Bumagal ang paglalakad ko nang matanaw si Dominick na naghihintay sa akin sa labas ng eskinita. Patungo na ako sa University ng araw na iyon. Gusto ko sana itong kunutan ng noo pagka-abot niya ng helmet sa akin pero bumuntong-hininga na lang ako. Pagkatapos kong magpahatid sa binata kagabi ay may magbabago pa ba kung sasabay ako rito pagpasok?
Tuloy ay nanlalaki ang mga mata ni Cherry nang makita akong bumaba sa motorsiklo ni Dominick. Sakto kasi na kadarating lang din ng kaibigan at nakita nga kaming dalawa.
“A-ano'ng ibig sabihin nito—Oh my God! Mariel?” Hindi nito malaman ang magiging reaksyon sa nakita. Natawa si Dominick bago sumaludo sa amin saka umalis para i-park ang motor.
“Mali ka ng iniisip kaya itigil mo na!” sabi ko sa kaibigan nang hilahin ko ito papasok sa loob.
“Ano pa ba ang iba kong iisipin? Bagay naman kayo saka halata naman na in love sa iyo ‘yung tao.”
Napailing ako sa panunukso ni Cherry. Magsasalita na sana ako nang bigla naming makasalubong si James sa hallway. Nagtama ang aming paningin habang lumalampas kami rito.
“Oh, si James naman ngayon. Ano’ng mayroon sa lalaking iyon at parang zombie kung makatingin sa iyo?” takang tanong ni Cherry. Naisip ko na sabihin na rito ang totoo para malinawan siya sa iniisip niya sa amin ni Dominick.
Pagkatapos ko iyong ikwento ay halos hindi makapaniwala ang babae.
“N-nagawa ni James iyon?”
“Oo. Kaya nag-decide ako na magpahatid kay Dominick dahil saktong nasa coffee shop siya kagabi,” saad ko.
“Kagabi? Eh, iyong ngayon?”
“Iisang way lang kasi kami kaya kanina ay napadaan lang iyong tao,” pagdadahilan ko pa ngunit nananatili ang panunukso sa mga mata nito.
“Tama iyang desisyon mo, Mariel. Mabait si Dominick at sigurado na mapo-protektahan ka niya sa James na iyon. Hindi ko akalain na ganoon pala ang ugali ng isang iyon. Porket anak-mayaman siya?”
“Aaminin ko sa iyo na medyo natatakot ako sa kaniya. Alam mo naman na pangarap ko ang magtapos.Baka makasira pa ang ginagawa niya sa pag-aaral ko. Sana’y tigilan na ako ni James.”
“Alam ba ni Dominick ang tungkol do’n?”
Umiling ako. “Hindi ko na sinabi.”
“Dapat sinabi mo!”
“Para ano?”
“Tsk! Kahit papaano ay magkaibigan na kayo kaya dapat lang na sabihin mo. Malay mo matulungan ka nung tao?” sabi pa ng kaibigan. Hindi na lang ako umimik.
PAGKATAPOS ng klase ay inaya ako ni Cherry sa gym pero tumanggi ako dahil may tatapusin ako sa Library. Isang oras din akong nanatili roon at paglabas ko ay madilim na. Natigilan ako sa hallway nang makita na naman doon si James. Nakasandal ito sa pader na tila may hinihintay. Inalis ko ang kaba sa dibdib at ipinagpatuloy ang paglalakad. Ngunit bigla na lang akong inakbayan ng lalaki na ikinatigas ng aking katawan.
“Sino iyong lalaking inangkasan mo kagabi, ha?” marahas nitong bulong sa tapat ng aking tenga.
May mga tao roon ngunit tila hindi nila pansin ang ginagawa ni James. May maniniwala ba sa akin kung sisigaw ako at sasabihin na hina-harass ng binata? Isa sa mga heartthrob ng Campus si James at naging ambassador pa roon ang daddy nito. Pero kung hindi ako lalaban ay baka kung saan mauwi ang ginagawa ng binata.
“Bitiwan mo ako!” blanko ang mukha na utos ko sa lalaki.
“Gusto mo pa ba na ulitin ko sa iyo na akin ka lang?”
“Sino ka para sabihin iyan?”
Natigilan ito sa narinig. Pumiksi ako at pagalit na inalis ang braso niya sa aking balikat. Mayamaya ay bigla itong ngumisi habang iiling-iling.
“Iyan ang gusto ko sa iyo, eh. Palaban ka! Lalo tuloy akong nasasabik na mai-kama ka. Ang sarap ko siguro—”
Bago pa nito natapos ang sasabihin ay sinampal ko na siya. Napatingin ang lahat ng naroon na nakasaksi sa ginawa ko. Nanlisik ang mga mata ni James habang sapo ang nasaktang pisngi. Tangka niya akong hablutin nang biglang may kamay na pumigil dito.
“Dominick?” tinig ko. Hindi ko alam na naroon ang binata kasama sina Carlo at Cherry. Agad akong nilapitan ng kaibigan at niyakap.
“Huwag kang makialam dito, Nick!” galit na saad ni James sa lalaki na matalim pa rin ang tingin sa akin.
May sinabi dito ang binata ngunit sobrang hina niyon kaya hindi ko narinig. Nakita ko na lang na nawalan ng kulay ang mukha ni James matapos bitawan ni Dominick. Tumingin pa ito sa gawi ko saka umiling bago padaskol na umalis.
“Okay ka lang?” tanong ni Dominick nang lapitan ako.
“O-oo.” sagot ko saka nagpasalamat.
“Dapat huwag kang magsosolo lagi, Mariel, para hindi na maulit ito. Baka sa susunod ay kung ano na ang gawin ng James na iyon!”
“Huwag kang mag-alala, hindi ka na kukulitin ng isang iyon!” ani Dominick.
“Manliligaw mo ba iyon, Mariel?” tanong naman ni Carlo na ikinatingin ko kay Nick.
“Oo pero binasted ng kaibigan ko. Study first kasi siya. Pero kung si Nick ang manliligaw ay baka pwede na—”
“Cherry!” mariin kong saway sa kaibigan. Pigil ko ang pamumula nang sabay pa kaming tuksuhin ng dalawa.
Ilang saglit pa ay sakay na ako sa motorsiklo ni Dominick pauwi. Pagkarating sa tapat ng eskinita ay hindi ko akalain na bababa ang lalaki at sasabayan ako papasok sa looban.
“Nanligaw pala sa iyo si James?” anito.
“Nagsabi lang siya pero hindi ko pinayagan. Hindi ko nga alam kung bakit bigla na lang iyong nangulit,” paliwanag ko.
Tumango-tango ang lalaki. “Dapat kasi ay marunong siyang maghintay.”
“Ha?” maang kong sambit. Ano ang ibig nitong sabihin?
“Dapat sa lalaki ay marunong maghintay sa babaeng nagugustuhan nila. Tulad ko, I’m willing—”
“Pasok na ako,” putol ko rito. Mabuti na lang at nasa tapat na kami ng bahay ko.
“Tsk! Lagi na lang akong semplang, ah?”
“Gabi na at delikado na sa daan. Umuwi ka na,” paiwas kong taboy rito.
“Okay.”
Papasok na sana ako sa bahay nang muli itong magsalita. “Magkaibigan na ba tayo, Mariel?”
Ilang saglit akong hindi nakakibo. Pero sige na nga. Bahala na! Makikipagkaibigan ako sa kaniya pero babantayan ko ang puso ko. Hindi ako maaring umibig hangga’t ganito pa ako.
“S-sige. Magkaibigan na tayo mula ngayon.”
IYON ang simula ng lahat. Naging magkaibigan kami ni Dominick at aaminin ko na sumigla ako mula nang tanggapin ko ang binata. Naging close kaming apat nina Cherry at Carlo sa school at madalas na akong tumambay sa gym para sumuporta sa mga ito. Maging ang iba nilang team member ay nakilala ko at noon ko lang naisip na masaya rin pala ang maraming kaibigan. Natuto akong tumawa at mag-enjoy sa buhay. Pansamantala kong nakalimutan ang galit sa mundo dahil sa kanila.
Tuwing sabado ay kumpleto ang basketball team sa coffee shop namin kasama si Cherry. Kapag linggo naman ay inaaya akong sumimba ni Dominick. Minsan ay apat kami pero madalas ay kami lang dalawa tulad ngayon.
“Ano'ng ipinagdarasal mo tuwing pupunta tayo rito?” tanong ng binata pagkatapos ng misa.
“Bakit mo naman naitanong iyan?” natatawa ko ring tanong.
“Wala lang. I’m just curious”
“Ano pa nga ba ang ipagdarasal ko? Eh, di iyong makatapos ng pag-aaral.”
“Matalino ka kaya sigurado iyon,” anito.
“Hindi lang talino ang kailangan para maka-graduate.” Bigla akong sumeryoso.
“Yeah. I understand. Saan mo balak magtrabaho pagka-graduate?”
“Sa SBC,” mabilis kong sagot na tila siguradong-sigurado. Saglit namang natigilan ang binata.
“SBC?”
“Yes. Nagulat ka ba? Siguro’y iniisip mo na napakataas ng pangarap ko, ‘no?” ani ko rito.
“Hindi naman sa ganoon. Sa talino mong iyan ay kayang-kaya mong makapasok kahit saan. Pero bakit sa SBC? I mean, ang dami ng Broadcasting company dito’y bakit doon?” curious na tanong ng lalaki.
“Basta doon ko gusto. Bata pa lang ako ay pangarap ko nang makatuntong doon,” sabi ko.
“Ah . . .” Tumango-tango ito.
Nagpatuloy ang aming pagkakaibigan at umabot iyon ng dalawang buwan. Masasabi ko na totoo ang closeness namin ni Dominick. Mabait at gentleman ang binata, higit sa lahat ay mabuti itong tao. Nang magsimulang muli ang semester ay lumalim pa ang samahan namin. Subalit isang araw, nang puntahan ko ito sa gym para sana sabihin na hindi ako makakasabay pag-uwi ay may nakita akong lalaki na kausap nito. Kakawayan ko na sana si Dominick nang bigla akong matigilan nang matitigan ang kausap niya.
Kilala ko ang lalaki. Ito iyong nanghold-up sa akin sa labas. Bakit ito kausap ni Dominick? Bigla ay may hinalang nabuo sa dibdib ko kaya agad akong umalis doon. Nang makita ang paglabas ng lalaki sa gym ay humarang ako sa daraanan niya. Kitang-kita ko ang pagkagimbal sa mukha nito pagkakita sa akin.
“Ikaw iyong nang-hold-up sa akin noon!” sigurado ang boses na sabi ko.
“Ano’ng sinasabi mo, Miss?” Sinubukan pa talaga nitong tumanggi.
“Umamin kana kung ayaw mong sa Dean’s office tayo humantong!” mariin kong saad.
“Tsk!” tila natakot ang binata. “Oo na! Hindi ako holdaper. Inutusan lang ako ni Nick para gawin iyon.”
“Ano?” napailing ako sa narinig. Hindi ko akalain na magagawang magsinungaling ni Nick sa akin.
Kaya nang mag-uwian na at lapitan ako ng binata ay sinalubong ko ito ng sampal.
“What the—” Namula ang mukha nito sa lakas ng sampal ko. Kitang-kita ng mga kasamahan niya sa basketball ang nangyari at kanya-kanyang iwas ng tingin ang mga ito. Si Cherry at huling dumating kaya nagtaka ito sa kumosyon.
“Mariel!” lapit nito sa akin pero na kay Nick ang atensyon ko.
“Sinungaling ka! Umamin na ang lalaking inutusan mo para magpanggap na holdaper. Mula ngayon ay huwag mo na akong lalapitan!”
Nakita ko ang pagkatigagal ng lalaki. Saglit itong umiling bago tinanggkang hawakan ang aking braso. Mabilis ko naman iyong iniiwas.
“Sorry. Alam kong mali iyon, pero ginawa ko lang naman iyon para pansinin mo!”
Ohh . . . Sabay-sabay na reaksyon ng mga kasama niya. Inirapan ko isa-isa ang mga ito.
“Halika na, Cherry. Umuwi na tayo. Sayang lang ang pakikisama ko sa isang iyan!” baling ko sa kaibigan.
“Wait! Listen to me, please?” pigil ni Nick sa akin ngunit matalim ko itong tiningnan.
“Tama na! Hindi ko gustong pakinggan pa ang sasabihin mo!” saka naglakad palayo akay ang kaibigan.
Humabol pa rin si Nick hanggang labas. Kahit naka-jersey pa ito at pawisan sa katatapos lang na laro sa gym.
“Mariel, mag-usap muna kaya kayo nang mahinahon?” untag ni Cherry.
“Huwag mong pansinin ang lalaking iyan!” tugon ko rito.
Sinundan pa rin ako ng binata kahit sa jeep. Hindi ko akalain na sasakay ito nang parahin ko ang sasakyan. Pagkababa sa amin ay kasu-kasunod ko pa rin ang lalaki na lalo kong ikina-irita.
“Mariel, mag-usap muna tayo ng maayos. Huwag kang basta mananampal!”
“Masakit ba? Bagay lang iyon sa iyo!”
“Tsk. Ginawa ko lang iyon para mapalapit sa iyo. Masyado kang mailap at hindi mo ako pinapansin.”
“Kaya pala umabot sa ganoon! Paano kung inatake ako sa puso?”
“Wala kang sakit sabi ni Cherry!”
“Aba’t—” Napailing na lang ako sa inis dito. Sumasakit ang ulo ko sa lalaki. I sighe bago tumalikod dito.
“Gusto kita kaya ko iyon nagawa!”