“Ano’ng sabi mo? Bakit ka kamo na-late?” pag-uulit na tanong ng kaibigan kong si Cherry nang nasa cafeteria na kami at kumakain. First time ko kasi na mahuli sa klase kaya naman naging big deal iyon sa kanya.
“Sabi ko may naka-encounter ako na kaskaserong motor rider. Natalsikan ng putik ang uniform ko kaya kinailangan kong bumalik sa bahay para magpalit ng damit,” salaysay kong muli sa ikalawang pagkakataon.
“Eh, ‘di ba sabi mo’y inihatid ka naman saka hinintay ka pa?”
“Oo,” tango ko.
“At ang sabi mo ay estudyante rin dito ‘yung guy?” Pagka-wika niyon ay nagkaroon ng ningning ang mga mata ni Cherry. Mayamaya ay nanunukso niya akong tiningnan. “Ano’ng hitsura? Gwapo ba?”
Natigilan naman ako sa tanong nito. “Ano bang klaseng tanong iyan?” kunwari ay maang kong reaksyon.
“Gusto ko lang namang malaman kung gwapo si Mr. Kaskasero, eh!”
“Malay ko! Hindi ko masyadong napansin dahil nagmamadali na ako pagpasok,” pagsisinungaling ko.
Nilakihan naman niya ako ng mga mata. “What? Don’t tell me na kahit pangalan ay hindi mo inalam?” may panghihinayang sa tinig na sunod nitong tanong.
“Kailangan ko pa bang alamin ang pangalan ng lalaking iyon?” Muli ay nagkunwari ako na walang pakialam, kahit ang totoo ay tandang-tanda ko ang sinabing pangalan ng binata kanina.
“My name is Dominick Salazar, how ‘bout you?” he asked nang makapasok na kami sa loob ng Unibersidad.
“M-mariel . . .” nag-aalangan kong sagot.
Sa huli ay gusto ko pang kastiguhin ang sarili dahil sinabi ko pa rito ang pangalan samantalang kung tutuusin ay hindi na kailangan. Masyadong malawak ang Paaralang iyon at imposible na magkita pa ulit kami. Maliban na lang kung aksidente pero wala naman akong balak na palawakin pa ang pagkikilala namin ng lalaki. Para sa akin ay tapos na doon ang aming pag-uusap.
“Mariel?” patanong nitong usal.
“Mariel. Iyon ang name ko!”
“Walang apelyedo?”
“Wala.” para ano pa, ‘di ba? naisip ko bago nagpaalam dito. “Sige mauna na ako, salamat ulit,” saad ko saka nagmamadaling tumalikod sa kausap. Narinig ko pa ang buntong hininga ng lalaki.
“Nice to meet, Mariel. See you around!” pasigaw nitong sabi na ikinatingin ng ibang mga estudyante sa hallway na iyon.
Hindi na ako sumagot pa kahit sa sulok ng aking dibdib ay naroon ang kagustuhan na lingunin ito. May munting tinig na bumubulong sa akin pero pinilit ko iyong balewalain.
“Ang suplada mo talaga! Siguro’y pangit ‘yung guy kaya ka ganyan,” tinig ni Cherry na nagbalik sa akin sa kasalukuyan.
“Kilala mo naman ako, ‘di ba? Hindi ako interesado sa mga bagong kakilala,” katwiran ko.
“Sabagay! Kung si James nga na nuknukan ng gwapo ay binasted mo-si Mr. Kaskasero pa kaya?” banggit pa nito sa dati kong suitor.
PAGKATAPOS ng huli naming subject ay nagmamadali na akong nagligpit ng mga gamit ko. Maaga pa pero kailangan ko nang umalis para magtungo naman sa coffee shop na pinagta-trabahuhan bilang part timer.
“Mariel, hindi mo ba talaga ako sasamahang manood ng practice ng basketball sa gym?” lapit sa akin ni Cherry. Kanina kasi ay hiniling nito na samahan ko siyang manood niyon. Hilig kasi ng kaibigan ang mga sports pero kakatwang kahit isa ay wala itong alam na laro.
“Next time na lang, Cherry,” tanggi ko sa kaibigan. “Sayang kasi ang isang araw ko sa coffee shop. Malapit na ang next semester at kailangan ko ng pera,” dagdag ko pa.
She sighed. Saka nakangusong sinabing, “ang boring kasing manood mag-isa. ‘Yung iba nating kaklase ay wala ring hilig sa basketball kaya wala akong maaya sa kanila.”
Nakadama naman ako ng guilt dahil sa sinabi nito. Huminga ako nang malalim bago nagsalita. “Hayaan mo, sa isang araw ay sasamahan kita. Huwag lang ngayon dahil may trabaho ako,” saad ko na ikinatuwa ng kaibigan.
“Thank you, Mariel, the best ka talaga!” masayang reaksyon nito. Tipid ko lang siyang nginitian. Pagkuwan ay nagmamadali na akong nagpaalam dito.
Kinse minutos ay nasa coffee shop na ako. Agad kong inilagay ang mga dalang aklat at bag sa locker room saka mabilis na nagsuot ng apron at bandana na siyang pinaka-uniporme roon. Maaga pa pero lumabas na agad ako at tumulong sa mga kasama. Malapit lang ang shop na iyon sa pinapasukang University kaya karamihan sa customer ay mga estudyante. Madalas iyong gawing tambayan ng mga kabataan lalo na at free wifi ang shop.
“Ang aga mo yata, Mariel?” ang nakangiting bati sa akin ng katrabahong si Gwen.
“Maaga kasing natapos ang klase namin ngayon.”
“Ah ganoon ba? Buti naman kung ganoon.”
Ilang minuto pa ang lumipas ay naging abala na ako sa trabaho. Konti pa lang ang cutomer kaya medyo nagpunas na lang muna ako ng mga table. Tatlo kaming pumasok sa shift na iyon dahil absent ang isa. Ang iba naman ay mamaya pang gabi.
Nang buksan ni Gwen ang television ay bumungad ang breaking news doon kung saan mukha ni Alexa ang una kong nakita. Napatigil ako sa ginagawa at tumunganga sa screen.
“Ganda talaga ni Ms. Alexa,” ang narinig kong komento ng isang customer.
“Oo nga at napakagaling pang News Anchor. Siya yata ang pride ng SBC, ‘no?”
Sumang-ayon ang lahat sa sinabi ng isa. Maging si Gwen ay batid ko na iniidolo ang babae sa larangan ng pagbabalita. Totoo naman na maganda at magaling si Alexa Salcedo kaya hindi kataka-taka na marami itong tagahanga. Sa batang edad ay nagawa na nitong makipagsabayan sa mga batikang News Anchor at marami na rin itong parangal na nakuha.
Ngunit kahit gaano pa ito kagaling ay hindi niyon mababago ang katotohan na ito ang dahilan kung bakit maagang nawala ang aking ina! Kung ano man ang narating nito ay higit pa roon ang aking gagawin para maipadama ko man lang dito kung paano mawalan.
“Hindi ba’t mass com. din ang course mo?” mayamaya ay untag sa akin ni Gwen. Tipid akong tumango sa kasama.
Magsasalita pa sana ito nang bigla ay may parehang customer na pumasok sa coffee shop. Agad itong nag-welcome sa mga bagong dating. Ako naman ay natigilan nang makilala ang lalaki. Si James ang pumasok kasama ang bago nitong nobya. Lihim akong napa-iling. Ilang linggo na mula nang basted-in ko ang binata at magmula noon ay lagi na itong nagtutungo sa pinagta-trabahuhan ko para ipangalandakan ang mga babae niya. Madalas pa itong magpasaring sa akin tuwing aasikasuhin ko. Pinipigilan ko lang ang sarili na patulan ang binata dahil ayokong mawalan ng trabaho.
Gwapo naman talaga si James at noong una niya akong ligawan ay napaka-gentleman ng dating nito. Ngunit hindi pa talaga ako handang makipag-nobyo at isa pa ay hindi ko ito type. Matapos ma-basted ay lumabas ang totoong ugali ng lalaki. Hambog, chickboy, at feelingero ding madalas. Mabuti na lang at nakilala ko agad ang tunay na ugali nito.
Pormal lang ang ginawa kong pagbati sa kanila nang um-order ang dalawa sa may counter. Kahit may menu naman sa table ay sinasadya talaga ng binata ang lumapit doon. Dahil kulang nga sa tao ay ako na ang nagkusa na maghatid ng pagkain sa table ng mga ito.
“Here’s your order, Sir, Ma’am,” magalang kong sabi habang inilalapag sa table ang tray ng order nila.
“Siya ba ang sinasabi mo, Babe, na habol nang habol sa iyo?” tanong ng babae kay James habang inaayos ko ang kanilang order. Lihim naman akong natigilan sa narinig bagama’t hindi ako kumibo.
“Yes. Now you know the reason. Ayokong magmukhang sugar daddy ng mga tulad niyang poor, kaya tinanggihan ko siya,” nakangising sagot ni James sa kasama.
Pinigilan ko ang galit sa pamamagitan ng pagkuyom ng kamao. Kahit ano’ng pagsisinungaling pa nito ay wala akong pakialam. Pinalampas ko na lang ang narinig at bumalik sa cashier saka nag-ayos ng kaha roon. Ilang minuto nang muli akong tawagin ni James sa table nila. Mag-isa na lang ang lalaki paglapit ko.
“Bayad ko,” anito sabay abot ng pera. “Sa iyo na ang sukli dahil mukhang kailangang-kailangan mo,” mapanlibak pa nitong wika.
Tulad kanina ay hindi ako nagpakita ng kahit na anong reaksyon. Magalang pa rin akong tumango saka kinuha ang pera. “Thank you, Sir.”
Nang bigla ay pinigilan ni James ang aking isang kamay. “Kung pumayag ka lang na maging girlfriend ko ay baka hindi ka na nagpapakahirap ngayon sa coffee shop na ito! May condo ka pa’t allowance sa akin monthly at hindi ka na magko-commute araw-araw pagpasok sa school!” gigil nitong saad.
Naglapat ang labi ko sa poot. Ang ayoko sa lahat ay iyong ganitong tingin ng mga lalaki sa tulad kong mag-isang iginagapang ang sarili sa pag-aaral. Akala ba ni James ay katulad ako ng iba na handang ibenta ang sarili o kaya ay pumatol sa mayaman para makatapos ng pag-aaral? Pwes! Hindi ko kailangang umasa sa pera ng iba para maabot ang nais dahil kaya kong buhayin ang sarili. Nagawa ko na for eight years at kakayanin ko pa.
Tulad kanina ay kalmado kong binawi ang kamay mula sa lalaki. “Kung wala na kayong kailangan ay aalis na ako, Sir!” seryoso at blanko ang mukha na saad ko saka tiim ang bagang na tumalikod palayo. Tangka pa sana nitong humabol ngunit napigil nang makitang pabalik na ang nobya niya sa table nila na galing restroom.
Mayamaya lamang ay umalis na rin ang dalawa. Nakahinga ako nang maluwag nang mawala ang mga ito. Kinalma ko muna ang sarili bago kumuha ng notes para kunin ang order ng mga bagong dating na customer.
“Mariel, ako na d’yan. Lapitan mo na lang ‘yung pogi ro’n sa table number twelve,” lapit sa akin ni Gwen. “Kanina ko pa itinatanong ang order pero hindi nagsasalita. Pipi yata,” dagdag pa nito na ikina-kunot ng aking noo.
Wala sa loob na nilingon ko ang table number 12. May malaking bulto nga ng lalaki na naka-upo roon. “S-sige,” pagpayag ko.
“Sayang kung bingi o pipi-gwapo pa naman,” pahabol pa ng kasama.
Dala ang ballpen at papel ay lumapit ako sa pwesto ng customer. “Good afternoon, Sir, may I take your order?” nakangiti kong tanong nang bigla ay manigas ang aking labi nang makilala ang lalaki.
Si Mr. Kaskasero!
“Hi! Surprise to see you here. Dito ka pala nagwo-work?” patanong nitong bati sa akin matapos akong makilala.
Obvious ba? gusto ko sanang itugon. Ayokong isipin na sinusundan ako ng mokong na ito. Lalabas akong assuming ‘pag ganoon. Pero ngayon ko lang nakita ang lalaki sa coffee shop.
“Oo, nagpa-part time ako rito,” tipid kong sagot.
“Nice! Sipag, ah,” nakangiti nitong komplimentaryo na para bang matagal na kaming magkakilala.
Kung ibang lalaki lang ay iisipin kong nambobola ang binata. Pero hindi naman ito mukhang ganoon. Ayokong tanggapin sa sarili na nakakagaan ng loob ang ngiti sa labi nito.
“Ano po’ng order niyo?” tanong ko ulit nang mainip. Mukha kasing wala pa itong balak magbigay ng order at nakatunganga lang sa akin.
“Gusto ko sana ng black cappuccino-kaya lang, nakalimutan ko ang wallet ko sa locker,” tila nahihiya nitong saad.
So, ano na nga?
“Ah, ganoon?” tangi kong reaksyon saka kunwari ay kumamot sa kilay.
“Pwedeng pautang ako ng cash? Ibabalik ko rin sa iyo bukas sa school,” sunod nitong sinabi na ikinatigil ko.
Seryoso? Gwapo pero makapal ang face!