Napatingin na lang si Yago sa layo ng pagitan nila ni Jean. Nasa sampung metro din ang agwat nila. Wala naman siyang nagawa ng sabihin ng dalaga na tuloy sila pagtungo ng bundok. Sa sobrang excited nito ay parang hindi man lang ito nakakaramdam ng pagod. Kabaliktaran niya sa mga oras na iyon.
Mula sa bahay nina Jean ay kailangan nilang sumakay ng tricycle ng halos nasa anim na kilometro at maglakad ng halos nasa apat na kilometro, pagkababa sa tricycle para makarating ng paanan ng bundok. Kaya alas kwatro pa lang ng madaling araw ginising na siya ng dalaga. Kasama din nila ngayon ang dalawang kapatid ni Jean na nakilala na rin niya kahapon ng dumating ang mga ito galing sa eskwela.
Sakto namang walang pasok ang dalawang kapatid ni Jean. Kaya nakasama nila ngayon.
Sumisikat na ang araw at halos nasa paanan na sila ng bundok. Gusto mang manlumo ni Yago sa pagod na nadarama. Ngunit hindi naman makapagreklamo patungong bundok. Malalaki ang mga bato sa daan na siya ngang naroon sa daang tinatahak nila ngayon. Kaya ang tricycle na sinakyan nila kanina ay hanggang doon lang sa bungad ng daan na pinapasok nila ngayon.
"Ate! Ang bilis mong maglakad. Hindi ka ba naaawa kay Kuya Yago? Kung makauna ka naman parang sanay na sanay si Kuya Yago dito ah," sigaw ni Jeanna na sinang-ayunan ni Apollo.
"Kaya nga ewan ko ba kay ate akala mo naman ay aalis ang bundok."
Natuwa naman si Yago sa pagiging concern ng mga kapatid ni Jean sa kanya. Napatunayan talaga niyang napakabait ng pamilya ni Jean. Kahit ang dalawa nitong kapatid ay mabait sa kanya sa kabila ng pangit niyang itsura.
"Ayos lang ako, wag kayong mag-alala," ani Yago. Ngunit bigla na lang siyang napaupo sa damuhan. Kahit sabihin niyang ayos lang siya, mukhang ayaw namang makisama ng katawan niya.
"Pero pagod na pagod ka na kuya. Hayaan na natin si ate mukhang nagmamadali, magpahinga muna tayo," patuloy ni Apollo na naupo na rin sa tabi ni Yago. Ganoon din ang ginawa ni Jeanna.
Nagpakawala naman si Jean ng malalim ng buntong hininga bago binalikan si Yago at ang mga kapatid sa pwesto nito.
"Ang hina naman ninyo. Malapit na tayo sa bungad ayon na oh," sabay turo ni Jean sa isang malaking puno ng mangga. "Iyon ang bungad ng daan paakyat ng bundok. Isa pa parang hindi ka naman sanay na mapagod."
"Akala ko ba napagod ka paglalakad hanggang sa bahay mula doon sa bungad. Pero dahil nandito tayo sa inyo parang hindi ka naman nakakaramdam ng pagod," ani Yago ng makalapit si Jean sa kanila.
"Correction Yago. Tanghaling kainitan ang araw noong naglalakad ako noon. Ngayon ay halos sisikat pa lang ang araw at halos liwanag pa lang ng flashlight ang liwanag kaya hindi pa ako mapapagod," pagmamalaki pa ni Jean.
Pero talagang hindi na kaya ni Yago na ihakbang ang mga paa. Kung hindi siya makakapagpahinga ng kahit na labinlimang minuto. Oo nga at sanay siya sa ginagawa niyang paglilinis sa kanyang hardin. Ngunit hindi siya sanay sa ganoong kahabang lakaran. Kahit pa sabihing si Yago siya ngayon. Sa pagod na kanyang nadarama. Gusto na niyang magpakilala kay Jean na siya si Mr. Y.
"Kaya pa?"
"Just give me a minute Jean. I need to take some rest," sagot ni Yago na nagpamangha kay Jean at sa dalawang bata.
"Ang galing mo palang mag-English kuya. Bakit ka nagtitiyagang maghardinero? Iyong accent ng pagsasalita mo. Parang ibang tao ang naiimagine ko ngayon," hindi mapigilang bulalas ni Jeanna.
"Gwapo? Kasi pangit ako?" tugon kaagad ni Yago.
"Hindi. Ito namang si Kuya Yago. Wala iyon sa itsura. Isa pa secret lang kuya, crush kaya kita ang bait mo kasi ang tangkad mo pa." Halos pabulong ni Jeanna ang huling sinabi at si Yago lang ang nakarinig. Napangiti naman ang huli, at nagsalita muli si Jeanna. "Pakiramdam ko ay nakikinig ako sa isang businessman na naka three piece suit. Tapos ay nasa loob ng conference room kasi may meeting sila ng mga board members niya."
Nakatanggap naman ng isang kutos si Jeanna mula kay Apollo. "Ate itong si Jeanna kabata-bata pa ay ang hilig sa romance book. Hayon nga at nakakita pa ako ng tatlong pocketbook nito sa bag niya noong nanghiram ako ng pantasa. Naiwan ko kasi sa school ang akin."
"Jeanna?" baling ni Jean sa bunsong kapatid.
"Ate naman. Hindi ko naman pinababayaan ang pag-aaral ko. Inspirasyon lang ba na makatagpo ako ng gwapong mayaman pagdating ng araw. Pero syempre joke lang iyon. Mas gusto ko pa rin kung sino ang tinitibok ng puso ko. Syempre siya ang mamahalin ko. Pero matagal pa iyon. Magtatapos muna ako ng pag-aaral at maghahanap ng maayos na trabaho. Isa pa ate, mas mabuting fictional character na lang ako magkacrush. Iwas heartbreak, tama di ba?" pagmamalaki pa ni Jeanna na ikinailing na lang ni Jean. Napangiti na lang din si Yago.
"Pero hindi nga Kuya Yago, less sa black sa mukha mo. Your so gwapo po."
"Hindi ka ba talaga nandidiri sa akin?"
"Luh si kuya, para ka pong others. Hindi po mahalaga ang itsura mahalaga po ay...."
Binitin ni Jeanna ang sasabihin at bumulong kay Yago. Napailing naman si Apollo sa ginawa ng kapatid. Si Jean naman ay wari mo ay naguguluhan sa pinag-uusapan ng tatlo. Akmang magsasalita pa siya ng tumayo si Yago mula sa pagkakaupo sa damuhan.
"Tara na, para bago uminit ng tuluyan ay nasa itaas na tayo ng bundok."
Nawala na rin naman sa isip ni Jean ang itatanong ng magsimulang maglakad si Yago habang nakaalalay si Jeanna. Si Apollo naman ang nangunguna sa kanila.
Napangiti na lang din si Jean habang nakatingin sa likuran ni Yago habang kasabay sa paglalakad ang bunsong kapatid. Hindi niya akalaing ang lalaking nagugustuhan niya kahit walang katugon ay mabilis na napalapit ang kalooban sa mga magulang at kapatid niya.
"Ang ganda," bulalas ni Jean ng muli na namang masilayan ang ganda sa itaas ng bundok.
Nandoon ang dalawang kapatid at naghahanda ng dala nilang pagkain. Halos mapigil ni Jean ang paghinga ng maramdaman ang paglapit ni Yago sa tabi niya.
"May dala ka bang pamalit? Basang-basa iyang likuran mo oh. Pawis na pawis ka," sabay abot ni Yago sa kanya ng isang tuwalya na ipinunas pa nito sa noo ng dalaga na may tumutulong pawis.
Kahit malamig sa itaas ng bundok ay medyo inabot na rin naman sila ng sikat ng araw habang binabagtas ang daan, patungo sa itaas.
Doon lang din naramdaman ni Jean ang napakalamig na dampi ng hangin sa kanyang likuran. Sanay naman siyang magtungo sa bundok. Ngunit sa pagkakataong iyon sa sobrang excited niyang maipakita kay Yago ang ganda ng kanilang lugar ay nakalimutan niyang magdala ng ekstrang damit niya.
"Ayos lang iyan. Minsan lang naman. Isa pa magpapalit ba ako dito ng damit? Hindi na."
Kinuha naman ni Yago ang isang damit sa dala nitong maliit na backpack at iniabot sa kanya.
"Hindi na. Ipalit mo na lang ito. Para yan sayo eh," pagtanggi pa ni Jean.
"Nakapagpalit na ako. Dalawang damit ang dinala ko, ng mapansin kong puro lang bottled water at pagkain ang dala mo sa bag. Ang mga kapatid mo ay nakapagpalit na rin ng damit."
Doon lang napansin ni Jean na iba na nga ang suot na damit ni Yago pati ng mga kapatid niya. Lihim naman siyang nasiyahan sa ikinikilos ni Yago. Baliwala man sa binata ang kilos nito. Ngunit napakalaking epekto noon para sa kanya. Ganoon yata siguro pag nagugustuhan mo ang isang tao. Simpleng kilos lang nito, iba ang dating sayo. Kahit walang kahulugan sa kanya. Malaki naman ang kahulugan noon sayo.
Hindi na nagawang tumanggi ni Jean sa alok ni Yago at kinuha ang damit nito. Lihim pang inamoy ni Jean ang damit ni Yago ng makatalikod siya.
Napatigil naman si Jean sa paglalakad at bumaling kay Yago. "Wag kang maninilip ka. Doon lang ako sa likod na puno."
Napatawa naman si Yago sa sinabing iyon ng dalaga. "Hindi ako haharap sa pwesto mo. Dito lang ako, sige na magpalit ka na ng damit."
Wala ng narinig na sagot si Yago magpatuloy sa paglalakad si Jean. Isang ngiti ang kanyang pinakawalan habang nakatingin sa magandang tanawing kanyang napapagmasdan.
Sa totoo lang ay masaya ang puso niya na makasama si Jean sa lugar na iyon. Gusto man niyang aminin sa dalaga ang kanyang nadarama ngunit natatakot siya sa pwedeng mangyari. Gusto niya itong ligawan. Ngunit ayaw naman niya na bilang si Yago. Kaya naman sa ngayon, gusto na lang muna niyang manahimik sa nga bagay na tumatakbo sa kanyang isipan.
Aminin man niya o hindi, iba ang naging dating ng personalidad ni Jean sa kanya. Kahit ang masungit na si Mr. Y sa katauhan niya ay hindi makaligtas na mangiti habang naiisip niya ang nakasimangot, nakangiti at masayahing si Jean. Dumagdag pa sa kanyang nararamdaman ang ipinaparamdam ni Jean na hindi hadlang ang pangit na itsura ni Yago para iwasan. Mas naging malapit pa ito sa kanya sa kabila ng nakakadiring tingin sa kanya ng iba.
"Tara na, tapos na rin namang maghanda ng pagkain ang dalawa," ani Jean ng makalapit sa pwesto ni Yago.
Nakapagpalit na ng damit ang dalaga. Lihim namang napangiti si Yago sa suot ni Jean. Bagay dito ang damit niya. Kahit may kalakihan iyon ay nagawan naman ng dalaga ng paraan para hindi gaanong mapuna na sobrang laki dito.
Sabay na rin silang naglakad patungo sa dalawang kapatid ni Jean na tinawag na nga sila.
Sa ngayon nais na muna ni Yago na mag-enjoy sa bawat sandali nila sa probinsya, habang kasama si Jean at ang pamilya nito.