SIMULA nang araw na makita ko si Grace dito sa Macau ay hindi na ako mapakali. Hindi siya mawala sa isip ko, napapaisip ako kung bakit siya biglang nagpakita sa akin at dito pa talaga. Minsan naiisip ko na baka namamalikmata lang ako, pero alam kong totoo iyong nakita ko. Sigurado akong si Grace iyon dahil kilala ko siya. Hindi ko alam kung napapansin ba ni Nathan ang pananahimik ko nitong mga nakaraang araw. Kahit namamasyal kami ay si Grace ang nasa isip ko. At aaminin kong sa bawat lugar na puntahan namin ni Nathan, nagbabakasakali akong makita ko siya ulit. Pero parati akong bigo. Nag-iimpake na ako ng mga gamit ko ngayon dahil bukas ng gabi na ang alis namin pabalik ng Pilipinas. Dumami ang mga laman ng maleta ko dahil sa mga panamili namin ni Nathan kahapon nang mag-shopping kami