Chapter - 3

1923 Words
Hindi ko alam kung matatawa o maiirita matapos marinig sa binata ang sinabi nito. Seriously? Nagpunta ito sa coffee shop na hindi dala ang wallet pagkatapos ay mangungutang ng pera sa akin? Ang tanong ay close ba kami? Masyado naman yata itong garapal at makapal ang mukha para mangutang? Sa akin pa talaga na iisang libo na lang ang natitirang pera sa pitaka? “Kung pwede lang naman. Don’t worry, babayaran talaga kita bukas sa school,” wika pa nito habang nakangiti sa akin. Tumikhim ako saka pasimpleng lumingon sa paligid, bago binalingang muli ang kaharap. “Wala akong pera! At kung mayroon man ay bakit kita pauutangin? Magkakilala ba tayo?” may halong sarkasmo ang aking tinig nang sabihin iyon. Lalo akong nainis nang hindi ko manlang kinakitaan ng pagkapahiya ang binata. Sa halip ay lalo pa itong ngumiti nang matamis. “Kanina lang tayo nagkakilala. Limot mo na ba?” “Exactly! kanina lang tayo nagkakilala, kaya bakit uutangan mo agad ako?” Kung sa iba ay baka hindi ko na lang pinansin ang binata. Kaya nagtataka ako sa sarili kung bakit nakukuha kong mag-react dito. “I just thought na kaibigan mo na rin ako. I already know your name at sinabi ko rin sa iyo ang sa akin, ‘di ba? Or baka naman kailangan ko ulit magpakilala?” anito na mayamaya ay nagkibit ng balikat. “Okay! I’m Dominick. Nick for short, but you can call me anything you want—huwag lang baby, ang baduy kasi no’n!” Sabay kindat pa ng lalaki. “Masyado kang feeling!” gigil kong wika na pilit pinagtatakpan ang nararamdaman. Naiinis din kasi ako sa sarili dahil para akong kiniliti sa sinabi ng kausap. Hindi iyon magandang pangitain. Hindi ako ganoong babae! “Joke lang! Masyado kang pikon,” tatawa-tawa nitong ani. Huminga ako nang malalim at pinilit kumalma. Nakapagtataka na kung si James nga ay nagagawa kong hindi pansinin sa mga pambobola nito noon ay bakit hindi ang Nick na ito? Bakit nakukuha ng binata ang aking atensyon na dapat ay hindi naman? “Kung hindi kayo o-order ay maiwan ko na kayo, Sir!” ilang sandali ay sabi ko. Yumuko pa ako bilang paggalang bago ito tinalikuran. Hindi pa rin umalis ang binata. Sa lihim kong pagsulyap dito ay nakita ko ang tila haggard nitong hitsura. Ano ba ang ginawa nito at parang pagod na pagod? Bigla tuloy akong nakonsensya. Baka nga nagugutom ang lalaki at wala talagang dalang pera. Ang tanong ay may pera ba talaga ito? Sabagay, hindi ito mukhang anak-mahirap. Pero magkaganoon pa man ay nakadama ako ng simpatya rito. Naalala ko ang mga naranasang gutom noon habang iginagapang ang pag-aaral. Bago pa magbago ang isip ko ay kumuha na ako ng gusto niyang inumin at sinamahan ko pa ng isang slice ng blueberry cake. Merienda ko dapat iyon mamaya. May libre kasi kaming ganoon sa isang araw pero ibibigay ko na lang ang akin kay Dominick. “Salamat. Sabi ko na nga ba mabait ka,” ngiting-ngiti nitong saad nang ilapag ko ang pagkain sa table niya. “Kumain ka na. Kung ano-ano pang sinasabi mo!” blanko ang mukha na tugon ko. “Bukas ang bayad, ha?” sabi pa nito bago nilantakan ang aking dala. Kibit-balikat na lang akong tumango bago bumalik sa aking pwesto. Hindi ko sinabi na libre lang iyon dahil baka kung ano pa ang isipin ng lalaki. Ilang oras pa ang lumipas ay nanatili sa coffee shop si Dominick. Bagay na gusto kong pagtakhan pero wala naman akong pakialam doon. Tambayan naman kasi talaga ang coffee shop na pinagta-trabahuhan namin. Kaya lang ay nakaka-ilang kasi ang presensya nito. Kahit hindi naman niya ako pinapanood sa ginagawa ay naging concious ako sa aking kilos. Alas-nueve ng gabi, out ko na sa work. Nagmamadali kong kinuha ang mga gamit sa locker matapos magpalit ng damit. Paglabas ko ay nagulat ako nang makita ang lalaki sa tapat ng coffee shop na nakasandal sa kanyang motorsiklo. Hindi ko na sana ito papansinin pero tinawag niya ako. “Ihatid na kita.” Natigilan ako sa narinig. “Huwag na. Salamat na lang,” tanggi ko. Ayokong isipin na hinintay niya akong talaga. “Pumayag ka na. Doon din naman ang way ko pauwi, eh. Saka bilang thank you na rin sa pagpapautang mo sa akin kanina,” anito. “Magdyi-jeep na lang ako,” tanggi kong muli rito. “C’mon, Mariel. Gabi na at delikado sa tulad mo ang umuwing mag-isa. Kilala mo na naman ako kaya pumayag ka nang umangkas sa akin!” Dapat ay asikan ko ang lalaki dahil sa asta nito na parang close kami. Kanina lang kami nagkakilala at hindi pa maganda ang una naming encounter-tapos kung mabanggit nito ang pangalan ko ay para bang matagal na kaming close? “Ang sabi ko ay huwag na. Malabo ba iyon sa’yo?” seryoso kong wika. Hindi ko na ito binigyan ng tyansa na sumagot at naglakad na ako patungo sa hintayan ng mga pampasaherong jeepney. Hindi pa rin umalis ang lalaki sa pwesto nito at tila inaabangan pa akong makasakay. Nagsimula tuloy akong maalibadbaran. Rush hour kaya halos lahat ng dumaraang jeep ay puno na. “Hey! Sabay kana kasi sa akin?” untag nito na hindi ko napansin na nakalapit na pala sa tabi ko. “Tsk!” tugon ko na sa kalsada pa rin nakatingin. Narinig ko ang buntong hininga ng lalaki. Nang sa wakas ay may tumigil na sasakyan sa tapat ko ay agad akong sumakay roon. Nang tingnan ko ang binata ay nakatingin din pala ito sa akin habang iiling-iling. Mayamaya ay sumakay na rin ito sa motorsiklo niya at pinatakbo iyon pasabay sa aking sinasakyan. Inalis ko na lang ang atensyon sa lalaki. PAGKA-UWI ng bahay ay ihiniga ko ang pagod ang katawan sa papag na may manipis na kutsyon. Marami akong gagawing thesis pero pakiramdam ko ay blanko ang aking utak. Hindi mawala sa isip ko ang binatang si Dominick. Unang araw pa lang ay nakuha na nito ang akin atensyon. Bukod doon ay naisip ko rin si Alexa. Masyado nang malayo ang narating nito at hindi ko alam kung maaabutan ko pa ba ang babae? Kung hindi sana ako patigil-tigil sa pag-aaral ay baka News Anchor na rin ako ngayon katulad niya. Napatitig ako sa kisame ng aming bahay. Kung saan may agiw at ilang butiki. Maliit lang ang aking tinutuluyan at binabayaran ko pa iyon kay aling Minda. Ayaw nga sana nitong tanggapin dahil anak na ang turing nito sa akin pero pinilit ko ito dahil alam ko naman na kailangan din nila ng pera. Lahat ng hirap na pinagdaanan ko ay kinaya kong tiisin dahil sa aking pangarap. Pangarap na maging News Anchor sa SBC at malampasan ang kinamumuhiang si Alexa. Ilang saglit ay masigla na akong tumayo. Nawala ang pagod ko dahil sa babae. Kinuha ko ang bluetooth microphone saka humarap sa salamin at ginaya ang paraan ng pagbabalita ng mga napapanood kong reporters sa TV. I know I can be on top! Walang makakapigil sa akin sa pag-abot ng tuktok ng tagumpay. Ang kailangan ko lang ay maghintay. “Ito si Mariel Montefar, nag-uulat!” sabi ko pa matapos magbalita kuno sa harap ng salamin. Pero hindi ako kontento sa ginawa. Parang may kulang. Hindi ko malalabanan si Alexa kung ganoon lang ang performance ko. Kailangan kong mag-practice nang mag-practice. Sisiguraduhin ko na kapag nagkaharap kami ay pantay na ang aming kakayahan. DALAWANG araw ang lumipas. Tulad ng ipinangako ko kay Cherry ay sinamahan ko ito sa panonood ng practice game ng basketball sa gym. Tamang-tama naman na wala akong pasok sa coffee shop kaya pagkatapos ng klase ay masaya na akong niyakag ng kaibigan patungo roon. “Makikita ko na rin si crush!” kinikilig pa nitong wika habang naglalakad kami sa hallway. Iiling-iling lang ako habang nakikinig. May bago na namang crush ang kaibigan. Pabago-bago ito ng crush kaya sanay na ako. “Salamat talaga, Mariel, at sinamahan mo ako,” saad pa nito sa akin. “Nagkataon lang na wala akong work ngayon kaya sasamahan kita.” “Ah, basta! Salamat pa rin.” Bumili pa ng popcorn at softdrink si Cherry at inilibre ako pero binayaran ko rin ito. Hindi ako tumatanggap ng libre mula sa ibang tao at alam iyon ng kaibigan. Kaya nagkibit na lang ito ng balikat matapos kong i-abot ang bayad sa kanya. Pinili nito ang ikatlong row ng upuan sa gym at dahil iilan lang ang mga nanonood ay kitang-kita kami ng mga players. Karamihan sa mga naroon ay mga babae na tumitili sa kanilang mga idolo. “Sayang, simula na pala. Hindi natin naabutan ang umpisa!” sabi sa akin ni Cherry na panay ang nguya ng popcorn. Pinilit ko na lang ang sarili na manood kahit ang totoo ay inaantok ako. Wala naman kasi akong kahilig-hilig sa ganoong sport. Sinamahan ko lang talaga ang kaibigan. “Sino ba ang crush mo sa mga ‘yan?” tanong ko habang pasimpleng kinuha ang dalang aklat at nagbasa-basa roon. Mas trip ko pa talaga ang magbasa kaysa manood. “Ayon! ‘Yung naka-pulang jersey, number eight!” sagot nito na kilig na kilig. Nang tingnan ko ang mga mga players ay nakita ko ang sinasabi ni cherry. Isang chinito na medyo pandak ang naka-crush-an ng kaibigan. Natigilan lang ako nang may mamataang lalaki sa tabi nito. Nakasuot ito ng jersey short at itim na tshirt. Dominick! Hindi ko akalain na naglalaro din pala ng basketball ang binatang iyon. Bumilis ang kabog ng aking dibdib habang nakatitig sa lalaki. Hindi maitatanggi na sobrang gwapo nito sa suot. Tingin ko pa nga ay ito ang ipinunta ng ibang manonood doon. Nagulat ako nang bumaling sa audience ang atensyon nito. Dali-dali akong yumuko para hindi nito makita. Kaya naman nang tumili si Cherry para mag-cheer ay muntik ko na itong mahila sa pagsaway. “Break time. Tara, Mariel, lapitan natin ang crush ko!” untag sa akin ni Cherry makalipas ng sampung minuto. Nanlalaki naman ang mga mata ko sa pag-iling. “Ikaw na lang. Nahihiya ako, eh,” kunwari ay tanggi ko. Naniwala naman ang kaibigan saka ito umalis sa tabi ko para puntahan ang sinasabi nitong crush. Todo tago naman ako sa malaking lalaki na nasa unahan ng upuan ko. Mabuti na lang talaga at may nagsilbing harang sa akin. Lihim kong tiningnan ang gawi ni Dominick. Kausap nito ang mga kapwa player habang sina Cherry at ang iba pang fans ay kinikilig na naghihintay sa isang tabi. Napa-iling tuloy ako. Hindi ko yata kaya ang ginagawa ng mga ito kahit pa sa iniidolo kong artista. Ayokong makita ni Dominick doon. Baka isipin pa nito na katulad din ako ng mga babaeng fans nila. Hihintayin ko na lang sa pwesto si cherry. Pagdating nito ay aayain ko na siyang umuwi. Kaya lang ay hindi ako mapakali sa upuan. Lalo at nakita ko na kausap na ni Cherry ang tsinito niyang crush kasama si Dominick. Tila kilala rin ng kaibigan ang binata. Lalong sumasal ang kaba sa aking dibdib. Pero bakit? Ano'ng dahilan? Bakit ako kakabahan sa presensya ng lalaki? Ano naman kung makita niya ako sa gym na iyon. Hindi lang naman ito ang player doon! Umayos ako at tumuwid ng upo. Walang dahilan para umasta ako ng ganito! Kailan pa ako nagtago sa isang lalaki? Pag-angat ko ng tingin ay muntik na akong mapalundag sa gulat nang makita si Cherry sa tabi ko. Kasama nito ang crush niya at si Dominick!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD