Isang oras at kalahati pa ang kanilang nilakbay hanggang sa matanaw ni Jean ang kanilang bahay. Ilang buwan din siyang hindi nakauwi, ngunit ngayon ay kitang-kita niya ang pagbabago.
Ang akala niya ay may tindahan sila sa may maliit nilang balkonahe. Tulad ng sinabi ng kanyang inay. Pero na nakikita niya ngayon ay natutuwa ang puso niya.
Dalawa ang pinaka daan sa kanilang balkonahe, sa gilid at sa harapan. Sa nakikita niya ngayon may harang na ang gilid ng kanilang balkonahe na siyang pinaka daan patungo sa kulong na kubo na siyang pinaka tindahan. Maliit lang iyon. Ngunit masasabi niyang maayos ang pagkakagawa kahit sabihin hindi pa sila nakakalapit ng malapitan.
Biglang lumabas ang kanyang inay na mula sa loob ng bahay at ang kanyang itay na galing sa may tindahan ng marinig na may sasakyang dumating
Mabilis namang bumaba si Jean ng kotse. Napasinghap pa ang kanyang inay ng makita siya, ganoon din ang kanyang itay.
Ang mga kapitbahay naman ay lumabas sa kanya-kanyang bahay upang makiusyoso.
"Ikaw na ba iyan anak. Bakit hindi ka man lang nagpasabi na uuwi ka ngayon? Sana ay nakapaghanda ako kahit papaano. Gulay at tuyo lamang ang lulutuin kong panghapunan maya. Hindi pa ako nakakapamalengke at bukas..."
Natigil sa pagsasalita ang kayang inay ng mapansin ni Jean na nakatingin ito sa kotseng nasa harapan ng bahay nila. Kung ang kotse na ginagamit ni Yago ang kanilang sinakyan ay masasabi niyang, parang baliwala iyon sa mga magulang na makakita ng sasakyan. May kalumaan na rin iyon higit sa lahat ay old model pa. Ngunit ang sinasakyan nila ngayon ay ang kotse ni Mr. Y. Mula sa bagong-bago iyon ay latest model pa yata at halatang mamahalin.
"Kaninong sasakyan iyan anak," taong ng kanyang itay ng hindi na nakapagsalita ang asawa dahil sa pagkamanghang nababanaag sa mukha nito sa sasakyang nakahinto sa kanilang harapan.
"Sa boss ko po itay."
"Kasama mo dito ang boss mo anak? Ay nakakahiya namang hindi man lang kami nakapamili ng panghapunan," tugon ng kanyang inay.
"Si..."
Nabitin sa ere ang sasabihin ni Jean ng bumaba si Yago, sa may driver seat at naroon ang mga matang parang gusto nitong matunaw sa hiya. Dinig na dinig naman nila ang pagsinghap ng mga kapitbahay ng makita si Yago.
Alam niyang ang singhap na iyon ay hindi dahil may kasama siyang lalaki. Kundi dahil sa napansin ng mga ito ang itim sa mukha ni Yago. Para namang dinaklot ng pait ang puso ni Jean sa nakitang iyon sa mukha ni Yago. Hindi maitago ng mga mata ng binata ang pangliliit na nararamdaman, dahil sa itsura nito. Ngunit kung siya ang tatanungin isa lang ang masasabi niya. Gwapo si Yago. Period.
Matangkad ito na kasing taas din ni Mr. Y. Ang sumbrero nito ay hindi pa rin nito inaalis. Suot ang white round neck t-shirt at ripped jeans at puting rubber shoes ay napakapresintable nitong tingnan. Masasabi rin niyang gwapo ito sa kabila ng may itim ito sa isang bahagi ng mukha nito. Ay ano naman kung may itim sa mukha ang mahalaga ay nagmamahalan sila.
Napakunoot noo naman si Jean sa dumaan na iyon sa kanyang isipan. "Saan galing iyon. Erase, erase, hindi pa pala kami nagmamahalan. Nahanga lang nga pala ako," natatawang pagkausap niya sa kanyang isipan ng mapabaling siya sa kanyang inay ng bigla itong magsalita.
"S-siya ang b-boss mo anak?" nauutal pang tanong ng kanyang inay na lalong nagpatungo kay Yago.
"Bakit po ba nauutal inay. Ah, ah. Hindi po siya ang boss ko, pero kasama ko po siya sa bahay ng boss ko. Bali siya po si Yago. Pinagbakasyon po muna kami sa trabaho dahil maglilipat po ng bahay ang amo ko. Tapos po sinamahan na ako ni Yago na umuwi ng makapagbakasyon din siya. Hindi kasi pwedeng umuwi si Yago sa kanila at kauuwi lang niya. Baka daw po mag-alala ang magulang ni Yago na baka kesyo daw ay natanggal sa trabaho kaya malimit umuwi. Kaya po dito na lang muna siya. Isa pa inay, itay. Hindi po ako mahihirapang makabalik sa Maynila dahil may sasakyan po kaming dala. Ipinagamit pa po ito ng boss namin," mahabang paliwanag ni Jean na ikinatango ng mga magulang.
"Pasensya na po sa pagsama ko kay Jean dito. Ako po pala si Yago. Hardinero po ako sa bahay ng boss namin," pakilala ni Yago.
"Ako nga pala si Agusta. Pwede mo rin akong tawaging inay. Pasensya ka na sa akin Yago," saad ng inay ni Jean. "Mamaya darating ang mga kapatid ni Jean galing eskwela si Apollo ang sumunod kay Jean at si Jeanna ang bunso."
"Ako naman si Juan hijo. Tawagin mo na lang akong itay. Wag kang mahiya, isa pa ay pagpasensyahan mo na itong munti naming bahay," nakangiting saad pa ng kanyang itay.
Isang ngiti ang pinakawalan ni Yago at umusal ng pasasalamat sa mga magulang ni Jean.
Tumingin naman si Jean sa mga kapitbahay na hanggang ngayon ay nandoon pa rin pala at nakatingin sa kanila habang nagbubulungan.
"Mawalang galang na po, may dapat po ba akong ipaliwanag para magbulungan kayo habang nakatingin sa amin na wari ninyo ay hindi ko naririnig ang mga sinasabi ninyo?" mataray na tanong ni Jean ng ang huli niyang narinig ay panlalait para kay Yago.
"Wala namang mali sa sinabi ko Jean. Magdadala ka din lang dito ng kasintahan ay pangit pa. Sayang ang ganda mo at ang pagtungo sa Maynila kung ganoon. Tingnan mo iyong anak ko, nandito lang sa probinsya at sa bayan nagtatrabaho, pero nakabingwit ng gwapo at mayamang boyfriend," pagmamalaki ni Aling Ising na isa sa nagkukunwaring mayaman sa kanilang lugar. Dito din siguro nagmana ang anak nitong si Inna sa sobrang kaartehan. Manyapat nasa abroad ang asawa ni Aling Ising.
"Alam mo Aling Ising sabihan ho ninyo ang anak ninyong si Inna na galingan ang pagprotekta sa boyfriend niya baka mauntog iyon at iwan siyang luhaan," pang-aasar ni Jean sa matanda. Ayaw man niyang patulan ito ngunit napupuno siya sa sinasabi nito tungkol kay Yago. Isa pa hindi na niya itinuwid ang pag-aakalang kasintahan niya si Yago. Wala namang masama kung sa kanya lang. Hindi naman nagreact si Yago kaya ayos lang.
Bigla na lang nagsipulasan pabalik sa kanya-kanyang bahay ang kanilang kapitbahay. Nakaramdam yata na naiinis siya. Marunong naman silang makisama, wag lang talaga sila hahamakin sa walang kabuluhang bagay.
Napangiti si Jean ng makita si Aling Cora na papalapit sa kanila. "Ikaw nga ba iyan Jean? Naku matutuwa si Cathy pag nalamang nandito ka. Hayaan mo at sasabihin ko kaagad sa kanya pag-uwi niya mamaya sa bahay. Napalabas lang ako ng magpadala ng mensahe si Ising na nandito ka daw at may kasamang lalaki," anito sa nahihiyang tinig.
"Si Yago po. Kasama ko po sa Maynila. Hardinero po siya doon sa bahay ng boss namin, at katulong naman po ako," pakilala ni Jean at hinila pa si Yago para makalapit sa pwesto nila. "Si Aling Cora, siya ang inay ni Cathy. Natatandaan mo nakwento ko na sayo si Cathy siya iyong kaibigan kong umaasikaso para sa pinapadala kong pera sa mga inay."
Napatango naman si Yago at may tipid na ngiti sa matanda. Nalulungkot talaga si Jean para kay Yago habang naiinis sa mga taong ang tingin sa sarili ay napakaperpekto. Napabaling naman ng tingin si Jean kay Aling Cora.
"Wag kang mag-alala hijo, hindi ako katulad ng iba pati na rin ang anak ko na kaibigan ni Jean. Wag mong pansinin ang iba naming kapitbahay."
"Salamat po," sagot ni Yago ng lumapit ang mag-asawa sa pwesto nila.
"Hali na muna kayo sa loob at ako ay magtitimpla ng kape. Sumama ka na sa loob Cora, may niluto akong nilabong kamote. Tara na kayo at pagsaluhan muna natin," pag-aaya pa ng inay ni Jean.
Sumunod naman si Cora kay Agusta. Si Juan naman ay bumalik muna sa tindahan dahil may bumibili. Napatingin naman si Yago kay Jean ng hawakan nito ang kanyang kamay.
"Pasensya ka na sa iba naming mga kapitbahay ha."
"Hindi naman ako apektado."
"Pero bakit ang lungkot ng mukha mo?"
"Iyon ba? Gusto ko lang malaman kung madadala sila sa charm ko. Kaso hindi pala at lalo lang akong nilait."
"Sorry ulit."
Isang buntong hininga ang pinakawalan ni Yago bago masuyong iniharap si Jean sa kanya. Isang matamis na ngiti ang pinakawalan ni Yago para kay Jean.
"Baliwala lahat ng masasakit na salita na sinasabi nila. Mas masaya pa nga akong wala akong nakitang pandidiri mula sa mga magulang mo. Ganoon din kay Aling Cora. Pakiramdam ko hindi hadlang ang itsura ko para tanggapin nila akong kaibigan mo."
Napatitig naman si Jean kay Yago. Masaya siya sa sinabi ni Yago. Pero may kirot sa puso niya sa pagbanggit nito ng kaibigan. Kahit maganda siya, kaibigan lang talaga ang tingin sa kanya ni Yago. Nakakalungkot, kaya lang hindi naman niya sasabihing hindi lang pagkakaibigan ang gusto niya.
"Grabe, lalo lang ako nagkakagusto sa isang ito," bulong pa ng isipan niya.
"Salamat. Hindi man nakikita ng iba ang nakikita ko para sayo. Masasabi kong masaya akong nakilala kita. Masaya akong kasama kita dito. At bukas ipapasyal kita sa may bundok. Tara na sa loob baka nakatimpla na ng kape ang inay." Nakakainis kasi ang Yago na ito, ang manhid. Nais pa niyang sabihin ngunit sa isip na lang niya.
Iniiwas na lang ni Jean ang usapan at hinila na si Yago papasok sa loob ng bahay.
Napailing na lang si Juan ng makita ang saya sa mukha ng anak habang hila-hila ang kamay ni Yago papasok ng bahay nila. Hindi niya alam kung anong meron sa dalawa. Kung ano man iyon ay susuportahan niya ang anak.
Bata pa si Jean para sa sa kanila kahit nasa tamang edad na ito. Ngunit malaki ang tiwala nila sa anak. Kung ang isang tulad ni Yago ang nais ng kanyang anak. Wala silang pagtutol.
Mahirap lang sila at salat sa yaman. Pero kung ang hayaan ang anak nila sa nais ng mga ito, basta hindi sila mapapahamak ay walang problema sa kanila ng kanyang asawa. Nandoon lang sila at nakasuporta.