Chapter 4 - New Work

1922 Words
"MAGPAGALING ka, ha?" masuyong bilin ko at marahang hinaplos ang ulo niya. Parang pinipiga ang puso ko habang pinagmamasdan ko ang kalagayan ng nakakabata kong kapatid na lalaki. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ito gumagaling. "Dadalawin ka ni Ate. Kaya sa pagbalik ko, dapat ay malakas ka na." Marahan na tumango lang ang kapatid ko dahilan para mapangiti ako. Bumaling ako kay Keeyana na siyang sumunod sa akin. Sa aming limang magkakapatid, ako ang pinakamatanda sa lahat. Sumunod naman sa akin ay si Keeyana na nasa edad bente anyos na. Mas matanda ako sa kanya ng apat na taon. Ang pangatlo ay si Yuan na edad kinse anyos at nasa highschool pa lang. Ang pang-apat namang si Jessy ay nasa elementarya pa lang gaya ni Sebastian na siyang may sakit na pneumonia. Si Sebastian ang pinakabata sa aming magkakapatid na matanda na ni Mama ipinagbuntis. Nagkaroon ito ng kumplikasyon noon kaya sakitin ngayon. "Matagal ka bang mawawala, Ate?" May bakas ng lungkot ang boses ni Keeyana nang itanong 'yon sa akin. Pinilit ko ang ngumiti. "Hindi ko pa alam sa ngayon. Stay-in kasi ang bago kong trabaho at dahil bago pa nga lang ako, baka hindi pa agad ako magkaroon ng day-off." Nakita ko ang pagbagsak ng balikat niya at marahan na tumango. "Huwag kang mag-alala. Kapag puwede ako ay dadalaw naman ako sa inyo. Araw-araw ko rin kayong ite-text para kumustahin ang kalagayan nyo," pampalubag-loob ko sa kanya. Nag-angat na siya ng tingin sa akin at pinilit ang sariling ngumiti. "Sige, Ate. Huwag kang mag-alala. Ako na ang bahala kay Sebastian. Si Yuan naman sa bahay." "Nakausap ko na rin pala si Mama tungkol sa pag-alis ko." Napabuntong hininga ako nang may maalala. "Kung puwede, tipirin nyo ang iniwan kong pera. Hindi ko pa alam kung kailan ang sahod ko. Kung sakaling manghingi sa inyo si Papa ng pera ay huwag nyong bigyan. Malamang ay ipangsusugal na naman niya 'yon." "Paano kung mamilit si Papa? Kilala mo naman 'yon, Ate. May ugali 'yon na hindi titigil hangga't hindi binibigyan ng pera." "Magmatigas ka lang na wala kayong pera. Sabihin mo na wala akong iniwan sa inyo." Kahit na halata sa kanya ang pag-aalinlangan sa sinabi ko ay tumango pa rin siya. Marahas akong napabuntong hininga at napahilot sa sintido ko. Ito ang dahilan kung bakit hindi ako puwedeng mawalan ng trabaho. Bukod sa ina ko lang ang may trabaho na kung tutuusin ay maliit pa ang suweldo, ang ama ko ay walang ibang ginawa kundi ang magsugal o 'di kaya'y maglasing. Hindi ito maiwan-iwan ni Mama dahil sa pagmamahal niya sa asawa na naging dahilan naman para mas lalong maghirap ang buhay namin. Sa edad na labing-anim na taon, kinailangan ko nang magtrabaho upang makatulong sa pamilya. Tindera, waitress, at taga-hugas ng plato sa karinderya. Iilan lang 'yon sa mga trabahong pinasukan ko para kumita ng pera. Nang tumuntong naman ako sa edad na bente dos ay napilitan akong pumasok sa mga club bilang dancer. Kahit na ayaw ko sa gano'ng trabaho ay wala akong magawa dahil hindi naman ako nakapagtapos ng highschool. Tanging second year highschool lang ang inabot ko. Kaya todo ang pagsusumikap ko sa buhay para hindi magaya sa akin ang mga kapatid ko. Gusto kong magkaroon sila ng magandang kinabukasan na hindi ko naranasan dahil sa pagiging mahirap sa buhay. Ang kahirapan na nga yata ang pinakamalaking kalaban ng tao sa mundo. Maraming ipagkakait sa 'yo ang mundo kung mahirap ka. Kabilang na roon ang edukasyon, pagkain, magandang matutuluyan, at kung ano-ano pa. Kaya sa mga kagaya kong tao na ipinanganak na mahirap, wala kaming magagawa kundi ang lumaban sa buhay upang may mailagay na laman sa tiyan. Nang maasikaso ko na ang lahat sa hospital ay nagpaalam na rin ako sa kapatid at bumalik ng bahay para lang kunin ang mga inihanda kong gamit. Tatlong araw pa lang ang nakakalipas simula nang magkausap kami ni Mr. Hakenson. Ngayong araw ang punta ko sa bahay niya para simulan na ang trabaho ko bilang kasambahay nila. Umawang ang bibig ko nang sa wakas ay matunton ko na ang address na ibinigay sa akin ni Mr. Hakenson. Bahagya pa akong nahirapan na hanapin ito dahil nasa isa itong kilalang village. Mabuti na lang ay pinapasok ako nang sabihin kong sa mga Hakenson ako pupunta. Humigpit ang hawak ko sa nakasukbit na bag sa balikat ko habang bahagyang nakaawang pa rin ang bibig. Pinagmamasdan ko nang mabuti ang bahay na nasa harapan ko. Hindi ko mapigilan ang humanga sa laki ng bahay na nakikita ko. Kung tutuusin ay matatawag na itong isang mansyon sa laki! Kung hindi ako nagkakamali, base sa modernong disenyo ang bahay na mas pinaganda pa ng elegante nitong pagkakadisenyo at pagkakagawa. Umaangat din ang kulay puti at abo sa bahay na napakalmado sa mga mata kung titingnan. Manghang-mangha pa rin ako sa nakikita nang mapagpasyahan ko nang pindutin ang doorbell ng bahay. Ilang saglit pa lang ang lumilipas ay may isang tao na agad ang lumabas na sa tingin ko ay kasambahay base na rin sa unipormeng suot nito. Nakikita ko siya sa maliliit na siwang ng gate. Nang buksan ng matandang babae ang gate ay pinasadahan niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa. Mabilis akong ngumiti sa harapan niya. "Magandang araw po! Ako po si Katie Feltes, ako po 'yong bagong kasambahay ni Mr. Hakenson," pagpapakilala ko sa sarili. Sa narinig ay tumango siya at ginantihan na rin ang ngiti ko. "Ay, ikaw ba 'yon? Oo, naibilin sa akin ni Sir Hakenson na dadating ka ngayong araw." Inilahad niya ang kamay sa harapan ko. "Ako si Manang Cecilia. Ako ang mayordoma ng bahay." Tinanggap ko ang pakikipagkamay niya. "Nice to meet you po." Nang maghiwalay na ang mga kamay namin ay niluwagan niya ang pagkakabukas ng gate bago muling bumaling sa akin. "Halika sa loob." Tumango ako bago sumunod sa kanya. Habang naglalakad kami sa hardin ng bahay ay gumagala naman ang mga mata ko sa paligid. Masasabi kong mahilig sila sa mga halaman at bulaklak dahil maraming iba't ibang klase nito ang nakakalat sa paligid. "Nasa hotel si Sir Hakenson, pero naibilin ka na niya sa akin," aniya habang patuloy kami sa paglalakad. "Igagala na muna kita sa paligid ng bahay para maging pamilyar ka. Unahin natin ang maid's quarter para maiwan mo roon ang mga dalang gamit mo." Tanging tango lang ang naitugon habang panay lang ang sunod sa kanya sa paglalakad. Dinala niya ako sa bandang likod ng bahay at dito ay natagpuan namin ang maid's quarter. "Dahil ngayong nandito ka na, lima na ulit ang kasambahay sa bahay na ito," may itinuro siyang mga pinto bago muling nagsalita, "may tatlong kwarto ang meron dito sa maid's quarter. Sa isang kwarto ay sosyo ang dalawang tao." "Gano'n po ba," tanging nasabi ko. Tumango siya at muling itinuro ang isang pinto na nasa bandang dulo. "Diyan ang magiging kwarto mo. Mamaya ay ipapakilala kita sa iba pang mga kasambahay." Inutusan niya muna akong iiwan ang mga gamit sa magiging kwarto ko bago muling nagpatuloy sa pag-iikot ng bahay. Sa totoo lang, ang ibang bahagi nito ay hindi ko masyadong matandaan. Sa laki ba naman at dami ng kwarto. May sarili pang theater. Halos malula ako sa laki ng screen na naroroon. "Ito naman ang magiging kasama mo habang nagtatrabaho ka sa bahay na ito," imporma ni Manang Cecila nang makarating kami sa kusina ng bahay. Dito ko ay sumalubong sa akin ang tatlo pang kasambahay. "Ito si Lily, siya ang makakasama mo sa kwarto. Sina Maya at Sonya naman ang dalawang 'yan, sila ang magkasama sa iisang kwarto. Ang kasama ko naman sa kwarto ay ang asawa ko na driver ni Sir Hakenson." Nang ipakilala ako ni Manang Cecilia sa iba ay kaagad nila akong binati. Bahagya akong natuwa nang sa tingin ko ay maayos naman silang katrabaho. Mga mukha silang mababait at pala-kaibigan. "Sa ngayon, wala ka pang uniporme na tulad sa amin. Papasukatan pa kita at nang magawan ka," ani Manang Cecilia. "Nako, kahit huwag na po. Ayos na po sa akin kahit 'yong luma na lang po." "Hindi puwede. Nagamit na ng iba 'yon." Nahihiya na lang akong ngumiti at hindi na umalma pa. Bahagya naman siyang natawa sa naging reaksiyon ko. "Ano ka ba, Katie. Huwag kang matakot sa akin. Mabait naman ako." Nakagat ko ang pang-ibabang labi. Hindi ko alam na mahahalata niya pala na bahagya akong ilag sa kanya. Syempre ay ayaw kong magkaroon ng problema sa bago kong trabaho kaya ganito ako. Isa pa, si Mr. Hakenson mismo ang nagpasok sa akin dito. Hindi ko siya bibiguin. Kaya hanggang sa makakaya ko ay pagbubutihan ko ang trabaho ko sa bahay niya. Nawala sa isa't isa ang atensiyon namin nang makarinig ng busina mula sa labas. Mabilis na nagpaalam si Manang Cecilia at iniwanan ako rito sa kusina. "Baka dumating na si Sir," sambit ni Lily nang mukhang napansin ang pagkagulo sa mukha ko. Maliit akong ngumiti at tumango na lang sa sinabi niya. Hindi na rin nadugtungan pa ng ibang pag-uusap 'yon dahil bumalik na sila sa kanya-kanyang gawain. Lumabas ng kusina sina Maya at Sonya kaya kaming dalawa na lang ni Lily ang naiwan dito. Dahil hindi ko pa alam ang gagawin ay napagpasyahan kong hintayin na lang ang pagbalik ni Manang Cecilia para klaruhin sa kanya ang magiging papel ko sa bahay na ito. Ilang minuto rin ang lumipas bago bumalik si Manang Cecilia sa kusina. Mabilis akong tumayo mula sa kinauupuan nang dumapo ang mga mata niya sa akin. "Dumating na si Sir." "Si Mr. Hakenson po?" "Hindi, ang tinutukoy ko ay ang panganay na anak ni Sir Hakenson. Nagpapadala ito ng juice sa salas." Nawala ang atensiyon niya sa akin nang magtungo siya sa harapan ng malaking refrigerator para kumuha ng juice. Bahagya pa akong natigilan nang bumalik ang atensiyon nito sa akin. "Sakto, sumama ka sa akin sa salas. Ipapakilala kita kay Sir." Tumango ako. "Sige po." Nang makita ko ang bitbit niya na isang baso ng juice na nakalagay sa isang platito ay nagbuntaryo na akong bitbitin 'yon at sabay na naming nilisan ang kusina. Ilang hakbang pa ang layo namin sa salas nang mapansin ko ang isang lalaki roon na nakaupo sa sofa. Tanging likod lang ng ulo nito ang nakikita ko dahil nakatalikod siya mula sa direksiyon ko. Bahagyang nangunot ang noo ko nang may maramdamang kakaiba. Bigla na lang may gumapang na kaba sa dibdib ko. Ang namumuong pagkagulo sa akin ay nalinaw nang sa wakas ay nakarating na ako sa mismong harapan ng lalaki at nakita ko na ang mukha nito. Napako ako sa kinatatayuan habang ang mga mata ay unti-unti nang nanlalaki. Ang paraan ng pagkakaupo niya sa sofa ay halos katulad ng posisyon niya nang gabing 'yon nang maabutan ko siyang nakaupo sa paanan ng kama. Tahimik man at nakaupo lang, pero ang tindig niya ay tila nagpaparamdam ng nagbabadyang panganib. "Sir, heto na ang juice mo. Dinala ko rin ang bago nating kasambahay para ipakilala sa 'yo," ani Manang Cecilia dahilan para mawala sa hawak niyang phone ang atensiyon ng lalaki Nang tumingin sa direksiyon ko ang lalaki, tulad ko ay tila nanigas din ito sa kinauupuan nang makita ako. Gumapang ang matinding lamig sa akin nang deretsong makatagpo ng tingin ko ang mga mata niya. Tuluyan nang umawang ang bibig ko nang matantong hindi ako namamaliktama. Ang lalaking nakasama ko sa VIP room ng club bago naganap ang raid...ang lalaking pagbebentahan ko sana ng sarili... ay nasa mismong harapan ko!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD