"Hindi ba pinagbantaan na kita?! Ang sabi ko, tigilan mo na ang anak namin!" galit na galit na sigaw ng mama niya sa akin, kaya naman napatingin na lang ako sa malayo habang naghihintay kaming lahat sa paggising ni Lisa.
"Lintek na papel 'yan! Papatayin mo ang anak namin para lang diyan!" sigaw naman ng papa niya habang dinuduro ako. Pinigilan agad siya ni Papa kaya naman ilang saglit na tumahimik ang paligid.
Ako pa ngayon ang may kasalanan.
In the first place, matagal ko ng sinasabi sa kanila na mag-ayos kaming dalawa ng papel, na baka aksidente lang kaming na ikasal ng kung sino. Pero ayaw nila at halos itago pa nila sa akin 'yung anak nila. Tapos ngayon!
"Gising na siya," wika ng delivery man kanina sa restaurant.
Agad silang nagtayuan at lumapit sa pwesto ni Lisa. Bago pa ko makalapit ay natigilan ako nang makita ko ang pagtitig niya sa akin mula sa malayo. Bigla akong nakonsensya sa hindi ko malamang dahilan. Salit na umabante ang mga paa ko ay napaatras ako habang umiiwas ng tingin.
Sobrang putla ng mukha niya. Tapos sinamahan pa ng malungkot niyang mga mata na para bang may pinagdadaanan talaga siya.
Ayoko na sanang tingnan ulit si Lisa pero kusang bumalik ang mga mata ko sa pagtingin sa kanya.
"Jayson," nanghihina niyang bigkas sa pangalan ko kaya naman napatingin silang lahat sa kinatatayuan ko. Bigla akong naistatwa at nilamig dahil sa mga mapanghusga nilang tingin sa akin. "Sorry sa nangyari."
"Ano ba 'yang sinasabi mo?" alangan kong sagot sabay iwas ng tingin. Pinagmumukha niya ko lalong masama.
"Nasaan na 'yung mga pinapapirmahan mo kanina? Tanggap ko na. Kaya ibigay mo na sa akin ngayon para mapirmahan ko." Sobrang pait ng pinakawalan niyang ngiti kaya napalunok ako. Tumingin agad sa akin si Mama at umiling.
"'Wag na. Saka na lang," sagot ko, masama ang loob.
Siguradong bubulyawan na naman nila kong lahat mamaya. Sa ngayon, niligtas ko muna ang sarili ko. Nauna akong umalis sa hospital bago pa sila makapagpaalam sa mga magulang ni Lisa.
Noong una akala ko nakaligtas na ko pero bago pa ko makaapak sa sasakyan ko ay ayan na si Mama at rumaragasa sa paglakad palapit sa akin.
"Saan ka pupunta?" masungit niyang tanong.
"Ahm? Saan nga ba?" sarkastiko kong sagot at kunyaring nag-iisip.
"Ikaw talagang bata ka. Alam mo ba kung anong gulo na naman 'tong ginawa mo? Paano kung ayawan ka na nila para sa anak nila? Anong gagawin mo?!"
"Edi mas maganda?" patanong kong sagot. "Aray, ma!" inda ko nang pagpapaluin niya ko sa braso. "Masakit na, ma. Tama na!"
"Kahit bigyan mo man lang kami ng kahihiyan at bumalik ka do'n!" Tumuro siya sa entrance ng hospital.
"Ma, hindi na ko babalik do'n," mahinahon kong sagot, pabukas na ng kotse. Huminto ako at napabuntong hininga nang hawakan niya ang manggas ko. Nang humarap ako ay seryoso na ang mukha niya na tila ba nagpapaawa. "Ma, anong gusto mo? Bumalik ako do'n at bantayan siya?"
"Ikaw ang may kasalanan kung bakit siya nandito. Abay dapat lang na ikaw ang magbantay sa kanya."
"Hindi ako pwede, ma. Siguradong away na naman 'to sa pagitan namin ni Kassandra."
"Edi mas maganda," paggaya niyang sabi sa akin kaya napapikit ako sa kunsumi. Napahawak ako sa nuo ko habang hinihimas-himas ito. "Bumalik ka na do'n bago mo pa mapag-init 'tong ulo ko."
"Pero, ma!" "Walang pero-pero," aniya at mabilis akong minostrahang tama na. "Bumalik ka do'n kung ayaw mong itakwil na kita."
Nakipagtitigan ako nang matagal kay Mama pero syempre siya ang mananalo. Takot ko na lang sa kanya. Tamad na tamad akong lumakad pabalik at nahinto nang makasalubong ko ang mga magulang ni Lisa kasama si Papa. Parang hindi na niya ko anak. Talagang umirap pa siya at nagpatuloy lang sa paglakad habang humihingi ng paumanhin sa mga magulang ng babae na 'yon.
Ewan ko sa kanila. Napabuntong hininga na lang ako habang papasakay sa elevator. Isang gabi lang naman. Hindi na siguro 'to malalaman ni Kassandra.
"Uy, Robi, alam mo pwede ka naman ng umuwi. Nagpaiwan ka pa dito."
Huminto ako sa gawing pinto, nakaawang ito at kitang-kita silang dalawa. Kanina pa nagpapasikat ang delivery man na 'yan. Ayos siya ng ayos ng kung ano-ano sa loob. Akala mo tigasilbi siya ni Lisa, tigabalat ng prutas, tigakuha ng maiinom, tiga-urong at ngayon nag-aayos na naman ng kung ano-ano sa kwarto.
Mas mukha pa silang mag-asawa kaysa sa aming dalawa. Bakit hindi na lang 'yan ang piliin niya nang makawala ako?
"Pwede bang wala kang kasama?" natawang sagot ng isa.
Agad kong napansin ang pamumula ng mukha ni Lisa kaya naman papasok na sana ko. Akala ko kung napano na siya ulit pero mukhang may ibang dahilan ang pamumula niya.
"Ayos ka lang ba?" Pansin nito sa kanya. Agad namang umiwas ng tingin si Lisa kaya naningkit ang mga mata ko.
"Ano ba 'tong naiisip ko?" tanong ni Lisa, ipit ang boses at bigla na lang nagtalukbong ng kumot.
"Lisa, ayos ka lang ba? Anong sinabi mo? Hindi ko narinig." Paglapit nito sa kanya.
"Wala," namumulang sagot ni Lisa kasabay ng pagtanggal sa kumot.
"Bakit namumula ka? Anong nangyayari sa'yo?" Nilagay niya agad ang kanang kamay niya sa nuo ni Lisa at leeg at ang kaliwang kamay naman ay sa sariling nuo niya. "Wala ka namang lagnat. Tatawag na ba ko ng doctor?" alalang tanong nito.
"Napapano ba siya?" mahinang usal ko nang bigla niya na lang itulak 'yung lalaki na ikinabagsak nito sa sahig.
"Sorry! Sorry, Robi!"
"Nababaliw na siya." Napailing-iling na lang ako.
Tinawanan lang siya nito at nagpatulong sa pagtayo. Hinawakan naman ni Lisa ang kamay niya at pilit na tumulong pero mas nahila siya nito na ikinakunot ng nuo ko. Ngayon, parehas na silang nakahiga sa sahig. Ano pa bang ginagawa ko dito? Nakakasuya silang dalawa.
Aalis na sana ko, nagpamulsa na ko at akmang tatalikod kaso may pumigil sa akin.
"Naririnig mo ba?" mahinang tanong ng lalaki. Alam ko ang linyahan na 'yon, corny pero hindi ko maintindihan kung bakit may naging tama ito sa akin. May parang tumusok sa dibdib ko na ikinahawak ko dito sabay balik ng tingin sa kanilang dalawa.
"A-ang a-a-lin?" ilang na tanong ni Lisa. Nakayakap na sa kanya ang lalaki at halatang hindi siya makagalaw.
"'Yung t***k nito." Kinuha niya ang kamay ni Lisa at mas lalong diniin sa dibdib niya kaya napatingin ako sa sariling kamay kong nasa dibdib.
"Oo, buhay ka pa," sagot ni Lisa, nagtataka ang mga mata habang nakatingin sa lalaki.
"Lisa, matagal na kitang gusto," aniya, nakatitig nang seryoso sa mga mata ni Lisa.
Bakit hindi ako makagalaw? Gusto kong marinig ang isasagot niya.
"Robi." Pagseseryoso ni Lisa. "May asawa na ko at alam mo 'yon, 'di ba? Hindi niya man ako natatandaan. Kasal pa rin kaming dalawa."
"Hihintayin kita."
"Please, 'wag." Pagtayo ni Lisa habang nagpapagpag ng mga kamay.
"Bakit 'wag? Willing ako, Lisa." Pagtayo rin nito.
"Mahal ko si Jayson."
"At mahal kita," mapait nitong sagot, tinuturo ang dibdib ni Lisa. "Ayokong saktan ka pero ayaw niya na sa'yo. Lisa, noong nasa college pa lang tayo gusto na kita. Hindi ako katulad ni Jayson, hindi kita kakalimutan."
"Na aksidente kami. Hindi niya ginusto na makalimutan ako."
"Pero gusto ka na niyang kalimutan. Pinipilit ka ba niyang alalahanin? Hindi naman, 'di ba? Nagmahal siya agad ng iba at hindi ka niya pinaniniwalaan."
"Robi," bigkas ni Lisa, inis ang tono.
"Sorry, titigil na ko."
"Ayokong paasahin ka. Hindi ako gano'ng klase ng babae."
"Alam ko. Kaya nga sabi ko sa'yo willing akong maghintay."