Gustuhin ko man na umiwas ay wala na ring silbi dahil nasa harapan ko na sina Cherry at ang crush nito kasama si Dominick. Magmumukha akong tanga kung aalis pa ako. Baka mag-isip pa ng kung ano ang kaibigan. Kaya wala akong nagawa kun’di ang humarap sa mga ito.
“Mariel, isinama ko na rito si Carlo para maipakilala sa iyo,” masayang saad sa akin ni Cherry bago bumaling sa mga kasama para ipakilala kaming tatlo sa isa’t-isa. “Siya si Mariel, kaibigan ko. Mariel, siya naman si Carlo, ang point guard ng basketball team-at si Dominick, captain nila.”
Pinilit kong maging pormal sa pagbati sa mga ito lalo na sa iniiwasang lalaki na noon ay matiim ang titig sa aking mukha.
“Hello, Mariel, nice to meet you. Masaya ako sa pagkakaroon ng fans na katulad n’yo ni Cherry.”
Natigilan ako matapos marinig ang sinabi ni Carlo. Fans? Pagkuwan ay napasulyap ako sa kaibigan na panay ang pa-sikretong senyas sa akin.
“O-oo, mahilig talaga kami ng kaibigan ko sa sports lalo na sa basketball. Hectic lang talaga ang schedule namin kaya madalang kaming makapanood. ‘Di ba, Mariel?” untag pa nito sa akin matapos sabihin ang kasinungalingan. Hindi sana ako sasagot pero kinuhit niya ako sa tagiliran.
“A-ah, oo. Tama siya!” napilitan kong tugon sabay sulyap kay Dominick. Mayroon na namang amusement sa mga mata ng lalaki na kung sa iba ay kaiinisan ko pero bakit pagdating sa kanya ay tila naging kaakit-akit ang gesture na iyon?
“Ang saya naman. Salamat talaga, ha?” tuwang-tuwa naman na reaksyon ni Carlo. “Kilala mo na ang captain namin, Mariel? Si Nick, friend ko,” dagdag pa nito pa-ukol sa kasama.
Para namang may naghabulang daga sa loob ng aking dibdib nang magtama ang paningin namin ng lalaki. Hind ko kinaya na makipagtitigan kay Dominick kaya dagli kong iniiwas ang mga mata rito.
“Magkakilala na kami,” wika nito na ikina-angat ng aking mukha.
“H-ha? Magkakilala na kayo ng friend ko?” maang na tanong ni Cherry.
Lihim kong nahiling na sana ay huwag nang banggitin pa ng binata ang tungkol sa aming unang pagkikita. Pilit ko pa itong kinausap sa pamamagitan ng titig ngunit tila nananadya ang lalaki.
“Hindi ba niya ako nai-kwento sa iyo? Aksidente kaming nagkakilala sa labas ng school noong isang araw. Nadumihan ko ang uniporme niya,” pahayag ni Dominick na ikinatigagal ni Cherry.
“Ikaw si Mr, kaskasero?” nanlalaki ang mga mata na reaksyon ng kaibigan. Mariin na lang akong napapikit.
“Kaskasero? Si Nick?” hindi naman makapaniwalang pakli ni Carlo.
“Medyo late na kasi ako noon kaya napabilis ang drive ko. Pero okay na kami ngayon. In fact, may utang pa ako sa kanya.”
Muntik ko nang asikan si Dominick dahil sa kadaldalan lalo na nang makita ko na parehong natulala sina Cherry at Carlo.
Kainis talaga!
“BAKIT hindi mo sinabi sa akin na si Nick pala ang tinutukoy mong kaskasero?” nakangusong tanong ni Cherry nang makaalis na kami sa gym.
Sabi ko na nga ba! Mag-uusisa itong maigi tungkol sa binata.
“Hindi ko naman alam na captain pala ang lalaking iyon ng basketball team, eh.”
“Akala ko’y pangit ang tinutukoy mong kaskasero kaya wala ka manlang sinabi. Iyon pala ay si Nick. Oh my gosh, Mariel! Bakit hindi mo siya kilala?” Over react naman itong masyado.
“Bakit? Ano bang mayroon sa taong iyon? Dapat ba ay kilala ko siya?” kunwari ay balewala kong tanong.
Naiiling akong tiningnan ng kaibigan. “Si Dominick Salazar iyon. MVP ng University at isa sa mga hearthrob dito. Graduate siya ng business management sa Abroad at pagbalik dito ay nag-aral naman ng photography,” detalyadong wika nito.
Hindi ako nagpakita ng ibang reaksyon sa narinig kahit ang totoo ay natandaan ko agad ang mga sinabi niya tungkol sa binata.
“Matagal mo na ba silang kilala?” naisipan ko pang itanong at hindi pinansin ang nanunukso nitong sulyap.
“Last year lang. Hindi ka kasi sumasama sa akin, eh.” Saka niya ako tinudyo ng, “bagay kayo!”
“Ano? Pwede ba, Cherry!” namumula kong reaksyon.
Tatawa-tawa naman ang babae. “Mabait iyon at hindi playboy. Mukhang magkaka-lovelife kana, friend,” giit pa nito.
“Shhhh . . . Baka may makarinig sa iyo. Nakakahiya!” saway ko naman rito.
“Hayaan mo lang ang mga iyan.”
Napa-iling ako sa kaibigan. Ewan ko ba kung bakit hindi ko ito masyadong sinaway sa panunukso niya sa amin ni Dominick. Samantalang noon ay halos umasim ang mukha ko tuwing tutuksuhin niya ako kay James.
“Teka nga, maiba ako. Ano naman iyong sinabi mo sa gym kay Carlo? Bakit kailangan mong magsinungaling sa kanya at sabihin na fan niya rin ako sa basketball?” ungkat ko sa babae nang maalala ang tungkol doon.
“Sorry nga pala ro’n. Gusto ko lang naman na maging confident ‘yung tao sa game nila. Siya lang daw kasi ang walang fans sa mga players. Kaya ngayon ay mayroon na-tayong dalawa!” paliwanag nito.
“Tsk!”
Ang babaw!
Pagkatapos ng aming pag-uusap ay napagpasyahan na namin na umuwi. Sabay kaming naghintay ng masasakyan sa waiting shed ng Unibersidad. Naunang makasakay si Cherry kaya naiwan akong mag-isa roon. Punuan na naman kaya wala akong mapara na jeep.
Ilang minuto na ako roon nang bigla na lang sumulpot sa harapan ko ang naka-motor na si Dominick.
“Hi! Bakit hindi mo ako hinintay sa locker area? Babayaran ko sana ‘yung utang ko,” anito.
“Nakalimutan ko dahil nagmamadali na si Cherry pag-alis,” katwiran ko. Kanina kasi sa gym ay sinabihan ako ng binata na hintayin siya para mabayaran ang utang sa akin. Kaya lang ay nawala sa isip ko dahil sa kasama.
“Anyway, salamat uli, ha?” anito. Dinukot ang pera sa wallet saka ini-abot sa akin.
“Wala iyon. Salamat din,” tugon ko matapos kunin ang pera.
Ngumiti ito at muntik na akong matulala sa gwapo nitong mukha. Inalis kong pilit ang tingin dito at ibinaling iyon sa nagdaraang mga sasakyan.
“Hatid na kita? Pwede?”
Napatingin ako kay Dominick dahil sa narinig. Heto na naman ang kakulitan ng lalaki. Napansin ko ang ilang kasabayang estudyante na naroon din sa waiting shed at napapatingin sa amin. Tulad noon ay tinanggihan ko ulit siya.
“Hindi ako nagpapahatid sa lalaki.”
“C’mon, naihatid-sundo na nga kita ay ganiyan pa ang sinasabi mo?” iiling-iling nitong wika.
“Iba iyon!” diin ko.
“Tsk! Tigas din ng ulo!” pabulog nitong saad pero malinaw kong narinig.
“Ano'ng sabi mo?”
“Wala.”
Huminga ako nang malalim saka inayos ang pagkakakipit sa mga libro. Ilang sandali pa ay umalis na ang binata roon. Hindi ko maintindihan ang sarili. Ang akala ko kasi ay hihintayin niya ulit ako na makasakay bago umalis tulad noon sa coffee shop. Nakapagtataka ang panghihinayang na bigla ko na lang naramdaman.
Ano ba ang ini-expect mo, Mariel? kutya kong tanong sa sarili.
I took a deep breath saka pinilit alisin sa isip ang binata. Itinuon ko ang atensyon sa paghihintay ng sasakyan. Masyadong maraming tao kaya kahit may mga tumitigil sa tapat ay nauunahan akong makasakay ng ibang kapwa estudyante. Kinse minutos na ang nakalilipas ay naroon pa rin ako. Naisip ko na lumayo at maghanap ng ibang pwesto para makasakay. Habang nakatayo ay bigla ko na lang naramdaman ang paggitgit sa akin ng isang lalaki. Kinabahan ako nang bigla na lang itong kumuha ng kutsilyo at itinutok sa aking tagiliran.
“hold up ‘to, akin na ang wallet mo!” bulong nito saka ako pasimpleng inakbayan.
Natigilan naman ako at saglit na nablanko ang utak. Walang pera ang wallet ko kun’di Five Hundred na tinitipid ko pa hanggang a-kinse dahil hindi pa ako nakaka-sweldo. Iyong ibinayad naman ni Dominick ay nasa bulsa ng aking pantalon. Unang beses na mangyari ito sa akin.
“W-wala po akong pera!” kabado man ay nagawa kong sabihin.
“Tsk! Linya ng mga hino-hold up,” anito saka ako lalong ginitgit. “Ibigay mo sa’kin ang wallet at selpon mo kung ayaw mong mabutas ‘yang tagiliran mo, Miss.”
“Wala po akong cellphone,” saad ko na siya namang totoo. Nasira kasi ang gamit ko noon at hindi pa ako nakakabili ng bago dahil marami pa akong inuunang project sa school.
Ngayon ako nagsisisi kung bakit pa ako lumayo sa waiting shed kung saan maraming tao. Ngayon ay sino ang mag-iisip na hino-hold up ako ng lalaki? Bukod sa nasa madilim kaming parte ay aakalain pa ng iba na mag-syota kami sa posisyon naming iyon.
“Iyong wallet na lang, dali!” wika nito.
Sa kabila ng pangangatal dahil sa kaba ay mabilis kong hinalughog ang pitaka sa bag. Ngunit bago ko pa iyon mai-abot sa lalaki ay may motorsiklo na tumigil sa aming tapat. Nagulat ako nang makita na si Dominick iyon. Bumalik ang binata!
“Hoy! Itigil mo iyan!!” sigaw nito.
Nataranta naman ang magnanakaw at patulak akong binitawan. Agad akong nilapitan ni Dominic nang mawala ang lalaki.
“Are you okay?” he asked while checking on me.
“Y-yes. Salamat!” Nanlalambot pa rin ang mga tuhod ko nang sabihin iyon. Dahil sa shock ay hindi ko halos napansin na nakahawak na ito sa aking mga braso habang puno ng pag-aalala ang mukha.
“Bakit kasi ayaw mo pang sumabay sa akin kanina?” may halong paninisi ang boses na tanong nito.
Hindi ko na nagawang sumagot. First time kong naranasan iyon kahit pa nga lumaki ako sa magulong iskwater. Pero ayokong ipahalata sa binata ang naging takot ko. Ayokong magmukhang duwag at mahina sa harap nito o ng sino man. Kaya nang akayin ako ni Dominick palapit sa motorsiklo niya ay pumiksi ako.
“K-kaya kong umuwi mag-isa. Salamat na lang ulit,” blanko ang mukha na sabi ko.
Pero ganoon na lang ang gulat ko nang basta na lang akong kaladkarin ng binata at isakay sa motor nito.
“I insist!” anito habang isinusuot sa akin ang helmet.
Dapat ay magalit ako dahil sa literal nitong pamimilit at pakikialam sa akin. Sino ba siya para pilitin ako sa isang bagay na ayaw ko? Ni hindi kami magkaibigan para umakto ito nang ganoon sa akin. Pero bakit hinayaan ko lang ang lalaki?