"Magandang umaga Jean, ipagtimpla na kita ng kape hija," bungad agad ni Yaya Constancia pagpasok pa lang niya ng kusina. Nagtitimpla na rin kasi ito ng sarili nitong kape.
"Salamat po. Pero hindi po ba sobrang nakakahiya na. Katulong din naman po ako dito. Ngunit halos sa kusina kayo na po palagi ang gumagawa. Pagluluto kahit po ang pagdadayag."
"Ayos lang iyon hija, dahil masaya akong dito palagi sa kusina. Noong kabataan ko ay talagang hilig ko ang magluto kaya masaya akong dito lang palagi sa kusina. Mas madami ka pa ngang trabaho kay sa sa akin."
"Ayos lang po iyon sa akin Yaya Constancia, nag-eenjoy naman po ako sa aking ginagawa. Nga po pala. Nasaan po si Yago? Bakit po hindi ko siya ngayon naabutan na nagkakape?" tanong niya na nagpalinga-linga pa.
"Aalis kasi si Yago, Jean. May ipinag-uutos kasi si Y sa kanya, tungkol sa kompanya."
"Ah, saan po ba siya pupunta? Bakit po ba hindi si Mr. Y ang lumalabas?"
"Alam mo namang hindi gaanong lumalabas si Y. Pag may kailangan siya, si Yago na ang gumagawa."
"Okay po. Pero sasama ako yaya kay Yago. Ayos lang po ba? Hindi pa po ako nakakapagpadala ng pera sa mga inay po eh. Napakalayo naman po kasi dito," aniya na ikinatawa naman ng matanda.
"Sige, nandoon si Yago sa may garahe, puntahan mo na muna at sabihin mong sasama ka patungong bayan. Heto na ang kape mo, magtipay ka pa," sabay abot ni Yaya Constancia ng kanyang kape at tinapay sa kanya.
"Thank you po."
Mabilis na tinungo ni Jean ang patungong garahe. Napatitig pa siya sa likuran ni Yago. "Bakit parang?" hindi niya naituloy ang sasabihin ng mapagtantong nagkukumpara na naman siya.
"Aalis ka?" ani Jean ng makalapit kay Yago. Alam naman niyang aalis ito tulad ng sinabi ni Yaya Constancia. Pero ang tanong niya, ay parang hindi siya sigurado sa gagawin nito.
Napalingon naman si Yago ng marinig ang boses ni Jean na nasa kanyang likuran. Sasakay na sana siya sa isang lumang kotse na nandoon sa may garahe. Pero maayos pa naman kung titingnan. Lumang model na nga lang iyon.
"Oo, may ipinag uutos so Mr. Y at bibili din ako ng grocery. Ako na lang muna, hindi ko na isasama si yaya," mabining wika ni Yago na ikinatango na lang ni Jean.
"Ganoon ba? Pwede ba akong sumama? Gusto ko lang magpadala ng pera para sa mga magulang ko. Hindi kasi ako nakaalis noong nakaraan."
Bigla namang dumating si Yaya Constancia na galing sa loob ng bahay kasunod ni Jean.
"Isama mo na siya anak, ako ng bahala dito."
"Pero yaya," rereklamo pa sana si Yago ng ngitian siya ni Yaya Constancia.
Napahungot naman ng malalim na hininga si Yago. "Sige, ihahatid na lang muna kita sa pupuntahan mo."
"Ganoon na nga lang muna Jean, magpahatid ka na lang muna kay Yago sa remittance center at doon mo na lang din siya hintayin, pagkatapos niyang puntahan ang lalakarin niya," ani Yaya Constancia na ikinangiti niya.
"Salamat po Yaya Constancia, at nasabi ninyong aalis si Yago. Sobrang layo po kasi nitong bahay, patungo sa pinakabayan. Wala namang ibang masasakyan at wala namang dumaraan o pumupunta dito. Salamat din Yago sa pagpapasabay mo sa akin," aniya na nagpangiti sa dalawa. Literal namang malayo ang bahay na iyon sa pinakabayan.
"Walang problema, ayos lang kung payag naman si yaya. Ayan na ba ang ayos mo?"
Napatingin naman si Jean sa suot niya. Naka black leggings siya at naka oversized t-shirt. Komportable kasi siya na iyon ang suot pag nasa bahay lang. Balak kasi sana niyang magwalis pagkatapos magkape. Ngunit ngayon ay medyo naiba ang plano niya. Tapos ay napatingin pa si Yago sa hawak niyang tinapay at kape.
"Okay lang bang magpalit muna ako. Magpapantalon lang ako, at saktong t-shirt. Ayos lang ba?" tanong niya, na ikinatango ni Yago.
"Ubusin mo na rin muna ang kape mo. Wag kang magmadali at hihintayin kita," anito sa kanya kaya mabilis niyang hinayon ang kusina para doon ipagpatuloy ang pagkakape.
Matapos sa kusina ay mabilis namang hinayon ni Jean ang papasok ng kwarto niya, para makapagpalit ng damit at para kunin ang pera na ipapadala niya sa pamilya niya.
Naiwan namang nakatanaw sa dalaga si Yago at si Yaya Constancia na nangingiti kay Jean, ng papasok ito ng loob ng kusina.
"Kakaiba siya di ba?" ani Yaya Constancia na ikinailing ni Yago.
"What do you mean yaya?"
"Asus kunwari ka pa. Kung hindi kita kilala."
"Wag mo akong simulan yaya."
"Yago. Hmm. Nakakapagtaka lang kasi until now."
Napailing na kang si Yago sa sinasabi ni Yaya Constancia. Napahawak din si Yago sa kanyang pisngi. Akala niya noong una ay mandidiri si Jean sa itsura niya. Pero hindi man lang niya iyon nakita sa mukha ng dalaga. Oo noong una nagulat ito, pero nasisigurado niyang gulat lang talaga iyon at hindi pandidiri.
May kulubot ang itim na parte ng kanyang mukha. Kaya lahat ng nagiging katulong sa bahay na iyon ay natatakot sa pagmumukha niya. Kaya wala pang isang araw umaalis na ang mga ito. Pero si Jean nasa isang buwan na itong nakatira sa bahay na iyon at ni minsan hindi man lang natakot o nandiri sa kanya. Bagay na ikinahanga niya sa dalaga.
"Tigilan mo ako yaya. Kung ano man iyang iniisip mo ay tigilan mo na. Bibili na lang ako ng grocery mamaya, dadamihan ko na. Kung hindi ko lang kailangan, hindi ako aalis ng bahay ngayon."
"Hayaan mo na, ngayon kasi kailangan ka anak. Bakit kasi ayaw mo pang."
"Oo na po," aniya na ikinangiti ni Yaya Constancia.
Dumating na rin si Jean, at nagpaalam na sila kay Yaya Constancia. Napatingin naman si Yago sa dalaga na nasa passenger seat. Tahimik lang ito, na mukhang nag-eenjoy sa dinaraanan nila.
"Bakit?" tanong ni Jean ng mapasin ang pagsulyap sa kanya ni Yago, pero focus pa rin naman sa daan ang mga mata.
"Hindi ka ba nadidiri sa akin? Sa mukha ko?"
"Ako madidiri sa mukha mo? Bakit? Wala na bang karapatang pakitunguhan ng maayos ang isang tao basta may ganyan sa balat?"
"Ako ang nagtanong. Bakit sinagot mo rin ng tanong?"
"Hindi sa ganoon. Ang ibig kong sabihin. Syempre hindi. Dapat pantay-pantay lang tayo. Hindi ka naman nakakadiring tingnan. Wala namang nakakadiri. Basta may itim lang sa pisngi nakakadiri na? Oi hindi ako ganoong tao ah," ani Jean na nagpangiti kay Yago.
"Okay, salamat ha."
"Sus, wala iyon. Mas okay ka pa nga kay sa naman doon sa gwapong-gwapo nga, pero saksakan naman ng sungit."
Nagulat naman bigla si Jean ng biglang napapreno si Yago. Mabuti na lang at nakasuot siya ng seat belt. Kung hindi ay baka tumama na ang noo niya sa dashboard ng sasakyan.
"Bakit bigla kang nagpreno?" tanong ni Jean habang hawak-hawak pa ang parte ng kanya dibdib sa tapat ng puso.
"May tumawid na aso," ani Yago kaya napakunot noo si Jean.
"Hindi ko nakita."
"Basta nakita ko."
"Okay sa sunod-sunod magdahan-dahan ka. Baka mamaya, madisgrasya ka," paalala ni Jean kung bakit ba bigla na lang bumilis ang pagtibok ng puso ni Yago. Bago sa kanya ang pakiramdam na iyon. Pero masarap sa pakiramdam.
"Salamat," iyon lang ang naitugon ni Yago at ipinagpatuloy niya ang pagmamaneho. Alam naman niyang sa sarili niya na walang magkakagusto sa kanya. Sa katulad niyang may pangit na mukha. Napangiti na lang siya sa isiping iyon.
Nang makarating sila sa bayan ay inihatid na lang muna ni Yago si Jean sa remittance center. Kinuha na lang din ni Yago ang numero ng cellphone ni Jean kung sakaling makatapos ito kaagad.
Sa isang restaurant malapit sa YHH Company nagtungo si Yago. Doon kasi ang usapan nila ng sekretarya ni Yahir Hart.
"Pakisabi kay Mr. Hart, need ko ng pirma niya dito sa mga dokumento na ito bago matapos ang linggo. Iniutos din iyon ni Sir Dale," ani ng babaeng sekretarya. Sanay na rin kasi ito na siya ang palaging kumukuha ng mga dokumentong dapat pipirmahan ni Mr. Y.
Alam niyang naiilang itong makipag-usap sa kanya. Wala lang itong choice dahil siya naman ang pinapapunta ni Mr. Y para makipag-usap sa ibang tao.
"Sige ako na ang bahala, sabihin ko na lang sa kanya."
Napatingin naman si Yago sa babae na wari mo ay may nais pang sabihin pero hindi naman magsalita.
"May ipagbibilin ka pa ba?"
"Itatanong ko lang kung kailan pupunta ng kompanya si Mr. Hart. Minsan kasi ang bugnutin ni Sir Dale lalo na pag nagsasabay ang meeting at iba pa niyang ginagawa," paliwanag nito na ikinangiti naman ni Yago.
"Sige ipapaalam ko. Pero siguradong magtatagal pa iyon."
"Sige salamat, mauna na ako sayo," paalam pa ng babae sa kanya na agad ding napahinto sa paglalakad. "Pinapasabi din pala ni Sir Dale, 7:00pm. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ni Sir Dale, basta sabihin ko daw sayo," anito na ikinatango lang niya.
Matapos umalis ang sekretarya ni Mr. Hart ay lumabas na rin si Yago ng restaurant na iyon at tinungo ang parking lot. Sakto naman na sasakay na siya ng kotse ng makatanggap siya ng mensahe galing Jean at sinasabing tapos na ito sa pagpapadala ng pera sa pamilya. Kaya hihintayin na lang siya ng dalaga doon sa may labas ng remittance center.
Napangiti na lang si Yago ng mabasa ang mensaheng iyon. Simpleng text lang na wala namang ibig sabihin. Ngunit natutuwa talaga siya sa ipinapakitang ugali ng dalaga sa kanya.