Chapter - 5

2200 Words
“Maraming salamat,” wika ko kay Dominick pagkababa sa motorsiklo niya. Iyon na lang yata ang kaya kong sabihin sa lalaki pagkatapos ng mga ginawa nito para sa akin—ang magpasalamat nang paulit-ulit. Titig na titig naman ito sa aking mukha habang inaalis ko ang suot na helmet. “Tsk! You’re weird!” anito bago umiling-iling. “Kanina ay halata naman na takot na takot ka sa nangyari. Pero ngayon ay umaakto ka na parang balewala lang sa iyo ang lahat. Natural lang naman ang magpakita ng takot sa ganoong sitwasyon lalo na at babae ka,” dagdag pa ng binata. “Hindi ko alam ang sinasabi mo,” saad ko saka ini-abot ang helmet dito. “Para kang walang pakiramdam!” halos bulong nito na umabot sa aking pandinig. Hindi na lang ako nagkomento ukol doon. “Anyway, cute ka pa rin naman kahit para kang malamig na yelo.” “Kung wala ka ng sasabihin ay aalis na ako.” Sabay hakbang pa-atras. “Let’s be friends, Mariel!” Ilang salit akong natigilan bago huminga nang malalim. “May kaibigan na ako, at hindi ko na balak dagdagan.” sagot ko. Ngumisi si Dominick. “Hindi ka lang pala suplada-choosy ka rin pala sa friend.” “Hindi iyon sa ganoon. Hindi lang kita kilala nang lubos kaya bakit ako makikipagkaibigan sa iyo?” pagtutuwid ko. Kahit papaano ay ayoko namang magmukhang masama ang ugali sa harap ng lalaki, lalo’t wala naman itong ginagawang masama. “Kaya nga nakikipagkaibigan ang tao, eh, para magkakilala tayo! Mabait naman ako at mapagkakatiwalaan.” I sighed. Tatanggapin ko ba ang ino-offer nitong pakikipagkaibigan? Mabuti itong tao at sigurado na ako roon subalit wala akong tiwala sa sarili pagdating sa binata. Paano ko sasabihin dito na natatakot ako na lumawig ang pagkikilala namin dahil ramdam ko sa aking sarili na iba ito sa lahat ng lalaking nakilala ko? Walang masama kung maging magkaibigan kami pero paano kung higit pa roon ang pakay nito? Hindi ako assuming pero hindi rin ako manhid sa mga ganoong kilos ng isang lalaki. “Pag-iisipan ko!” iyon lang ang aking nasabi KINABUKASAN, walang pasok sa school kaya maaga akong naglaba ng aking mga damit sa poso na nasa likod bahay. Kasama ko ang kababatang si Bangs na anak ni Aling Minda. Matanda ako ng dalawang taon sa lalaking noon pa man ay pusong babae na. Kabilang silang mag-ina sa mga pinahahalagahan kong tao sa aking buhay. Pero kahit gaano ko sila pinagkakatiwalaan ay walang alam ang dalawa tungkol sa aking balak na paghihiganti. Hindi nila batid ang tungkol sa aking ama at sa pamilya nito. Maging ang totoong nangyari sa aksidente ng pagkamatay ni Nanay ay wala rin silang alam. Hindi ko kayang sabihin kahit kanino ang lahat dahil ayokong manumbalik sa akin ang sakit. “Malapit ka nang magtapos ng kolehiyo. Baka isang araw ay makita ka na lang namin ni Nanay sa TV at nagbabalita!” ani Bangs na mas excited pa yata sa akin. Habang ako ay naglalaba ay nag-iigib naman ito ng tubig nila. “Matagal pa iyon. Ang dami ko pang kailangang tapusin at malaki-laki pang pera ang iipunin ko para do’n,” nakangiti kong tugon. “Yakang-yaka mo ‘yan. Ikaw pa ba?” “Naman!” nakangiti kong tugon. “Baka naman mag-asawa ka na pagka-graduate, ha?” pagkuwa’y tudyo nito na ikina-maang ko. “Asawa? Saan galing iyan?” “Balita rito na may nobyo ka na. Hinahatid ka raw doon sa labasan. Ikaw ha? Hindi mo man lang ipinakikilala sa amin ni Nanay ang boylet mo!” kunwari ay nagtatampo pa nitong wika. “Wala akong boyfriend! Ano ka ba?” ang natatawa kong tanggi. “Eh, sino pala iyong sinasabi ng mga neborhud na poging lalaki raw na dalawang beses nang naghatid sa iyo?” curious nitong tanong. Malamang na si Dominick iyon. Ito lang naman ang kaisa-isang pinayagan ko na maghatid sa akin. Humugot muna ako ng buntong hininga bago ikwinento rito ang tungkol kay Dominick. Mas mabuti na maging malinaw sa kaibigan ang tungkol doon. Hindi ko nga lang akalain na kikiligin ito nang sobra pagkatapos kong i-kwento ang lahat. “Ano’ng nginingiti mo diyan?” nakataas ang isang kilay na tanong ko. “Natutuwa lang ako, Mariel?” anito. “At bakit naman?” nakapamayawang kong tanong na kunwari ay galit-galitan. “Ngayon lang kasi kita nakitang ganyan.” “Ano’ng ganyan?” “Iyang ganyan. Ngayon ka lang nagkwento sa akin ng tungkol sa lalaki. Feeling ko’y may kakaiba sa taong iyon kaya ka blooming ngayon.” Natigilan ako sa narinig. Blooming ba ako? “Pwede ba, Bangs? Huwag mong bigyan ng ibang kahulugan ang lahat ng bagay!” defensive kong saad pagkatapos. “Ano’ng sinasabi mo? Ikaw lang ang nag-iisip niyan! Baka naman in love ka na, ayaw mo lang aminin! Uyy . . .” panunukso pa ni Bangs. Napailing na lang ako. Pagkuwa’y nahulog sa malalim na pag-iisip. Kilalang-kilala talaga ako ng taong ito! Pero iyong in love na sinasabi nito? Malabo! “Alam mo na pag-aaral ang priority ko. Saka aksidente lang naman ang pagkikilala namin ng taong iyon. Kaya nga no’ng mag-alok siya na makipagkaibigan ay hindi ko siya agad nasagot,” salaysay ko pa. “Mariel, wala namang masama kung tumanggap ka ng bagong kaibigan at lalong walang masama kung mag-nobyo ka. Nasa tamang edad kana naman, ‘no?” Umiling ako sa kausap. “Hangga’t hindi natutupad ang pangarap ko ay hindi ako magbo-boyfriend!” mariin kong wika. “Sana mapanindigan mo iyan! Echos ka rin, eh.” “Tsk!” Pagkatapos kong maglaba ay agad na akong umalis sa may poso para magsampay ng mga damit. Ngunit kukunin ko pa lang ang mga underwear para isampay sa sipitan ay agad namang dumating si Aling Minda kasama si Dominick. Muntik na akong malaglag sa bangkitong inaapakan dahil sa pagkagulat. Ano’ng ginagawa rito ng lalaki? “Mariel, isinama ko na rito si pogi dahil ikaw raw ang pakay,” wika sa akin ng ina ni Bangs. Kumunot naman ang noo ko saka binitiwan ang hawak. “Ano’ng kailangan mo?” seryoso ang mukha na tanong ko sa lalaki. “Ihahatid ko lang sana itong books mo. Naiwan mo kagabi sa motor,” sagot nito. Nakita ko naman na tinakpan ni aling Minda ang bibig na animoy tila kinilig, saka nanunukso ang mga mata na tumingin sa akin. “Mariel, maiwan ko muna kayo ng nobyo mo. Papasukin mo sa loob at mainit dito sa labas.” “Hindi ko po siya nob-” Hindi ko na nagawang ituwid ang sinabi ng matandang babae dahil agad na itong pumasok sa kanilang bahay. Napailing ako saka muling binalingan ang hindi inaasahang bisita. “Pasok ka,” ang sabi ko na sinadyang lagyan ng disgusto ang tinig para iparating dito na napilitan lang ako na papasukin siya sa aking bahay. Sa malas ay mukhang balewala lang iyon sa lalaki. Ngiting-ngiti pa ito nang sumunod sa akin sa loob. “Mag-isa ka lang dito?” tanong ni Dominick habang iginagala ang paningin. “Oo.” tipid kong sagot saka ini-abot dito ang upuang plastic. Naupo naman ito na tila at home na at home sa aking maliit na bahay. Mabuti na lang at tapos na akong maglinis nang dumating ito. Pero ano naman kung datnan niyang makalat ang bahay? Anong paki ko rito? “Nasaan ang pamilya mo? Para kasing hindi safe sa iyo kung dito ka nakatira mag-isa!” anito sabay sulyap sa sira-sirang bintana. Yari lang sa plywood ang tinutuluyan ko at luma na iyon. Marami na ring butas ang bubong kaya laging natulo tuwing umuulan. “Wala na akong pamilya. Bata pa lang ay dito na ako nakatira at kilala ko ang lahat ng tao rito.” pagkasabi niyon ay kumuha ako ng pera sa bag saka nagpaalam dito para bumili ng meryenda. Paraan ko na rin iyon para tapusin ang pag-uusisa nito tungkol sa aking personal na buhay. Pagdating ko sa tindahan ay kanya-kanyang bulungan ang mga tsismosang tambay roon. Malamang na ako na naman ang topic ng mga ito dahil sa aking bisita. Sanay na ako sa mga ito kaya hindi ko na lamang pinansin at bumili ng softdrink saka biskwit. Pabalik na ako sa bahay nang maulinigan ang usapan ng mga nasa tindahan. Sabi ko na, nobyo ni Mariel ang binatang iyon. Naku, malapit na iyang mag-asawa. Baka hindi pa nakaka-gradweyt ay buntis na iyan! Malamang. Alam n’yo naman ang kasabihan-kung ano ang puno ay siya ring bunga. Naikuyom ko ang kamao sa huling narinig. Bakit kasi may mga taong tulad ng mga ito na sa halip paunlarin ang buhay ay buhay ng iba ang pinakikialaman? Pinilit ko na lang palampasin ang mga iyon at bumalik na ng bahay. Pagpasok ko ay naabutan ko si Dominick na may tinititigan. Nang tingnan ko ay picture pala namin ni Nanay na magkasama ang minamasdan niya. “Meryenda ka muna,” agaw pansin ko rito sabay abot ng softdrink at biskwit. “Pasensya kana kung iyan lang ang maihahain ko,” dagdag ko pa bago naupo sa tapat nito. “Salamat at pasensya kana kung bigla na lanv akong pumunta rito. Nanay mo?” tanong pa nito sa huli. Tumango naman ako. “Magkamukha kayo.” “Salamat sa paghahatid mo nitong mga aklat ko, ha?” Agad kong iniba ang topic nang makaramdam ng bigat sa dibdib pagkabanggit nito sa aking ina. Isang sulyap ang ibinigay ko sa larawan namin at muli ay bumalik sa aking dibdib ang kahungkagan. “Nagmamadali ka kasi kagabi! ‘Yan tuloy, hindi mo napansin na naipatong mo ito sa likuran ko,” anito. “G-gabi na kasi no’n. Pero bakit nag-abala ka pa pagparito? Pwede mo namang iabot na lang bukas sa school ang mga ito?” Ngumiti ang binata. “Gusto ko rin kasing malaman ang bahay mo, eh. Malayo rin pala sa labasan.” Natigilan naman ako sa narinig. “Bakit gusto mong malaman?” pormal kong tanong. “Wala lang. Gusto ko lang! Ayaw mo bang dalawin kita?” “At bakit ko naman gugustuhin na dalawin mo?” taas ang isang kilay na tanong ko. Hindi ko gusto ang pupuntahan ng pag-uusap na iyon. “Dahil friends na tayo, right?” Pinigilan ko ang sarili na asikan ang binata. “Hindi pa tayo magkaibigan! Hindi porket tinulungan mo ako ay kaibigan na kita,” pagtutuwid ko. “Sabi mo kagabi’y pag-iisipan mo?” “Pwes, ngayon ay napag-isip ko na ayoko pala!” pagkatapos niyon ay tumayo na ako. “Marami pa akong gagawin kaya kung maaari ay umalis kana at huwag ka na sanang bumalik pa rito!” magalang pero mariin kong saad. Biglang sumeryoso ang mukha ng binata. Ilang sandali niya akong tinitigan bago laylay ang balikat na tinungo ang pinto. “Aalis na ako, but I’m not promise na hindi na ako babalik dito!” “Anong sabi mo?” maanghang kong reaksyon. “Ang ibig kong sabihin ay hindi mo ako mapipigilan na bumalik dito! I don’t know why you’re so cold. Mabait ka naman pero bakit para kang galit sa mundo?” Tumiim ang bagang ko sa narinig pero hindi na ako nagsalita. “Next time, ‘pag binisita kita ulit ay ngumiti ka at huwag mo akong tatarayan!” “Aba’t-” “Aalis na ako, sungit!” Hanggang makaalis ang binata ay nanatili lang akong nakatayo sa tapat ng pinto. Napaisip ako kung tama ba ang naging pakikitungo ko kay Dominick? Kung bakit kasi lapit ito nang lapit gayong sinabi ko nang ayokong makipagkaibigan. Pero tama ba na ganoon ang naging trato ko sa kaniya? I sighed. Pagkuwan ay nilingon ko ang larawan namin ni Nanay saka ako bumuntong hininga. Nang balikan ko ang isasampay na mga damit ay siya namang bungad ni Bangs. Tumitili itong pumasok sa terasa ng aking tinutuluyan. “Mariel, hindi mo naman sinabi na gwapo ang boyfriend mo! Nakita ko siyang lumabas dito at muntik ko nang mahalikan sa sobrang ummm!” kinikilig na saad ng kaibigan. “Ano ka ba? Hindi ko nga boyfriend iyong tao, ‘no?” naiinis kong pakli, saka sinimulang iipit ang mga damit sa sampayan. “Kung hindi mo boyfriend ay simulan mo nang landiin at sayang ang kagwapuhan!” Inirapan ko ito. “Ang totoo ay sinabihan ko siya na ‘wag nang babalik dito-” “What?!” eksaherada nitong reaksyon. Pagkuwan ay gigil nitong hinila ang dulo ng aking buhok. “Sira ka! Bakit mo naman ginano’n ‘yung tao? Ano’ng sabi?” “Ayoko lang kasi na mapagtsismisan ng mga tao rito!” patamad kong sagot. “Eh, ano nga ang sabi?”ulit nito. Kumibot saglit ang aking nguso. “Hindi ko raw siya mapipigil kung gusto niyang bumalik dito.” Sukat sa narinig ay bigla na lang itong umirit nang sobrang lakas kaya natakpan ko ang dalawang tenga ng aking palad. “Haba ng hair! Ikaw na! Dinaig mo pa si Rapunzel dahil sa haba ng buhok mo, bruha ka!” anito. Iling lang ang naging tugon ko roon. Pero ano ba talaga ang totoong pakay ni Dominick sa akin?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD