"Yago," tawag ni Jean sa pangalan ng binata. Nasa labas siya ng kwartong inuukupa nito.
Ngunit nakakailang katok na siya ay hindi pa rin ito sumasagot. Hindi naman nakalock ang pintuan kaya pinagpasyahan na niyang pumasok sa loob.
Tahimik sa loob ng kwarto at patay ang ilaw. Liwanag lang ng buwan na sumisilip sa bintana, na nagsisilbing tanglaw sa loob ng kwarto.
Nakita ni Jean si Yago na nakahiga sa kama. Base sa paghinga nito ay mahimbing itong natutulog. Dahan-dahan siyang naglakad papalapit dito. Naka side view si Yago at nakapailalim ang pisngi nitong may kulay itim.
Halos mapasinghap si Jean ng mapansin ang kabuoang itsura ni Yago. Hindi niya malaman kung dinadaya lang ba siya ng kanyang paningin. O naaalala lang niya ang boss niya. Pero sa nakikita niya ngayon hindi siya maaaring magkamali. Kamukha ni Yago si Mr. Y.
Matagal na niyang napapansin ang pagkakatulad ng hubog ng katawan ni Yago at Mr. Y, ganoon din ang height nito. Ngunit binabaliwala niya iyon. Maaaring nagkataon lang. Pero ngayon lang niya napagmasdan ang malaking pagkakahawig ni Yago kay Mr. Y ng mapailaliman nito mula sa paghiga ang itim nito sa mukha.
Sa tingin naman niya ay napakahimbing ng tulog ni Yago. Gawa na rin ng pagod mula sa pag-akyat nila sa bundok kaya sa tingin niya ay hindi magigising ito. Inalis niya ang sumbrerong suot ni Yago. Noon lang niya nakita ang buhok ni Yago mula ng makilala niya ito. Mas mahaba iyon kay sa buhok ni Mr. Y. Dahil na rin sa liwanag ay napansin niyang halos nagkukulay brown iyon katulad ng mata nito. Hindi katulad ng buhok ni Mr. Y na sa sobrang itim ay parang nasa kalagitnaan ng gabi.
"Ano bang iniisip mo Jean. Syempre magkaibang tao sila. Siguro dahil magkasingkatawan sila kaya naman naiisip kong magkamukha sila. Pero sabagay. Kung wala lang naman talaga ang itim sa mukha ni Yago, napakagwapo nito na parang si Mr. Y. Isa pa ay halos magkasingkulay ang balat ng dalawa. Mas maputi lang talaga si Mr. Y. Habang si Yago ay nabibilad sa araw," aniya habang nakatingin sa natutulog na si Yago.
Hahaplusin sana ni Jean ang mukha ni Yago ng mapakunot noo siya ng magsalita ito. "Mommy, daddy," ani Yago na sa tingin ni Jean ay nananaginip sa mga oras na iyon.
"Daddy, mommy," paulit-ulit lang sa saad ni Yago na ipinagtaka ni Jean.
"Umiiyak si Yago."
Naalarma si Jean sa nangyayari sa binata kaya naman ginising niya ito. "Yago! Yago," paulit-ulit na tawag ni Jean sa pangalan nito ngunit hindi ito nagigising. Tumutulo na ang pawis sa noo ni Yago. Pero patuloy itong binabangungot. Hindi tuloy niya malaman ang gagawin. Natatakot siya sa maaaring mangyari sa binata.
Nagpanic na siya kaya mabilis niyang tinawag ang kanyang inay na nasa kusina. Ilang sandali pa ay pinuntahan naman sila nito. Dahil madilim ay binuksan ng ginang ang ilaw.
"Anong nangyayari sayo Jean? Di ba sabi ko sayo na tawagin mo na si Yago at alas syete na, ng makapaghapunan na tayo," wika pa ng kanyang ina.
Napatingin naman si Jean sa mukha ng kayang inay. Hindi niya malaman ang gagawin. Natatakot siya, walang sagot si Yago sa paggising niya dito. Para itong nasa malalim na pagtulog habang umiiyak.
"Anong nangyari?" nag-aalalang tanong ng kanyang inay habang walang tigil sa pagtawag si Jean sa pangalan ni Yago.
"Hindi ko alam inay. Naabutan ko si Yago na natutulog. Alam kong mahimbing ang tulog niya. Pero bigla na lang siyang nagsalita ng mommy at daddy tapos ay bigla na lang umiyak. Ilang beses ko siyang ginising pero hindi magising. Anong gagawin ko inay," umiiyak na rin si Jean at hindi malaman ang gagawin.
Mabilis na lumabas ang kanyang inay. Pagbalik nito ay may dala itong yelo na nakabalot sa malinis na tuwalya. Yakap-yakap ni Jean si Yago at patuloy pa ring tinatawag ang pangalan ng binata.
Pagkalapit ng kanyang inay sa kanila ay inilapat ng kanyang inay ang yelo na nakabalot sa tuwalya sa nakakuyom na kamao ni Yago. Hanggang na maramdaman ni Jean ang pagganti ng yakap ni Yago sa kanya.
Halos habol hininga naman si Yago at mabilis na napabangon mula sa pagkakahiga. Hindi niya malaman kung anong dahilan at napanaginipan na naman niya ang bagay na iyon.
Natatandaan niya ang pangyayaring iyon noong bata pa siya. Noong panahon na na aksidente ang kanyang mga magulang. Ang hindi lang niya maintindihan ay ang kasunod na panaginip ng pangyayaring iyon.
May isang lalaki na mula lang sa bali nito ang kanyang nakikita. Nakangisi ito sa kanya habang may hawak na baril. Sa kasunod na panaginip niya ay buhay na buhay ang kanyang mga magulang. Ngunit dahil sa dumating ang lalaki ay binaril nito ang mommy at daddy niya. Pagkatapos ay tumingin ito sa kanya hanggang sa malapit ng tumama ang bala ng baril sa kanyang puso ay doon naman siya biglang magigising.
"Ayos ka lang?" nag-aalalang tanong ni Jean. Bumitaw siya sa pagkakayakap kay Yago at sinapo ang mukha nito. Isang tango naman ang naging sagot ni Yago, na hanggang ngayon ay habol pa rin ang paghinga.
Hindi namalayan ni Jean na lumabas na pala ang kanyang inay. Ngayon ay bumalik ito na may dalang isang baso ng tubig.
"Inumin mo muna ito Yago. Ayos ka lang ba?" ani Agusta at iniabot kay Yago ang baso. Wala namang pagtanggi at ininom iyon ni Yago. Kahit papaano ay naibsan ang paghahabol niya ng hininga.
"Ano bang napananginipan mo? Umiiyak ka habang tinatawag mo ang mga magulang mo. Paulit-ulit ka lang sa pagsambit ng mommy at daddy. May nangyari ba?" nag-aalalang tanong ni Jean na ikinailing lang ni Yago.
"Inay pasensya na po sa abala, Jean. Hindi ko po inaasahan na makakatulog ako at hindi ko rin po inaasahan na mananaginip ako. Masamang panaginip lang po iyon na halos hindi ko na po maalala pasensya na po," pagsisinungaling niya.
Kahit kailan hindi niya makakalimutan ang panaginip na iyon na paulit-ulit lang. Hindi man madalas ngunit kung may pagkakataong dumaan iyon sa kanyang panaginip ay talagang nagpipilit na dumaan. Hindi niya kilala ang lalaking palaging sa pamaginip niya at nagtatangka sa buhay nila. Ngunit isa lang ang naiisip niya. Ang lalaking iyon ang maaaring may dahilan ng aksidenteng kinasangkutan ng mga magulang kaya maaga siyang naiwan ng mga ito.
"Sigurado ka?" halos yakapin namang muli ni Jean si Yago dahil sa takot na kanyang nadarama. Wala na siyang pakialam kung nakikita man siya ng kanyang inay. Pero ang takot na naramdaman niya ng hindi magising si Yago ay halos mapatid ang kanyang paghinga.
"Salamat sa pag-aalala, pero maayos na ako," ani Yago at ginantihan ng yakap si Jean. Doon naman biglang bumuhos ang luha ni Jean.
Napailing na lang ang kanyang inay. "Pagmaayos na kayong dalawa ay lumabas na kayo at kakain na. Tatawagan ko na rin ang iyong itay at mga kapatid mo Jean," wika ng kanyang inay na hindi na niya ikinasagot.
Pakiramdam ni Jean ay hindi gagaan ang dibdib niya kung hindi niya maiilabas ang kanyang nadarama sa pamamagitan ng pag-iyak.
"Tahan na. Natakot ba kita?"
"Obvious ba? Iiyak ba ako ng ganito kung hindi mo ako tinakot. Ang tagal kitang ginigising pero hindi ka magising. Tapos umiiyak ka. Hindi ko malaman ang gagawin ko, kaya tinawag ko na ang inay. Mabuti na lang at narinig ako kaagad. Natakot ako Yago, akala ko may masamang mangyayari sayo."
"Sorry. Isa pa, tahan na. Maayos naman ako. Panaginip lang iyon na siguro gawa ng pagod kaya kung anu-ano na rin ang napapanaginipan ko. Tahan na. Daig mo pang girlfriend ko na takot na takot na mapahamak ako," natatawang saad pa ni Yago.
Lumayo naman si Jean ng kaunti kay Yago para magkaroon sila ng espasyo. "Hindi mo ba ako gusto?" lakas loob na tanong ni Jean.
Bakit pa siya mahihiya? Hindi nga niya maitago ang sobrang pag-aalala kay Yago. Bakit pa niya itatago ang damdamin niya? Sa nangyari kay Yago, bakit pa niya ililihim ang kanyang pagsinta dito. Kahit babae siya, may karapatan din siyang umamin sa kanyang nararamdaman. Hindi naman kailangan ng katungon. Ang sa kanya lang nasabi niya ang nararamdaman niya at hindi iyong hindi niya masabi at magsisi pa siya sa bandang huli.
"Jean wala akong maiipagmalaki at hindi mo ba nakikita ang itsura ko. Sinong babae ang magkakagusto sa isang pangit na katulad ko?"
"Itsura ba ang basehan? Hindi naman ako naghahangad ng kapalit. Hindi ako naghahangad ng katungon. Ayos lang naman sa akin na ako lang ang magmahal. Hindi ko maiwasan eh. Hindi naman ako manhid para walang maramdaman. Iyon ang sinasabi ng puso ko eh. Hindi lang kita basta gusto na mahal na kita."
Napayuko na lang si Jean dahil sa pag-amin niya. Ngayon lang siya nakaramdam ng hiya sa buong buhay niya. Pero masaya siyang naamin niya ang nararamdaman niya para kay Yago. Kung pagkakaibigan lang ang kaya nitong ibigay ay ayos lang iyon sa kanya. Mahalaga sa kanya ay nadoon lang ito sa tabi niya.
Dahil nakayuko si Jean ay hindi niya nakita ang pagsilay ng ngiti mula sa labi ni Yago. Hindi akalain ni Yago na sa kabila ng pangit niyang mukha ay magugustuhan siya ni Jean. Bagay na mas hinangaan niya sa dalaga.
"Mahal mo talaga ako kahit hindi ako kasing gwapo ni Mr. Y?" Hinawakan ni Yago ang baba ni Jean para mapatunghay ito at mapaharap sa kanya.
"Aaminin kong humanga ako kay Mr. Y. Napakaperpekto ng mukha, gwapo. Mali hindi sapat ang salitang gwapo para madiscribe ko ang itsura niya. Pero alam kung hindi ako nababagay sa kanya. Isa pa paghanga lang ang meron ako kay Mr. Y. Ikaw iyong." Halos mapanguso si Jean dahil sa nahihiya na naman siyang sambitin kay Yago ang nilalaman ng puso niya.
"Na ako iyong?" ulit ni Yago sa sinabi niya.
Isang buntong hininga ang pinakawalan ni Jean, bago muli sinambit ang katagang sinabi na niya kanina. "Ikaw iyong mahal ko," nahihiya niyang saad.
Halos manlaki ang mga mata ni Jean ng maramdaman niya ang banayad na paglapat ng labi ni Yago sa labi niya. Hanggang sa unti-unti niyang ipinikit ang mga mata at dahan-dahang tinugon ang halik ni Yago.