"Hi!"
"Wait lang po!" sagot ko sa customer habang nagsusuot ng kulay itim na apron. Tapos tinali ko ang buhok ko bago dali-daling dumampot ng papel at ballpen sa counter.
"Sobrang busy. Hindi ako pinansin."
Napahinto ako at natatawang napalingon kay Robi. "Sorry, ang dami kasing customer. Wait lang. Ako ba ang pinunta mo dito?" Turo ko sa sarili habang lumalakad palapit sa table four.
"Sige lang, tapusin mo na 'yan. Makakapaghintay naman ako." Ngumiti siya at humanap ng mauupan.
Hindi ko alam pero swerte yata ako ngayong araw. Ito ang unang beses na dinagsa kami ng tao. Sobrang dami at nataon pa na kulang ako sa tauhan. Pero kahit gano'n pa man ay talagang nakakamangha. Hindi ko tuloy maalis ang ngiti sa labi ko. Kapag nagpatuloy ito, baka matupad ko na ang pangarap kong branch sa ibang lugar.
Matagal din bago ko maalala si Robi. Pupuntahan ko na sana siya kaso, "hmm?" Napakurap-kurap ako nang makitang wala na siya sa pwesto niya kanina. "Layla!" sigaw ko. "Nainip?" Taka kong turo sa pwesto kanina ni Robi. Tinawanan naman ako ni Layla habang umiiling.
"Nagpresinta siyang mag-deliver. Absent kasi si Jack."
"ANO?!" bulalas ko. "Layla naman, bisita ko 'yon. Ba't mo pinag-deliver?!"
"Ngayon mo lang napansin?" Tinawanan niya ko saka nagpalumbaba sa counter. "Last na nga 'yang nandiyan. Grabe, sino ba 'yon? Gwapo na, masipag pa."
"Nai-deliver niya agad lahat ng 'yon?" taka kong tanong at tuwang-tuwa naman na tumango-tango sa akin si Layla.
"Last na ba 'to?" Pagsulpot ni Robi, pawis at nakasuot pa rin ng helmet habang papasok sa restaurant.
"Hops na. Ako ng bahala diyan," nahihiyang sabi ko. Pinigilan ko ang kamay niya pero tinignan niya lang ako at nginitian. Hindi siya nagpapigil kaya naman mas lalo akong nakunsumi.
"Oo, last na 'yan," sagot pa ni Layla. Tinignan ko agad siya nang masama pero talagang mukhang trip niya si Robi.
"Okay," ani naman ng isa.
"Teka lang!" Habol ko palabas sa likurang exit. "Uy, bitawan mo nga 'yan. Nakakahiya, bakit ka ba nagde-deliver? Kailan pa kita naging tauhan?"
"Ayos lang, para makatulong ako sa'yo," sagot niya saka sinulyapan ako ng pagngiti.
"Anong ayos lang?"
"Sobrang busy mo, tapos absent pa ang delivery guy niyo. Hindi mo magagawa ang lahat kaya tinutulungan na kita," nagtatali niyang sagot. Ang sweet niya kaya napangiti ako. Ngayon na lang ulit ako nakahanap ng maaasahang pwedeng maging kaibigan na katulad niya. "Alis na ko. Basta pagmeryendahin mo na lang ako mamaya, ah?"
"Salamat," nakalabi kong sagot habang umaatras nang sumakay na siya sa motorbike.
"Sige na, alis na ko."
Wala na kong nagawa kaya naman tumango na lang ako at kumaway nang umalis siya. Ibang klase si Robi, hindi pa kami gaanong magkakilala pero mukhang mabait siya at talagang mapagkakatiwalaan.
"There you are."
Bigla akong natigilan at mabilis na napalingon kay Jayson. Bakit nandito na naman siya?
"May bago pala kayong delivery man?" lumalapit niyang panimula. Napukaw agad ng brown envelope ang atensyon ko. Mukhang nandito na naman siya para makipaghiwalay. Taas kilay niya kong tinignan kaya naman dali-dali akong napabalik ng tingin sa kanya.
"Ah, ano, kaibigan ko 'yon." Alangan kong turo sa pinanggalingan ni Robi. "Absent kasi si Jack kaya naman nakisuyo na lang ako sa kaibigan ko."
"Bagay kayo," bigla niyang biro na ikinatigil ko.
Parang biglang may gumuhit na sobrang sakit sa puso ko. Natahimik ako at nawalan ng gana. Inalis ko agad ang tingin sa kanya at nagbingi-bingihan.
Agad akong pumasok sa restaurant ko at sumunod naman siya sa akin. "Ano ba ang kailangan mo?" tanong ko habang nagbibisi-busy-han.
"Regarding the papers, pirma mo na lang kasi talaga ang kulang para ma-process na siya." Paninimula na naman niya kaya naman natigilan ako nang panandalian sa pagpupunas ng mesa.
"Talaga bang gusto mo ng makipaghiwalay sa akin?" Seryoso ko siyang tinignan sa mga mata niya habang mahigpit na hawak ang basahan.
"Oh, come on, Lisa! Ayan ka na naman. 'Wag na tayong maglokohan nang paulit-ulit dito. Were not totally married by feelings. Siguro may namali lang kaya na ikasal tayo or aksidente lang ang lahat, 'di ba?" sagot niya saka mayabang na ngumisi na ikinaliit ko sa sarili ko.
"Tama," tulala kong sagot, mabagal na tumatango dahil sa sinabi niya. "Tama ka nga. Aksidente lang ang lahat." Binigyan ko siya ng pekeng ngiti para itago ang panginginig ng mga kamay ko. Habang siya naman ay ayan, mukhang nagustuhan ang sinabi ko.
"Ayon! Thank you, Lord at nakapag-isip na rin siya nang matino. Sabi na, eh. You just need time. Kung saan ka man pumunta nitong nagdaang buwan ay mukhang nakatulong sa'yo 'yon," tuwang-tuwa niyang sigaw na lalong nagpakirot sa puso ko. Sobrang sakit na para bang hindi na ko makahinga kaya naman napahawak ako sa lamesa.
Alala akong nilingon ni Layla. Ayokong gumawa ng eksena sa loob ng restaurant kaya naman pinilit kong ngumiti at pasimpleng umiling sa kanya. Nagkunyari akong malakas kahit sobrang hirap na.
"So, ito na lahat ng papeles. Saan ba tayo pwedeng magpirmahan? Dito na lang ba?" dugtong niya, excited na nilalapag sa lamesa ang mga hawak niyang papel.
Panandalian ko siyang tinitigan. Talaga bang hindi niya na ko maaalala? Talaga bang sobra niya ng mahal ang babae na 'yon para madaliin ang lahat? Hindi ko siya nakilalang ganito. Gusto kong umiyak sa harapan niya habang inaalala ang mga araw kung kailan masaya pa kaming dalawa, na ngayon ay ako na lang 'tong nakakaalala. Mukhang hindi ko na talaga matitikman ulit ang malalambing niyang yakap at halik na walang kasing tamis.
"Ayos ka lang?" tanong niya nang medyo mapaatras ako.
Agad akong napahawak sa nuo ko nang bigla akong mahilo.
"Hey, Lisa, akala ko ba okay na ang lahat? Umaarte ka na naman ba ngayon?"
"Please, 'wag ka ng magsalita. Mas nasasaktan lang ako," mahina kong pagmamakaawa. Nakatakip ang isang kamay ko sa mga mata ko, na nagsisimula ng umiyak.
"Kung kailan nakalabas na 'tong mga papel, saka ka umaarte. Nice one. Pwede ka na talagang pumasok sa pag-aartista."
"Please, Jayson." Minostrahan ko siyang tumigil na pero hindi siya nakinig.
"Sir, marami kaming customer ngayong araw at nakukuha niyo na lahat ang atensyon nila. Baka pwedeng bumalik ka na lang ulit," mahinang sabat ni Layla.
"No!" malakas na sagot ni Jayson. "Tama na 'to. Naging mahaba na ang pasensya ko dito sa boss mo."
"Sir, please po. Hinaan mo naman ang boses mo." Tumingin-tingin si Layla sa mga tao.
"Kung ayaw niyo ng ganito, makisama ka." Lingon sa akin ni Jayson, sobrang sama ng tingin niya na para bang lalamunin niya na ko ng buhay.
"Fine," utal kong sagot. Tinitigan ko ang nanginginig kong kamay na papunta na sa ballpen niyang nilapag nang biglang maglabo ang paningin ko.
"Hala!"
"Ano na naman ba 'to?!" sigaw ni Jayson na siyang sumalo sa pagbagsak ko.