MAAGANG NAGISING si Carmen, lumabas siya ng kubo at pinanood ang paglubog ng araw, habang dinig ang pagtukaok ng mga manok ni Nong Pedro. Mag-iisang linggo narin silang naninirahan ni Biboy, nasasanay narin sila sa uri ng pamumuhay dito.
Ngunit alam ni Carmen, napakaganda man ng lugar, may lihim siyang hiling na makapaglibot parin sa iibang lugar, sa buong mundo.
Ilang araw ang lumipas, mas nagiging busy ang farm, mas dumarami ang tao at maraming kotse ang bumibisita sa mansion ng mga Buenavista. Batid niyang espesyal ang araw na ito. Ito ang araw ng kasal nila Bernard at Persepone. Ito ang araw na makikita na niya si Amelia.
Mamayang gabi, habang tumutulong si Nong Pedro sa handaan, pupunta rin siya, ipakikilala na niya ang sarili sa lola.
“ATE..ATE, WOW! Ang ganda nung car! Punta tayo dun!” hinila siya ni Biboy sa tinuturo nitong kotse, na nakausli sa medyo madilim na bahagi ng gilid ng mansiyon. Kararating lamang nila sa lupain, ngunit hindi sila sa front lawn, dumaan sila sa bakuran sa may likuran.
Halos lagpas alas sais na, madilim na at naririnig na niya ang malaking tawanan at ingay sa front lawn at loob ng mansiyon.Agad niyang sinuway ang kapatid.
Nanlaki ang mata niya ng tuluyang takbuhin ni Biboy ang kotse. Napabulalas ito at pinaikot-ikutan ang kotseng maganda nga naman ang desinyo.
“Biboy! Biboy!” tawag niya dito at napatakbo narin patungo sa kotse. Hinablot niya ang matabang braso ng kapatid. “Teka, ate! May tao, may narinig ako! Tingnan mo!” wika ni Biboy.
“Sige na, ate!” maktol nito.
“Walang tao, okay?” tiningnan ni Carmen ang kotse, tinted ang salamin nito. “Kahit tingnan ko pa!” Inilagay niya ang nakabukang kamay sa taas ng kilay, ipiniring na animo’y salamin at inilapit ang mukha sa tinted glass. Napasinghap si Carmen sa biglang nabanaag, napa-atras siyang bigla.
“Ako rin!” ilalapit sana ni Biboy ang mukha, ngunit maagap itong napigilan ni Carmen.
“Biboy!” malakas na sita niya dito.
Natigagal si Carmen ng mabilis na bumukas ang pinto ng kotse, nabungaran niya ang nakasimangot na mukha nito, magulo ang buhok at bahagyang nakabukas ang polo. Si Brix iyon!
“Ikaw?!” aburido nitong banggit, “Ikaw na naman?!”
Nahagip ng mata ni Carmen sa panadaliang bukas ng pinto ang isang babaeng nakaupo at inaayos ang blusa. Tama nga, ang nakita niya kanina, sandali lang pero napatayo ang balahibo niya, may kababalaghang ginagawa ang hudyong kaharap niya sa loob ng kotse nito! Sa mismong oras ng reception ng kapatid nito! Ni hindi man lang nakapaghintay!
“Hindi, wala! Wala akong nakita!” pamumula niya at mabilis na tumalikod, halos kaladkarin niya si Biboy ng takbo.
“SI NONG Pedro ho?” tanong niya sa isang matandang babaeng katiwala.
“Sa likod, may inaayos.” Ngiti nito.
“Tutulong na lang po ako dito sa kusina, puwede po?”
“Ahy,oo, naipaalam ka ni Pedro, sige hija, guwapa man diay kaayo kang bataa ka” nakangiti siyang pinagmasdan, “naa kay kanawong..”
“Ano ho?” nalilitong ngiti niya.
Napatawa ang kaharap at hinawakan ang kamay niya, iginiya sa nakasalansan na plato. “ang sabi ko, napakaganda mong bata, may kahawig ka, natatandaan ko si Mam Amelia…Oh siya, tumulong ka na sa pagpunas ng plato, unti-unti ng dumadating ang mga bisita.”
Pinaupo muna niya si Biboy sa isang maliit na upuan sa gilid ng stove ng kusina, pinayuhang huwag makulit.
Mabuti na lamang at kalapit ng kusina ang sala’s at kung pipihitin niya ang leeg ay nakakasilip siya sa malaki at ma-espasyong sala. Sa labas ng bahay, may mahahabang lamesa at bilugang table at chairs rin ang inihanda.
Matapos ng kasal, may inihandang kaunting reception naman sa isang magarang hotel, lalo na’t para sa mga busy ring taong wala ng oras upang dumalaw sa bayan ng Trece Julia. Para sa mga trabahante at talagang malalapit na kaibigan at pamilya, may post-reception na itinalaga sa venue ng bahay
Inutusan na sila ng matandang katiwala upang ilabas ang mga plato. Natunghayan nila ang paghinto ng isang puting kotse sa paanan ng lawn, unang lumabas si Bernard, na napakaguwapo sa suot nitong tuxedo. Mabilis nitong pinagbuksan ang bagong asawa, at bumulaga sa kanila ang napakagandang bride, suot ang long white gown nito.
Nagpalakpakan ang mga sumalubong, sinabuyan ang mga ito ng white rose petals. Sa sumunod na pumarkeng kotse, bumaba ang isang matandang lalaki, may dala itong tungkod, makapal ang puting bigote sa mukha, hindi niya matukoy ang edad nito, sa klase ng tayo nito.
Ito na siguro ang sinasabi nilang Don Julio.
Pumanaog rin ang isang babae na tantiya ni Carmen ay may singkwenta ang edad, ito na rin ata si Cornelia, ang natatanging anak ng Don sa asawa nitong si Julia, sopistikada ito at kintal na noong kadalagahan ay maganda.
Nagsunuran ng panaog ang nasa iilang kotse at van, pati narin motor. Nahagip ng mata ni Carmen ang isang red Honda Civic, pumanaog doon ang isang babae, ng suyuran niya ito ng tingin, biglang may bumugso sa damdamin niya. Makapal ang make-up ng babaeng iyon, mukhang pilit tinatago ang katandaan sa kolorete, puno ng makikinang na alahas at nakita niya ang pag-ihip ng buga ng sigarilyo mula sa bibig nito, habang maarteng pinalibutan ng tingin ang mansion.
Imposible, hindi maaari, sigurado ba siyang si Amelia ang nakita niyang babae?
Unti-unting napa-atras si Carmen, dinig ang malakas na kabog ng puso niya, may takot na namuo sa puso. Nagtaka siya ng iatras pa ang paa ay animo’y nabangga ang likod sa isang dingding.
“I’ve caught you, peeping sneaky lass,” that husky ice voice was accompanied by a warm breath na dumantay sa tenga niya.
Napapitlag si Carmen at nilingon ang likod, matiim ang pagkakatitig ng lalaking iyon. Napasinghap siya ng inilapit nito ang mukha, “I’ll deal with you later…” mapang-banta nitong pahayag at iniwan narin siya. Lumapit ito sa kumpol kung saan naroon si Cornelia.
Makikisali pa ba sa problema niya ang Brix na iyon?!
Magkadikit ang kilay na nagtago ulit siya sa kusina, nag-aalalang nilapitan siya ng kapatid. Umiling lang siya at inayos ang nakakalat doon.
Lolo, paano ko sasabihin sa kanya ang katotohanan? Lalo na sa okasyong ito? Akala ko napakadali lang, hindi pala, natatakot ako.
“HIJO, NANDITO ka lang pala, wala ka kanina sa reception ah,” sinipat ng ina niya ang pisngi.
Treinta ng ikasal si Cornelia sa asawa. Treintay-tres na ng unang isilang ni Cornelia ang panganay na si Bernard, at si Brix naman ay sumunod matapos ang isang taon, kaya’t ‘Bernard’ lang din ang tawag nito dito dahil hindi naman malayo ang agwat ng edad. Laking pasasalamat ni Cornelia na naisilang pa niya ang dalawa kahit alanganin na ang edad para sa pagbubuntis.
“Oho, umuwi na lang ako, medyo sumakit ang ulo ko, tutal, may handaan rin naman dito sa bahay,” pagsisinungaling ni Brix, at namataan ang kapatid at ang bagong asawa.
“Tol, congrats again,” matipid niyang bati at tapik sa kapatid at ni hindi dinapuan ng tingin si Persepone. Tumango ang dalawa at dumiretso sa mesang nakalatag para sa kanila.
“At nakita ko na naman ang maganda kong tiya!” mas lalong napangiti si Brix ng mapansing umasim ang mukha ng ina sa pagkakasabi niya ng ‘tiya’.
“Ikaw talaga ay mapagbiro Brix,” malutong na tumawa ang babaeng halos kasing-edad rin ng ina, ngunit mas higit pa sa dalaga ang pananamit, may bitbit itong papaupos na sigarilyo.
“Nami-miss ka na ni Dexter hijo, dumalaw ka ulit sa amin kung tutuntong kang muli sa Amerika,” sabad ng ‘tiyang’ si Amelia na ang ibig sabihin ay ang anak nitong itinuturing na rin niyang kuya.
Napangiwi si Cornelia sa narinig, at nakisabat, “Hijo, may nabili naman akong apartment sa New York, huwag mo nang abalahin pa ang pamilya ni Amelia, alam kong busy rin ang pamilya nila.”
“Kung magsalita itong ina mo hijo, parang hindi rin naman kami naging ‘pamilya’, pamilya niyo rin ako, hindi ba Cornelia?” mapaklang ngiti ni Amelia.
Wari’y walang narinig na nagpaalam si Cornelia, tinawag siya ng isang kaibigan. Napailing si Brix at masuyong nginitian ang “tiya’.
“Pagpasensiyahan niyo na’po” Brix winked.
“Sanay na ako hijo,” sabat ni Amelia. Napabuga na naman ito ng usok ng sigarilyo, tiningnan ang mataas at malaking hagdan, may biglang naalala:
Matamis na nakangiti at nakatunghay sa buwan si Amelia, hindi niya maintindihan kung bakit kakaiba ang kabog ng dibdib niya.
Pilit na sumisingit sa isipan ang lalaking iyon sa farm, madalang lamang siyang umuwi sa mansion dahil narin sa kolehiyo sa kabisera, nangungupahan sila ni Cornelia sa isang bahay malapit sa eskuwela.
Kaykisig nito, habang karga siya kanina, napakakompartable ng bisig at dibdib nito. Nangangabayo siya ng hindi niya maintindihang nagwala na lamang ang kabayong si ‘Bridgette’ at naiitsa siya sa lupa, ang lalaki ang unang sumaklolo sa kanya.
Bert, oo tama, Bert daw ang pangalan nito.
Napukaw ang pagmumuni-muni niya ng malakas na katok sa pintuan, pinabababa siya, maghahapunan na raw at may bisita sila, mga ‘Castillo’, na sa pagkakaalam niya ay apelyido ng gobernador. “Sige ho, bababa na” nakangiwing inayos niya ang suot na bestida.
Habang bumababa sa hagdan, natanaw niya si Cornelia, malutong ang pagkakatawa nito at bahagyang hinawakan nito ang braso ng isang lalaki, sa tantiya niya’y nasa beinte-singko ang edad nito, mestizo ito at may hitsura.
Inilayo ng lalaking iyon ang tingin kay Cornelia at itinaas sa hagdan, sandali itong nagitla ng makita siya.Nangiti siya at mas malaking ngiti ang isinukli ng lalaking iyon.
Napansin niya ang pagsimangot ni Cornelia, may biglang ibinulong ito sa lalaki, tiningnan siyang muli ng lalaking iyon, ngunit alam niyang may bahid na ng panliliit na sa mga matang iyon.
Isang prinsesang salta, yun ang pakiramdam niya noon, at magpahanggang ngayon. Kailanman, hindi siya naging isang tunay na Buenavista, at napopoot siya dahil doon. Napopoot siya sa isiping nasira ang buhay niya, ikinadena siya ng pamilyang ito sa utang, sa pait.
Mangyayari’t mangyayari ring makakaganti siya!
Lumakad siya sa gilid kung saan may mangga at nakatago sa ilaw, inabot ang pakete ng sigarilyo at sumunod ng isang maliit na lighter box na yari sa ginto, nahulog iyon. Dadamputin na sana niya ng may isang kamay na pumulot niyon.
“Eto ho,” mabining wika ng isang dalaga, “ang pangalan niyo po ba’y Amelia?” mat takot ngunit may sabik na tanong nito.
“Oo, ako nga, hija,” nakataas-kilay niyang sagot.
NALULUHANG INABOT ni Carmen ang kamay ng babaeng iyon at ibinigay dito ang dinampot. “Kung gayon ho ay kayo na nga ang hinahanap ko, ang pinapahanap ni lolo…” aniya.
Napakunot ang babaeng kaharap at sinuyuran siya ng tingin.
“Hija, anong bang mga pinagsasabi mo?”
Agad na dinukot ni Carmen ang isang sobre sa bulsa ng palda, inilahad iyon sa palad ng babae, “eto ho, ang lolo ko, hindi po kayo maniniwala pero apo niyo po kami, tingnan niyo po ang larawan, kayo po yan hindi ba?”
Malakas ang kabog ng dibdib niya, tinitigan ang reaksiyon ng may ka-edaran naring babae. Una’y wala itong reaksiyon, ngunit nabitiwan rin nito ang hawak na sigarilyo, napaawang ang labi.
“Bakit may picture ka nito?” matigas na tugon ng kaharap.
“Apo ho kami ni Bert, basahin niyo po ang sulat niya sa amin, may anak kayo, ang tatay ko, sabihin daw po naming sa inyong buhay kami,” pagak na pahayag ni Carmen. “Galing pa ho kaming Maynila, namatay na si lolo, at yan lang ang tanging inihabilin sa amin, sinabi ni Nong Pedro na nasa Amerika na kayo, mabuti na lang po at nakarating kayo sa kasal ng mga Buenavista…”
Hinablot ng kaharap ang sobre at itinuon ang nakabukang mata sa sulat ng lolo. Sinapo nito ang noo at unti-unting nanginig, wari’y malalagutan ito ng hininga sa lalim ng pagkalap ng hangin.
“Ngunit, patay na si Bert!” gulantang na pahayag ng kaharap, “Imposible to!”
“Patawad ho…” naiiyak na sambit ni Carmen, batid na walang kamalay-malay rin ang babae sa katotohanan, “maging kami po ay nagulat sa laman ng sulat, hindi po siya patay, sa halip, ang kuwento niya’y nakaligtas sila sa barko…”
Napa-awang muli ang labi ni Amelia, ng tingnan ang dalagang iyon, nakadama siya ng panlalambot, may kung anong pumitik sa damdamin, halos nananalamin lamang pala siya at ang nakikita ay ang kabataang bersyon niya.Napailing siya at tuluyang napaluha, naikuyumos ang hawak na sulat at muli’y dumaloy ang mga memorya na akala niya’y nalimot na niya:
“TONTA!” ISANG malakas na sampal ang dumapo sa magandang mukhang iyon ni Amelia, basang-basa at may bahid ng putik ang suot nitong bestida. Malakas ang ulan sa labas ng mansion.
“Papa! Papa…pabayaan mo na kami, susunod ako sa kanila!” malakas na pagpupumiglas ng dalaga, hawak parin ang mga braso niya ng dalawang matitipunong guwardiya.
Mas malakas na sampal ang dumapong ulit sa kaliwang pisngi nito.
Nakatikom ang nanginig na labi ni Don Julio, nagtagis nag bagang, “Amelia! Itinuring kitang anak, pinalaki sa yaman, pero magiging ahas ka rin pala, lilitaw at lilitaw ang astang aso mo!”
“Papa! Alam mo namang napilitan lang ako kay Manuel, napilitan lang ako kabayaran sa laki ng utang ko sa inyo, pero hindi ko na kaya papa, si Bert ang gusto ko papa, at anak niya ang bata!”
“Tumigil ka Amelia! Tumigil ka! Puwes, mabuti narin at nabitbit niya ang sanggol na yun sa pagtakas, pero huwag mong maisip na hahayaan kitang makasunod, mabuti na nga lang at mabilis ang mga tauhan, mas maganda sana kung kasamang nahuli ang lalaking yun ng mapaslang ko sa harap mo!” gigil na pahayag ng matanda.
“Papa, napakasama mo!” mapait na bigkas ng dalagang namumugto na ang mata. Marahas na pinihit pataas ng matanda ang baba ni Amelia.
“Hindi ako masama, kung sana’y masama ako ay hindi na kita kinupkop!” binitiwan nito ang baba niya.
“Papa, malaki ang naging kabayaran ko bayad sa pagkupkop niyo, naputol ang kalayaan ko, kaligayahan, ang lahat!”
Wari’y hindi na narinig ng matanda ang sinabing iyon ni Amelia, nagpalakad-lakad ito, may iniisip.
“Mabuti na lamang at nasa Amerika ngayon si Manuel, mapagtatakpan pa ang ginawa mo ngayong gabi, ngunit ang pagkawala ng sanggol, anong sasabihin mo sa asawa mo’t biglang nawala ang anak mo?!”
“Sasabihin ko sa kanya papa, ang lahat, ang lahat ng totoo!” matigas na tugon ni Amelia.
“Walang utang na loob!” angil ng Don, “Itatak mo sa kokote mong niloloko mo ang anak ng gobernador ng siyudad, na siyang asawa mo! Ang pamilya ang nagbayad ng malaking utang ko, hindi ko maaatim na mapahiya dahil lamang sa kakitiran ng utak mo, kung sana’y si Cornelia ang nagustuhan ni Manuel, wala sana akong problema, pero ikaw, ikaw ang naka-akit ng pansin niya!”
“Papa...” puno ng hinagpis na napahagulgol si Amelia, binitiwan na siya ng mga lalaking iyon at napahandusay siya sa sa sahig. “Papa…”
“O-okay lang po ba kayo?” pag-aalala ni Carmen.
“Hindi, hindi hija,” napailing si Amelia,”Kung gayo’y sa lahat ng taong ito’y buhay pa siya, hindi ako makapaniwala, at ikaw, ikaw ba ang anak ng anak ko?”
Napatango si Carmen, “namatay narin ho si itay, naaksidente sa construction, tanging kami na lang ho’ng dalawa ni Biboy, wala na kaming pwedeng lapitan kundi kayo…”
“Diyos ko…” wika ni Amelia “Diyos ko, kung gayo’y buhay pa si Bert, at ang anak ko? Bakit hindi man lang niya ako binalikan?”
“Hindi ko rin po alam, pero ang tanging gusto niyang sabihin ay mahal niya kayo at patawad, patawad daw ho,” napaluha narin siya.
Napasingkit ang mata ni Amelia, “alam kung mahal ako ni Bert, at nangako siyang babalikan ako, pero ang akala ko’y wala na siya, ibig bang sabihin nito…” napakunot ito, “kung ganoon si papa, maaaring si papa na naman nito…” madilim nitong bigkas.
Si Don Julio ba ang tinutukoy nito? Tahimik na tanong ni Carmen.
“Hija, halika…” iginiya siya ng matanda sa gilid kung saan tuluyan silang nakatago, “may nakakaalam ba nito, saan ka nanunuluyan?”
“Kay Nong Pedro ho, siya lang po ang tangi kong nasabihan, pero sinabi ko pong sikreto, hindi ko rin po alam kung maniniwala kayo na apo niyo kami…” malungkot niyang bigkas.
“Naniniwala ako,” alo ni Amelia, “huwag kang mag-alala, ngunit, hindi dapat malaman ito ng iba, lalo na ng mga Buenavista, lalo na ni papa, hindi niya dapat malamang alam ko na ang totoo..”
MAG-TATATLUMPONG minuto ng nakatayo sa dakong roon si Carmen, hindi na siya bumalik pa sa kusina, nalimutan narin niya si Biboy na sa ngayon ay kasamang kumakain na ata ng ilang trabahante.
Hihintayin niya si Amelia ano paman ang mangyari, hihintayin niya ang desisyon nito, ito na lang ang tangi nilang pag-asa ni Biboy, at kailangan niyang malaman ang kapalaran nila ng kapatid bago paman matapos ang gabing ito.
“Very weird, kung saan-saan ka na lang sumusulpot…”
Napatalon sa gulat si Carmen, ng lingunin niya ang boses, laking ngiwi niya ng malamang si Brix iyon. He gave her a searing gaze.
“I-ikaw pala…” tugon niya, pilit na tinatago ang inis.
“Bakit ka nandito, kanina’y tumutulong ka pa sa kusina ha,” pakli ng lalaki at humarap sa kanya.
“Ha? Ma-may…hinihintay lang ako,” napalinga-linga siya sa paligid.
“Ah, talaga? May katagpo ka?” tanong nito, “napakaimportante naman ng tagpuan niyo at kelangan pa dito sa tagong bahagi mangyari..”
“Hi-hindi!” naitaas ni Carmen ang boses.
May masamang ugali na naman siyang maidadagdag sa listahan ng lalaking ito at yun ay tsismoso at pakialamero!
“I-ikaw…ba’t ka nandito?” dagdag ng dalaga, “may katagpo ka rin?”
“No, masama bang maglibot sa paligid ng sarili niyong mansiyon?” napahalakhak ito, “and besides, para akong masasakal sa loob,” ini-ekis nito ang mga kamay sa dibdib.
Napatango-tango si Carmen, naintindihan ang ibig ipahiwatig nito, pero wala siyang pakialam ano man ang problema nito, kung maaari lang, lubayan na siya nito!
“Ba’t ka laging naninilip ha? Kanina binulabog mo na naman ang magandang momentum, ganyan ka ba talaga?” panunuri nito, “O ganyan lang talaga ang style mo ng pagpapapansin?” ngisi nito, unti-unting inilalapit ang pagitan nila.
Napamaang si Carmen, ano raw? May kung anong factory ba ng hangin ang ini-install sa utak nito at puro kahanginan nalang ang inilalabas?
“Excuse me ho, ii-esplikar ko lang ang nangyari, ang kapatid ko ang lumapit sa kotse niyo, tapos pinasilip lang sa akin kung may tao sa loob, aba’t malay ko bang ganoon kabastos ang may-ari nun at ginawang dual purpose ang kotse, na ginawang motel!” asik ni Carmen at pagka’y nahiya sa huling katagang sinambit.
“Ano?!” animo’y nakalulon ng isang boteng suka ang lalaki, “Tama bang ‘bastos’ ang narinig ko?” mas lumapit ito dahilan upang mapa-atras si Carmen, “tingnan nga natin kung bastos pa ako matapos nito-“
Mahigpit na ikinulong siya nito sa braso nito, nagulat ang dalaga ng iyuko nito ang mukha palapit sa kanya, hindi na siya inosente sa motibo nito at alam na niya ang plano nitong gawin.
Nagpumiglas siya at mas gigil na hinigpitan nito ang pagkakayapos sa kanya, bago paman lumagpas ng isang pulgada ang layo ng mukha nila, ginawa ni Carmen ang ‘nararapat’ para dito.
Mabilis siya nitong napakawalan, isang impit na palahaw na ungol ang lumisan sa bibig nito, habang sapo ng isang kamay ang kung ano mang kabahagi nito na malakas na natamaan sa gitna ng slacks nito.
Hindi malaman ni Carmen kung hahalagpak ba siya ng tawa o magagalit ng lagpas langit. “Bastos nga!” angil niya, “you deserve that Brix Buenavista!”
Napailing ang kaharap at madilim ang mukhang dinuro siya, “You’ll gonna pay for this young lady, sooner or later!” impit nito at napatalikod at mabilis na lumayo.
Nang matanaw na malayo na ito, napabungisngis ng tawa si Carmen.
“Hay naku, Brix Buenavista, sana’y na ako sa pambabastos, at may masters degree na ako sa panggugulpi ng mga lalaking katulad mo!”
“Tama ba ang natunghayan ko, hija?” sumulpot ang nakangiting si Amelia sa gilid niya, may hawak na naman itong sigarilyo.
“Ho?” nahihiyang napailing si Carmen, hindi alam kung anong parte doon ang nakita ng ‘lola’ niya. “Masama ho talaga ang timplada ng Brix na yun!”
Napatikhim si Amelia at makahulugang tinitigan si Carmen.
“Kung gayon, hija, nakausap mo na ang lahat ng Buenavista? Pati ba si Cornelia at si ‘papa’?”
“Ahy naku! Hindi ho, si Bernard at yung Brix lang pong iyon, minsan lang din ho, nakaraang linggo-“
Hinapit ni Amelia ang baba ng dalaga, napangiti, “Tatanggapin kita bilang apo hija, paghihigantihan natin ang mga Buenavista sa ipinagkait nilang pamilya at kaligayan sa ating lahat!”
HINDI DINALAW ng antok si Carmen, bumabalik parin sa isip niya ang napag-usapan nila ni Amelia, narinig nia ang paghilik ng kapatid na katabi sa banig.
“A-ano ho?” may pagkalito sa mukha ng dalaga.
“Carmen, kung alam mo lang kung anong paghihirap ang nalasap namin ng lolo mo sa kamay ng mga Buenavista” inayos ng babae ang medyo magulo niyang buhok, “may dahilan at dumating ka sa buhay ko…” mas lumaki ang ngiti ni Amelia.
“Ikaw apo ko, ang magiging susi ng matagal ko ng inaasam na paghihiganti,” maarte itong napahalakhak, “ikaw ang magiging daan upang tuluyan ng mawala ang pagiging salta ko, ikaw ang magbibigay daan upang mapabilang na tayo sa mataas na uri ng mga Buenavista.”
“Sa tingin ko po, hindi ko naiintindihan…” may takot na bumalot sa katauhan ni Carmen, habang nakatitig sa mga matang iyon ni Amelia. Kung ano pa man, batid niyang ang anghel na nasa larawang iyon ng lolo niya ay hindi na ang babaeng iyon, alam niyang may nagbago na dito.
Hindi ito ang Amelia’ng inaasahan niya, ang laman ng pagmumuni-muni niya. Hindi ito tulad ng inaakala nila ni Biboy, na luhaan at masaya silang tatanggapin, patitirahin sa bahay, pakakainin at papag-aralin.
“Nanunulay sayo, ang dugo ko, at ang dugo ni Bert, ang mga dugong pinandirihan nila at tinuring na dugong pang-aso, tingnan lang natin kung anong magiging reaksiyon nila kung tuluyan kang maging isang ‘Buenavista’, kung kinalaunan ay madiskubre nilang apo kita kay Bert.”
Inilayo ni Carmen ang mukha at napayuko, “Hindi ko po talaga maintindihan…”
“Simple lang hija, mainam sana kung si Bernard iyon, ngunit huli na ang lahat, kung gayon, si Brix ano man ang mangyari ang gagawin mong asawa mo, at ikaw ay magiging isang Carmen Buenavista…”
Naitaas ni Carmen ang tingin sa babaeng nagniningning ang mata. “Imposible po iyan!”
“Posible hija, dahil alam kung mangyayari yun, at gagawin ko ang lahat para mangyari yun…”