Chapter - 6

2078 Words
Hindi ko inakala na iyon ang simula ng mga pangungulit sa akin ni Dominick. Madalas niya akong sinusundan kahit saang sulok ako ng school naroon. Lagi ko itong nakikita sa paligid at magkukunwari pa ito na aksidente ang lahat. “Hi, Mariel. What a coincidence. Lagi ka rin bang tambay rito?” minsan ay lapit pa nito sa akin na kumukuha ako ng aklat sa library. “Oo, lagi ako rito,” pigil ang irap na sagot ko. Kulang na lang ay padabog kong ilapag ang libro sa table kung hindi lang ako natatakot na baka mapagalitan. Hindi lang sa school kun’di maging sa coffee shop at naging madalas din ang binata. Hindi tuloy ako makapagtrabaho ng ayos dahil dito. Paano’y apektado ako sa presensya niya. “Hatid na kita?” alok nitong lagi tuwing tapos na ako sa trabaho. Minsan ay napapagod na rin ako sa katatanggi sa kaniya. Itinigil ko na rin ang pagsama kay Cherry sa panonood ng basketball sa gym dahil nga iniiwasan ko ang binata. Ngunit isang beses ay hindi ko inaasahan na lalapitan ako ni Carlo sa kiosk. Hindi ako palakaibigan sa lahat pero mabait ito kaya nakakabatian ko na ring lagi. Isa pa ay madalas itong masama ni Cherry kaya nasanay na rin ako kahit papaaano sa presensya ng lalaki. “Mariel, bakit hindi ka na nagtutungo sa gym?” “Busy kasi ako sa pagre-review, eh,” pagdadahilan ko. Biglang nagkaroon ng lungkot ang mukha ng binata. “Ah, ganoon ba? Akala ko na-frustrate ka sa huling practice namin.” “Ano’ng ibig mong sabihin?” kunot-noo kong tanong. “Alam ko kasi na hindi ako masyadong magaling at hindi rin kagwapuhan kaya wala akong nagtatagal na fans.” Napamaang ako sa narinig. Naalibadbaran ako sa mukha ni Carlo dahil tingin ko ay nagpapa-awa lang ito. “Hindi importante ang fans. Mag-focus ka sa kakayahan mo at huwag mo iyong ibase sa dami ng naniniwala sa iyo. Mas mahalaga na ikaw mismo ang maniwala sa sarili mo na magaling ka!” wika ko. Napalalim tuloy ang aking salita. Para matapos na ang usapan kaya ganoon ang sinabi ko. Ngunit nanatili pa rin doon si Carlo. “Salamat, Mariel. Totoo pala ang sinabi ni Nick, mabait ka raw kahit suplada.” Natigilan ako sa pahayag nito ngunit pinilit kong magpaka-pormal. “Hindi ko alam na pinag-uusapan n’yo pala ako,” kunwari ay balewala kong saad. “Oo naman. Lagi ka no’ng bukang-bibig, eh.” May kung anong bagay na pumitlag sa akin dahil sa sinabi nito. “ALAM mo, Mariel, feeling ko type ka ni Dominick.” Isang araw ay wika ni Cherry sa akin habang nasa cafeteria kami. “Kung ano-ano’ng naiisip mo!” paiwas kong tugon. “Eh, kasi’,y masyado nang obvious. Tuwing nasa gym ako ay tinatanong ka niya sa akin, hindi naman kayo close, ‘di ba?” Bumuntong-hininga ako. Sinubukan kong baguhin ang usapan ngunit iginiit pa iyong pilit ng kaibigan. “Kapag nanligaw ba sa iyo ‘yung tao—sasagutin mo?” Hindi agad ako nakakibo. Mayamaya ay binilisan ko na ang pagkain para makaiwas sa mga tanong ni Cherry. “Mauna na ako!” sabi ko na nagmamadali sa pagtayo. “Saglit lang! Hindi mo pa nga sinasagot ang tanong ko, eh!” “Cherry! Alam mo naman na wala akong interest sa mga lalaki, ‘di ba?” “O-oo, pero iba naman kasi si Dominick—” “Pare-pareho lang ang mga iyan! Mas dapat kong pagtuunan ng pansin ang pag-aaral at pagtatrabaho kaysa sa kanila!” mariin kong saad. “Pero, Mariel—” “Mauna na ako. May nakalimutan ako sa locker room,” putol ko rito saka mabilis na umalis doon. Dahil sa pagmamadali ay muntik ko nang mabangga ang isang lalaki na papasok naman ng cafeteria. Nagulat pa ako nang makitang si James pala iyon. “S-sorry,” ani ko. Lalampas na sana ako ulit sa lalaki pero iniharang nito ang katawan sa aking daraanan. “Let’s date, Mariel.” “Ano?” maang kong reaksyon. “Break na kami ni Pia. Gusto lang naman kitang pagselosin kaya ako nakipagrelasyon sa iba,” anito. Bahagya akong natawa nang mapakla sa narinig. “Pwede ba, James? Tigilan mo na ako. Sinabi ko na sa iyo na wala akong balak mag-boyfriend sa ngayon.” “Subukan mo lang na i-date ako. Kahit saan mo gusto ay pwede. Kaya kong ibigay sa iyo ang lahat! Hindi ka na mahihirapan sa pagtatrabaho at aalisin kita sa iskwater na tirahan mo! Just be mine!” Maang ko lang itong tiningnan bago iiling-iling na tumalikod dito. Nahihibang na yata ang lalaki sa mga pinagsasabi niya sa akin. At talagang sa cafeteria pa nito iyon sinabi? Tsk! Hindi ko akalain na susundan ako ni James sa locker room. Nabigla na lang ako nang malingunan ito sa aking likuran. Medyo kinabahan ako dahil walang tao sa paligid bukod sa aming dalawa. Oras kasi ng lunch kaya nasa cafeteria ang lahat. “Ano’ng ginagawa mo rito—” Nagulat ako nang marahas niyang hawakan sa isang braso at matalim ang mga mata na tumitig sa akin. “Bakit ba napaka-ilap mo, ha? Alam mo ba na wala pang babaeng tumatanggi sa akin?” patanong nitong wika. “Bitiwan mo ako kung ayaw mong sumigaw ako rito!” kalmado kong saad. “Tsk! Ayos ka rin, ah? Kilala mo ba kung sino ang binabantaan mo?” Saka nito hinawakan ang aking panga. Nadagdagan ang kaba ko sa nakikitang poot sa mga mata ni James. “Itigil mo na ito kung ayaw mong tuluyan akong sumigaw!” tapang-tapangan kong sabi. “Ito ang tandaan mo, Mariel. Wala pa akong ginusto na hindi ko nakukuha. Ayaw mong magpaligaw? Pwes, tinitiyak ko sa iyo na sa gagawin ko ay wala ka ng magagawa kun’di maging gf ko!” Pagkasabi niyon ay saka niya ako binitiwan. Kahit gaano ako katapang ay naghatid ng kaba sa akin ang mga iniwang salita ni James. Bagaman natakot ay hindi ko na lang muna ikwinento kay Cherry ang tungkol doon. Ang nasa isip ko kasi ay baka nananakot lang ang lalaki. Hindi ako naniniwala na magagawa nitong sirain ang pangalan sa Paaralang iyon dahil lamang sa akin. Ngunit hindi ko akalain na tototohanin ni James ang banta niya. “Mariel!” Lumingon ako at nakita si Dominick na tumatakbo palapit sa akin. Tila katatapos lang ng practice nito sa gym batay sa suot na jersey na pinatungan ng leather jacket. “B-bakit?” “Pauwi kana ba? Ihahatid na kita,” alok na naman nito. “Huwag na. Maaga pa naman at isa pa’y alam kong oras ng practice n’yo,” tanggi ko. Alam ko ang schedule nila dahil kay Cherry na nawili na sa kasusunod kay Carlo. “Okay lang. Patapos na rin naman at pinayagan ako ni Coach na umuwi nang maaga.” “Kahit na. Ilang beses ko nang sinabi sa iyo na hindi ako nagpapahatid sa lalaki, ‘di ba?” Kumamot ito sa ulo. “Baka lang kasi mapahamak ka sa pag-uwi. Gabi na masyado at ang layo ng bahay mo sa kalsada. Paano kung bigla na lang may humarang sa iyo?” Pinaseryoso ko ang mukha bago sumagot sa binata. “Dose pa lang ako ay gabi na akong umuuwi sa bahay na iyon. Salamat sa concern mo pero sanay akong mag-isa. Hindi ko gusto na umasa sa ibang tao lalo na sa hindi ko naman lubos pang kilala. Sana ay maintindihan mo!” Natulala ito saglit sa narinig at pagkuwan ay bumalatay ang pagkapahiya sa mukha nito lalo at may ilang estudyante ang napatingin sa amin. Bago pa ako makadama ng guilt ay tinalikuran ko na ito at naghintay ng jeep sa waiting shed. Habang pauwi ay nasa utak ko pa rin ang mga sinabi sa binata. Siguro naman pagkatapos niyon ay titigil na ito sa pangungulit sa akin. Dapat ay maluwag na ang aking dibdib pero bakit parang lalo itong bumigat sa isiping iyon? Mas mag-focus ka sa study mo, Mariel! Hindi ka makakaganti sa pamilya Salcedo kung uunahin mo ang lalaki! sermon ko sa sarili. Naglalakad na ako sa madilim na eskinita nang may mapansing anino na kanina pa tila sumusunod sa akin. Bigla akong kinabahan. Alas siete pa lang ng gabi pero wala na akong nakikitang dumaraan kaya nagsimula akong matakot. Binilisan ko ang paglalakad at gayon din ang aninong sumusunod sa akin. Bumalik sa isip ko ang banta ni James kaya tuluyan na akong tumakbo. Nang makarating sa liwanag ay nawala ang anino. Nakahinga ako nang maluwag ngunit hanggang sa bahay ay naging paranoid ako. Tuwing may kakaluskos sa labas ay napapamulat ako ng mga mata. Hindi ako duwag at kaya kong manlaban sa sinumang magtatangka ng masama sa akin. Ngunit ayokong magkaroon ng balakid sa pagabot ko ng pangarap. Kung lalabanan ko si James o kahit sino man ay batid ko na matatalo ako sa huli dahil mahirap lang ako. Iyon ang kinagisnan kong katotohanan. Walang hustisya para sa tulad naming itinapon lang ng gobyerno sa masikip at mabahong lugar na ito. Gaya na lamang ng pagkamatay ng aking ina. Dahil wala kaming pera ay pinansin ba ng mga pulis ang aking pahayag ukol sa nakabangga rito? Hindi nila ako pinakinggan dahil mayamang tao ang salarin! Kaya nga umiiwas ako sa gulo dahil alam kong wala pa ako sa posisyon para lumaban. Hindi ibig sabihin ay duwag ako. Nagkataon lang na marunong akong maghintay ng tamang oras. DAHIL sa nangyari ay napuyat ako at muntik pang mahuli sa klase kinabukasan. Nagtataka tuloy si Cherry sa akin pero hindi ito nagtanong. Pagkatapos ng klase ay dumiretso na ako sa coffee shop. Nagtaka ako dahil hindi dumating si Dominick doon. Mukhang tinamaan ito sa mga sinabi ko kagabi. Ang tamlay ko tuloy sa trabaho. Bakit ganito ang nararamdaman ko? Para bang nawalan ako bigla ng gana sa buhay. Dahil ba iyon kay Dominick? “Mariel, may problema ka ba?” untag sa akin ni Gwen sa may counter. “Naku, wala. Pasensya kana. Pagod lang siguro ako,” mabilis kong katwiran. “Ah . . . Hayaan mo at isang oras na lang naman ay tapos na ang shift natin,” anito habang iginagayak ang order na kape sa tray. “Oo nga, eh.” “Nga pala. Pakidala naman ito sa customer natin. Alam kong ikaw ang gusto niyang mag-serve.” May panunukso sa labi ng kasama. “S-sino?” Nagulat ako nang makita ang customer na sinasabi ni Gwen. Hindi ko napansin na naroon na pala sa coffee shop si Dominick. Buong akala ko ay hindi na ito darating. Bumilis ang kaba ng aking dibdib habang inilalapag sa table nito ang order niya. Ang kaninang matamlay kong mundo ay biglang nagliwanag dahil dito. “Enjoy your coffee, Sir,” magalang kong wika bago binawi ang tray. Natigilan ako nang tipid lang akong tinanguan ng binata. As in para akong hangin sa harap niya. Abala ito sa cellphone at ni hindi manlang tumingin sa akin. Pinilit ko na lang na ipagsawalang bahala iyon at bumalik sa counter. Lihim akong sumusulyap-sulyap sa pwesto ni Dominick habang nagkakape ito. Nanibago lang siguro ako bigla sa hindi nito pagpansin sa akin. Pero mas okay na rin ang ganito. Ako naman ang pumili nito, eh, giit ko pa sa sarili. Paalis na ako sa coffee shop ay naroon pa rin ang lalaki. Huminga ako nang malalim bago tuluyang lumabas. Ngunit kinabahan ako nang mamataan ang kotse ni James sa ‘di kalayuan. Nakasandal doon ang binata at nakangisi habang nakatingin sa akin. Malakas ang kutob ko na ito ang sumusunod sa akin kagabi. Kailan ba titigil ang isang ito? naitanong ko sa isip. Pagkuwan ay nataranta ako nang umalis ito sa pagkakasandal sa sasakyan at naglakad palapit sa akin. Luminga ako sa paligid at sakto naman na lumabas sa shop si Dominick. Nagtama ang aming mga mata at bago pa nakalapit si James ay bigla kong hinawakan sa kamay ang binata. “Ihahatid mo ako, ‘di ba?” lakas-loob kong sabi. “A-akala ko’y—” “Tara na! Pumapayag na akong magpahatid sa iyo lagi!” I saw his surprised face habang sa gilid ng aking mata ay nakita ko ang paghinto ni James sa paglapit sa akin. Ilang segundo ang lumipas bago ko nasilayan ang matamis na ngiti sa labi ni Dominick. At muli ay tila nagkaroon ng kulay ang mundo ko sa ngiting iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD