"KATIE!"
Naibalik lang ako sa sarili dahil sa sigaw na 'yon ni Manang Cecilia, ngunit nang matanto ang nagawa ay parang gusto ko na lang magpakain sa lupa sa sobrang kahihiyan. Nabitiwan ko pala ang dala dahilan para mabasag ang mga 'to at kumalat sa sahig.
"Pa...pasensiya na po!" nauutal kong sabi. Akmang yuyuko ako sa sahig para damputin ang mga nagkalat na bubog nang pigilan ako ni Manang Cecilia.
"Huwag mong kamayin, baka mamaya ay masugatan ka."
Dahil hindi ko malaman ang gagawin, yumuko na lang ako habang hiyang-hiya sa sarili. Kung puwede lang ay mas nanaisin ko ang bigla na lang maglaho sa bahay na ito.
"Sir, papahatiran na lang kita kay Lily ng bagong juice. Maglilinis muna ako rito."
"Sige..."
Halos tumalon ang puso ko palabas ng aking dibdib nang mapansing iniwanan ako ni Manang Cecilia na mag-isa sa harapan ng lalaking pamilyar na pamilyar sa akin. Hinding-hindi ko makakalimutan ang nakaka-intimidate niyang aura.
Mula sa pagkakayuko, pasimple akong sumulyap ng tingin sa kanya. Napaawang ang bibig ko at napaatras nang maabutan ko siyang nakatitig sa akin.
Magkasalubong ang may kakapalan niyang kilay habang pinupukol ako ng malalim na tingin. Hindi pa siya nakuntento at pinasadahan pa ako ng tingin mula ulo hanggang paa. Biglang nag-init ang pisngi ko nang may maalala. Halos ganito ang paraan ng pagtitig niya sa akin noong gabing 'yon!
Halata sa kanya ang pagkabigla na makita ako sa harapan niya, ngunit mas magaling lang siyang kumontrol ng nararamdaman kaysa sa akin. Mabilis siyang nakabawi at naging seryoso.
"Sir, heto na po ang bagong juice mo."
Nawala sa isa't isa ang atensiyon namin nang dumating na sina Manang Cecilia at Lily sa salas. Dala ni Lily ang isang baso ng juice habang si Manang Cecilia naman ay may dalang walis at dustpan.
"Pakidala na lang sa kwarto ko," utos ng lalaki at tumayo na sa kinauupuan. Pinukol niya pa muli ako ng tingin bago tumalikod at naglakad na paalis. Wala akong nagawa kundi ang pagmasdan ang papalayo niyang pigura.
"Ano ba ang nangyari?" tanong ni Manang Cecilia na ngayon ay tapos na sa paglilinis ng mga kalat ko. Naririto na rin kami ngayon sa loob ng kusina.
Yumuko ako at ngayon natanto ang malaking pagkakamali ko sa unang araw ko pa lang sa trabaho. Ni hindi pa nga ako opisyal na nagsisimula ay palpak na agad ako.
"Pasensiya na po talaga, Manang Cecilia. Hindi... hindi ko po sinasadya," paghingi ko ng paumanhin.
Narinig ko ang pagbuntong hininga niya.
"Ano ba kasi ang nangyari? Bakit bigla mo na lang nabitiwan ang baso?"
Nataranta ako sa naging tanong niya. Hindi ko malaman kung paano sasagutin 'yon. Hindi ko naman puwedeng sabihin ang totoo!
"Na...natakot lang po ako kay Sir," dahilan ko na lang at mariin na kinagat ang pang-ibabang labi.
Dahan-dahan akong napaangat ng tingin nang makarinig ng pagtawa. Si Lily.
"Kaya pala. Hindi na nakakapagtaka."
Naguluhan ako. "Huh?"
"Talaga namang mukhang nakakatakot si Sir Khai. Kahit ako, kapag kaharap siya ay halos hindi ko siya matingnan sa mga mata."
Pabiro siyang hinampas ni Manang Cecilia sa braso na tila sinasaway sa sinasabi nito.
"Ano ka ba, Lily? Mabait si Sir Khai. Halos ako na ang nagpalaki sa batang 'yon."
Tanging kibit-balikat na lang ang naitugon ni Lily. Napabuntong hininga si Manang Cecilia at bumaling na sa akin.
"O siya, hayaan na natin ang nangyari. Mukhang hindi naman nagalit si Sir Khai. Pero sa susunod, mag-iingat ka, Katie."
Muling bumagsak ang ulo ko bago sunod-sunod na tumango. "Opo, Manang. Pasensiya na po ulit."
Unti-unti na rin nila nakalimutan ang kapalpakan na nagawa ko nang magpatuloy na sila sa pagtatrabaho. At sa pagkakataong ito, kasali na ako sa kanila. Ngunit dahil bago pa lang ay nakabantay pa rin sa akin si Manang Cecilia para tulungan ako at ipaliwanag sa akin ang mga bagay na hindi ko pa alam sa bahay na ito.
Kahit na nililipad ang isipan ko dahil sa nangyari kanina, pilit ko na lang muna ito inalis sa utak ko para makapag-focus sa trabaho. Ayaw ko nang makagawa pa muli ng kapalpakan. Baka hindi pa ako nagtatagal sa trabaho ko ay matanggal agad ako.
Mabuti na lang din ay muling umalis si Sir Khai ng bahay. Narinig ko 'yon kina Maya at Sonya nang sabay-sabay kaming magtanghalian sa kusina.
"Talaga? Gano'n ka natakot sa kanya?" natatawang tanong ni Maya. Napagkuwentuhan muli namin ang nangyari kanina sa salas.
Hiyang-hiya akong tumango. Mas mabuti nang isipin nilang natakot ako sa amo namin kaysa namang malaman nila ang totoo. Mas lalo lang ako kakainin ng hiya.
Malakas na natawa si Sonya sa narinig na pag-uusap namin ni Maya.
"Ganyan din ako noong unang dating ko rito, pero mas nanaig sa akin ang paghanga kay Sir Khai. Ang gwapo ba naman kasi!" Bahagya akong nabigla nang bumaling siya sa akin nang may kakaibang ngiti sa labi. "Aminin mo nga sa amin, Katie. Baka kaya mo nabitiwan ang baso nang makaharap si Sir Khai ay dahil nasilaw ka ng kagwapuhan niya?"
Umawang ang bibig ko, hindi makapaniwala sa narinig. Dedepensahan ko pa lang sana ang sarili mula sa akusasyon ni Sonya nang pare-pareho silang matawa. Kahit si Manang Cecilia ay nakitawa rin.
"Kayo talaga, porket bago si Katie ay pinagtutulungan nyo na." Umiling pa si Manang Cecilia sa sinabi.
Ang hiya ko ay unti-unting naglaho nang may matanto. Mabait naman pala silang lahat. Pala-kaibigan pa at pala-biro. Sa tingin ko ay hindi ako mahihirapan na pakisamahan sila.
"Pero seryoso, ingat ka riyan kay Sir Khai. Minsan ay mainitin ang ulo niya," biglang singit ni Lily na kanina lang ay nakikitawa lang sa nagaganap sa harapan niya.
"Gano'n ba talaga siya?"
Sunod-sunod itong tumango. "Unang anak kasi ni Sir Hakenson si Sir Khai kaya may pagka-spoiled brat, pero mabait naman siya."
Napatango na lang ako sa mga nalaman. Natigil na rin ang usapan naming lima nang magpatuloy na kami sa pagtatanghalian dahil mamaya ay marami pa kaming gagawin.
NANG matapos na maligo ay pagod kong inupo ang sarili sa gilid ng kama. Double deck ang kama namin ni Lily. Ako ang nasa ibaba, siya naman ang nakapuwesto sa itaas. Sa gilid naman ng kama ay naroroon ang kahoy na cabinet.
Tinutuyo ko pa ang buhok gamit ang tuwalyang nakasabit sa balikat ko nang kunin ko ang phone mula sa bag na dala. Mula kaninang dumating ako sa bahay ng mga Hakenson ay hindi ko pa ito nahahawakan. Naging abala kasi agad ako sa mga gawain.
Nang makapagpadala ng mensahe para sa pamilya ay binitiwan ko na rin ang phone. Tumayo ako mula sa kinauupuan para isampay ang tuwalya bago sa mga gamit ko itinuon ang atensiyon. Isa-isa ko nang ipinasok sa cabinet ang mga gamit. Nang matapos ay saka pa lang ako nakahiga sa kama.
Malalim akong napabuntong hininga nang kahit pagod na ang katawang lupa ko ay hindi pa rin ako dinadalaw ng antok. Ngayong wala na akong ginagawa ay muling ginugulo ng isipan ko ang sitwasyon ko ngayon.
Walang duda. Ang lalaking sinasabi nilang panganay na anak ni Mr. Hakenson ay ang parehong lalaking nakasama ko sa VIP room ng club, si Sir Khai. Mas lalong sumasakit tuloy ang ulo ko sa tuwing maiisip na ang isa sa mga amo ko ay ang naging costumer ko noon, pero kung tutuusin ay pareho sila ng ama ngunit magkaiba nga lang. Mas seryoso at malala ang naging konekisyon ko kay Sir Khai. Pakiramdam ko tuloy ay makagagawa ito ng malaking problema sa akin.
Paano ko ngayon haharapin si Sir Khai? Masuwerte ako ngayong araw dahil gagabihin na ng uwi ang mag-ama kung kaya'y pinagpahinga na kami ni Manang Cecilia. Siya na lang daw ang mag-aasikaso sa mag-amang Hakenson. Pero ang tanong; hanggang kailan ako susuwertehin?
Dapat ko bang kausapin si Sir Khai tungkol sa bagay na 'yon para malinaw ko ito sa kanya? Mukhang naaalala niya rin ako base na rin sa naging reaksiyon niya kaninang umaga nang magkrus ang landas namin sa salas. Isa pa, walang dahilan para makalimutan niya ako. Pareho kaming matino nang muntik nang may maganap sa pagitan namin. Pero paano ko naman siya kakausapin? Nakakahiya!
Hindi maipinta ang mukha ko nang ibaon ito sa unan. Hindi ko matanggap ang mga nangyayari. Bakit bigla akong tinamaan ng ganitong kamalasan?
Unang araw ko pa lang sa trabaho ay nakagawa agad ako ng kapalpakan. Idagdag pa na isa sa mga amo ko ay ang lalaking naging costumer ko sa club na hinayaan kong dalhin ako sa VIP room. Ekis na agad ako sa bahay na 'to!
"Kaya ko 'to..." mahinang bulong ko sa sarili. Hindi ako puwedeng magpaapekto kahit na nasa ganitong sitwasyon ako ngayon. Kailangan na kailangan ko ang trabahong ito.
Para sa pamilya ko... lahat ay kakayanin ko.
Sa sobrang pag-iisip ay hindi ko namalayang nakatulog na pala ako. Nang magising ako ay nasa alas singko pa lang ng madaling araw. Pero kahit na hindi pa tuluyang sumisikat ang araw ay bumangon na agad ako sa kama para simulan na ang trabaho.
"Kumusta ang unang araw mo, Katie?"
Malapad akong ngumiti sa naging tanong ni Mr. Hakenson. Saktong ngayong umaga ay nagkatagpo kami. Kasalukuyan siyang nag-aalmusal at mayamaya lang ay mukhang aalis na base na rin sa suot niyang formal suit.
"Ayos lang naman, Mr. Hakenson. Mabait sila sa akin. Tinuturuan din nila ako kung ano-ano ba ang dapat kong gawin sa bahay."
Bahagya siyang ngumiti at tumango. "That's good to hear. Sigurado ay isang linggo pa lang, masasanay ka na rin dito sa amin."
Ngumiti na lang ako bilang tugon sa sinabi niya, pero ang ngiti ko ay unti-unting naglaho nang may maalala—ang panganay niyang anak.
Kahit ilang buwan ko nang kilala si Mr. Hakenson ay masasabi kong hindi ko pa siya lubusan na kilala. Isa ito sa dahilan kung bakit hindi ko man lang alam na anak niya pala ang lalaking muntik ko nang makasiping. Hindi ko rin agad natanto na bahagya silang magkamukha, lalo na sa mga mata. Kahit na may edad na si Mr. Hakenson ay hindi pa rin kumukupas ang pagiging gwapo niya. Maaari pa rin siyang pagtilian ng mga kababaihan.
Napatingin ako kay Mr. Hakenson na patapos na sa pagkain. Napalunok ako nang may maisip.
Dapat ko bang sabihin sa kanya ang tungkol sa amin ng anak niya? Pero... hindi ba 'yon makakasira sa trabaho ko?
"May problema ba, Katie?" tanong ni Mr. Hakenson. Hindi ko namalayang nasa sa akin na pala ang atensiyon niya.
Pinilit ko ang ngumiti at mabilis na umiling. "Wala, Mr. Hakenson..."
Tama... Mas mabuti nang ako at si Sir Khai na lang ang nakakaalam ng tungkol sa namagitan sa amin noong gabing 'yon. Kapag nagkaharap kami, lilinawin ko na sa kanya ang tungkol sa bagay na 'yon para mawalan na ako ng problema sa trabaho. Hindi puwedeng matanggal agad ako rito lalo na't nasa hospital pa rin ang bunso kong kapatid.
Mukhang may pagtataka pa rin kay Mr. Hakenson pero kinalaunan ay tumango na lang din. Tumayo na siya mula sa kinauupuan.
"Aalis na ako."
"Mag-iingat ka, Mr. Hakenson."
Ngumiti siya. Akmang maglalakad na siya paalis nang pigilan ko siya. Nahihiya akong itinuro ang kurbata niya.
"Hindi nakaayos," sambit ko pa.
Napatingin siya sa sarili at bahagyang natawa nang makitang hindi nga 'yon nakaayos. Mukhang nawala ito sa isipan niya.
Bumaba ang tingin ni Mr. Hakenson sa magkabilaang kamay. Doon ko lang natantong pareho pala 'yon na may hawak. Sa kanan ay naroroon ang leather bag niya na maihahantulad sa briefcase ang disenyo. Sa kaliwa naman ay may mga hawak siyang folder.
"Ako na lang ang mag-aayos," pagboboluntaryo ko.
"Gano'n ba? Sige, maraming salamat, Katie."
Humakbang ako palapit kay Mr. Hakenson para ayusin na ang kurbata niya.
"Ang bait mo talaga, Katie. Bukod sa mapagmahal sa pamilya, maalaga pa."
Nahihiya akong ngumiti sa naging papuri niya sa akin.
"Dad?"
Mabilis na naglaho ang ngiti ko sa labi nang makarinig ng boses. Nang humakbang na ako palayo kay Mr. Hakenson at bumaling sa pinanggalingan nito, nakumpirma ko ang hinala ko kung kanino nanggaling ang boses na 'yon.
"Khairros, gising ka na pala," sabi ni Mr. Hakenson sa anak. Malapad siyang ngumiti bago bumaling sa akin. "Nakilala mo na ba siya? Siya si Katie Feltes, ang bagong kasambahay natin. Katie, ito naman ang panganay kong anak na si Khairros Hakenson."
Khairros...? Iyon pala ang totoo niyang pangalan.
Kahit na kinakain na ako ng ilang, pinilit ko pa rin ang sariling ngumiti sa harapan niya para hindi makahalata si Mr. Hakenson.
"Good morning, Sir Khai..." May pagdadalawang-isip pa sa akin nang tawagin ko siyang 'Sir Khai'. May iba akong naaalala sa tuwing babanggitin ko 'yon.
"Aalis na ako at may meeting pa ako ngayong umaga. Kayo na ang bahala rito," pagpapaalam na ni Mr. Hakenson. Tinapik niya pa ako sa balikat at muling nagpasalamat bago tuluyang lumabas ng kusina.
Nang kaming dalawa na lang ni Sir Khai ang maiwan ay sa kanya na natuon ang mga mata ko. Balak ko na siyang kausapin tungkol sa namagitan sa amin nang gabing 'yon. Pero ang balak ko na 'yon ay unti-unting umurong nang makita ang itsura niya.
Magkasalubong ang kilay niya habang nakatitig sa akin. May halong talim din ang mga mata niya habang pinupukol ako nito ng tingin.
Napalunok ako nang may matanto.
Mukhang... mukhang galit siya sa akin.