Chapter 3

1821 Words
Tatlong katok ang ginawa ni Jean sa pintuan ng library bago niya binuksan iyon. Medyo malamlam lang ang ilaw. Kaya naman bumalik na naman ang takot na kanyang nadarama. "Mr. Y," tawag niya sa pangalan nito, ngunit walang sumasagot. "Mr. Y, dala ko na po ang gamot. Pinadala din po ni Yaya Constancia ang ice pack," mahina niyang sambit. Pagkapasok niya sa loob ng library ay bigla na lang sumara ang pintuan. Dahil na rin sa gulat kaya napaiktad siya at nawalan ng balanse. Kaya naman bumagsak siya sa sahig. "Aray naman," reklamo niya. Hinihilot pa niya ang kanyang pang-upo ng mapatingin siya sa amo niyang nakatayo sa harapan niya. Dala na nito ang tasa ng kape na sa tingin niya, iyon ang tinimpla ni Yaya Constancia. "Mas nauna pa ba ako sa kanya dito sa loob?" aniya sa isipan. "Clumsy and careless woman," bulong nito na umabot sa kanyang pandinig. Kaya naman napasimangot si Jean. Sinuri pa siya nito ng tingin. Gusto niyang singhalan ang amo niya sa panggugulat na ginawa nito kahit hindi naman nito intensyon na manggulat. Kaso sa klase ng bahay na iyon, magugulat ka talaga, kahit may kumaluskos man lang. Mabilis naman siyang tumayo ng maalala ang dahilan kung bakit siya nandoon. "Mr. Y heto na po ang mga panggamot. Sorry po ulit, hindi na mauulit," aniya habang hilot pa rin ang sariling balakang. "At hindi na talaga mauulit. Dahil pagnaulit pa iyon. Hindi lang kita basta palalayasin, sisingilin pa kita ng danyos sa pananakit na ginawa mo sa akin," anito at nilampasan lang siya. Tinungo nito ang table doon at naupo sa swivel chair na nandoon. May pinindot pa itong switch para mabuhay ang ilaw na nandoon lang mismo sa tapat ng table. Pero mula sa pwesto niya at malamlam pa rin na ilaw ang pinaka liwanag. Lumapit siya dito. Wala namang salita at tumalikod ito sa kanya kasabay ng pag-aalis ng damit nito. Wala namang malisya sa kanya, alam naman niya ang dahilan. Pero ng makita niya ang likuran nito ay halos matuyuan siya ng laway, hindi pa niya kaagad napansin ang mga pasa nito sa likod at balikat. Mas nauna pa niyang bigyan ng pansin ang hubog ng katawan nito. "Ang sexy naman. May curve, daig pa ang katawang kong may kaliitan nga lang pero pantay," aniya sa isipan habang halos matunaw na ang likod ni Mr. Y sa kakatitig niya. "Your self to earth lady, hindi gagaling ang likod at balikat ko kung tititigan mo lang. Treat my bruises, " may inis nitong sambit na ikinagulat niya. "Sorry po," aniya. "May mata ba siya sa likod para makita niyang nakatitig ako sa likuran niya?" inis na niyang usal sa isipan ng magsalita ulit ito. "Nararamdaman ko ang titig mo, at hindi ako manhid." Napalunok na lang siya ng laway. Para kasing nababasa ng amo niya ang nasa isipan niya. Mabilis niyang ibinaba sa table ang hawak niyang first aid kit. Halos mapangiwi naman si Jean ng makita ang mapupula at halos magviolet ng pasa nito sa balikat at likod. Napakaputi kasi nito kaya naman kung sasabihin nitong masakit. Ay masakit talaga iyon. "Mr. Y sorry po ulit," hingi ulit niya ng paumanhin. Hindi man niya maramdaman na masakit ang likod at balikat nito. Sigurado siyang napakasakit talaga noon. "Just shut up miss, and do your job," may diing wika nito kaya naman natahimik na lang siya. Ipinagpatuloy na lang niya ang paglalapat ng ice pack sa mga pasa. Pagkatapos noon ay nilagyan na lang niya iyon ng ointment para mamanhid ang sakit. Matapos ang ginawa niyang panggagamot dito ay pinalabas na siya nito ng library. Hindi naman siya umaasa na magpasalamat ito. Pero hinihintay pa rin niyang marinig. "Napakasuplado talaga, hindi man lang nagpasalamat," may inis niyang sambit. "Malamang sinong magpapasalamat. Ginamot mo nga, ikaw naman ang humampas sa kanya na akala mo ay wala ng bukas? Kaya ngayon paano siya magpapasalamat," epal ng isang parte ng isipan niya na ikinabuntong hininga niya. "Matulog na na ulit Jean," ani ng isang tinig na ikinagulat niya. "Yaya Constancia naman. Aatakihin ako sa puso sa inyo niyan eh. Bakit po ba kayo nanggugulat?" Natatawa naman si Yaya Constancia sa reaksyon niya. "Magugulatin ka pa lang bata ka, pasensya na. Matulog ka na ulit. Matutulog na rin ako." "Paano po si Mr. Y," aniya sabay tingin sa pintuan ng library. "Malaki na si Y. Isa pa kaya na niya ang sarili niya. Madami iyong ginagawa kaya naman hindi ko na siya inaabala paggabi." "Pero kumain na po ba siya? Hindi naman po natin siya nakasabay sa pagkain. Si Yago lang po ang kasabay natin di ba?" Natigilan naman si Yaya Constancia sa tanong ni Jean. Pero agad ding nakabawi at nginitian ang dalaga. "Oo kumain na si Y. Matulog ka na, madami pa akong ituturo sayo bukas. Schedule ng mga dapat linisan sa isang linggo. Para hindi ka gaanong mahirapan sa oras. "Sige po," sagot na lang niya. Pero nagsabi muna siyang iinom muna siya ng tubig, bago muling pumasok sa loob ng silid na kanyang inuukupa. Kinaumagahan kahit medyo puyat ay maaga pa ring nagising si Jean. Naabutan niya sa may kusina si Yaya Constancia na nagluluto. Alas sais pa lang noon ng umaga. Tamang-tama lang para simulan ang bagong umaga, bagong tanawin, bagong simula, bilang isang nangangamuhan sa Maynila. "Magandang umaga Yaya Constancia." "Magandang umaga din Jean. Magkape ka muna, tapos ay nagpapatulong si Yago doon sa hardin kung ayos lang naman." "Syempre ayos lang po iyon Yaya Constancia, sa may hardin na po ako magkakape habang tinutulungan ko po si Yago." "Sige hija, mamaya ay mag-aalmusal na tayo, tatapusin ko lang itong niluluto ko." Mabilis na nagtimpla ng kape si Jean. Tapos ay hinayon na ang palabas ng kusina. "Magandang umaga Yago, nagkape ka na ba? Dito na ako magkakape anong maiitulong ko sa iyo?" tanong niya dito na tiningnan lang naman siya ng kausap. Alam niyang hindi madaldal si Yago tulad ng sabi ni Yaya Constancia, pero alam niyang mabait ito. Iyon din kasi ang nararamdaman niya pagkaharap ito. "Pakitapon sana doon sa may likod bahay itong mga damo," utos nito. Kakaunti pa lang naman iyon. Dadamputin na sana niya para ilagay sa basurahan at ng maitapon na ng pigilan siya nito. "Magkape ka muna, konte pa lang naman ito. Mamaya mo na itapon," mabining wika ni Yago, kaya naman naupo muna siya sa upuang semento na nandoon, at ipinatong ang tasa ng kape sa sementadong lamesa. Nakatingin lang si Jean sa likuran ni Yago na busy sa pagtatanggal ng damo. Sa tingin niya ay napakasipag ni Yago. Dahil napakaaga pa lang ngunit gising na ito at ginagawa na kaagad ang trabaho. Sabi naman ni Yaya Constancia hindi lumalabas pag-umaga si Mr. Y. Kaya walang makakakita kung minsang magpahinga ka. "Kung wala lang ang itim sa mukha ni Yago, siguro kasing gwapo ito ni Mr. Y," aniya ng bigla siyang masamid ng mainit na kapeng hinihigop niya. Mabilis naman siyang dinaluhan ni Yago at inabutan ng bottled water na nakapatong din sa lamesa. Nakaready iyon para pagnauhaw si Yago ay hindi na nito kailangang magtungo pa sa kusina. "Ayos ka lang? Ano bang nangyayari sayo at nasamid ka?" "Salamat," nasabi na lang ni Jean habang kinakalma ang sarili. "Pumasok kasi ang kape sa ilong ko," pag-amin niya na nagpangiti kay Yago. "Mag-ingat ka sa susunod," anito na ikinatango niya. Malambing ang boses ni Yago at hindi makabasag pinggan kung kumilos. Kaya naman natutuwa siyang makasalamuha ito. Kahit kahapon lang sila nagkakilala. "Ayos ka na? Balik na ako sa ginagawa ko. Dahan-dahan ka sa pag-inom ng kape. Makakapaghintay itong mga damo." Napaisip naman si Jean sa sinabing iyon ni Yago. Napangiti pa siya ng maintindihan niya ang sinabi nito. Akala pala ni Yago ay nagmamadali siya sa pagkakape para maitapon na niya ang mga damo. Pero ang katunayan naikumpara niya si Yago kay Mr. Y. Iyong sobrang gwapo ng mukha ni Mr. Y ay siya namang medyo ikinapangit ng kalahating mukha ni Yago. At ang ikinasuplado ni Mr. Y isama pa ang pagkamasungit ay siyang ikinabait ni Yago. "Mayayaman talaga, dahil katulong ka akala mo naman nabili ka na nila," bulong niya at napapailing na lang. Matapos makapagkape ay sinimulan na rin niyang dakutin ang mga damong pinuputol ni Yago. Nililinis kasi nito ang ilalim ng mga halaman na mayroong damo. Kaya naman kung sisilipin ang ilalim ng mga halaman ngayon ay napakalinis na. Lupa na lang ang nandoon. Wala na ang ligaw na damo. Wala na rin namang ibang nagawa si Jean, kundi ang tulungan si Yago sa ginagawa nito. Nakakapagod din ang ginagawa nito. At sa lawak ng bakuran ng bahay ni Mr. Y. Bago matapos iyon ni Yago, malago na ulit ang nauna nitong naalisan ng damo. Kaya ang mangyayari ay paulit-ulit lang ang pag-aalis noon. "Yaya Constancia, need ko bang bumangon ng maagap bukas?" tanong ni Jean na halos hindi na makagulapay sa pagkakasubsob sa lamesa. Naghahayin pa lang si Yaya Constancia ng panghapunan nila sa mga oras na iyon. Nakaupo lang din si Yago sa pwesto nito kahapon. Tahimik na nakaupo habang hinihintay matapos si Yaya Constancia sa ginagawa. May hawak itong dyaryo na sa tingin ni Jean ay binabasa nito. Sobrang pormal ni Yago kung titingnan niya ito. Nakasuot lang ito ng loose-fitting pants na tinernuhan ng black t-shirt. "Kung wala ang itim sa mukha niya, sigurado akong napakagwapo niya. Since birth kaya? Or may nangyaring hindi maganda sa kanya?" aniya ng biglang magsalita si Yaya Constancia kaya naman napatingin siya dito. "Pwede naman hindi sobrang agap. Hindi naman aalis ang mga gawain dito sa bahay. Hindi naman mahigpit si Y, kaya ayos lang." Napansin naman ni Jean na nakatingin si Yago kay Yaya Constancia saka napailing. Hindi na lang niya binigyan ng pansin iyon. Dahil talagang ramdam na ramdam niya ang pagod. Sanay naman siya sa ganoong gawain sa bukid. Lalo na at isang magtatanim ng gulay ang kanyang ama. Ang problema lang talaga ay halos wala siyang pahinga. Nahihiya naman siya kay Yago na humilata saglit. Habang ito ay wari mo na hindi nakakaramdam ng pagod sa ginagawa. "Salamat po yaya. Pero Yago madami ka bang gagawin bukas," baling niya dito kaya naman napatingin ang binata sa kanya. "Hindi naman sobrang dami, pwede naman akong magpahinga bukas. Saka na lang ulit ako magpapatulong sayo pag-ayos ka na." "Salamat, kahit hanggang eight ng umaga sana bukas bago ako bumangon sa higaan." Napatingin naman si Yaya Constancia kay Yago na sinundan niya ng tingin. Nakita pa niya ang pagtango nito kay Yaya Constancia na ipinagtaka niya. "Sige magpahinga ka muna." Napatango na lang siya at hindi na lang pinansin ang tinginan nina Yaya Constancia at Yago. Matapos maghayin ni Yaya Constancia ay sabay-sabay na silang kumain. Wala na siyang napansin na kung ano sa paligid. Basta sa mga oras na iyon ang nais na lang ni Jean ay makatapos sa dapat pa niyang gawin, bago matulog.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD