Chapter 6 - Woman

2212 Words
ANG pagtatrabaho para sa pamilyang Hakenson ay hindi naman mahirap kaysa sa inaasahan ko. Sa limang araw na nakalipas, unti-unti na akong nasasanay sa pamamahay nila. Sa totoo lang ay hindi ako masyadong nahihirapan sa trabaho. Pakiramdam ko kasi ay nasa bahay lang ako. Ang ipinagkaiba lang ay mas marami ang gawaing bahay rito. Pero kahit yata linisin ko ang buong bahay ay ayos lang sa akin. Siguro ay dahil ito sa kadahilanang hindi toxic ang mga kasamahan ko sa trabaho. They are friendly. Bukod doon, kahit pare-pareho kaming kasambahay lang sa pamamahay na ito ay nagkakatulungan at nagkakaisa kami. Hindi ko rin maramdaman ang pagiging bago ko lang dito. Tinatrato nila ako na para bang matagal na nilang kasama. Pero sadyang wala ngang perpekto sa mundo. Wala man akong problema sa trabaho o sa mga kasama, may problema naman ako sa isang amo ko... kay Sir Khai. Hindi natuloy ang plano kong pakikipag-usap sa kanya noon. Nang matapos kasi niya ako tingnan ng masama ay bigla na lang siyang naglakad palabas ng kusina. Naiwan akong nakatunganga at gulo sa inakto niya. Kahit ang ibang pagtatangka kong kausapin siya ay palaging nabibigo. Hindi ko alam kung dahil sadyang malaki lang ba ang bahay ng mga Hakenson kung kaya'y hindi masyadong nagkakakrus ang landas naming dalawa. Minsan lang itong mangyari. Pero hindi ito sapat para mapanatag ang loob ko. Hindi ko pa nalilinaw sa kanya ang nangyari sa pagitan namin bago pa man magkatagpo sa bahay na ito. Bukod doon, hindi rin ako kampante sa tuwing nasa paligid siya. Ramdam ko ang mga titig niya sa akin na kakaiba ang dulot sa pakiramdam ko, katulad na lang kung paano niya ako tingnan ngayon. "Heto na po ang kape mo, Sir," mahinang sambit ko at inilapag sa harapan niya ang kapeng ipinatimpla niya. Si Lily talaga dapat ang gagawa nito ngunit naipasa lang sa akin. Nakagat ko ang pang-ibabang labi nang mapansin na naman ang titig niya sa akin. Masyado itong malalim na para bang laging may laman. Minsan ko nang inisip na baka... pagnanasa 'yon. Hindi na rin naman kataka-taka dahil gano'ng eksena ang nangyari sa amin sa unang pagtatagpo namin. Pero kahit saan tingnan ay hindi pagnanasa ang nakikita ko sa mga mata niya sa tuwing tinitingan ako nito na mas lalo lang nagpapalala sa kuryusidad ko. Bago pa man ako makagawa ng kahihiyan sa harapan niya ay lumayo na ako sa kanya. Nilapitan ko si Manang Cecilia para ipagpaalam na tutulong na lang ako sa labas ng kusina kung saan naglilinis na ang iba. At sa ganoong paraan, nairaos ko ang umaga nang hindi masyadong nagkukrus ang landas namin ni Sir Khai. Pero mukhang minamalas ako ngayong araw. "Katie, puwede bang makisuyo?" Tumango ako at nilapitan si Manang Cecilia. "Ano po 'yon?" "Pakihatid naman ang mga bagong labang damit ni Sir Khai sa kwarto niya." Kaagad akong nanigas sa kinatatayuan sa narinig. Mas lalo pa akong kinain ng kaba nang i-abot na sa akin ni Manang Cecilia ang basket na naglalaman ng mga damit. Wala akong magawa kundi ang tanggapin ang mga 'yon para hindi bumagsak. "Tandaan mo pala na ilagay ang mga 'yan sa cabinet niya sa pinakamaayos na paraan. Ayaw niya ng magulo o lukot," bilin niya pa sa akin. "Sige na, bilisan mo na. Baka hinihintay na 'yan ni Sir Khai. Mayamaya ay aalis na 'yon para pumunta sa restaurant niya." Bumagsak ang mga mata ko sa dalang basket. Mariin akong napalunok bago wala sa sariling naglakad. Parang ang bigat ng mga paa ko dahilan para maging mabagal lang ang lakad. Ito ang bagay na kinatatakutan ko sa pagtatrabaho ko sa bahay na ito—ang mautusan na may kinalaman kay Sir Khai. Wala naman kasi akong magagawa para tanggihan 'yon dahil kasambahay lang ako rito. Trabaho ko ang pagsilbihan ang mga amo ko. Isang mabigat na hininga ang pinakawalan ko nang marating na ang harapan ng pinto ng kwarto ni Sir Khai. Ilang araw na rin ako rito kaya naman ay naging pamilyar na sa pasikot-sikot ng bahay. Inilapag ko ang dalang basket sa sahig bago itinuon ang buong atensiyon sa pintong nasa harapan ko. Sunod-sunod akong lumunok bago nagkaroon ng lakas ng loob na katukin na ito. Todo-todo ang paghahanda ko habang hinihintay na magbukas ang pinto. Kailangan ay umakto lang akong normal sa harapan niya katulad na lang ng kilos niya sa akin sa tuwing nagkikita kami. Pero ang lahat ng paghahanda ko ay nabalewala nang tuluyan nang magbukas ang pintuang nasa harapan ko. "Manang—" Natigil ang sinasabi niya nang magkatagpo ang mga mata namin. Pareho kaming natigilan. Lumunok ako at mabilis na nagbaba ng tingin. "Ako... ako po ang inutusan ni Manang Cecilia para ihatid ang mga bagong labang damit mo, Sir." Gusto kong magpakain na lang sa lupa dahil hindi ko pa rin mapigilan ang maging utal sa harapan niya. He cleared his throat. "I see..." Dahan-dahan na umangat ang tingin ko nang mapansing niluwagan niya ang pagkakabukas ng pinto. Blangko niya akong tiningnan bago sinenyasan na pumasok na. Umawang ang bibig ko. Pakiramdam ko, kapag pumasok ako sa kwarto niya ay hindi na ako makakalabas ng buhay pa. Mabuti na lang ay nahimasmasan ako kaya binuhat ko na muli ang basket at tuluyan nang pumasok sa loob ng kwarto niya. "Nandoon ang closet ko," aniya at itinuro ang isang bahagi ng kwarto niya. "Pakisalansan nang mabuti ang mga damit ko. Ayaw ko sa magulo." "Yes, Sir." Nang matapos 'yon ay nagkatitigan kami. Tila parehong pinapakiramdaman ang isa't isa. Pero sa huli ay siya ang unang tumalikod sa akin. Sumunod ang mga mata ko sa kanya nang maglakad siya patungo sa isang pinto. Base sa disenyo nito ay mukhang patungo 'yon sa banyo. Napabuntong hininga na lang ako nang tuluyan na siyang maglaho sa paningin ko. That was... awkward. Tinungo ko na ang closet niya at muli na naman napahanga sa bahay na ito nang makita ko kung gaano 'yon kalaki. Isang buong kwarto! Ibang-iba talaga ang mga mayayaman... napakasarap ng buhay. Iwinaksi ko na sa isipan ang bagay na 'yon at sinimulan na ang trabaho. Binilisan ko na lang ang ginagawa at sinamahan ng maiging pag-iingat para maging maayos pa rin ang trabaho. Nang makalabas mula sa walk-in-closet ay mukhang nasa banyo pa rin si Sir Khai. Hindi ko pa nakikita ang presensiya niya sa paligid. Lalabas na sana ako ng kwarto niya habang wala pa siya nang dumapo ang tingin ko isang glass cabinet na naglalaman ng medals at trophies. Sa isa pang cabinet ay roon naman naka-display ang iba't ibang mga larawan. Umandar ang pagiging kuryoso ko. Nilapitan ko ang cabinet na 'yon para tingnan ang mga larawan. Unang nahagip ng mga mata ko ay ang larawan ng tatlong tao. Isang babae at dalawang lalaki. At base sa itsura ng dalawang lalaki, sina Sir Khai at Mr. Hakenson ang mga ito. Kung gano'n, ang babae ay ang ina niya? Ngayon ko lang natantong kahit mag-iisang linggo na ako rito, hindi ko pa rin nakikita ang asawa ni Mr. Hakenson. Sumunod na dumapo ang mga mata ko sa isa pang larawan ni Sir Khai. Nag-iisa lang siya. Sa tingin ko ay graduation picture niya ito base na rin sa suot niyang toga sa larawan. He looks young in this picture. Pero hindi ito naging dahilan para mabawasan ang pagiging gwapo niya. Mabilis na nag-init ang pisngi ko nang maisip ang nasabi. Mukhang hindi ko na maitatanggi sa sarili. Kahit yata ang ibang babae ay hindi ito kakayanin na itanggi na talaga nga namang gwapo si Sir Khai. Kahit noong gabing 'yon sa VIP room ay napansin ko na agad 'yon sa kanya. Kaya ngayon, hindi na kataka-taka na... may kaunting paghanga akong nararamdaman sa kanya. Still blushing because of that thought, I left his room and went back to my work. "PA, hindi mo ba naiintindihan? Nasa bagong trabaho ako. Stay-in ako rito. Kakabale ko lang bago ako umalis kaya hindi pa ako puwedeng bumale ulit," frustrated kong paliwanag sa ama kong kausap ko sa kabilang linya. Ngayong gabi, nabigla na lang ako nang biglang tumawag ang kapatid kong si Yuan. Nang sagutin ko ay si Papa ang nakausap ko. Napag-alaman kong nangungulit na naman ito tungkol sa pera. Malamang ay naghahanap na naman siya ng perang ipangsusugal o ipang-iinom niya. "Kahit isang libo lang, Katie, puwede na!" giit niya pa rin. Tila hindi niya man lang inintindi ang paliwanag ko. "Pa, hindi pa nga puwede. Nakakahiya sa amo ko kung babale na naman ako." "At sa akin, hindi ka nahiya?" Nawalan ako ng imik sa narinig. Halata na rin sa boses niya ang galit. "Katie, babayaran ko naman sa 'yo. Nagkataon lang talaga na natalo ako kay Pareng Juancho. Babawi lang ako." Marahas akong nagbuntong hininga. Sumasakit ang ulo ko sa ginagawa niya. "Pasensiya na, Pa. Wala talaga akong maibibigay sa 'yo. Kahit ang mga kapatid ko riyan ay walang pera kaya sana ay tigilan mo na ang pangungulit sa kanila," pakiusap ko. Matunog siyang suminghal. Halatang galit na talaga dahil hindi napagbigyan ang gusto niya. "Mga wala kayong kwenta!" Hindi ko na nagawang umalma pa sa sinabi niya nang maputol na ang tawag. Nanghihina kong ibinaba ang phone mula sa tainga at bumagsak ang ulo. "Katie..." Mabilis kong inayos ang sarili bago nag-angat ng tingin sa pinanggalingan ng boses. Natigilan ako nang makita si Mr. Hakenson na mukhang bagong dating lang. Naka-suot pa rin ito ng formal attire na ngayon ay mag kaunting gusot na. "Mr. Hakenson," bulalas ko sa pangalan niya. Ngumiti siya bago naglakad palapit sa akin. "Papasok na sana ako sa bahay nang hindi ko sinasadyang marinig na parang may kausap ka." Nakagat ko ang pang-ibabang labi nang matantong narinig niya pala ang pakikipagtalo ko sa ama. Naupo si Mr. Hakenson sa tabi ko. Dito kasi sa labas ng bahay nila malapit sa hardin ay may bench na siyang inupuan ko habang kausap ang ama sa kabilang linya. "May maitutulong ba ako sa problema mo?" Lumamlam ang titig ko sa matanda. Masyado talagang mabait na tao si Mr. Hakenson. Pinilit ko ang ngumiti at umiling. "Wala, Mr. Hakenson. Marami ka nang naitulong sa akin. Pinahiram mo ako ng pera at binigyan pa ng trabaho. Tama na ang mga 'yon. Nahihiya na ako sa 'yo." Marahan siyang natawa sa sinabi ko. "Ano ka ba, Katie? Parang anak na ang turing ko sa 'yo. Huwag kang mahihiya sa akin." Parang may kung anong humaplos sa puso ko sa sinabi ni Mr. Hakenson. Napatitig ako sa kanya bago nag-iwas ng tingin kasabay ng pagsilay ng malungkot na ngiti sa labi ko. "Sana ay ikaw na lang talaga ang naging ama ko, Mr. Hakenson. Hindi tulad ng totoo kong ama na walang ibang ginawa kundi ang gumawa ng problema at manghingi ng pera." Minsan ko nang sinisi ang nanay ko sa ganitong buhay namin ngayon. Dahil sa pagmamahal niya sa asawa, kahit gano'n ang ugali nito ay nanatili pa rin siya sa tabi nito. Iyon din ang dahilan kung bakit kaming mga anak niya ang nagdudusa ngayon. Napapaisip tuloy ako kung paano minahal ng ina ko ang ama ko kahit na gano'n itong klaseng tao. Nakagat ko ang labi at mabilis na nagbaba ng tingin nang maramdaman ko na ang pagragasa ng mga luha ko sa aking pisngi. Pakiramdam ko ay kaunti na lang, susuko na ako sa ganitong klaseng buhay. Simula pagkabata ko ay puro paghihirap na lang ang nararanasan ko. "Tahan na, magiging maayos din ang lahat." Bahagya akong nabigla nang maramdaman ko ang pag-akbay sa akin ni Mr. Hakenson at inilapit sa kanya. At aaminin ko, pakiramdam ko ay tunay ko siyang ama na dinadamayan ako ngayon. Parang ito ang unang beses na maramdaman kong may ama ako. Isinandal ko ang ulo sa balikat niya at ipinagpatuloy ang pag-iyak. Ilang minuto rin akong nagtagal sa ganoong posisyon bago nahihiya na umalis na mula sa pagkakasandal sa kanya. "Pasensiya na, Mr. Hakenson. Nadamay ka pa sa drama ko." Ngumiti lang siya sa sinabi ko. "Ayos ka na ngayon?" "Oo, Mr. Hakenson. Salamat." Tumingala ako nang tumayo na siya mula sa tabi ko. Nagtungo siya sa harapan ko at dinala ang kamay sa ulo ko para marahan itong haplusin habang malambot ang ekspresiyong nakatingin sa akin. "Huwag kang mag-alala. Magiging maayos din ang lahat. At kung kailangan mo ng tulong, huwag kang mahiyang magsabi sa akin. Naiintindihan mo ba?" Parang bata akong sunod-sunod na tumango habang nakangiti sa harapan niya. Nagpaalam na siya at iniwan na akong mag-isa rito sa hardin. Bumuntong hininga ako at tumayo na rin. Lumalalim na ang gabi kaya kailangan ko nang magpahinga. Maaga pa ang trabaho ko bukas. Akmang maglalakad na ako palayo sa hardin nang may biglang humablot ng braso ko. Nanigas ako sa kinatatayuan nang makita ko si Sir Khai sa harapan ko. Kahit gabi na ay malinaw ko pa rin siyang nakikita dahil sa ilaw na nasa hardin. Idagdag pa ang liwanag na nagmumula sa buwan. Kaya malinaw ko rin tuloy nakikita ang galit niyang mga mata, malayo sa mapungay nitong itsura na ilang araw ko na rin hinahangaan at palihim na pinagmamasdan mula sa malayo. "I knew it," mariin niyang sabi. Humigpit ang hawak niya sa braso ko at bahagya akong hinapit palapit sa kanya. "You're his woman."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD