Mag-iisang linggo na mula noong nagpadala ng text message si Kuya Anthony doon sa number ng Ate ko. Hindi na nasundan iyon at wala rin naman akong balak na magpadala ng mensahe sa kanya. Baka pinagloloko lang ako ng lalaking iyon. Mahilig pa man din siyang mang-asar. Gawain na niya iyon noon pa man kaya hindi na ako magtataka kung gino-good time lang niya ako noong nakaraang linggo. Hinayaan ko nalang.
Habang abala ako sa paglilinis ng bahay isang Sabado ng hapon ay bigla akong tinawag ng Ate ko. Dali-dali kong binitawan ang walis-tambo na ginagamit ko sa paglilinis. Medyo nakakaramdam pa ako ng pagod dahil mayroon akong schedule sa ROTC tuwing Sabado ng umaga. Ganoon pa man, wala akong magagawa dahil ang paglilinis ng bahay ng aking kapatid ay parte na ng mga gawain ko tuwing Sabado ng hapon kaya kahit nahihirapan dahil hindi ako sanay sa ganito ay wala akong magawa. Nakikitira lang ako sa kanila kaya kailangan kong tumulong sa lahat ng gawaing-bahay. Hindi katulad noong nasa amin pa ako, pag-aaral lang talaga ang inaatupag ko dahil si Papa ang kadalasang gumagawa ng gawaing-bahay na inaatang sa akin ng nakatatanda kong kapatid kahit ang paghuhugas ng pinggan. Naaalala ko pa ang kadalasang linyahan ng Papa ko, "Sige na, ako na rito. Mag-aral ka nalang. Baka marami ka pang takdang-aralin o mga leksiyon na aaralin." Ganito ang buhay ko noon. Kahit mahirap lang kami, parang buhay prinsesa pa rin ako. Pagkagising ko sa umaga, may nakahanda na akong tubig na pampaligo. Nakahanda na rin ang aking simpleng agahan na kadalasan ay kanin na giniling na mais at pritong daing na may pares na kape. Masuwerte na kung mayroong scrambled egg dahil kahit pisong mantika ay minsan wala kaming pambili, itlog pa kaya?
"Lyza, ano ba? Bakit ang bagal-bagal mo? Kanina pa kita tinatawag!" Paninita ng kapatid ko na nagpatigil sa aking pag-iisip sa nakaraan.
"Pasensya na po, Ate. Nagwawalis po kasi ako ng sahig sa taas." Maikli kong paliwanag na ikinaismid niya.
"Tsk! Ayan ang cellphone ko, may text ka riyan. Galing yata sa kababata mong si Geanna. Kinukumusta ka. Replyan mo na dahil gagamitin ko mamaya ang cellphone ko."
"Sige, Ate. Sandali lang po ito. Salamat po." Ang magalang kong tugon at tumalikod na para makapag-reply sa best friend kong si Geanna. Naging magkaibigan kami nito simula Grade 2, noong lumipat ako sa kanilang paaralan. Naging mag-best friend na kami nito mula noon hanggang tumuntong kami ng high school. Magkaklase rin kami simula Grade 2 hanggang Fourth year high school kami. Nagkahiwalay lang kami dahil sa ibang siyudad siya nag-aral ng kolehiyo at kumuha ng ibang kurso. Gusto raw kasi niyang maging guro samantalang gusto ko namang maging engineer, kung bakit ay hindi ko alam. Ang angas lang kasing pakinggan, Electrical Engineer na babae. First cousin si Geanna ng kuya-kuyahan kong si Anthony. Magkapatid ang kanilang mga ina.
"Hello, Lyza! Kumusta ka na?"
"Hello, Geanna! Maayos naman ako, Gean. Medyo naninibago lang pero nakakapag-adjust naman na ako kahit papaano. Ikaw? Kumusta ka na? Buti naman naalala mo akong i-text." Ang aking sagot sa text message ni Geanna.
"Mabuti naman ang lagay namin nina Romy at Althea. Magkasama kaming tatlo sa iisang boarding house. Magkapareho kami ng kurso, pero magkaiba nga lang kami ng major. Medyo nakakapag-adjust na rin naman kami dito. Syempre, nanibago rin kami noong una. Lalo pa at galing tayo sa public school. Medyo iba pala ang ugali ng mga galing sa private school. May pagka-sosyal. Pero hindi naman lahat." Ang medyo may kahabaan nitong sagot sa text message ko. Sina Romy at Althea ay mga kaklase rin namin mula elementary hanggang high school.
"Mabuti naman kung ganoon. Sobrang masaya ako para sa inyong tatlo. Siguro ang saya na magkasama kayo riyan. Iwas home sick kasi magkakakilala kayo. Samantalang ako, ito medyo naghahanap pa ng magiging kaibigan. Buti sana kung nandito ka. Parang nayayabangan kasi ako sa mga batch mates ko ngayon. Na-a-out of place ako sa kanila kapag nag-uusap sila. Hindi ako makasabay."
"Ayos lang iyan. Ilang buwan pa lang naman kasi kaya medyo nahihirapan ka pa. Pasasaan ba't magkakaroon ka rin ng mga bagong kaibigan na makakasundo mo. Pero kung mangyari man iyon, huwag mong kalimutang best friend mo ako ha. Mamaya niyan ipagpalit mo ako sa kanila." Ang sagot nitong may halong pagda-drama na nakapagpangiti sa akin.
"Ay sus! Nagdrama ka na naman! Don't worry, my friend. Saan man ako makarating, you will always be my best friend, wala nang iba. Mag-kaututang dila kaya tayong dalawa simula noong mga bata pa tayo. Kaya malayong mangyari na makalimutan kita."
"Ayoonnn! Hahahaha! Ikaw din naman, you are my forever best friend." Sagot nito.
"Siyanga pala, may sasabihin ako. Nag-text dito ang Kuya mo noong isang linggo. Kinumusta ako. Hindi ko nga alam kung kanino n'ya nakuha ang numero ng cellphone ng Ate ko. Ikaw ba ang nagbigay sa kaniya?"
"Ay, oo! Pasensiya ka na kung hindi ako nakapagpaalam sa iyo na ibibigay ko ang number ng Ate mo. Nagmamadali kasi ang lokong iyon. Ewan ko nga kong anong emergency ang mayroon at hindi ako tinigilan. Sa katunayan, kinuha niya ang cellphone ko kaya wala akong choice kung hindi ibigay nalang ang number sa kaniya. Ano raw ba ang kailangan niya at atat na atat?" Ang medyo may kahabaan nitong paliwanag.
"It was nothing important. Nangumusta lang at nangulit. Alam mo naman ang Kuya Anthony mo. Hindi nauubusan ng pang-asar sa akin. Minsa nga nakakabanas na, tinitiis ko lang talaga ang ugali niya."
"Hmmm... Alam mo, minsan nagtataka na talaga ako kay Kuya An-An. Napapansin ko kasi na palagi ka niyang kinukumusta sa akin. Nakalimutan niya yata na hindi tayo magkasama. Ang kulit-kulit niya na talaga minsan. Pero wala naman akong magawa, malapit kami noon at parang magkapatid ang turingan namin. At saka, mahal na mahal ko ang Kuya kong iyon kaya pinagbibigyan ko nalang ang pangungulit. By the way, did he say anything else other than asking how you are doing? May pinag-usapan pa ba kayong iba? Hindi ba nagparamdam? Hindi ba nanligaw? Ayiieee!" Tukso ni Geanna sa akin.
"Hoy! Anong ayiieee!? Tigilan mo nga ako, Gean! Loka-loka ka talaga! Your Kuya is like an elder brother to me. Period! Alam mo naman na ginawa niya akong tulay noong high school tayo para manligaw sa guro nating si Mam Desucatan. Iyon ang dahilan kaya kami naging magkaibigan at naging malapit sa isa't isa. Pero walang ibig sabihin iyon. Nakatatandang kapatid lang talaga ang tingin ko kay Kuya An. Nothing more, nothing less. Kuha mo?"
"Okay, fine! Ang dami mong sinasabi. Nagtutunog defensive ka tuloy. Hahahahahahaha! Pero kung sakali mang ligawan ka n'ya at naging kayo, walang problema sa akin. Alam mo namang botong-boto ako sa'yo, girl! You are like family to me since day one. Kay ikasasaya ko talaga kung kayo ni Kuya ang magkatuluyan."
"Magkatuluyan ka riyan! Hoy! Masyado kang advance mag-isip. Kakanood mo iyan ng Gimik at Tabing-ilog! Hahahahaha! Tigil-tigilan mo ako at wala pa sa isip ko ang rela-relasyon na iyan. Sa ngayon talaga, gusto kong mag-focus sa pag-aaral. You know how I badly want to earn that diploma no matter what. Mahirap lang kami at ang diploma ang ultimate goal ko sa ngayon. At saka, hindi ko nakikita ang sarili kong magkaroon ng special relationship sa Kuya mo other than sa pagiging nakatatandang kapatid. Iniisip ko pa lang, parang kinikilabutan na ako. Alam mo namang NBSB ang friendship mo. May allergic reaction ako sa mga boys. Hanggang crush lang ako noon."
"Anong hanggang crush lang? Anong tawag mo kay Marj? Ang sweet n'yo nga noong Fourth year tayo eh. Naaalala ko pa noong Juniors and Seniors Prom natin, hindi ka na hiniwalayan. Dikit nang dikit sa'yo. At noong after ng graduation natin, hindi ba't nag-usap kayong dalawa sa loob ng classroom natin? Sabi mo pa nga hinalikan ka niya sa lips? Kaso sorry nalang sa kaniya dahil hindi ka marunong kaya hanggang smack kiss lang pero kinilig ka pa rin. Hahahahaha!"
"Intrigera ka rin talaga ano? Wala na iyon. At saka, hindi ko naman naging boyfriend iyong si Marj. Hindi ko nga matandaan kung nanligaw ba iyon sa akin. Puro palipad hangin lang naman ang ginawa niya kay hindi ko s'ya itinuring na boyfriend."
"Whatever! Denial ka talaga! Anyway, tama na itong chikahan natin at may gagawin pa kaming project. Mag-ingat ka riyan palagi at balitaan mo ako tungkol sa status ninyo ni Kuya. Baka lang naman mag-level up kayo. Ayieeeeee!"
"Sira! Oh, siya sige na. Babush na at marami rin akong gagawin. Salamat sa oras mo, Geanna. Mag-ingat ka rin diyan." Pagpapaalam ko sa aking matalik na kaibigan. Sira talaga ang isang iyon. Binubug*w pa ako sa pinsan niyang maloko. Hay nako!