"Magandang gabi, Ate!" Bati ko sa aking nakatatandang kapatid. Kararating lang niya galing sa trabaho. Isa siyang private secretary ng mag-asawang haciendero. May asawa na ang Ate ko at may apat silang anak. Hindi kami ganoon ka-close dahil sa laki ng agwat ng aming edad. S'ya ang pangalawa sa aming walong magkakapatid, samantalang ako naman ang bunso.
"Ang mga pamangkin mo, dumating na ba galing sa eskwelahan? Ang Kuya mo, nandito na rin ba siya?" Ito ang diretsong tanong ng aking kapatid sa halip na batiin ako pabalik.
"Yes, Ate. Nasa taas na po ang mga bata at gumagawa ng assignments nila. Si Kuya hindi pa po dumating." Ang kinakabahan kong sagot. Ingat na ingat ako sa tuwing sumasagot ako sa mga tanong ng Ate ko. Medyo may pagka-istrikta kasi ito at parang palaging galit. Kahit ang Papa namin ay ilag din sa kaniya dahil sa ganitong ugali niya. Kung ako lang talaga ang pagpipiliin, hinding-hindi ako makikitira sa bahay ng aking kapatid. Ngunit wala akong magawa. Mahirap lamang kami at napili ko pang mag-aral dito sa kapitolyo ng aming probinsya na medyo malayo rin sa amin. Mga nasa apat na oras din ang biyahe. Kaya tinitiis ko nalang ang lahat. Pasasaan ba't makakatapos din ako. Limang taon, limang taon ang kailangan upang makapagtapos ako sa kursong pinili ko, ang Electrical Engineering.
"Siyanga pala, may nagpadala ng text sa cellphone ko. Kinukumusta ka. An-An yata ang pangalan. Kaibigan mo?" Ang biglang tanong ng aking kapatid na s'yang nakapagpatigil sa aking pagmumuni-muni.
"An-An po? Wala naman po akong kilalang An-An. Taga saan daw po ba siya?" Ang balik kong tanong sa Ate ko.
"Hindi ko alam. Hindi rin naman kasi ako nagreply doon sa text. Pero babae yata kasi An-An ang pangalan. Basta kinukumusta ka lang. Kapag may oras mamaya, kapag natapos mo na ang mga ginagawa mo, sagutin mo nalang ang text message niya. Para na rin matanong mo kung sino siya." Ang sagot ni Ate habang inaayos niya ang pagkakalagay ng kanyang sandals sa shoe rack na nakapuwesto malapit sa main door.
"Sige, Ate. Salamat. Tatapusin ko lang po ang paghahanda ng hapunan natin." Pagpapaalam ko sa kaniya.
Bumalik na ako sa kusina habang iniisip kung sino ba ang An-An na iyon at kung paano o kanino niya nakuha ang cellphone number ng Ate ko.
Pagkatapos kong maghugas ng pinagkainan at maglinis ng buong kusina, nakigamit ako ng cellphone ng Ate ko upang magpadala ng mensahe. Medyo hirap pa ako sa paggamit kasi first time kong makahawak ng ganitong model ng cellphone, Nokia3210. Oo, first year college ako sa isang private school pero wala akong cellphone. Ang dalawang scholarship grants ko lang naman kasi ang dahilan kong bakit nakapasok ako sa isang pribadong kolehiyo. Valedictorian ako noong high school kaya natanggap akong academic scholar sa kolehiyong pinapasukan ko ngayon. Bukod dito, nakapasa rin ako sa Department of Science and Technology Scholarship Grant. Ganoon pa man, hindi pa rin sapat upang makabili ako ng sariling cellphone kahit na may natatanggap akong monthly allowance galing sa DOST. Ang huling hawak ko ng cellphone ay noong Fourth Year high school pa yata ako. Cellphone iyon ng aking kaklase na Motorola, iyong parang sabon ang hugis. Kaya naninibago talaga ako.
Pagkabukas ko ng Inbox, iyong text message galing sa unregistered number ang una kong nakita. Binuksan ko ito at nakita ang nilalaman ng text.
"Good morning po. Si An-An po ito, kaibigan ni Lyza. Mangungumusta lang po sana ako. Maraming salamat po."
Napaisip ako kung sino ba itong An-An na ito. For sure hindi naman ito mag-aaral sa college na pinapasukan ko ngayon dahil wala naman akong kilalang An-An doon. In fact, wala pa nga akong naging kaibigan na pinagbigyan ko ng contact number ng aking kapatid. Nag-type ako ng sagot upang alamin kung sino ang nagpadala ng text.
"Hello! Good evening. This is Lyza. Ok lang naman ako rito. May I please know who's texting?" Ang sagot ko at pinadala na ito. Nakailang bura muna ako kasi mali-mali ang natitipa ko. Maya-maya ay biglang tumunog ang message alert tone ng cellphone at dali-dali kong binuksan ang message na dumating.
"Hi, Lyza! Mabuti naman at ayos ka lang diyan. Si An-An ito. Ang Kuya Anthony mo. Ilang buwan pa lang noong umalis ka rito sa atin, nakalimutan mo na ba ako kaagad?" Ito ang bumungad sa akin na sagot. Biglang nagliwanag ang aking mukha at isang malaking ngiti ang sumilay sa aking mga labi dahil sa sobrang katuwaan. Labis-labis ang sayang naramdaman ko dahil may isang taong nakaalala sa akin. Isang taong itinuturing kong malapit na kaibigan at kapatid na rin, ang aking Kuya Anthony. Ang totoo, hindi ko naman talaga siya kaano-ano. Siya ay nakatatandang kapatid ng aking crush noong high school. Dati siyang manliligaw ng isa ko pang kapatid at manliligaw din siya ng aking high school teacher noon. Medyo mabilis sa babae ang lalaking ito kahit hindi naman gwapo. Sa height niyang sa tantiya ko ay nasa 5'4", masasabi kong malakas lang talaga ang loob niya. Ligaw doon, ligaw dito. Kilala rin naman sa pagiging babaero ang kanyang mga kapatid. May pagkamakulit din siya. Palagi niya akong kinukulit at niririto noon sa kanyang nakababatang kapatid na si Rodge na classmate ko. Alam kasi niya na may crush ako rito. Natatandaan ko pa ang mga linyahan niya dati...
"Baby, paki-regards naman ako sa Ate mo. Sige na. Ikukumusta rin kita sa kapatid ko. Malay mo, ligawan ka rin niya." Ang pangungumbinse niya sa akin.
"Hay nako, Kuya An-An. Huwag ako. Hindi ako type ng isang iyon. Palagi nga akong ini-snob ni Rodge eh! Tapos ngayon sasabihin mo, baka ligawan ako? Tigilan mo nga ako, Kuya. Diretsohin mo nalang ako kung may ipapakiusap ka. Hindi iyong binibigyan mo pa ako ng false hope. Kainis ka talaga!" Gigil na gigil kong litanya sa kanya sabay irap, na sinagot lang niya ng isang malutong na halakhak sabay pisil sa pisngi ko.
"Ikaw talaga! Hindi ka na mabiro. Pero malay mo talaga, baka magbago rin ang isip ni Rodge at bigla kang ligawan. Ilalakad kita kung gusto mo." Patuloy pa ring pangbubuyo niya na hindi ko naman binigyang pansin.
Biglang bumalik sa kasalukuyan ang diwa ko nang tumunog ang message alert tone ng cellphone ni Ate.
"Hoy! Hindi ka na nagreply diyan! Nakatulog ka na ba? Ang aga pa naman ah. Busy ka ba? Anong ginagawa mo ngayon?" Ang sunod-sunod niyang tanong sa mensahe niya. Napangiti ako at dali-daling nagtipa ng sagot.
"Oh, my gosh! Kuyaaaaaaaa! Kuya An-An! Kumusta po? Buti naman naalala mo ako. Teka nga! Kanino mo nakuha ang number ni Ate? Okay lang po ako rito. Medyo malungkot lang kasi wala akong kaibigan dito." Pinindot ko na ang Send button upang ipadala ang sagot ko.
"Heto, okay lang din naman ako. Medyo malungkot lang minsan kasi wala ka na rito sa atin. Wala na akong kakulitan. Ang layo-layo mo pa naman din. Buti sana kung nasa kabilang kanto ka lang para di na ako mahirapang puntahan ka." Ito ang nakuha kong sagot mula kay Kuya Anthony.
"Ay sus! Kung makapag-drama ka, wagas! Ang dami mo kayang kaibigan diyan sa atin. Mambobola ka talaga, Kuya! May kailangan ka lang yata eh! Sabihin mo na! Dali! Isasauli ko na kay Ate itong cellphone maya-maya." Ang may halong birong sagot ko sa kaniya.
"Ikaw talaga! Kapag ba nag-emote o nag-drama may kailangan na kaagad? Hindi ba pwedeng iyon talaga ang totoong nararamdaman ko? Pambihira! Ngayon nga lang tayo nagkausap ulit tapos ito pa ang sasabihin mo? Nakakasakit ka naman ng damdamin." Patuloy lang ito sa pag-emote.
"Jusmiyo, Kuya Anthony! Ang tanda-tanda mo na para mag-emote ng ganiyan! Reminder lang, 24 ka na po kaya huwag masyadong emotero! Hindi bagay sa'yo, Kuya!" Pang-aalaska ko pa sa kaniya.
"Aray! Ang sakit ng "ang tanda-tanda" ha! Pitong taon lang naman ang agwat ng edad natin. In three years time magiging 20 ka na. Kaya hindi pa ako matanda no!" Depensa nito.
"Fine, fine! Hindi ka matanda, Kuya. Medyo lang. Hahahahahahaha!" Pangungulit ko pa sa kanya.
"Bahala ka! Basta hindi ako matanda! Siyanga pala, may sasabihin ako sa'yo, Lyza."
"Yes, Kuya An? Ano po iyon? Bilis na po kasi matutulog na ako at isasauli ko na itong cellphone."
"Sobrang miss na miss na kita, Lyza. Kung sana malapit lang ang Bacolod. Pupuntahan talaga kita. Ako ba hindi mo na-miss?" Ito ang huling mensahe ni Kuya Anthony na hindi ko na nakuhang sagutin pa dahil sa sobrang pagkabigla. Hindi ko na sinagot dahil hindi ko rin naman alam kung ano ang sasabihin ko. Parang iba kasi ang dating ng huli niyang mensahe o baka naman masyado lang akong nag-o-overthink?