Chapter 5

1926 Words
Kinagabihan ng araw na iyon ay nakatanggap si Jean ng mensahe galing sa ina. Nag-aalala ito sa kanya, lalo na at ilang araw na rin siyang hindi nagpapadala ng mensahe. Saka lang din naalala ni Jean na tawagan ang kanyang pamilya. Kasalanan din naman niya at nakalimot siyang magsabi sa kanyang inay ng kanyang kalagayan. Walang signal sa loob ng kwarto niya. Sabi ni Yaya Constancia, ay medyo malalim ang pwesto ng maids room kaya naman sa labas lang sila nakakasagap ng signal, kung tatawag. Pero sa text messages naman ay nakakatanggap. "Inay," bungad na bati ni Jean sa kanyang ina ng sagutin nito ang tawag niya ng makarating siya sa may teresa sa labas. Napahawak pa siya sa may barandilya, habang nakatingin sa kadiliman sa labas. Medyo nag-enjoy pa siyang pagmasdan ang nga halaman na inaalagaan ni Yago, lalo na at natatamaan iyon ng sinag ng buwan. Mas maganda kasi ang signal doon, kaya doon na siya tumawag sa ina. "Pasensya na po at hindi po ako kaagad nakatawag. Naging busy po talaga ako sa paghahanap ng trabaho. Akala ko po sabi ng mga nakilala natin sa palengke madali lang makahanap ng trabaho dito sa Maynila. Pero hindi naman po pala," aniya sa kanyang ina. Narinig pa niya ang pagbuntong hininga nito. Ramdam niya ang paghingi nito ng pasensya kahit pa hindi naman nito sinasabi at kahit hindi niya ito nakikita. "Pasensya ka na anak. Kung pati ikaw nahihirapan. Pasensya na at hindi namin kayo nabigyan ng maayos na buhay ng inyong itay." "Ang inay naman, ay pagkakadrama ah. Tumawag na nga po ako para makapangumusta, at masabing ako po ay nasa mabuting kalagayan. Isa pa po ay may trabaho na po ako. Katulong po ako dito sa bahay ng isang mayamang gwapo na binata na taga Maynila. Kaya wag na po kayong mag-alala." "Ikaw na bata ka, baka boyfriend mo iyang sinasabi mong gwapo ha. Ikaw ay magsasabi sa amin ng iyong itay." "Suskopo ang inay. Amo ko nga po iyon, at kasama ko din po dito sa bahay ang kanilang mayordoma nila kung tawagin ng mayayaman. Katulong ho ako dini inay." "Ay siya kung ganoon ay mabuti naman. Kaya laang anak, pagpasensyan mo na ang iyong inay at itay ha." "Sabi na hong wag ng magdrama ang inay ah. Isa pa po inay. Hindi na ninyo kailangang patigilin ang dalawa sa pag-aaral. Lalo na at malaki po ang sasahurin ko. Sa katapusan na buwan makakapagpadala na po ako sa inyo," masayang balita niya sa kanyang ina. Narinig pa niya ang pagsinghot nito. "Ay nakaiyak pa nga naman ang inay eh. Wag na po kayong umiyak inay at nakakapangit po ang pag-iyak," biro niya kaya narinig niya ang pagtawa nito. "Kitams, mas maganda po na palagi tayong masaya. Kayo po ang lakas ko, kayong pamilya ko. Kaya naman po makakaraos din po tayo. Hindi man po maging mayaman. Pero magiging maayos po ang pamumuhay po natin. Pangako ko po yan sa inyo. Sa nga po pala ang itay po pala at ang mga kapatid ko?" "Maagang nakatulog ang itay mo at sumasakit daw ang likod niya. Ang mga kapatid mo naman ay alam mo na, ganitong oras tulog na rin." "Sige po inay. Magpahinga na rin po kayo. Basta po sa unang sweldo ko, ipapadala ko kaagad sa inyo. Nakausap ko na rin naman po noon si Cathy. Kaya pagnagpadala po ako ay sa kanya lang po kayo lumapit ng matulungan po niya kayo. Basta wag po ninyong kalilimutan ang i.d po ninyo ha. Tatawag naman po ulit ako. Mahal na mahal ko po kayo. Matulog na rin po kayo inay," bilin pa niya sa ina. Si Cathy naman ay naging kaibigan niya. Nagkakilala sila noong nahilo itong bigla sa may palengke. Sobrang init noon ng panahon. Inalalayan niya itong makaupo sa isang upuan sa gilid ng palengke. Hindi siya umalis sa tabi nito hanggat hindi umaayos ang pakiramdam nito. Doon niya napag-alaman na nagtatrabaho ito sa remittance center. Buhat noon naging kaibigan niya ito. Kaya ito ang kinausap niya, bago siya lumuwas ng Maynila. Na kung sakaling magkakaroon siya ng trabaho ay doon na lang siya magpapadala ng pera. "Oo anak. Salamat at pasensya ka na sa amin ha. Naging pabigat pa kami sa iyo." "Ala eh ang inay. Kung kayo ho ba ay buhat-buhat ko ay talagang pabigat nga kayo. Ay hindi naman eh," biro pa niya sa kanyang ina, kaya naman napatawa na rin ito. "Sige na, ikaw na bata ka talaga. Basta salamat ng marami anak ha. Magpahinga ka na rin, at palagi kang mag-iingat dyan. Mahal na mahal kita anak." "Opo inay. Mahal na mahal ko rin po kayo, ang itay at ang mga kapatid ko," aniya bago ibinaba ng kayang inay ang tawag. Masaya siyang kahit mahirap lang sila ay mahal na mahal naman siya ng pamilya niya. Salat lang sila sa yaman. Ngunit mayaman sila sa pagmamahal. Nakangiti pa siya ng ilagay sa bulsa ang cellphone niya, ngunit bigla siyang napahawak sa braso niya ng maramdaman ang malamig na pag-ihip ng hangin sa kanyang balat at ang pakiramdam na may nakatingin sa kanya. "Para talagang may multo sa bahay na ito," aniya ng pagharap niya sa may pintuan ay bigla na lang siyang napaupo sa gulat. "M-mr. Y-y, anong ginagawa mo dyan?" nauutal niyang tanong ng mapansin si Y, na nakaupo sa may upuan na nandoon sa harap ng isang table, sa gilid ng teresa. Hindi man lang niya naramdaman na dumating ito doon at naupo. "This is my house," simpleng sagot nito. "Alam ko pong bahay mo ito. Pero bakit po hindi ko man lang kayo naramdaman na nakarating na kayo dyan. Para kayong multo na basta na lang sumulpot," aniya. 'Mabuti na lang at gwapo ka. Nakakagulat ka lang pero hindi ka talaga nakakatakot,' dagdag pa niya. Ngunit sa isipan na lang niya. Sadya naman kasing napakagwapo nito. Iyon nga lang mas nakakagulat pa ito kay sa kay Yago. "Do I own you an explanation?" "Hindi naman po. Nagulat lang talaga ako," paliwanag niya. "Sorry po." "I'm the one who came first. And I heard everything you and your mom talked about. You love them so much, huh. And I feel that they are very proud of you because you are their daughter," saad ni Y bago ito tumayo, bitbit ang tasa ng kape. "By the way can you clean the attic," utos nito na nagpasimangot sa kanya. "Ayaw mo?" "Gusto po. Amo kita di ba? Syempre kailangan kong sumunod sayo," nakangusong wika ni Jean kaya napailing na lang si Y. "Don't pout! You look like a duck," anito at iniwan na siya ng tuluyan. "Aba't!" inis niyang saad, pero hindi din naman siya nakareklamo dahil sa totoo namang ito ang boss niya. "Ihalintulad pa ako sa bebe. Gwapo nga, napaka arogante naman. Tsee," inis niyang sambit, at nakalimutan na ang takot na kanyang nadarama kanina. "Kung kailan gabi na. Sabagay mas mabuti na ito at hindi din naman ako makatulog," aniya makapasok sa loob ng bahay. Kumuha na rin siya ng pamispis ng alikabok, timba na may tubig at basahan. Ganoon din ang lagayan ng basura, walis at dust pan. Paakyat na siya sa taas ng makita niya si Mr. Y na palabas mula sa library. Inismiran lang niya ito kasi naiinis naman siyang talaga sa amo niya. "Before I forgot," pabiting wika nito. "Narinig ko rin pala kanina na sinabi mong nagtatrabaho kang katulong sa isang mayamang gwapo na taga Maynila. It means, you find me handsome huh," anito na nagpatunganga sa kanya. Lalo ng marinig niya ang mahinang pagtawa nito bago siya iniwan sa pwesto niya. "Tumawa siya di ba?" hindi niya mapaniwalaang sambit. "Pero nakakainis pa rin, ang yabang talaga ng Mr. Y na iyon," inis niyang wika pero binawi din agad, at baka marinig pa nito ang sinasabi niya, mawalan pa siya ng trabaho. Hahakbang na sana siya paakyat ng maalala ang mabining pagtawa nito. Agad ding namula ang kanyang pisngi. Kahit masungit ito, napakagwapo lalo nito pagngumingiti at tumatawa. Kahit dim light lang ang ilaw doon ay kitang-kita ang ngiti sa gwapo nitong mukha. Halos isang buwan na rin mula ng maging katulong si Jean sa bahay ni Mr. Y. Akala niya noong una ay hindi niya kakayanin ang kaba sa bahay na iyon. Lalo na at tuwing gabi ay walang maliwang na ilaw maliban na lang sa kusina, o kung magstay sila ni Yaya Constancia sa salas. Malimit dim light lang ang buhay. Nagtitipid ba sila? Isa iyon sa bagay na naisip niya noong una. Pero sigurado siyang hindi ganoon. Hanggang sa makasanayan na rin niya ang pakiramdam na wari mo ay may nakatingin sa kanya. Ngunit habang tumatagal ay binaliwala na rin niya ang pakiramdam na iyon. Ipinaliwanag din sa kanya ni Yaya Constancia na may cctv naman kasi talaga sa buong bahay. Kaya pakiramdam niya ay may nakatingin sa kanila. Kaya mas nakumbinsi ang kalooban niyang walang multo sa malaking bahay na iyon. Lalo na at ilan lang silang nakatira doon. Kaya need talaga ng cctv. Pero sa loob naman ng kwarto at banyo ay wala. Kaya malaya siyang gawin ang lahat ng bagay na nais niya sa loob ng kwarto. Kahit pa ang matulog ng hubad, ayon kay Yaya Constancia. "Bakit mukhang hindi maganda ang gising mo?" bungad agad ni Yaya Constancia kay Jean pagkarating niya sa kusina. "Hindi naman po sa ganoon yaya. Kaya lang po, bakit po palagi na lang parang may regla si Mr. Y? Nakakainis po minsan na hindi ko maintindihan ang ugali," aniya na ipinagtaka ni Yaya Constancia. "Paano? Lumalabas ka ba paggabi?" "Minsan po kasi hindi ako makatulog. Kaya po tuloy napapatimpla ako ng gatas. Tapos po malimit kong maabutan si Mr. Y dito sa kusina, nagkakape. Tapos po ayon, uutusan na akong maglinis. Noong nakaraan sa library. Tapos noong nakaraan sa attic, noong nakita niya ako sa labas ng tawagan ko sina inay. Okay lang naman po sa attic at mukhang napag-iwanan na ng panahon sa dami ng alikabok. Pero doon po sa mga kwartong wala namang dapat linisin. Ipinapalinis din. Mukhang pinapahirapan lang po ako ng isang iyon. Gwapo nga po ang sama naman ng ugali. Nalinisan ko na po iyon eh. Tapos ipapalinis na naman," reklamo niya na ikinatawa ng matanda. "Kung nalinisan mo na bakit mo naman nililinis ulit?" "Nakakatakot po kasing magreklamo. Ang gwapo nga po ni Mr. Y. Pero pagtititigan ko, nanghihina ang tuhod ko." Halos manginig pa ang katawan ni Jean sa pagkukwento. "Sabi ko naman sayo, wag ka ng lumabas sa gabi. Magdala ka na lang ng gatas sa kwarto mo." "Tapos po lalabas din ako, pagkatapos kung inumin. Ayaw ko naman pong manatili iyong baso sa kwarto ko at baka ako ay langgamin," aniya kaya natawa na lang si Yaya Constancia. "Ganoon ba, basta masasabi ko sayo mabait na tao si Y. Naging ganyan lang naman ang ugali niya noong mawala ang mga magulang niya. Pero mabait na bata talaga iyang alaga ko," pagmamalaki pa ni Yaya Constancia. "Sabagay nga po, kahit po ilang palpak pa ang nagawa ko, hindi naman po ako pinapaalis eh," nangiti pa si Jean ng maalala ang isang kumpol na rosas na paborito ni Y na sa halip na ipalit niya sa laman ng vase ay naitapon niya. Natakpan kasi iyon ni Yago ng tela. Akala niya basura. Iyon pala bulaklak na. Napatango na lang din siya kay Yaya Constancia at tinulungan na lang ito sa kusina. Mamaya kasi ay tutulungan niya si Yago na mag-alis ng damo sa likod bahay, bagay na ikinangiti niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD