kikay na noon ay naiiyak.
Napakunot-noo siya. "Akala ko ay nakunod ka na? Sorr—" putol na turan ni Kikay nang sakupin ng labi ni Zeus ang labi niya.
Ngayon ay si Kikay naman ang hindi nakagalaw. Ninanamnam ang marubdob na halik na iyon ni Zeus. Hinawakan pa ni Zeus ang kaniyang ulo, hindi na niya alam kung ilang segundo o minuto silang naghahalikan sa batis. Hanggang maramdaman na lamang ni Kikay ang pagtama nila sa bato sa gilid ng batis. Kapwa sila natahimik at nagkatitigan. Walang kumakalas sa pagkakayakap sa isa't isa. Hanggang sa maramdaman nila ang lamig dahil sa papalubog na ang araw.
"Aheemmmmm! Malamig na baka magkasakit ka," untag ni Zeus kay Kikay.
"Tara na," naiilang na ring tugon ni Kikay.
Habang naglalakad ay hindi mapigilan ni Kikay ang mapayakap sa sarili. Nilalamig na kasi siya dahil tuluyan nang lumubog ang haring araw.
"Kikay," untag ni Zeus sa babae.
"Hmmmm," tugon ni Kikay.
"Handa ka na ba bukas?" tanong dito.
Tumango si Kikay. Nanginginig na siya sa lamig. Maging ang labi nito ay 'di na mapigilan. Lumapit si Zeus sa kaniya. Hinasa ang dalawang palad saka dinampi sa mukha at tila nainitan naman siya. Ginaya niya ang ginawa ni Zeus at dinampi sa mukha. Napangiti siya rito.
"Thank you," dinig niyang turan ni Zeus.
"Para saan?" maang na tanong ni Kikay na patuloy ang ginagawa para mainitan ang kaniyang katawan.
"For coming to my life," seryosong turan ni Zeus. Napatigil si Kikay sa paglalakad at tumingin sa lalaki.
"English iyon ah. Ano ulit?" kulit nito kay Zeus. Napailang na lamang si Zeus. "Tama ba ang dinig ko? Nagpapasalamat ka sa pagdating ko sa buhay mo?" takang ulit nito.
Bahagyang katahimikan ang namayani sa kanila saka pumalahaw ang tawa ni Kikay. "Talaga lang ah? Para ka kayang tigreng lalapa noong unang araw kitang makita!" aniya rito.
"Well, isipin mo ba naman kasing bata ang aalagahan mo?" sagot naman ni Zeus. "Nagdala ka pa talaga ng props mong maskara," dagdag pa nito.
Muling napatawa si Kikay. Naalala rin kasi ang unang pagkikita nila nito.
"Sabi kaya ng Mama mo noong tinawagan ako. Tiyak daw na maiinis ka, pagtiyagahan daw kitang bata ka kasi madali ka raw mainis at madalas mainit ng ulo mo," saad dito. Sa pagkakataong iyon ay si Zeus naman ang natawa.
"So, alam mo talagang bata ang aalagaan mo?"
Tumango si Kikay. "Infairness nagdala pa naman ako ng lollipop noon para at least kapag iyakin ka eh, papasakan lang kita ng lollipop," natatawag turan ni Kikay.
"Eh, wala ka namang lollipop na dala ah," ani ni Zeus.
"Nang makita kita, hindi mo na kailangan noon. Kaya kinain ko na lang kapag wala akong magawa dahil lagi kang nagkukulong sa silid mo. Hirap kaya, sarili ko lang kausap ko. Kaysa mapanis ang laway ko ay mag-lollipop na lang ako," turan ni Kikay na kinailing na lamang muli ni Zeus.