Napangiti ng ubod tamis si Kikay. Kakaiba man ang nararamdaman sa boss pero hindi mapapasubalian noon ang habang tumatagal na kasama ang boss ay nag-iiba ang pakiramdam dito. Mula sa simpleng paghanga hanggang sa makatotohanan na yata. Mahal na yata niya ang kaniyang boss.
Malakas na tunog ng pinag-umpog na takip ng kaldero ang gumising sa kaniyang isipan. "Anak ka ng kalabaw!" gilalas sa gulat na narinig. Doon ay napagtantong wala na pala ang ama at ang boss.
Agad na napalingon sa kaniyang likuran at doon ay nakita ang inang hawak ang kanilang mga kaldero. "Ano bang nangyayari sa'yong bata ka! Bakit parang naengkanto ka diyan? Kanina pa kita tinatawag at tila wala kang naririnig!" palatak na turan ng ina.
"Inay?!"
Muling pinatunog ng ina ang hawak na kaldero. "Ikaw na bata ka? Magsabi ko nga kung gumagamit ka-"
Nanlaki ang mata ni Kikay sa nais tumbukin ng ina. "Inay naman, hindi ako adik noh?" busangot na sagot ng ina.
"Sinabi ko bang adik ka na bata ka? At anong pinagsasabi mo?" bulalas ng ina. "Itatanong ko lang kung gumagamit ka nito." Sabay taas sa hawak nitong napkin.
"Inay," aniya sabay kuha sa hawak nito.
"Ikaw na bata ka, hindi ka na bata. Paano kapag pumasok sa banyo ang boss mo at itong panty mo-"
Mabilis na hinablot ang panty na hawak-hawak ng ina na bininat-binat pa. "Inay naman eh," angil dito.
"Anong Inay na naman eh! Sino ang nagpalit sa banyo na hindi man lang nagligpit. Masuwerte ka nga at hindi ko nilagay sa hanger at binandera sa labasan," bulalas nito.
Napakamot na lamang ng noo si Kikay. Ayaw na niyang patulan ang ina dahil tiyak na hindi sila matatapos hanggang maghapon kung papatulan pa ito. Mukhang nakahalata naman ito.
"Hala, bilisan mo at iligpit mo na ito. Ang Itay mo at ang boss mo ay nasa labas na," turan ng ina. Mabilis na binulsa ang panty at niligpit ang mesa.
Pagtungo sa kanilang lababo ay napasilip siya sa maliit na bintana ng kanilang kusina. Napakunot-noo lalo nang makitang abala ang ama habang tinuturuan ng boss na magkatay ng manok. Napailing pa nang makitang nakawala ang manok sa hawak ng boss.
Hindi niya naiwasang matawa nang tuluyan itong makawala at habulin ang manok. Pati ang ama ay panay ang tawa sa boss. Tawa siya nang tawa nang biglang may kumalimbang sa kaniyang likod at kita ang inang hawak pa rin ang kaldero.
"Ikaw na bata ka, nagawa mo pang tumawa nang tumawa diyan? Bilisan mo at tulungan mo akong magbalot ng kakanin," turan ng ina. Ngunit hindi talaga niya mapigil ang matawa lalo pa at tila tuwang-tuwa pa ang manok na pinaikot-ikot ang amo sa kahahabol dito.
Kita ang pagod sa mukha nito pero patuloy pa rin sa kahahabol. Maging ang ina ay inusyuso kung ano ang kaniyang tinatawanan. Napasilip ito sa bintana at maging ito ay natawa nang masubsob ang boss sa putikan.
Siya naman ay natitigilan nang matawa ng malakas ang ina. Maya-maya ay tumigil ito nang mapansing nakatigil na siya sa pagtawa saka bumaling sa kaniya. "Maghugas ka na!" matiim na utos nito.
Wala siyang nagawa kundi ang tumalima na.
Laki siya sa hirap sa probensiya nila sa Pampanga pero hindi niya naranasang magkatay ng manok. Hindi dahil takot siya sa dugo dahil kasama na iyon sa propesyon niya bilang doktor. Kundi dahil ayaw niyang may nakitang namamatay sa kaniyang kamay.
Kaya lang ay wala siyang mapagpipilian dahil ayaw naman niyang isipin o sabihin ng ama ni Kikay na duwag siya ay pangangatawanan niyang magkatay ng manok. Nang ipahawak nito iyon ay bahagya siyang natakot pero nang makita ang mukha ng ama ni Kikay ay muli siyang nabigyan ng lakas. Gusto niyang magpakitang gilas dito.
Ngunit nang biglang pumalag ang manok ay hindi niya napaghandaan at nabitawan ito. Mabilis itong hinabol ngunit mas mabilis din itong kumaripas ng takbo. Para tuloy siyang tanga na nakikipaghabulan sa manok. Kita ang pagtawa ng matanda sa kaniyang ginagawa. Hapong-hapo na siya at gusto nang sumuko pero parang si Kikay ang prize kapag nahuli ang manok kaya muli siyang tumakbo nang may humawak sa kaniyang balikat.
"Hayaan mo na, katayin na lang natin ang isa," wika nito.
Napapahid siya ng noo dahil talaga namang pinagpawisan siya sa kahahabol sa manok.
"Sige po, pasensiya na," hinging pasensiya rito.
"Wala iyon, mahuhuli ko rin naman," anito saka bumalik sa kulungan ng manok nito at naghuli ng isa pa.
Paglabas ni Kikay ay mukhang tapos nang katayin ang manok. "Musta ang exercise mo, Sir?" panimulang tudyo rito.
Napakunot ng noo si Zeus sa sinabi ni Kikay hanggang sa maalala ang nangyari sa manok kanina.
"Ah, iyon ba? Oo, gaan nga sa pakiramdam," pamamatol sa tudyo nito. Ayaw niyang patulan dahil tiyak na mas lalo siyang tutudyuhin nito. "You know what? Magandang samahan mo rin akong mag-excercise mamaya," anito na mas diniin ang salitang excercise.
Napatigil si Kikay sabay taas ng kilay sa boss. Mukhang kaya na rin nitong sabayan ang kaniyang kasutilan. Imbes na ito ang mainis ay siya pa. 'Aba! Herodes ba ito, marunong na ring mambara ah,' aniya sa isipan.
Natatawa si Zeus ng makita ang pagngiwi ni Kikay. Batid niyang sa huli ay siya ang panalo sa parunggit nito.
"Kikaaaaaay?!" malakas na tawag ng ina.
"Inay naman eh," angil dito. "Nandito lang ako, parang nasa kabilang barangay ako ah," aniya sa ina.
"Aangal ka pa! Kanina pa kita tinatawag. Magsabi ka ngang bata ka-"
"Hindi ako gumagamit ng kahit anuman, Inay," gagad na sabad rito.
"May sinabi ba akong nagamit ka? Sasabihin ko sanang nagpunta ka lang sa Amerika naging bingi ka na!" gilalas ng ina. Nang lingunin ang katabi na boss ay nakitang palihim itong nakangisi.
Sa inis ay pasimple ring inapakan ang hinliliit ng paa nito at kitang pigil itong huwag itong mapasigaw.
"May problema ba, hijo?" tanong ng ina rito nang makita ang pagngiwi ng mukha nito.
"W-wala-aw! Wala, Tita," utal-utal na wika nito nang mas lalong idiin ang pagkakaapak sa diliri nito.
"Kikay, bilisan mo at tulungan mo akong magluto sa kinatay na manok," ani ng ina saka pumasok na.
Nang mawala ang ina ay saka pumalahaw ang boss. "Aray ko naman, Kikay! Papatayin mo ba ang kuko ko?"
"Ops! Sorry," agad kunong hingi ng paumanhin na tila ba hindi niya sinasadyang apakan iyon.
"Are you kidding me?" maang ni Zeus. Alam na inaasar na naman siya ni Kikay. Ayaw sanang patulan pero mas lalong nananadya pa kasi ito.
"Yeah, right?" panggagaya sa pananalita ng ate nitong si Kelly.
"Kath?"
"Anong sinabi mo?" gagad rito. Tila musika kasi sa pandinig ang pagtawag nito ng totoo niyang pangalan.
"May sinabi ba ako?" maang na sagot.
"Mayroon, iyong tinawag mo sa akin," gilalas dito.
"That's your name," aniya.
"I know," aniya na panggagaya pa rin kay Kelly.
"Kikay?!" medyo may inis na sambit.
Batid na niyang inis na ang boss. Nagbubunyi ang kalooban sa isiping panalo siya sa inisan nila ng boss.
"Sabihin mo kasi ang tinawag mo sa akin?" Busangot dito.
"Okay, fine. Kath," aniya at kita ang matamis na ngiti ni Kikay.
"Ang sosyal pala ng pangalan ko kapag ikaw ang magsasabi," ngiting-ngiting wika ni Kikay.
Nalugod tuloy ang puso nang makitang natuwa si Kikay nang tawagin ito sa pangalan nito.