"Babe, tingnan mo kung anong nakita ko," tuwang-tuwa kong sabi habang nilalapag sa harapan ni Kassandra ang isang apaw na pansit sa plato.
"Umalis ka para lang diyan?" matinis niyang tanong, nakaturo sa pansit.
"Yup, 'di ba paborito mo 'yan? Nilagyan ko na rin ng maraming calamansi katulad ng gusto mo." Ngumiti ako kaso parang hindi siya natutuwa.
Ang boring kasi at kanina pa siya nakikipagdaldalan sa mga kaibigan niya. Buti nga at naikuha ko siya agad, lagi kasing ubos 'yung tray ng pansit.
"Pansit? Totoo ba?" Lumingon si Jen kay Kassandra. "Kailan mo pa naging paborito 'yan? Parang dati lang nasusuka ka pa sa amoy niyan," natatawa nitong dugtong kaya napakunot ako ng nuo.
"Hindi naman kumakain si Kassandra niyan," sabat din ng isa.
"Anong meron sa pansit? Paborito niya kaya 'to," pamimilit kong sagot.
"At kailan pa?" Tawanan sa kanya ng mga kaibigan niya. "Itong si Jayson, ilang taon na ba kayo ni Kassandra? Parang hindi mo pa siya kilala."
"Jayson, 'wag mo naman akong ipahiya sa harapan ng mga kaibigan ko. Alam mo namang ayoko ng pansit. Allergic ako sa mga ingredients niyan," masungit namang sagot ni Kassandra. Inirapan niya ko at inaya sa ibang lugar ang mga kaibigan niya. Naiwan tuloy akong mag-isa, masama ang loob.
Nakipag-unahan pa ko sa pansit na 'yan dahil ang bilis maubos do'n tapos hindi niya papansinin. Anong nakakahiya sa pansit? Tanda ko naman talagang paborito niya 'tong pagkain. Tapos nilalagyan pa nga namin ng maraming calamansi.
"Lisa, dahan-dahan lang. Pwede ka pa namang umulit mamaya. Saka makakain mo ba lahat ng 'yan? Ang dami mo pang nilamas na calamansi, hindi ba 'yan aasim? Baka masayang 'yan," kunsumidong sabi nung Robi kaya napalingon ako sa pwesto nila.
Schoolmate ko rin pala siya dati? Bakit hindi ko siya matandaan?
"Hoy, mister. Sa pansit na nga lang ako lumiligaya tapos pipigilan mo pa ko?" sagot ni Lisa, punong-puno ng pansit ang bibig.
"Tama na 'yan." Pigil ni Robi sa kanya nang umakma siya ng pagdampot ng calamansi. "Sobrang asim na niyan."
"Tabi." Pagpalo ni Lisa sa kamay niya. "Pansit lang ang pinunta ko dito kaya pabayaan mo ko."
"Hay, bahala ka."
Paborito niya rin 'yung pansit na puro calamansi?
Bumalik ang tingin ko sa nilapag kong pansit kanina para kay Kassandra. Bigla akong napaisip pero nagkataon lang siguro.
Kinabukasan, pumunta ulit ako sa restaurant ni Lisa para magpapirma ng papeles. Maganda ang mood niya hindi katulad ng dati na nakabusangot siya agad kapag nakita na ang anino ko. Hindi ko tuloy maiwasang tingnan siya nang seryoso habang nakaupo siya sa katapat kong pwesto. Nakatuon ngayon sa mga papeles ang mga mata niya.
"Bukod sa pansit, ano pa 'yung paborito mo?"
"Bukod sa pansit?" gulat niyang tanong. "Paano mo nalaman 'yon?"
"Nakita kita kahapon sa reunion. Inubos mo lahat ng pansit," pasimple kong sagot habang umiiwas ng tingin. Sumandal ako at nang maramdamang bumalik na siya ng tingin sa papel ay saka ko siya binalikan ng tingin. "Ano nga? Ano pang ibang paborito mo?"
"Bakit mo tinatanong?" tanong niya rin, nakatingin pa rin sa binabasa niya.
Hay, bakit nga ba? Hindi ko rin alam pero mukhang nasisiraan na yata ako.
"Kaya mo ba tinatanong dahil ililibre mo ko kapag napirmahan ko na 'to?" pabiro niyang tanong sa akin habang pumipirma.
"Ha? Pwede naman," ilang kong sagot.
"Kung kakain tayo sa labas na may kasamang kanin, gusto ko adobong manok.." "Na may kaunting baboy?" bigla kong sabat sa kanya. Bigla naman siyang huminto at lumingon agad sa akin. Napahinto rin ako at nagulat.
"O...u... Paano mo nalaman?" mabagal niyang sagot, kumukunot ang nuo.
Napaisip din ako dahil bigla ko lang ding nasabi 'yon.
"Ahm, nahulaan ko lang. Lahat naman ng tao gusto ng manok at baboy na magkasama sa adobo," sagot ko sabay peke ng tawa. "Sige, ililibre kita sa susunod."
"Okay, sige, aasahan ko 'yan." Ngumiti siya sa akin habang tinatakpan na ang ballpen na hawak. "Pirmado na 'yang lahat. I-check mo rin kung wala kang tiwala sa akin."
Tumigil agad ako sa akmang pagbuklat sa papel at tinignan siya. Tinawanan niya naman ako at tinapik sa braso.
"Joke lang," sagot niya sa pagtingin ko. "Oh, paano ba 'yan? Hihintayin ko na lang kung kailan mo ko ililibre. Babalik na ko sa trabaho ko." Pagtayo niya at saka bigla na lang ngumiti nang may pagkapait. Natulala ako, hindi ko maabot ang kamay ko na hinihingi niya ngayon. "Dali na. Kamayan mo man lang ako."
Lumunok ako bago tumayo at kamayan siya. Nagulat ako nang yakapin niya ko. Hindi ko alam na gano'n siya kalakas at nadala ko sa paghila niya.
"Maraming salamat sa lahat, Jayson. Sana maging masaya ka," bulong niya.
Mabilis ko siyang hinabol ng tingin nang lampasan niya ko nang hindi man lang lumilingon. May patak ng luha na bumakas sa damit kong suot.
"Lisa," tawag ko sa kanya.
Halatang nagpunas siya ng luha bago humarap sa akin at ngumiti. "Bakit? May kailangan ka pa?"
"Mahilig ka ba sa rides?"
"Huh?"
Napakamot ako ng ulo. Bigla na lang 'yong lumabas sa bibig ko.
"Bukas ilalabas kita," sabi ko na lang sabay ngiti. Bago pa siya sumagot ay tumalikod na agad ako at napapikit nang mariin sa sobrang kunsumi. Bakit ko ba 'yon sinabi?
Hapon na nang makauwi ako. Wala akong ginawa kundi tumulala sa kawalan. Wala akong iniisip at hindi ko rin alam kung may dapat ba kong isipin. Napapabuntong hininga na lang ako.
"Bakit kasi kailangan niyang umarte nang gano'n? Pinaglalaruan niya ba 'tong isip ko?"
"Jayson, bakit naka-double lock 'tong pinto?" Rinig kong salita ni Kassandra na ikinatingin ko sa gawing pinto ng condo ko. Tumayo agad ako at pinagbuksan siya. "Hi, I miss you," malambing niyang sabi saka humalik sa akin. "Bakit ganyan 'yang mukha mo? May nangyari ba?"
"Bakit nandito ka?"
"Ha?" Tinawanan niya ang tanong ko. "Bawal na ba ko dito?" Dumiretso siya sa kusina, may dalang mga pagkain para sa aming dalawa.
"Hindi naman sa gano'n," walang gana kong sagot. Umupo ako sa isang bangko sabay hilamos ng mukha.
"Jayson? Ayos ka lang ba?" Pagharap niya sa akin.
"Hindi ko alam," nakapikit kong sagot.
"Gusto mo ba ng yakap?"
Tumango ako at parang batang yumakap sa kanya. "Gusto mo bang pumunta sa amusement park? Lumabas muna tayo." Tinignan ko siya na takang ngumiti sa akin.
"Kulang ka lang yata sa lambing," aniya sabay halik sa nuo ko. "Sige, pumunta tayo bukas."
"Ngayon na. Sakto mapapanuod natin 'yung fireworks show."