Chapter 3 - Help

1636 Words
PROBLEMADO kong hinawi ang mala-ginto kong buhok at malalim na nagpakawala ng buntong hininga. Ramdam ko na ang pagsakit ng ulo ko dahil sa mga problemang iniisip ko. Dahil sa nangyaring raid sa club na pinagtatrabahuhan ko noong isang araw ay nagsara na ito. Kaya ngayon ay wala na akong mapasukan. Hirap naman akong mag-apply sa ibang club dahil karamihan sa kanila ay marami na ang mga dancer. Wala naman akong ibang mahanap na trabaho. “Wala ka bang raket diyan?” tanong ko kay Lexi na abala sa pagkukulay sa mga kuko niya. Hindi tulad ko ay hindi siya masyadong problemado sa pagsasara ng club dahil tanging sarili niya lang ang pinapakain at binubuhay niya. “Wala pa,” tugon niya nang hindi man lang nagbabaling ng atensiyon sa akin. Abala pa rin siya sa ginagawa. Malalim akong bumuntong hininga at ibinagsak ang sarili sa kama ni Lexi. Natotorete na ako dahil sa mga problemang iniisip, nangunguna na roon ang tungkol sa bunso kong kapatid. Kulang na kulang ang pera ko para sa araw-araw niyang gastusin sa hospital, idagdag pa ang gastusin sa bahay. Tinatamad kong dinampot ang phone ko na nakalapag sa tabi ko at kinalkal ang laman ng contact list nito. Wala akong maisip na kaibigan na puwede kong mahingian ng raket. “I-text mo kaya si Mr. Hakenson,” biglang sambit Lexi dahilan para mapatingin ako sa kanya. Ngayon ko lang napansing tapos na pala siya sa ginagawa at nakatingin na sa akin. Umiling ako sa suhestiyon niya. “Ayaw ko. Alam mo namang iba si Mr. Hakenson sa mga costumer natin kaya ayaw kong perahan ‘yon.” “Ay, aba. Mabait ka? Gaga!” Hindi pa siya nakuntento at binato ako ng unan na nasa tabi niya. At dahil nakahiga ako ay nahirapan akong iwasan ‘yon. Tumama ito sa pagmumukha ko. “Lexi!” inis ko nang sambit sa pangalan niya. Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa sahig at naglakad palapit sa akin. “Hindi ko naman sinabing perahan mo, hingan mo lang ng raket. ‘Di ba, mayaman ‘yon at may-ari ng mga hotel? ‘Yon, um-extra ka roon para habang wala ka pang mapasukan na club ay may mapagkitaan ka.” Sunod-sunod akong tumango bilang pagsang-ayon sa sinabi niya. “Tama ka nga.” Mayabang lang siyang ngumisi sa sinabi ko. Inalis ko na ang atensiyon sa kaibigan at muling itinuon ito sa phone na hawak ko. Kaagad kong hinanap sa contact list ang pangalan ni Mr. Hakenson. Nang makita ko ito ay kaagad ko nang pinindot ang dial button. Nang marinig kong nag-ring na ang kabilang linya ay mabilis akong bumangon mula sa pagkakahiga sa kama. Nagtungo ako sa pader at sumandal dito habang matiyagang naghihintay na sagutin ng taong nasa kabilang linya ang tawag ko. “Hello.” Namilog ang mga mata ko nang sa wakas ay sagutin na ni Mr. Hakenson ang tawag. Maraming beses akong lumunok bago nagsalita. “Good afternoon, Mr. Hakenson,” bati ko sa matanda. “Good afternoon din, Katie,” he greeted me back. “Bakit ka pala napatawag?” Nakagat ko ang ibabang labi nang marinig ang tanong niyang ‘yon. “May problema ka ba?” tanong na naman ni Mr. Hakenson nang ilang segundo na ang lumipas ay wala pa rin siyang nakukuhang tugon mula sa akin. “Ganoon na nga, Mr. Hakenson. Hindi naman ako nauubusan ng problema,” nahihiya kong tugon. “Then, let’s meet right now. Ite-text ko na lang sa ‘yo kung saan tayo magkikita.” Nang marinig ang sinabi niya ay bahagya akong nabuhayan ng loob. “Talaga? Sige, Mr. Hakenson. Hihintayin ko ang text mo.” “Okay. See you later.” Nang tuluyang mamatay ang tawag ay nakangiti akong bumaling sa kaibigan. “Sabi sa ‘yo, e. Siya ang makakatulong sa ‘yo,” aniya at mababakasan ito ng pagkayabang. Hindi ko na pinansin ang sinabi ni Lexi. Tuluyan na akong umalis sa kama at tinungo ang drawer niya. Dahil madalas akong nakikitulog sa bahay ni Lexi ay nag-iiwan na rin ako ng damit dito para hindi ko na kailangang umuwi pa sa amin. Nang makakuha na ng damit at tuwalya ay mabilis kong tinahak ang daan patungong banyo. Bawat galaw ko ay nagmamadali. Kaya hindi na rin nakakapagtaka na sa loob lang ng dalawampung minuto ay natapos na ako sa pagligo at ngayon ay handa na sa pag-alis. Dahil naipadala na sa akin ni Mr. Hakenson sa text ang lugar kung saan kami magkikita ay hindi ko na kinailangang maghintay pa ng text niya. Kaagad na akong bumiyahe patungo sa pagkikitaan namin. Kahit tanghaling tapat na ay hindi naman mabigat ang trapiko kung kaya’y naging mabilis lang ang byahe ko at nakarating agad sa isang restaurant na siyang lugar na pagkikitaan namin ni Mr. Hakenson. Nang tuluyang makapasok ng restaurant ay nagpalinga-linga ako sa paligid. May ngiti ang sumilay sa labi ko nang matagpuan ko na si Mr. Hakenson na nakaupo sa isang table na para sa dalawang tao. Bahagya ‘yon nasa dulong bahagi ng restaurant. Nang mapunta sa gawi ko ang mga mata ni Mr. Hakenson ay itinaas ko sa ere ang kamay para kawayan siya. Bahagya siyang ngumiti nang makita ako. Ibinaba ko na ang kamay at nakangiting naglakad patungo sa kanya. “Mr. Hakenson,” nahihiyang usal ko sa pangalan ng matandang lalaki nang tuluyan ko nang marating ang kinaroroonan niya. “Have a seat, Katie,” anyaya niya at isinenyas ang bangkong nasa harapan niya. Tumango ako at mabilis na naupo roon. Kahit na nakaupo na ay nakangiti pa rin ako. Dahan-dahan lang na naglaho ang ngiti kong ‘yon nang mapansing may inilapag na maliit na envelope si Mr. Hakenson sa lamesa at itinulak ito ng kamay niya palapit sa akin. “Ito, para sa ‘yo. Para hindi ka na mamoblema pa,” sambit niya at ngumiti. Napatitig ako sa pagmumukha ng matanda. Isa ito sa dahilan kung bakit ayaw kong perahan si Mr. Hakenson. Sa lahat kasi ng naging costumer ko ay siya lang ang naiiba. Ilang buwan na rin ang lumilipas simula nang makilala ko si Mr. Hakenson nang magpunta ito sa club. Naging costumer ko siya, pero iba ang relasyon naming dalawa. Ni minsan ay hindi siya nagpakita ng interes o pagnanasa sa akin. Ang pagiging mabait niya sa akin ay maihahantulad sa isang ama. “Nako, Mr. Hakenson. Hindi ko matatanggap ‘yan,” kaagad kong tanggi sa ibinigay niya at itinulak ang envelope pabalik sa kanya. Bumakas ang pagkagulo sa mukha niya dahil sa ginawa kong ‘yon. “Ano ka ba, Katie. Isipin mo na lang na tulong ko na ‘to sa ‘yo,” giit niya. Sunod-sunod akong umiling para ipakita sa kanya na talagang wala akong planong tanggapin ang perang ibinibigay niya sa akin. Oo, gipit ako ngayon. Pero hindi ko kayang abusuhin ang pagiging mabait niya sa akin. “Oo, kailangan ko ng tulong mo pero hindi ganito,” paliwanag ko. Mukhang nakuha ko ang atensiyon niya sa sinabi kong ‘yon. Tumitig siya sa akin nang nakakunot ang noo. “Anong kailangan mong tulong?” seryoso niyang tanong. Nakagat ko ang ibabang labi at nagbaba ng tingin. At kahit na nakakaramdam ng matinding hiya ay ikinuwento ko pa rin sa matanda ang nangyaring kamalasan sa club na siyang dahilan kung bakit wala akong trabaho ngayon. Nabanggit ko rin sa kanya ang tungkol sa bunsong kapatid. “Gano’n ba?” usal niya nang marinig ang mga ikinuwento ko. Nakababa pa rin ang ulo, sunod-sunod akong tumango. “Kaya sana ay hihingi ako ng raket sa ‘yo. Kahit taga-linis lang ng room sa hotel mo ay ayos na sa akin,” sambit ko at naglakas na ng loob na mag-angat sa kanya ng tingin. Seryoso ang matanda at tila nag-iisip. Ilang saglit pa ay umiling siya. “Puno na sa hotel. Hindi na namin kailangan ng extra.” Bumagsak ang balikat ko nang marinig ang sinabi niyang ‘yon. Tila ang lahat ng pag-asang naramdaman ko kanina ay biglang naglaho. Mabigat pa rin ang dibdib, pinilit ko ang sariling ngumiti sa harapan niya. “Ayos lang kung ganoon—” “Pero kailangan namin ng bagong kasambahay.” Natigil ang sinasabi ko nang marinig ang sinabing ‘yon ni Mr. Hakenson. “’Yong kasambahay namin na anak ng mayordoma namin ay manganganak na kaya nanghingi siya nang ilang buwan na leave. Kaya kulang kami ng tao sa bahay ngayon,” dagdag niya sa sinabi. Nang maintindihan ang nangyayari ay malapad akong ngumiti. “Ako na lang, Mr. Hakenson! Marunong ako sa gawaing bahay, paglilinis, paglalaba at kung ano-ano pa. Huwag lang sa pagluluto. Pero bukod doon, lahat ay kaya kong gawin,” sunod-sunod kong sabi. Bahagya pang natawa ang matanda dahil sa naging reaksiyon ko. “Kung gano’n, aasahan kita sa bahay sa madaling panahon. Huwag mong kalimutang magdala ng damit mo dahil ang kailangan naming kasambahay ay stay-in.” Sunod-sunod akong tumango nang nakangiti pa rin. “Sige, Mr. Hakenson. Maraming salamat! Hinding-hindi ka magsisising kinuha mo ako bilang kasambahay nyo.” Ngumiti lang siya sa sinabi ko. Bumakas naman sa akin ang pagkagulo nang muli na naman niyang itinulak palapit sa akin ang envelope. “Isipin mong paunang bayad ko ito sa ‘yo, gamitin mo para sa kapatid mong nasa ospital. Huwag mo na rin subukang tumanggi dahil pagtatrabahuhan mo naman ang perang ‘yan,” seryosong aniya. Nawalan ako ng imik. Ilang beses na nagpabalik-balik ang tingin ko sa kanya at sa envelope na nasa harapan ko bago bumuntong hininga. Marahan kong itinango ang ulo at tinanggap na ang envelope. “Pangako, Mr. Hakenson. Babayaran ko ‘to sa ‘yo,” usal ko. Tanging matipid na ngiti lang ang itinugon niya sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD