Chapter 18

1822 Words
Hindi mawala ang mumunting ngiti sa labi ni Jean habang binabaybay nila ni Yago ang daan patungong probinsya. Bukod sa magandang tanawin, gawa ng mga naglalawakang palayan sa gilid ng kalsada na kanilang nadaraanan ay malamig pa ang simoy ng hangin. Pinatay ni Yago ang air-conditioned ng kotse at binuksan nila ang bintana. Kaya naman damang-dama nila ang malamig na hampas ng hangin sa kanilang balat. Seryoso lang namang nagmamaneho si Yago. Kahit nakikita niya ang itim sa mukha nito ay hindi niya mapigilang ang pagngiti. Hindi tuloy niya malaman kung para saan ang ngiting hindi niya mapigilan. Kaya naman iniiwas na lang niya ang tingin kay Yago at tumingin sa labas ng bintana. "Para saan ba ang ngiti mo? Masaya ka ba kasi makakauwi ka sa inyo?" Napatinging muli si Jean kay Yago ng magsalita ito. Saglit itong tumingin sa kanya. Bago mabilis na itinutok sa daan ang mga mata. Para saan nga ba ang ngiti niyang iyon na hindi niya mapigilan mula pa ng umalis sila sa bahay ni Mr. Y. Kahit siya ay hindi niya maunawaan. Masaya siyang makakauwi siya sa kanila. Miss na miss na niya ang pamilya. Ngunit iba ang saya na nararamdaman ng puso niya ngayon. Idagdag pa ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso gawa ni Yago. "Syempre namiss ko ang pamilya ko, kaya masaya ako," aniya. "Ngunit masaya din akong kasama kita ngayon. Ewan ko ba? Alam kong gwapo si Mr. Y at kakaiba ang dating niya. Sinungaling ako, kung sasabihin kong hindi ako nagkaroon ng paghanga sa kanya. Pero mas nahuhulog yata ako sayo. Hindi hadlang ang itim na nasa mukha mo, para hindi kita gustuhin. Para sa akin gwapo ka pa rin," aniya sa isipan at hinding-hindi niya iyon sasabihin kay Yago. Humahanga lang naman siya. Ngunit Dalagang Pilipina pa rin naman siyang lumaki at pinalaki ng mga magulang nila. Nananalaytay pa rin sa kanya ang dugo ng isang mahinhin na probinsyana. Mahaba-haba na rin ang kanilang tinatakbo ng maalala ni Jean na hindi nga pala niya nasabi kay Yago ang daan patungo sa kanila. Napalinga pa siya sa paligid ng mapansing nasa tamang daan naman sila. "Alam mo ba ang daan patungong sa'min?" curious na tanong ni Jean. "Sinabi sa akin ni Dale. Syempre bago naman ako pumayag na magbakasyon sa inyo alam ko na ang lugar ninyo. Mahirap namang magtungo sa isang lugar na hindi mo alam." "Sabagay. Ako naman alam ko naman ang patungong Maynila. Ang hindi ko lang alam noon kung saan ako maghahanap ng trabaho. O kung hindi ako kaagad makahanap ng trabaho ay ang makahanap sana ako ng murang matutuluyan. Pero blessing in disguise ika nga ang pagkakita ko sa flyers na naghahanap kayo ng katulong. Maswerte din akong natanggap ako kaagad." Naging maayos naman ang byahe nilang dalawa. Nag stop over muna sila sa isang kainan. Napatingin naman si Jean kay Yago na nakatingin lang sa mga pagkain na nakalagay sa isang transparent na lalagyang bubog at doon ka mamimili ng ulam. Hindi naman tuloy malaman ni Yago kung ano ang gagawin sa mga ulam at pagkain nasa harapan nila ngayon. Si Jean ang nag-aya na huminto muna sila para kumain. Wala namang problema sana kung nakahanap sila ng restaurant na pwede nilang kainan. Kaya lang ang natagpuan nila ay karinderya na hindi siya pamilyar sa lutong ulam. Namumukhaan niya iyong mukhang adobo na palaging niluluto ni Yaya Constancia. Ngunit ngayon sa nakikita niya ay may kung anong nakalagay. Hindi niya malaman kung anong dahon iyon. Basta maliit lang iyon na mukha namang hindi kinakain. Dahil nasa apat na piraso lang. Madami namang pagpipilian ngunit hindi niya alam ang sasabihin. Sanay naman siya sa grocery na malimit nilang puntahan ni Yaya Constancia. Ngunit ngayon lang talaga siya nakarating sa isang karinderya. "Anong gusto mo Yago?" tanong ni Jean na ipinagkibit balikat lang ng huli. "Sige ako na lang ang bahala. Hanap ka ng upuan at lamesa na pwede nating kainan. Sigurado akong maguhustuhan mo ang mapipili ko." Isang ngiti ang pinakawalan ni Jean, na nagpangiti din kay Yago. Tinalikuran na ni Yago si Jean para maghanap ng lamesa nila. Nakakailang hakbang pa lang siya mula sa pinanggalingan ng mapansin niya ang ilang kumakain sa karinderyang iyon na may mapanuring tingin na wari ko ay nanunukso at nandidiri. Lalapitan sana niya ang isang lamesa na wala namang nakaupo ng itaboy sila ng babaeng nasa kabilang lamesa. "Hindi ka pwede dito. Nakikita mo ba ang itsura mo. Nakakadiri ka. Mahawa pa ng sakit mo itong anak ko," pagtataboy nito kay Yago. Humugot ng malalim na paghinga si Yago at hindi na lang pinansin ang sinabi ng babae. Wala naman sa kanya ang bagay na iyon. Lumipat naman si Yago sa isang lamesa malapit sa may bintana. Presko sa parteng iyon lalo na at dumadampi ang malamig na hangin. Wala namang panara ang bintana kaya naman, natural na hangin talaga ang mararamdaman mo. Mauupo na sana si Yago ng isang binatilyo ang hindi napansin ni Yago na lumapit sa tabi niya at mabilis na sinipa ang silyang uupuan na niya sana. Kaya naman sa halip na sa upuan siya makaupo ay sa semento siya dumiretso ng upo. Tumama pa ang siko ni Yago sa gilid ng isang lamesa dahilan para magdugo iyon. Mataas at malaking lalaki si Yago kaya naman bigay na bigay ang kanyang pagbagsak. Narinig naman ni Jean ang hiyawan at tawanan ng ibang customer ng karinderya. Hindi naman sana niya papansin ang nangyayari ng mahagip ng kanyang paningin si Yago na nakasalampak sa sahig. "Yago!" Walang pag-aatubiling iniwan ni Jean ang serbidora at tinungo ang pwesto ni Yago. "Anong nangyari?" nakakaunawa niyang tanong sa binata, habang hindi pa rin mawala ang kantiyawan at panlalait ng ibang customer kay Yago. "Hindi ba kayo titigil ha!" galit niyang sigaw. "Bakit? Perpekto kayo? Masaya kayong mangutya at manghamak ng tao? Natutuwa kayong may nasasagasaang tao? Anong tingin ninyo sa mga sarili ninyo pinagpala at hindi makasalanan dahil sa walang mali sa itsura ninyo!" Hindi na napigilan ni Jean ang inis sa nakitang dumurugong siko ni Yago. Para tuloy gusto niyang magwala sa mga oras na iyon. Hindi siya ang nasaktan at hindi siya ang nilalait ng mga taong ngayon ay nalulon yata ang dila dahil sa mga sinasabi niya. Pero wala siyang pakialam. Mas nasasaktan siyang masaktam si Yago. Wala man silang relasyon maliban sa magkakilala sila at magkasamang tagapagsilbi sa bahay ni Mr. Y ay nasasaktan siya para dito. Lalo na sa masasakit na salita na sinasabi ng mga taong ito ngayon na nakapaligid sa kanila. Natameme din naman ang binatilyong may dahilan kung bakit nasaktan si Yago. Malamang ay sa kantiyaw ng magbabarkada kaya nito iyon ginawa. Dahil nasa tabi na ito ng mga kaibigan na wari mo ay pinitpit na luya at walang masabi na ibang salita. "Calm down Jean. Relax I'm fine," mabining saad ni Yago at pinilit ng makatayo. "Bakit ba ang bait at ang hinahon mo. Ikaw na nga itong sinabihan ng masasakit na salita. Ikaw pa itong nasaktan. Pero hindi ka man lang nagalit. Gusto ko tuloy ngayon ay sapian ka sana ng kasungitan ni Mr. Y. Hindi dahil sa itsura mo ay papayag ka na lang na lait-laitin ng mga tao sa paligid mo. Una sa lahat hindi ka nila kilala at hindi mo sila kilala para husgahan ka. Wala din silang ambag sa buhay mo para tanggapin mo na lang ang masasakit na salitang ibinabato nila sayo. Bullying ang tawag doon at pwede silang makulong dahil sa mga sinabi at ginawa nila sayo!" Walang prenong saad ni Jean na napahawak pa sa sariling dibdib sa tapat ng puso. Mukhang siya ang tataas ang dugo dahil sa mga taong mapanghusga na nasa harapan nila ngayon. Lihim namang napangiti si Yago sa mga ipinagsasasabi ni Jean. Hindi niya akalaing may pagkamatalas din pala ang dila nito. Isa pa ay aliw na aliw siya sa pagtatanggol nito sa kanya. Napangiti pa siya ng sambitin nito ang pangalan ni Mr. Y. Paano naman siya magsusungit kung si Yago naman siya sa mga oras na iyon. Iyon talaga ang tunay niyang pagkatao. Si Yago. Ngunit nagtatago siya sa ugali ni Mr. Y. Habang ang tunay niyang itsura ay ang mukha ni Mr. Y na nagtatago sa mukha ni Yago. "Wag ka ng magalit. Doon sila masaya hayaan na lang natin sila. Hindi lahat ng tao mauunawaan ang sitwasyon ko. Kahit ako sa ibang tao ay hindi ko din nauunawaan ang sitwasyon nila. Mas mabuti pang umalis na lang tayo, hanap na lang tayo ng convenience store," pag-aaya ni Yago. "Pero ganoon na lang iyon?" inis na sambit ng dalaga. Lalo lang tuloy napangiti si Yago. Hindi niya akalaing ganito si Jean. Mabait ang dalaga, pero handang makipagbasagan ng ulo kung alam nitong tama ito at mali ang iba. "Relax, ayos lang ako," isang ngiti ang pinakawalan ni Yago na kahit papaano ay nagpakalma sa dalaga. Bigla namang lumapit ang may-ari ng tindahan sa kanila. Sinuri nito si Yago. Akala ni Jean ay masama din ang ugali nito at palalayasin sila. Lalo na at nagbubulungan na ang mga customer ng karinderya. "Pasensya na sa gulong nangyari. Mayroon lang talagang mga taong mapanghusga. Pero hindi lahat ay ganoon. Mayroon ding mapang-unawa. Kakain ba kayo? Gusto ninyong sa likod na lang tayo? Doon kami kumakain ng mga tauhan kong nakabreak sa mga oras na ito." Pinaunlakan naman nila ang sinabi ng may-ari ng karinderya. Kahit papaano ay nakahinga ng maayos si Jean ng pakitunguhan sila ng maayos, kahit pa ang mga tauhan nito. Nilapatan din nila ng pangunang lunas ang siko ni Yago bago sila kumain. Akmang kukuha ng pera sa wallet si Yago ng pigilan siya ng may-ari ng karinderya. "Huwag na. Sabi nga ay compensation ko na iyon sa gulong nangyari kanina. Pagpasensyahan na ninyo iyong mga customer ko. Hindi ko naman sila ipagtatanggol, basta ako na ang humihingi ng pasensya sa nangyari dito sa karinderya ko." "Wala pong problema, salamat po sa pang-unawa at sa libreng pagkain. Kahit po magbabayad naman po talaga kami," ani Jean na ikinangiti lang ng may-ari ng karinderya. "Wala iyon hija. Pasensya na ulit." "Sige po. Salamat po ulit, tutuloy na po kami," paalam ni Jean ng muling naupo si Yago sa kinauupuan nito kanina. "I just want to drink more water." Nakakaunawa namang tumingin si Jean kay Yago at tumango. Nagpasalamat muli si Jean at si Yago sa may-ari ng karinderya. Bago muling tumuloy sa byahe nila. Nang makaalis ang kotseng sinasakyan nina Yago ay bumalik sa likod ng karinderya ang may-ari. Kahit ito kasi ang may-ari, tumutulong ito sa karinderya niya. Pag-angat nito ng pinggang ginamit ni Yago ay may nakaipit doon na ilang libong pera. Napangiti na lang ang may-ari ng karinderya at tinawag ang mga tauhan niya at ipinamahagi sa mga ito ang perang iniwan ni Yago. "Ang binatang iyon talaga," nakangiti nitong sambit habang inaalala ang mabait na binata at ang dalagang kasama nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD