Christine’s POV
Kumakain na kami at masayang nagke-kwentuhan patungkol sa kaniya kaniyang ganap sa buhay namin. Medyo nakarami na rin kami ni Alexa ng wine at sila Gerald ay nakaubos na ng tig lilimang basong beer.
“Did you know that Christine, back in college is a—,” sambit ni Alexa.
Napaisip ako kung ano nga ba ako dati—noong nasa kolehiyo kami.
Hindi niya tinapos ang kaniyang sinasabi kaya sila Jaeryll at Gerald ay napahinto sa iniinom nilang beer at naghihintay sa pagtuloy ni Alexa sa kaniyang sinasabi.
Ngumiti si Alexa at itinuloy ang sinasabi, “Si Christine ay isang napakabuting kaibigan,” binigyan ako ni Alexa ng isang makahulugang ngiti, “Lagi siyang nandiyan kapag ako’y nangangailan lalo na noong panahon na may pinagdadaanan ako, kami ng pamilya ko,” naramdaman ko ang sensiridad ni Alexa habang binibigkas ang mga katagang iyon.
Hinawakan ko ang kaniyang kamay, pinisil ko ito ng marahan. Nadala na marahil sa iniinom na wine.
Nangilid na ang mga luha sa mga mata ni Alexa, “Thank you, for being such a good friend of mine,” pagkasabi niya no’n ay tuluyan nang pumatak ang mga namuong luha sa kaniyang mga mata, “Thank you for helping me to fixed my family,” humagulgol na siya nang tuluyan.
Tumayo ako para damayan siya, niyakap ko siya mula sa likod at hinalikan siya sa kaniyang ulo.
“No, thank you, for being my friend, my best buddy, and being my sister,” sambit ko.
Naluha ako. Nakaramdam ako ng galak sa mga sinabi ni Alexa.
“Nag-iyakan na sila,” usal ni Jaeryll.
Napatingin ako sa dalawang lalaki na kasama namin. Tinitigan ko at pinakinggan ang usapan nila.
Sumagot naman si Gerald, “Hayaan mo na, ganiyan talaga sila kapag nakainom tuwing nagkikita,” lumagok muli ng beer si Gerald at kumagat sa kaniyang chicken wings, “Masasanay ka rin kapag nagtagal kayo ni Alexa— kung makatagal ka sa kaniya,” pambubuyong ni Gerald. Tumawa siya sa kaniyang tinuran.
Tumingin si Jaeryll kay Alexa. Tila siya’y nag-iisip habang pinagmamasdan si Alexa.
“Sa tingin niyo ba magtatagal kami?” Biglang tanong ni Jaeryll mula sa kawalan.
Napabitaw ako sa pagkakayakap kay Alexa. Samantalang si Alexa ay lupaypay na. Inalalayan ko ito palapit sa akin para makasandal sa aking balikat.
Nilipat ko ang aking tingin kay Jaeryll at nagtanong, “Bakit mo naman natanong iyon?” Ini-ayos kong muli si Alexa dahil nadudulas ang kaniyang ulo.
Lumagok muna ito ng beer saka tumingin sa akin, “Ewan, lumabas lang sa aking bibig,” aniya.
Sumabat naman si Gerald, “Pare,” napaharap si Jaeryll sa kaniya, “Bakit kayo na ba?” pabirong tanong ni Gerald.
Natawa naman si Jaeryll at sumagot, “Oo nga pala, kanina ko lang pala siya niligawan,” sabay laklak ng beer sa baso, “Ito na lang tanong ko sa inyo: Sa tingin niyo ba may pag-asa akong sagutin ni Alexa?” nakangiti ito sa amin at naghihintay ng kasagutan.
Bigla naman umangat ang ulo ni Alexa at siya’y sumagot, “Oo! Sinasagot na kita!” sigaw nito. Tumayo ito pero patumba-tumba ang kaniyang katawan dahil sa epekto ng ininom niyang wine. Lumapit siya kay Jaeryll, mabuti na lamang at tatlong hakbang lang ang layo nila sa isa’t isa kaya nasalo siya nito.
Hawak na ni Jaeryll si Alexa sa kaniyang mga bisig, nagbago na naman ang titig ni Jaeryll sa kaniya. Yung hitsura niya animo’y nag-aalinlangan.
“Mabuti kang tao,” sambit ni Jaeryll. Naka-ngiti lamang sa kaniya si Alexa habang nakikinig.
“Ikaw din mabuti kang tao,” sagot ni Alexa na may kasamang sinok at muntik pang matumba sa upuan.
“Alalayan mo,” usal ko.
Nag-aalala kasi ako at baka tuluyang mahulog sa pagkakaupo si Alexa dahil sa sobrang likot.
Umakbay naman sa akin si Gerald at bumulong, “Para tayong nanonood ng sine,” aniya sabay nguya ng kaniyang kinakain na chicken wings, “Tapos yung title ng pinapanood natin ay: The power of internet love,” bahagya naman tumawa si Gerald sa kaniyang tinuran at uminom muli ng beer.
Hinampas ko sa balikat si Jaeryll, “Loko ka!” at muli itong tumawa. Sinamaan ko ito ng tingin pero tuloy pa rin siya sa pagtawa.
Binalik ko ang aking tingin kay Jaeryll at Alexa. Naabutan ko itong may ibinubulong kay Alexa habang ito’y natutulog. Medyo matagal din ang pagbulong ni Jaeryll.
“Okay ka lang ba?” tanong ko.
Iniisip ko kasi kung paano sila makakauwi gayong lasing na sila parehas.
Tumingin sa akin si Jaeryll at sumagot, “Oo, kaya pa,” aniya, “pero si Alexa, hindi na kaya, bagsak na, sa susunod hindi ko na ito paiinumin ng marami,” turan niya.
Magsasalita na sana ako tungkol sa pag-uwi nila nang sumabat si Gerald.
“Gusto niyo mag check in na lang kayo sa hotel, para ‘di hassle sa biyahe,” suhestiyon ni Gerald.
Napatingin ako kay Gerald, nakangiti ito sa akin. Marahil ay alam niyang nag-aalala ako kay Alexa dahil sa sobrang kalasingan.
Sumeryoso ang mukha ni Jaeryll at sinabing, “Si Alexa na lang, kailangan na niya magpahinga,” uminom ito muli sa kaniyang baso, “Ayaw kong isipan niya ako ng masama,” tumingin muli ito sa natutulog na Alexa, hinahaplos ang mukha.
Huminga ako ng malalim at nagsalita.
“Bilang kaibigan ni Alexa— nag-iisang kaibigan, kapatid, or whatsoever you called it,” kampante kong sabi, “Binabasbasan ko na ang panliligaw mo,” ngumiti ako kay Jaeryll.
“Wow!” sarkastikong sambit ni Gerald.
Napatingin ako kay Gerald.
“Why?” tanong ko.
Sasagot pa lang sana si Gerald nang biglang i-announce ang pangalan ko.
“Good evening everyone, we are calling the attention of Ms. Christine Gallerno of room 1021, you have package that arrived. Please raise your right hand, if you are here,” announce mula sa front desk ng restaurant.
Nag-taas naman ako ng kanang kamay at maya-maya pa’y lumapit sa lamesa namin ang delivery guy at may dalang bouquet.
Ngumiti ng makahulugan si Jaeryll at nagsabing, “Nice, ang sweet mo naman,” sambit nito kay Gerald.
Tumingin ako kay Gerald akala ko sa kaniya galing ang bulaklak ngunit nagkamali ako. Nakatitig din iyon sa hawak ng delivery guy.
Iniabot nito sa akin ang bouquet at pinapirma. Pinirmahan ko naman iyon.
Nang tingnan ko kung anong klaseng bulaklak iyon ay nagitla ako. Nabitawan ko ang bouquet mabuti na lamang at sa ibabaw na mesa iyon bumagsak.
Pinigilan ko ang delivery guy sa paghakbang, “Teka,” huminto naman ito at nagtaka, “Kanino galing ang mga bulaklak na ito?” tanong ko.
“Why, Babe?” nagtataka din na tanong ni Gerald.
Hindi siguro napansin ni Gerald kung anong bulaklak ang nasa bouquet.
Sumagot naman ang delivery guy, “I’m sorry, Ma’am,” sabay labas ng papel na pinirmahan ko, “Ang nakasulat po rito ay...” binasa niya ang nasa papel, “Galing po kay Chrys, wala pong nakalagay kung Mr. Or Ms.” Paliwanag ng lalaki.
Pagkarinig ng pangalan na Chrys ay agad na napatayo si Gerald at kinuha ang boquet na nasa ibabaw ng lamesa. Tinignan niya iyon ng maigi, maya-maya pa’y may kinuhang card sa loob ng bouquet.
Hindi ko pa rin pinapaalis ang lalaki dahil kailangan kong malaman ang totoo.
Hawak hawak ni Gerald ang bouquet sa kaniyang kaliwang kamay samantalang hawak niya sa kanang kamay ang isang card, binasa ito ni Gerald.
“I will try to bring back your memories so that you will remeber how you killed someone... -CHRYS,”
Galit na pinuna ni Gerald ang delivery guy at ang flower shops na pinanggalingan no’n.
“Kanino galing?” mariin niyang tanong.
Napatingin sa amin ang ibang tao na naroroon, napalakas na kasi ang boses ni Gerald.
Napalunok bigla ang delivery guy. Hindi niya alam kung papano niya sasagutin ang tanong ng isang nag-gagalaiting lalaki.
“H-hindi ko po alam, Sir,” nauutal na sagot ng lalaki.
Dahan-dahan naman inilapag ni Jaeryll si Alexa sa upuan saka tumayo para awatin si Gerald.
“Teka, tama na iyan,” aniya, “Delivery guy lang iyan,” pinakalma niya si Gerald.
“Fvck!” mura ni Gerald. Muli siyang humarap sa delivery guy at humingi ng paumanhin, “Sorry,” aniya.
“O-okay lang po...” takot na sagot ng lalaki, “Kung may tanong kayo pwede niyong tawagan yung flower shops,” iniabot niya ang papel na pinirmahan ko, “kuhaan niyo na lang ng litrato dahil kailangan ko rin iyan bilang pruweba na natanggap na ng recipient yung package,” turan niya.
Nilabas ni Jaeryll ang kaniyang cellphone at kinuhaan iyon ng litrato.
“Sige po, pasensya na po,” sambit ni Jaeryll.
Naglabas si Jaeryll ng pera pambayad danyos sa nangyari. Tinanggap naman iyon ng lalaki at saka umalis.