***CORINNE’s POV***
Suminghot-singhot ako habang umiinom ng aking milktea sa isang café na aking pinuntahan matapos kong ibenta si Pinky. Wala na ang kotse ko at wala akong magawa kundi ang tanggapin iyon. Wala akong pagpipilian dahil walang-wala na kami. Kung hindi ko siya ibebenta ay wala naman kaming makakain ni Mommy.
“Hindi ba masarap ang milktea na iniinom mo, Corinne? Gusto ko pa naman sanang bumili.” Hanggang sa may lalaking umupo sa tapat ko.
“Kayo pala, Attorney Dellano,” napahiyang saad ko. Dagli kong pinunasan ang mga luha ko. Pagkatapos ay hiyang-hiya ako sa kanya.
Siya kasi si Attorney Lance Dellano, isang public attorney na ibinigay kay Daddy na galing sa Public Attorney's Office o PAO. At mabait naman siya, guwapo pa. Dahil kahit tinapat na niya ako na maaaring matalo kami dahil napakahirap kalabanin ang criminal offense na Possession of illegal drugs, lagi niya namang sinasabi na gagawin niya ang lahat mapatunayan lamang na isang frame-up ang nangyari sa ama-amahan ko.
“Hulaan ko. Iniisip mo na naman ang Daddy mo kaya umiiyak ka na naman, ano?”
Kinagat ko ang loob ng pang-ibabang labi ko upang pigilan ang napakabigat na emosyon ko.
“Nauunawaan ko ang sitwasyon mo pero hindi tama na masyado kang papaapekto. Baka kung anong mangyari sa iyo. Mas mahirap iyon para sa Mommy mo,” totoong concern na aniya.
Hindi ko agad nagkomento at tumitig sa guwapong mukha niya. Technically, dahil din kay Daddy kaya nag-e-emot ako ngayon. Dahil kung hindi nakulong si Daddy at hindi niya hinayaang ma-bankrupt ang kompanya niya ay sana hindi ko ibebenta ang aking si Pinky.
Nakaramdam ako ng munting guilt. Buong akala ng nasa harapan ko ay si Daddy ang iniiyakan ko pero ang kotse ko pala na luma.
Pero hindi ko na kailangang i-share ang kababawan ko kay Attorney Dellano. So I gave him the half truth instead. “Iniisip ko lang po kung paano ko po itataguyod ngayon ang araw-araw naming gastusin ni Mommy.”
Tumango siya. “Ganoon ba?”
“Opo.”
“Kailangan mo ba ng pera, Corinne?”
Lumaki ang mga mata ko. Huli na nang ma-realize ko ang sinabi ko. Para na pala akong nagpapaawa-effect. “Ho? Naku hindi po. Ang ibig ko pong sabihin ay… ano. Uhmm…” pakli ko pero wala talaga ako sa tamang pag-iisip kaya hindi ko matapos. This time ay dila ko ang kinagat ko. Na-triple ang hiyang nararamdaman ko.
Napangiti na lang sa akin si Attorney Dellano.
“Sige po. Aalis na po ako. May pupuntahan pa po pala ako,” kako at tumayo na. Walang lingon ko siyang iniwanan sa table.
May sinabi pa siya pero hindi ko na pinansin. Saka na ako babawi sa kanya kapag naka-move on na ako sa pagkawala ni Pinky.
“Aw, sh*t!” Ngunit napilitang napabalik ako ng lakad dahil papuntang comfort room na pala ang tinumbok ko at hindi sa exit door ng café.
Pulang-pula ang mukha ko na napatingin kay Attorney Dellano nang dumaan ako. Payak naman siyang tumango. Iyon pala ang sinasabi niya, na mali ang pinuntahan kong direksyon.
Ang epic mo talaga, Corinne Rufino, tuya pa sa akin ng aking konsensiya.
“Shut up ka na lang diyan,” bulong ko sa sarili ko’t mas dinalian ang paglalakad. Ang siste, imbes na sa hintayan ng pampublikong sasakyan ang pinuntahan ko ay sa parking space. Nagmukha na talaga akong tanga dahil nakalimutan kong wala na nga pala akong kotse na kulay red pero Pinky ang pangalan.
Napalatak ako. Muntikan na naman akong mapaiyak. Wala pa akong nagiging boyfriend pero nararanasan ko na ang ma-brokenhearted.
Oh, Pinky ko!
Kung paano akong nakauwi sa bahay na ligtas dahil nawawala talaga ako sa sarili ay hindi ko na alam. Nakita ko na lamang ang sarili kong papasok sa gate ng aming bahay.
Pagbukas ko ng pinto, saktong kalalabas mula sa kusina si Mommy.
Itinaas ko ang supot ng pagkaing pasalubong ko sa kanya bago pa siya makapagsalita. “Ang paborito niyo po. Spaghetti with parsley pesto.”
Nakita kong nagningning ang mga mata niya nang inabot niya iyon. “Sana hindi ka na gumastos, Anak. Doon sa labas. May mura palang mga bilihan ng miryenda at ulam. Nakabili ako kanina ng bente pesos na pansit. Meron pa nga roon sa kusina para sa iyo. Halika kainin mo habang kinakain ko ito.”
Humugot ako ng napakalalim na buntong-hininga. Paraan ko upang alisin ang kibig sa aking lalamunan. Ayokong umiyak sa harapan ni Mommy. Ayoko.
Sanay si Mommy sa mamahaling pagkain dahil ipinanganak siyang may gintong kutsara, pero ngayon heto siya, kumakain ng tag-benteng pansit. Ang sakit sa kalooban na makita siyang ganito.
“Halika, Corinne.” Niyakag ako ni Mommy hanggang dining table. Pinaupo. Siya na ang naglagay sa mga kakainin namin sa plato.
“Salamat, Mommy,” mahinang sabi ko nang ilapag niya ang pansit sa aking harapan. May kasama na rin iyong fresh milk.
Umupo na siya sa tapat ko. “Ayos ka lang ba?” ang hindi ko napaghandaan ay ang itatanong niya.
“O-oo naman po,” nauutal na sagot ko.
Matabang siyang ngumiti. “Anak, hindi mo kailangang pekehin ang nararamdaman mo sa harapan ko dahil kahit hindi mo ipakita ay alam kong nalulungkot at nahihirapan ka na rin tulad ko.”
Huwag kang iiyak! babala ko pa rin sa sarili ko. Kilala ko si Mommy noon pa. Mahina ang loob niya. Kaya nga ibinilin talaga siya sa akin ni Daddy.
Kung meron man akong ipagpapasalamat na hindi ko siya tunay na ina siguro ay iyong hindi ko namana ang katangian na iyon.
“Ayos lang ako, Anak,” sabi pa niya. “Kahit paano ay natatanggap ko na ang nangyari sa Daddy mo.”
“Opo.” Tumango ako. “Huwag kayong mag-alala dahil nakausap ko pala kanina si Attorney Dellano. Gagawin pa rin niya po ang lahat mapatunayan lang na walang kinalaman si Daddy sa drugs na iyon.”
Ibinaba ni Mommy ang tingin niya sa spaghetti na nagkulay green. Pinaikot-ikot doon ang tinidor pero hindi naman isinusubo. Sa halip ay uminom ng fresh milk. Nakita ko ang pagngiwi niya pero hindi ko alam kung para saan.
Bumuntong-hininga ako bago sumubo ng pansit. Nakakainis kasi. Sana alam ko kasi kung saan nakatira si Jagr Salvatore na iyon. Sana makausap ko siya. Kung bakit ba naman kasi ngayon pa magbabakasyon ang unggoy na iyon, eh.
Parang hindi ko malunok ang pansit sa sobrang inis kaya kinuha ko ang baso ng fresh milk. At muntikan na akong masuka nang malasahan ko nang panis na pala iyon.
“Mommy!” hiyaw ko kay Mommy nang nakita kong pinipilit niya maubos ang kanya. “Mommy, no! Panis na ‘yan!” Mabilis akong tumayo at tinabig iyon sa kamay niya.
Bumagsak ang baso sa sahig at nabasag. Humihingal kaming parehas na napatitig doon. Mayamaya lamang ay nagsusuka na si Mommy.
“Mommy, okay ka lang?” Inalalayan ko siya hanggang sa may lababo.
Awa ng Diyos ay naisuka naman niya nang naisuka. At gusto ko siyang pagalitan. Gusto ko siyang sumbatan na akala ko ba tanggap na niya, na ayos na siya, pero bakit ininom niya pa rin ang panis na gatas, hindi ko lamang ginawa dahil baka lalong ma-trigger ko siya.
Mahinahon ko siyang sinamahan at pinatulog sa kanyang kuwarto. “It’s okay, Mommy. Matulog ka na po.”
Ilang sandali na tahimik siyang humihikbi bago niya nakuhang makatulog.
Lumuluha naman ako nang iniwanan siya. Napalis ang inis ko sa kanya, napalitan ng mas matinding pagkaawa.
“Lav, puwede bang dito ka muna sa bahay? Samahan mo si Mommy rito?” pakiusap ko sa tinawagan kong pinsan ko.
“Bakit? Hindi pa ba okay si Tita Wilma, insan?”
“Akala ko talaga okay na siya pero sa tingin ko hindi pa,” sagot ko at ikinuwento ko sa kanya ang nangyari.
“Oh, my gosh,” reaksyon niya.
“Kaya please, Lav, dito ka muna sa bahay. Pakibantayan naman siya habang gumagawa ako ng paraan para mapalaya si Daddy. Wala na kasi akong tiwala na iwanan siya after what happened earlier at lalong hindi ako puwedeng mapirmi lang dito sa bahay dahil baka lalong mabulok si Daddy sa bilangguan kapag hindi ako kikilos,” sumamo ko sa kanya.
Alam kong hindi ko dapat siya pini-pressure porke may utang na loob siya kay Daddy. Si Daddy kasi ang tumulong sa kanya para makatapos ng pag-aaral. Pero wala na akong naiisip na ibang tao na may concern pa sa aming pamilya kundi siya lamang.
“Sige, sige. Ngayon din ay mag-iimpake na ako, insan.”
“O, insan, thank you. Thank you so much.” Dahan-dahan akong napapikit sa sobrang ginhawa. Naluha pa ako konti nang mapapikit ako dahil hindi ko na talaga alam ang gagawin ko.
“Insan, magpakatatag ka. May awa ang Diyos,” sabi ni Lav sa kabilang linya.
“Yeah, insan. Kailangan kong magpakatatag. Mas kailangan ako ngayon nina Mommy at Daddy,” kako na muling itinaas ang noo ko. “Sige na, Lav. Hintayin ka na lang namin dito.”
“Okay, insan. Huwag kang mag-alala dahil pagdating ko diyan ay ako muna ang bahala kay Tita Wilma. Wala pa naman iyong hinihintay kong tawag sa agency ko kaya puwede pa kitang tulungan.”
Hindi man niya ako nakikita ay ngumiti pa rin ako. “Sige, insan. Tatanawin kong malaking utang na loob ito sa iyo.”
“Ano bang sinasabi mo, insan? Wala pa itong gagawin ko sa itinulong sa akin ni Tito Abelardo.”
Napangiti ulit ako.
“Ay naku, nagdrama na naman ako. Sige na, insan. See you tomorrow.” Siya na mismo ang nagtapos ng tawag.
Nakangiti pa rin ako nang ibinalik ko sa bulsa ko ang aking cellphone. At isa pang silip ako kay Mommy bago ako pumasok sa aking kuwarto.
Matutulog na ako, kung makakatulog ako. Maaga pa ako bukas na aalis. Babalik ako sa Salvatore Financing Inc. Sinabi kong hindi ko tantantanan si Jagr, gagawin kong talaga. Mainis na siya sa akin, mapikon, at makulitan, wala akong pake. Dapat niyang tulungan si Daddy.
Wala pang alas syete ng umaga ay narito na nga ako sa office ni Jagr Salvatore. Narito ako sa visitor’s lounge dahil mas nauna pa akong pumasok sa ibang staff at kay Secretary Saville.
Nag-aagaw liwanag pa nang umalis ako sa bahay kanina. Tulog pa pati si Mommy. Kampanteng iniwan ko siya dahil alam ko namang darating nang maaga si Lav. Baka nga naroon na iyon ngayon sa bahay.
Inalok ako ng kape ng pinakamaagang pumasok na staff na akin namang tinanggap kaya meron akong inuunting sinisimsim na kape habang naghihintay.
Tamang-tama na naubos ko iyon nang dumating si Miss Russette Saville.
“Good morning po, Miss,” bati ko sa kanya.
“Corinne, nandito ka ulit?”
Kiming tumango ako. “Nagbabasakali po ulit.”
“Hindi ba’t sabi mo ay tawagan na lang kita kapag may nalaman ako?”
“Sorry po pero parang hindi ko po pala kayang maghintay. Kailangan ko na po talaga siyang makausap kasi si Mommy lalong lumalala ang depression at anxiety niya dahil sa nangyari sa Daddy ko,” paliwanag ko.
Tumango-tango si Miss Saville. “Naunawaan ko. Sige. Pero okay ka lang ba dito?”
“Opo. Okay lang. Huwag niyo po akong papansinin,” assurance ko.
“Okay. Magtatrabaho lang ako, hah?”
“Sige po.” Pinigil ko ang sarili na mapasuntok sa ere at mapa-yes. Buti na lang talaga ay mabait ang secretary ng Jagr na iyon. Hindi katulad niya na demonyo.
Imagine pinauwi niya ako na walang panty? Buwisit siya. Kung hindi ko talaga siya kailangan, nunka na hihilingin ko sa Diyos na makalasalubong ko ang isang tulad niyang manyak.
Ipinilig ko ang ulo ko upang iwaksi ang inis ko sa kanya. Kailangang maging mabait ako dahil ako ang may kailangan sa kanya. Kaysa ang mag-isip ako nang mag-isip paano ko siya puputulan ng ari ay naging attentive na lang ako sa mga taong palabas at papasok sa opisina niya. Tinitiyak kung hindi siya. Pati kapag may tatawag ay talagang lumalaki ang tainga ko. Pinapalakas ko ang radar ko upang marinig ko kung si Jagr ang tumatawag o hindi.
Hanggang sa tumunog ang landline sa table ni Miss Saville. Napatayo talaga ako kaya napatingin siya sa akin.
Kumakabog ang dibdib ko habang pinapanood siya. Hindi ko marinig kung sino ang kausap niya kaya wala akong pagpipilian kundi ang hintayin na senyasan niya ako na si Sir Jagr na niya ang kausap niya.
“Huh?” Nagulat talaga ako nang nangyari iyon.
Pasimpleng itinuro ni Miss Saville ang telepono. Ibig sabihin ay si Jagr nga iyon. Parang may spring ang kinauupuan ko na dagling itinulak ako nang makita ko ang senyas niya. Sa isang kisapmata ay nasa tabi na ako ng mabait na sekretarya.
“Yes, Sir. Right away, Sir,” sagot niya sa boss niya at ibinaba na niya ang cradle ng telepono.
Napalunok akong naghintay nang sasabihin sa akin ni Miss Saville. Nangangati ang mga palad ko.
“Ngayon na ang alis ni Sir Salvatore pero suwerte ka dahil may nakalimutan siyang papeles daw at gusto niyang ipahabol ko sa kanya sa pier.”
“Sa pier po?”
Tumango siya sa akin bago tumayo. Pumasok siya sa main office ni Sir Jagr at may kinuha sa drawer ng desk na isang kulay black na envelope. Naka-sealed iyon ng kulay ginto.
“Kailangang madala ito sa kanya bago…” Sinipat ni Miss Saville ang kanyang pambisig na relo. “Bago mag alas nuebe. Kaya mo ba?”
“A-ako po ang magdadala niyan?” Manghang itinuro ko ang sarili ko.
“Ayaw mo? Ayaw mo bang makausap si Sir?”
Umawang ang mga labi ko. At namilog na ang mga mata ko nang mapagtanto ko ang nais niyang mangyari. Tama, kapag ako ang nagdala ng papeles kay Sir Jagr ay makikita ko siya, at kapag nakita ko siya ay makakausap ko siya.
Nagliwanag na ang mukha ko. Ngumiti naman sa akin si Miss Saville.
“Opo! Kayang-kaya po!” Masigla ko nang kinuha ang envelope.
“Ingatan mo ‘yan.”
“Opo, Miss Saville. Maraming salamat po sa chance na ito.”
“Welcome. Basta tiyakin mo na may patutunguhan ang effort nating ito, ah?”
“Opo.”
Minsan pa siyang ngumiti. Isinulat niya sa akin ang address ng pier at ang pangalan ng barkong hahanapin ko. “Tanungin mo lang ang pangalang Tyson para dalhin ka niya kay Sir Jagr. Sa kanya mo lang ibibigay iyan.”
“Noted po.”
Tinapik niya ako sa braso. “Good luck.”
“Salamat po ulit,” kaway ko sa kanya at dala ang envelop ay nagtatakbo na akong umalis. Ang liksi-liksi ko. Ang saya-saya ko na para bang solve na ang aking problema gayong ni hindi nga ako sigurado kung makakausap ko ang demonyong manyak na iyon.
“Kuya, sa pier po tayo,” sabi ko sa taxing sinakyan ko. May pera ako dahil kay Pinky kaya hindi ko muna panghihinayangan kung magkano ang magiging pamasahe ko. Ang mahalaga lang sa akin ngayon ay makapunta sa pier sa tamang oras para makaharap ko ang demonyong manyak.
Habang lulan ako ng taxi ay nag-practice na ako ng mga paawang sasabihin sa kanya.
“Please, maawa ka sa amin na naghihirap,” bulong ko na may ekspresyon ng mukha na kaawa-awa.
“May sinasabi ka, Miss?” ang driver. Ang linaw pa rin ng pandinig kahit na may edad na.
“Wala po. Kumakanta lang po ako,” tanggi ko.
Ibinalik niya ulit ang atensyon niya sa kalsada. Napangiwi naman ako. Bahala na nga kung anong masasabi ko mamaya.
“Miss, nandito na tayo.” Makalipas ang medyo mahabang sandali na byahe ay untag sa akin ng driver.
“Dito na po ang pier?” naninigurong tanong ko habang sinisipat ang labas ng bintana.
“Oo, Miss,” aniya.
Nang may nakita akong mga malalaking barko ay saka lang ako naniwala. Dumukot ako ng pamasahe ayun sa nakita kong halaga sa metro. Gusto kong manghinayang dahil kulang-kulang isang libo ang binayaran ko pero huwag na lang.
“Salamat po,” pasalamat ko sa driver bago isinara ang pinto ng taxi niya nang makababa ako.
Sinipat kong muli ang isinulat ni Miss Saville sa papel. Nakasulat doon ay SALVA CREST. At malay kung anong ibig sabihin. Sa ibaba ay naka-care of sa pangalang Tyson.
Naglakad-lakad ako. Hanggang sa naisip kong magtanong.
“Kuya, alam niyo kung saan ito?” Ipinakita ko sa lalaki ang hawak kong maliit na papel.
“Ah, si Tyson. Doon pa iyong yate nila,” mabait na turo naman sa akin ng lalaki.
“Saan po?”
“Nakita mo ang mga yate na mga iyon. Doon ka magpunta. Nandoon ang SALVA CREST.”
“Ah, salamat po.” Yumukod muna ako sa lalaki bilang pasasalamat sa tulong niya sa akin. Habang naglalakad ako ay na-realize ko na kung ano ang ibig sabihin ng SALVA CREST. Pangalan pala ng yate.
Hindi na ako nagtaka kung anong ginagawa ni Jagr Salvatore sa yate. Mayaman siya. Malamang ay pag-aari niya ang yate.
“Excuse me. Saan po dito ang SALVA CREST?” tanong ko ulit sa isang lalaki na nakita ko.
“Ayun,” maiksi nitong sagot sabay turo sa pinakamarangyang yate na nakadaong roon.
“Ah, salamat po.” Tuwang-tuwa na tinungo ko na ang yateng sadya ko.
Sinalubong ako ng isang lalaking matangkad. “Sino ka?”
“Ako po si Corinne Rufino. Ako po ang pinadala ni Miss Saville para dalhin kay Jag— kay Sir Jagr Salvatore ito.” Ipinakita ko ang dala kong envelop.
“Ah, sige pasok ka.” Umalis na ang malakapre sa tangkad na lalaki sa daanan.
“Salamat.” Alanganin akong pumasok. At kung marangya ang loob ng yate, mas marangya pa sa loob dahil sa kulay gintong mga kulay ng floor to ceiling nito na interior. Animo’y pumasok ako sa maliit na five-star hotel.
Tumigil ako nang makita ko ang lalaki na kampanteng nakaupo sa luxury seat ng yate at kalmadong umiinom ng wine sa isang goblet habang naka-cross legs.
Nagtaas ito ng tingin at pareho kaming natigilan. Sa loob ng isang sandali, tila natunaw sa kawalan ang lahat sa aking paligid.
He was not a human; I was sure of that. Sa pagkakaalam ko kasi ay walang mortal na ganito ka-perpekto. Napakaguwapong manyak talaga ng animal. s**t!
“What the hell are you doing here?” magaspang niyang tanong at doon ako napakurap. Salubong ang makakapal niyang kilay.
“Ah, eh…” Napalunok ako. Parang gusto ko nang umatras. Bigla akong na-intimidate na nakapagtatakang hindi ko naramdaman noong sinugod ko siya sa kanyang opisina noong isang araw.
“I’m asking you why are you here? Sinusundan mo ba ako? Stalker ka ba?” untag niya sa akin.
Nagtaas ako ng kilay. Hindi ko alam kung dapat ba akong mainsulto o ano. Stalker? Ako? Neknek niya!
“At bakit dala mo ‘yan?”
Doon ko na nakuha ang boses ko. “Uhm, opo dala ko po ito kasi ipinadala sa akin ni Miss Saville upang ibigay ko raw po sa inyo.”
Napatitig lalo siya sa akin. Nagdududa. “Ilapag mo na lang diyan at umalis ka na.”
Sinunod ko siya. Maingat kong inilapag iyon sa table. Pero hindi pa ako umalis tulad nang utos niya. Tinatagan ko ang mga paa ko na bumalik sa kinatatayuan ko.
“May sasabihin ka pa?”
“Opo, tungkol po kay Daddy. Gusto ko ulit na humingi ng tulong sa iyo at sana pagbigyan niyo ako,” walang paligoy-ligoy kong sagot.
Napasinghap siya. “Sinabi ko na. Ko-contact-in kita kapag napag-isipan ko na.”
“Sana huwag niyo na pong pag-isipan. Tulungan niyo na po ngayon ang Daddy ko,” sumamo ko.
“Inuutusan mo ako?”
“Opo at kinakapalan ko na ang mukha ko matulungan niyo lang kami.”
Hindi siya makapaniwalang tumitig sa akin.
Hindi ko naman alam kung anong pumasok sa kokote ko. Namalayan ko na lamang at niyakap ko ang kanyang isang paa.
“Oy, anong ginagawa mo?!” Gulat na gulat tuloy siyang napaiktad.
“Please tulungan niyo po kami.”
“Hindi! Ayoko! Alis! Get out of here!” Galit na niyang pagtataboy sa akin. Pinipilit niya akong itulak pero parang tuko na akong nakayakap sa binti niya.
“Sir, please? Tulungan niyo ang Daddy ko. Kahit anong kapalit gagawin ko po. Please po,” sumamo ko pa.
“Umalis ka nga! Ano ba?!” singhal niya.
“Ayoko. Ayoko po.”
“Tyson! Tyson!” tawag na niya sa tauhan niya na biglang sulpot agad. “Ilayo mo ang babaeng ito! Paalisin mo!”
“Yes, Boss.” Nilapitan ako ni Tyson at pilit kinalas sa binti niya.
“Huwag! Huwag po! Maawa kayo!” Mas niyakap ko pa ang paa niya. Sa kamalasan ay napakadaling natanggap niya ako at naitapon sa labas ng yate.
“Umalis ka na at huwag na huwag ka nang babalik dito!” may babalang sabi pa niya sa akin.
Sa kanya ako natakot kaya hindi ako nakahuma. Naiiyak na lang ako dahil wala pa rin akong nagawa. At ayon na, paandar na ang yate paalis. Anong gagawin ko?
Nang bigla ay nagliwanag ang bombilya sa aking tuktok. Nagkaroon ako ng ideya. Sumalisi ako kay Tyson at sumakay ako ulit sa yate.