♕CHAPTER 5♕

2620 Words
LUCIA's POV ♕♕♕ Sa isang malaking silid, nakatayo kaming dalawa sa harap ng isang judge at iba pang saksi sa kasal na gagawin namin. May isang papel na nakapatong sa lamesang nasa harapan namin habang nakatayo kami sa magkabilang dulo nito. Nakasuot ako ng isang puting gown na halos palamutian ng mga perlas na kulay rosas habang siya naman ay nakatayo roon dala ang gwapuhan niya habang nakasuot ng isang simpleng itim na tuxedo na may ilang detalyeng ginto. Para siyang isang prinsepe na hinugot sa isang libro, pagpinagkaiba nga lang ay hindi ako ang prinsesa niya. Kahit na kinakasal kaming dalawa sa mga oras na 'to ay hindi ko dama ang kahit ano mang pagmamahal galing sa kaniya. Pagtapos basahin ng judge ang bawat salitang nakasulat sa artikolo ng kasal naming dalawa ay sabay niya kaming pinapirma. Nang makapirma siya sa papel ay inabot niya sa'kin 'to at napatitig ako sa pangalan ko na kailangan kong pirmahan sa ibabaw nito. Pagpumirma ako rito ay wala na kong takas pa sa Duke, wala na kong ibang dahilan para umayaw sa lahat ng sasabihin niya at itutuos niya. Habang buhay na kong nakatali sa kaniya at wala nang takas pa. "Ano pang iniintay mo?" Tanong niya at muli akong napatingin sa kamay ko na pawang nangangatog sa kaba. Pumikit ako nang mariin at inisip na lang ang mga magulang ko at ang mga kapatid ko na umaasa sa'kin. Huminga ako nang malalim at pinirmahan ang papel na nasa harap ko, inilapag ang panulat at kinuha naman ito ng isang lalaki sabay abot sa judge. Malakas niyang binaba ang selyo sa papel at pagtapos mamarkahan ang papel ay tapos na ang kasalan. Wala man lang bumati sa'min, wala man lang pumalakpak sa saya o kahit halik na magiging selyo namin sa isa't isa ay wala. Basta binigay niya lang ang isang singsing sa'kin at pinapirmahan sa'kin ang kontrata ay umalis na siya sa harapan namin at iniwan ako roon. Hindi ako makapagsalita, ganito lang ba matatapos ang kasal na 'to? Hindi naman sa umaasa ako na mabigyan ng magarbo o engrandeng kasal, sana kahit 'yung pormal lamang o disente ay masaya na ko. Pero 'yung ganito na iiwan niya ko pagtapos namin pumirma sa kasulatan? Sana kahit bigyan niya man lang ako ng kaunting atensyon bilang napangasawa niya. "Your highness, kailangan na po na'tin bumalik sa Istvan Estate," aya sa'kin ni Hanes at doon lang ako nabalik sa wisyo. Napailing ako at napayuko, hindi ko alam ang iaakto ko sa mga ganitong kaganapan lalo na sa harap ng Duke. Hindi ko akalain na ganito ang mangyayari sa inaabangan kong kasal sa buhay ko, dahil bawat isang babae ay pinangarap na maglakad papunta sa altar at magsuot ng magandang trahe de boda, ngunit ngayon na naranasan ko na, sana hindi na lang ako kinasal. Pero huli na para sa pagsisisi, dahil ako na ang Duchess ng Istvan. ♕♕♕ Sumakay ako sa loob ng isang itim na karwahe na may nakatatak na family crest ng Istvan, isa itong ulo ng tigre na may dalawang espada sa gilid. Napabuntong hininga ako at sumalumbaba sa bintana nito. Ni sa byahe ay hindi siya sumabay sa'kin at hindi man lang ako hinatid pabalik ng manor. "Hays, ano pa bang aasahan ko sa isang tyrant?" Bulong ko sa sarili ko habang pinagmamasdan ang daan pabalik sa manor ng Istvan. Hindi ako makaniwala na ganito na lang ang lahat, na ganito na lang ang mangyayari sa'kin. Pero mas mabuti na rin siguro na wala na kong inaasahan sa Duke, mabuti na siguro na wag na kong umasa na may magbabago sa pakikitungo niya sa'kin. Katulad ng plano ko, magiging ganap na Duchess na lang ako na magtatrabaho para sa kinasasakupan nito, ibibigay ko na lang lahat ng makakaya ko para tulungan siyang matakbuhin ang Isvtan Estate at palakihin ng ayos ang anak niya. Dahil sa mga gawaing iyon ay tiyak na mas mapapahaba ang buhay ko. Nang makarating kami sa manor ay agad akong pinagbihis ni Hanes at pinapunta sa isang silid kung saan ko gagawin ang mga trabaho ko bilang Duchess. May sarili akong opisina at halos malula ako sa dami ng libro na nakahalera sa dingding. Sa pagod ko galing sa byahe ay agad akong umupo sa sofa at napahawak sa ulo ko. "Kailangan ba agad na'tin mag-aral Hanes?" Tanong ko sa kaniya at tumango naman siya. "Maikling leksyon lang your highness, dahil simula sa susunod na lunes kayo na ang hahawak sa yearly budget ng manor," sabi niya na kinagulat ko. Napatayo ako sa upuan ko at hindi makapaniwala sa sinabi niya. "Anong hahawakan ko?" Tanong ko ulit at ipinatong niya naman ang isang makapal na libro sa lemesa na nasa aking harapan. "Ito po ang lahat ng listahan ng mga gastusin sa buong estate, sa inyo po ito pinapahawak ng Duke madam," paliwanag ni Hanes at halos malula ako sa kapal ng libro. Nang buklatin ko 'to ay halos bilyon bilyong halaga ang mga nakalista rito, seryoso ba sila na sa'kin nila ipapahawak ang pera ng buong manor? Hindi ba nahihibang ang Duke? "Pero hindi ba't kararating ko lang? Bakit sa'kin ipapahawak ng Duke ang yaman ng Istvan?" Tanong ko at saglit na umubo si Hanes. "Hindi ko rin po alam madam," sagot niya at nagtaka na lang ako at hinayaan na lang si Hanes na ituro sa'kin lahat ng mga kailangan ko sa pamamalakad ng manor. Mula sa mga maintenance ng building at mga halaman sa labas, hanggang sa sampung garden na meron ang manor ay ako ang hahawak. Lahat ng pera na gagastusin at papasok sa loob ng estate na 'to ay ako ang bahalang mamalakad, hanggang sa pasahod ng mga tauhan pati na rin ang mga pagkain na aming kakainin. Ako lahat ang mamalakad doon at hinayaan talaga ako ng Duke na hawakan ang ganitong kalaking halaga? Pano na lang kung magkanda mali-mali ako? Pano na lang kung gumastos ako nang mas malaki sa dapat kong gastusin at pano kung may mawala sa pera nang hindi ko alam? Ako rin ba ang sisisihin? Syempre ako! "Argh, sumasakit na ang ulo ko Hanes pwede ba na saglit akong maglakad sa labas? Gusto ko lang makalanghap ng sariwang hangin," palusot ko sa kaniya pero sa totoo lang umiikot na ang paningin ko sa mga numerong nakikita ko sa libro. Mahigit apat na oras na rin kaming nakaupo at hindi ko na maramdaman pa ang pwetan ko. "Masusunod madam," sabi niya at tumango naman ako kala Sasha na kanina pa nakatayo sa tabi namin at sigurado akong nangangawit na rin ang mga paa nila. "Tara lakad tayo sa labas," aya ko sa kanilang tatlo at sinundan naman nila ako palabas ng manor. Iginala nila ako sa mga hardin at pinakita sa'kin ang kagandahan ng Istvan, sobrang daming mga iba't ibang kulay ng bulaklak ang nakatanim sa hardin. Halatang alaga rin ang mga ito at hindi napapabayaan ng mga hardenero. Samatalang 'yung mga halaman sa manor namin ay mga lanta na at halos puro damong ligaw na lang ang nakatanim doon dahil sa wala na kaming pera para alagaan ang ganoon kalawak na hardin kaya minsan ako na lang ang nagtatanim ng mga halaman na paborito naman tignan ng aking ina. "Dito naman po ang training ground milady," sabi ni Melinda at agad naman siya sinita ni Rosana. "Hindi na milady kung hindi madam o hindi kaya your highness," pagtuturo ni Rosana kay Melinda at agad naman siyang yumuko sa harap ko. "Ah pasensya na po madam," banggit niya at umiling naman ako sabay ngiti sa kanila. "Ayos lang naman sa'kin, siguro wag lang sa harap ng ibang tao dahil baka mapahamak kayo," pagpapaliwanag ko dahil alam kong mahigpit ang Duke sa pagtrato ng mga katulong niya sa kaniyang pamilya. Hindi ko man sigurado kung kasama na ako sa pamilya na tinuturing niya ngunit alam kong dala ko na ang pangalan niya kaya kung ano man ang maling trato nila sa'kin ay maling trato na rin sa pangalan ng Istvan. Sino man ang lumabag doon ay maaring maputulan ng dila o kamay, ang malala naman ay makulong habang buhay at mamatay. "Young lord Sevius, ganito na lang ba ang kaya niyong gawin? Hindi ba't kayo ang anak ng makapangyarihang Duke? Bakit tila kulang kayo sa tigas katulad ng inyong ama," rinig naming usapan mula sa malayo kaya napatigil kaming apat sa pagdadaldalan. "Pasensya na po," rinig ko naman na pabalang na sagot ni Sevius. "Pasensya? Hindi maari iyan kung nais mong mamana ang kapangyarihan ng iyong ama!" Sabi ng isang lalaki na may hawak na kahoy na espada. Mukhang guro niya ito sa larangan ng pakikipaglaban pero bakit tila minamaliit niya si Sevius? Hindi ba dapat tinuturuan niya ng ayos ang bata? "Kung hindi mo maayos ang paghawak mo sa espada na 'yan ay papatakbuhin kita ng sampung beses paikot ng training ground!" Sigaw nito kay Sevius at akma pa siyang hahambalusin ng hawak nitong kahoy kaya napaurong si Sevius at tahimik na inintay itong humampas sa kaniya. Napapikit kaming apat at nakarinig nang malakas na pagpalo, napadilat ako at nakita ko kung gano iniinda ng batang 'yun ang sakit sa kabila niyang braso. Lagi ba siya minamaltrato ng ganito? Hindi ba't anak siya ng Duke pero bakit hinahayaan lang siyang maltratuhin ng kaniyang guro? Aba! Sa pagkakaalam ko hindi iyon tamang pagtuturo ng pakikipaglaban, halatang may galit siya sa Duke kaya sa anak nito niya binubuhos ang galit niya. Napakagat ako sa labi at hindi napigilan ang sarili ko na maglakad sa pwesto nila. "Madam! Saan ka pupunta delikado d'yan madam Lucia!" Awat sa'kin ni Sasha pero hindi ko siya inintindi at agad na sumugod sa lalaking walang awa na hinahampas si Sevius. "Anong kaguluhan 'to?" Mataras kong tanong sa kaniya nang makarating ako sa pwesto nila, pareho silang na gulat sa biglaan kong pagdating at huling-huli ko pa sa akto ang akma niyang muling paghampas kay Sevius. "Ah, madam kayo pala?" Sabi ng guro niya habang panay ang kamot sa kaniyang ulo at tago ng espadang kahoy sa likod niya. "Tama ba ang nakita ko? Tama bang saktan mo ang batang 'to?" Tanong ko sa kaniya at agad siyang nagmaangmaangan. "Ano pong p*******t ang sinasabi niyo madam? Nagtuturo po ako sa young master nang tamang paghawak ng sandata," paliwanag niya pero para sa'kin iba ang nakita ng mga mata ko. "Ha? Na bago na ba ang paraan ng pagtuturo kung pano humawak ng espada?" Tanong ko sa kaniya at halatang kabado at pinagpapawisan na siya. "Ahm, alam niyo naman siguro at kalat na sa buong emperyo kung pano makitungo ang young master sa iba, gusto ko lang siyang disiplinahin," sagot niya at lalo akong nainis sa kaniya. Gagawin niya pa bang palusot ang kumakalat na balita na isang suwail at masamang bata si Sevius? Pero sa nakikita ko ay tahimik lang ang batang 'to at hindi gumaganti sa mga p*******t niya. "Totoo ba ang sinasabi niya Sevius?" Tanong ko sa kaniya at sumama lang ang tingin niya sa'kin. "Hindi ko alam, maniwala ka kung gusto mo," sagot niya nang pabalang sa'kin pero parang ramdam ko sa mga salita niya na naghahanap siya nang kakampi. Ilang beses na ba siya tinuturing na black sheep ng pamilyang 'to? Ilang beses na ba siya sinasabihan ng ganitong bagay para mawalan siya ng pake kung may maniniwala sa kaniya o wala? Bahagya kong tinuklop ang mga tuhod ko para mapantayan siya at tinignan siya sa mata. "Isumbong mo siya sa'kin ako ang bahala sayo, kakampi mo ko rito," bulong ko sa kaniya at nakita ko ang pagkabigla sa mga mata niya. Parang ilang segundo lang ay maluluha na siya sa mga sinabi ko kaya agad niyang iniwas ang mga tingin sa'kin at tinaas ang manggas ng kaniyang polo. Halos magimbal ako nang makita ko ang malaking pasa sa braso niya, halatang bugbog na bugbog na 'to at ang pinagtataka ko ay pano niya natitiis ang sakit tuwing hahampasin ulit siya ng lalaking 'to? Galit na galit akong tumingin sa lalaking nasa harap namin at kulang na lang ay kunin ko ang hawak na espadang kahoy ni Sevius at ihampas 'to sa pagmumukha niya. Kung sa mga ko kapatid niya ito ginawa ay baka na saktan ko na talaga siya at hindi na inisip pa ang estado ko bilang babae. Huminga ako nang malalim at kinalma ang sarili ko. Ayoko magdulot ng malaking abirya rito lalo na't kakatapos lang ng kasal namin ng Duke. Kung sasaktan ko ang lalaking 'to ay malaking issue ito para sa Istavan kaya naman kinalma ko ang sarili ko at pumamewang sa harapan niya. "May karapatan ka bang saktan ang batang 'to? Sino nagbigay sayo ng pahintulot?" Tanong ko at kabadong-kabado na siya sa mga kasalanan niya, pero iba rin ang lalaking 'to dahil na gawa niya pa rin sumagot sa harap ko. Tila ba minamaliit niya ko dahil ako ang pangatlong asawa ng Duke, asawa na tingin nila hindi naman magtatagal sa lugar na 'to. "Ang mismong Duke po ang nagbigay sa'kin ng permiso na gawin 'to para mas maging matibay ang kaniyang anak sa labanan, mukhang hindi niyo 'to pwedeng panghimasukan Duchess," sarkastiko niyang sabi sa mga huling salitang iyon kaya lalong nag-init ang ulo ko. "Pano mo na sabing hindi ako pwede manghimasok kung kanina lamang ay pumirma ako sa papel na nagsasad na, ako si Lucia Sullen Istvan ang magiging pangatlong ina ng batang minamaltrato mo?" Mataray kong tanong sa kaniya at halos manliit siya sa mga sinabi ko. "Madam, anong nangyayari rito?" Tanong ni Hanes na kakarating lamang at tila susunduin na ko para bumalik sa pag-aaral ko. "Kunin niyo ang lalaking 'to at patawan ng pagkakakulong habang buhay," utos ko kay Hanes at sa ibang guardia na naka-antabay samin. "Ha! Anong ginawa kong mali!" Pagwawala nung lalaki at tinignan ko lang siya nang masama sabay hawak sa kamay ni Sevius na kanina pa walang imik. "Sinaktan mo lang naman ang aking anak?" Sabi ko sabay tingin sa mga guardia. "Ano pang iniintay niyo? Hulihin niyo na 'yan!" Utos ko at agad naman silang sumunod dito habang patuloy na nagwawlaa ang lalaking naturingang guro ni Sevius. Nang tuluyan kaming makalyo sa senaryo na 'yun ay halos mapaluhod ako sa damuhan na kinagulat nilang apat. Habang hawak ko pa rin ang kamay ni Sevius ay napaupo ako at tuluyan nang na walan ng lakas Sa pagkakaupo ko ay nakita ko si Sevius na parang hindi pa rin alam kung anong mga nanyari habang nakalabas ang braso niya na puno ng mga pasa. "Madam!" Sigaw nila Sasha at agad akong inalalayan. Pero ang mas iniintindi ko ay kung gano kasakit ang mga pasang iyon na nagkalat sa braso niya sa murang edad. "Ayos lang ako Sasha, mabuti pa mamadali kayo na maghanda ng gamot at tumawag ng doktor para kay Sevius," utos ko sa kanila na kinagulat naman ni Sevius. "Ha? Ikaw 'tong nanlalambot ako pa 'yung ipapa-doktor mo?" Tanong niya at natawa naman ako. "Sa'ting dalawa mas mukhang kailangan mo ng doktor," pagtataray niya pero kitang kita ko naman ang nahihiya niyang mukha na ngayon ay pulado na. "Hahaha nag-aalala ka ba sa'kin young master? Hahaha," pang-aasar ko sa kaniya at ngumuso lang siya. "Asa ka naman," sabi niya hanggang hindi binibitawan ang mahigpit niyang pagkakahawak sa mga kamay ko. Napangiti na lang ako at humingi sa kaniya ng tulong para alalayan akong tumayo. "Hilahin mo na pala ako patayo young master Sevius," pang-aasar ko ulit sa kaniya at agad niya naman ako hinila na parang wala lang na talagang kinabigla ko. Agad niyang binitawan ang kamay ko at naglakad na palayo sa'kin, na tawa naman ako at masaya siyang sinundan habang panay ang asar sa kaniya. TO BE CONTINUED
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD