Khloe Amelia's POV
Humakbang ang mga paa ko kasabay ng paghakbang ng mga paa ni Neandro sa gitnang bahagi ng malaking lupain nila. Sampung ektarya ng ubasan na sobrang sarap talaga sa tuwing tumutubo. Sa ubasan pa lang yan at hindi pa ang buong hacienda ng mga Aceves. Mas lumalaki pa ang lupain ng ubasan sa bawat taon na lumilipas.
"Gusto mo bang tikman ang ubas dito?" alok ko sa kanya.
Ito pa lang at napupuntahan namin at hindi pa ang mismong factory kung saan ginagawa ang wine na negosyo nila. Masyadong malaki ang lupain nila at hindi malilibot agad-agad.
"Sige. Ikuha mo ako," utos nito sa akin.
Lumakad ako papunta sa isa sa pinakamabungang puno ng ubas. Grabe, kung maka-utos. Wala man lang salitang "paki" halata nga na hindi naturuan ng maayos ang isang 'to. Hindi ko akalain na may ganitong anak ang mag-asawang Aceves o baka masyado lang akong nasanay sa ugali ng kaibigan ko na kapatid niya.
Humatak ako ng kumpol na ubas at naglakad agad pabalik sa kanya.
"Tikman mo. Siguradong matamin 'yan," malakas ang loob na saad ko.
Tinanggap naman niya ang ubas na hawak ng kamay ko. Kumuha siya ng isa at pinanood ko siya na ilapit sa labi niya ang ubas. Isinubo niya ito ng buo at napalunok agad ako. Napaiwas ako ng tingin sa kanya.
"Ano masarap ba?" naiilang na tanong ko dahil parang may kakaiba sa pagkakasubo niya sa ubas.
Baka nga tama si Hades na dapat hindi ako nalalapit sa kapatid niya dahil may kakaiba nga rito. Pero ano naman ang magagawa ko?
"Masarap," aniya at humakbang na siya habang dala niya ang kupol ng ubas na pinitas ko para sa kanya.
Sinundan ko siya sa paglalakad pero ngayon nasa likod niya na lang ako at nakasunod.
"Gusto mo bang lumipat na sa factory kung saan ginagawa ang wine?" tanong ko sa kanya.
Wala naman na siguro siyang gagawin dito sa ubasan. Napakita ko na sa kanya kung saan nga ba ang vineyard nila at kung paano ba ito inaalagaan ng mga tao rito. Gusto pa ba niya na bilangin ang mga puno rito?
"Dito na muna tayo," aniya sa akin.
Balak ko pa sana siyang ilibot sa buong hacienda nila pero mukhang hindi ko naman magagawa 'yon dahil limitado lang ang oras sa isang araw. Hindi pwedeng bente-quatro oras na palaging magkadikit kaming dalawa.
"Hindi mo ba gusto ang kapatid ko?" tanong nito sa akin.
Ito na naman kami. Ilang beses ko pa ba dapat na sabihin sa kanya na wala naman talagang iba sa aming dalawa ni Hades? Kaibigan ko lang ang kapatid niya.
"Kailangan ko bang ipaliwanag pa 'yan sa'yo? Ang trabaho ko ay tulungan ka na alamin lahat ng tungkol sa negosyo niyo at hindi ang makipag-kwentuhan sa'yo tungkol sa buhay ko at ng kapatid mo."
Huminto siya sa paglalakad kaya napakagat na naman ako sa labi ko. Napasobra yata ako sa sinabi ko. Kailangan ko pa naman na maging maayos dahil anak pa rin siya ni Misis Nirvana.
Dahan-dahan na lumingon sa akin ang panganay na Aceves at ito na naman ang kanyang kilay na salubong na salubong ng dahil na naman sa akin. Parang nakapatay pa ako kung makatingin siya sa akin.
Pero dedma lang dapat at kalmado lang. Kailangan kong isipin na may mabait naman siyang pamilya kahit na ang salbahe niyang tao.
"Gusto mo ba ang kapatid ko?" pamimilit nito.
Talagang ipipilit niya lahat ng gusto niya. Ano bang sagot ang gusto niya?
"Kaibigan ko si Hades at hanggang doon lang 'yon, ayos ka na?" nakangiting sambit ko sa kanya.
At ano naman ba ang pake niya kung magustuhan ko nga ang kapatid niya? Bawal bang magkagusto sa kapatid niya? Lahat ba ng magkakagusto sa kapatid niya, aawayin niya?
"Mabuti naman dahil ayoko ng mahirap na masasama sa pamilya namin," pagbibitaw nito ng salita sa akin at pinagkatitigan ako mula ulo hanggang paa.
Hindi dapat ako mainis sa kanya dahil mas gusto ko pang magsumikap dahil sa sinabi niya.
"Madudumihan lang ang pangalan ng pamilya ko kung ikaw ang makukuha ng kapatid ko—"
"Eh ikaw? Mahal mo ba talaga ang pamilya mo o gusto mo lang ingatan ang pangalan nila na pangalan mo rin?" biglang tanong ko sa kanya.
Mas lalong nagsalubong ang kilay niya sa akin at ang matatalim niyang mga mata ay parang handa na akong sugurin. Mabuti na lang at may agwat ako sa kanya kung saan ako nakatayo ngayon dahil kung hindi baka nasapak na ako ng panganay ng Aceves.
"Ah h'wag mo ng isipin ang sinabi ko. Ipagpatuloy mo na lang, Neandro ang pagiikot dito—"
"Who are you?" humakbang ang malalaki niyang paa palapit sa akin.
Bigla akong kinilabutan sa lamig ng kanyang boses na parang nang gagaling pa sa ilalim ng lupa.
"Neandro—"
Bigla niyang hinablot ang magkabilang siko ko at nanlalaki ang mga mata ko sa kanya. Hindi madiin ang pagkakahawak niya sa akin pero sobrang lapit naman ng mukha ko sa kanya.
"Who are you to judge me?"
"H-Hindi kita hinuhusgahan—"
"KItang-kita sa mata mo!" galit na sigaw nito sa akin.
Sunod-sunod akong napalunok dahil mismong sarili ko ay pinapahamak ko. Baka mamaya mawalan pa ako ng trabaho nito.
"Hindi mo ba talaga kayang maging mabuti man lang kahit saglit?" sambit ko kahit na alam kong ipapahamak na naman ako ng mismong bibig ko dahil sa mga pinagsasabi ko.
"Sino ka nga ba talaga para utusan ako na maging mabait?" nakangising tanong nito sa akin pero ang mga mata ay nanlilinsik sa galit.
Ito ba ang sinasabi ni Mister Hariente na minanang ugali ng anak niya mula sa kanya? Hindi ko ma-imagine na naging ganito ang ugali ni Mister Hariente noon.
"Okay... Mukhang wala ka na ngang pag-asa na bumait pero pwede bang trabaho na lang ang unahin natin kaysa ang awayin mo ako—"
"Hindi kita inaaway, Khloe," madiing saad nito sa akin.
Wow. Hindi pa pala niya ako inaaway ng lagay na 'to. Paano ba siya mang-away?
"Uhm, b-bitawan mo na ako," kalmadong utos ko sa kanya.
Napatingin siya sa kamay niyang nakahawak sa akin at agad niya akong binitawan. Humakbang agad ako paatras at itinago sa likuran ko ang dalawang kamay ko. Napatingin ako sa ubas na nasa lapag na pala. Nabitawan niya sa sobrang gigil niya sa akin kanina.
Kinuha ko ang ubas na nasa lapag at pinagpapag ito. Malinis pa 'to at ayokong may nasasayang na ubas dito.
"Uh, sige na. Maglibot ka na," saad ko sa kanya na parang walang nangyari.
Napataas ang ulo ko sa kanya at nakita ko na wala na ang pagkakakunot ng noo niya sa akin per nakataas naman ang dalawa niyang kilay.
"Uhm, tapusin mo na ang pag-iikot mo rito, Neandro para mapuntahan natin ang factory ng wine. Gusto kong matuto ka na agad at sa tingin ko naman magugustuhan mo rito..."
Kailangan niyang magustuhan ang lugar na 'to para hindi na niya maisipan na umalis pa rito. Ayokong malungkot ang mama niya. 'Yon lang ang dahilan at wala na akong pake sa kanya.
"Gusto mo kong matuto agad para matapos na agad ang trabaho mo sa akin? Pwes, mahirap akong turuan," anito sa akin at nilagpasan na lang ako bigla.
Napalingon agad ako sa kanya at sinundan ko ng tingin ang paglalakad niya palabas ng ubasan. Gusto niya nga talaga akong pahirapan at kailangan ko 'yong tiisin.
"Gusto kong matuto ka para naman tuluyan mo ng tanggapin ang pwesto ng papa mo at h'wag ka ng umalis dito. Malulungkot ang mama mo kung aalis ka."
Hindi niya pinansin ang sinabi ko at patuloy lang siya sa paglalakad niya. Malakas naman ang boses ko at siguradong narinig niya ang sinabi ko.
"Hintayin mo ako!" Tumakbo ako pasunod sa kanya.
Akala ko gusto pa niyang magtagal dito pero ngayon naglalakad na siya palabas. Gusto niya lang yata akong awayin dito kaya gusto niyang magtagal kami rito e. Konti lang kasi ang tao rito at malayo pa sa amin kaya walang makakakita kung paano nga ba mang-away ang isang panganay ng Aceves. Takot ba siyang makumpara sa kapatid niyang mabait?
"Ang kupad mo," asik nito ng maabutan ko siya.
Ako pa ang makupad eh siya nga 'tong huling nagising. Pero dedma na lang ulit ako dahil baka kung saan pa mapunta ang pag-aaway naming dalawa. Sumakay na lang ako sa golf cart at inilagay sa basket ang ubas na nakuha ko.
Pumuwesto naman si Neandro sa likod ng golf cart. Nilingon ko muna kung maayos na ba ang pagkakapwesto ng panganay na 'to at nang makita ko na ayos naman, pinaandar ko na ang golf cart paalis ng ubasan.
Sumalubong ang hangin sa mukha ko. Mabuti na lang at naka-messy bun ang buhok ko dahil kung hindi baka ng gagalaiti sa galit na naman sa akin si Neandro kapag tumama sa kanya ang mahaba kong buhok.
"Wala na akong balak pa na umalis dito."
Namutawi ang masayang-masayang ngiti sa labi ko na abot hanggang tenga dahil sa narinig ko. Kung gano'n naman pala, titiisin ko na ang lahat ng ugali niya dahil ang kapalit naman nito ay ang kasiyahan ng mama niya.
Sobrang bait ng mama niya sa akin at ang dami ko ng utang na loob kay Misis Nirvana kaya hindi talaga ako nagdadalawang isip na tulungan ang ginang.
"Pero may isang bagay akong gustong kapalit kung ayaw mo akong umalis dito," aniya pa.
Ako na naman? Bakit ba sa akin siya nanghihingi ng kapalit at hindi sa pamilya niya na sobrang yaman? Siya na rin ang nagsabi na mahirap lang ako kaya ano naman ang maibibigay ko sa kanya na kapalit?
"Nakikinig ka ba, Khloe?!" iritado na namang saad nito.
Tumango naman ako sa kanya at nanatili sa daan ang tingin ko. Hindi lang ako sumagot sa kanya kanina tapos inakala na agad niya na hindi ako nakikinig sa kanya. Ang lakas din ng sayad ng isang 'to hah.
"Gusto ko ng kapalit mula sa'yo," pag-uulit na naman nito.
"Bakit ako?" tanong ko sa kanya.
Niliko ko sa kaliwa ang gofl cart na minamaneobra ko at nakikita ko na ang ang windmill na nag sisitaasan at syempre ang factory ng wine.
"Ikaw lang ang makakapagbigay," walang ganang saad nito sa akin.
"Sige sabihin mo na."
Siguro naman hindi mahirap ang bagay na gusto niya kasi sabi niya ako lang ang makakapagbigay. Sana nga lang at walang halong kapahamakan ang gusto niya.
"H'wag na h'wag mong magugustuhan si Hades."
Huminto ako sa harap ng factory at agad na lumingon sa kanya. Nanliit ang mga mata ko dahil ganyan na ganyan din ang sinabi sa akin si Hades. Na h'wag ko raw magugustuhan si Neandro tapos ito naman siya at nag-uutos sa akin na h'wag na h'wag kong magugustuhan si Hades.
"Anong mayroon sa inyong magkapatid?" nagtatakang tanong ko sa kanya.
"Wala ka ng pake roon basta h'wag mo siyang magugustuhan. Kapag nagustuhan mo ang kapatid ko, aalis ako sa hacienda na 'to at hindi ko tatanggapin ang negosyo ni papa. At syempre sa'yo nila isisisi ang lahat at makikita mo ang mama ko na malungkot kaya siguro naman susundin mo ako."
Bakit parang pakiramdam ko bina-blackmail ako ng isang 'to kahit na wala naman akong kasalanan na nagawa.
"Ayos ba ang kapalit na gusto ko?" nakangising tanong nito sa akin at itinaas pa ang kanang braso niya para ipatong sa sandalan ng upuan niya.
Madali lang naman ang gusto niyang kapalit dahil kaibigan lang talaga sa akin si Hades pero hindi ko ma-gets kung bakit ayaw niya na magustuhan ko ang kapatid niya. Gano'n ba siya niya ko kinasusukahan kaya ayaw niyang magustuhan ko ang kapatid niya?
"Ayos na ayos," nakangiting saad ko kahit na nadidismaya ako sa dahilan niya na nasa isip ko. "H'wag kang mag-aalala kasi kaibigan ko lang ang kapatid mo mula high school kami. Matagal na kaming magkasama pero kahit kailan hindi ko siya nagustuhan."
"Mabuti naman at nagkaintindihan tayo—"
"At sasabihin ko na rin sa'yo na hindi kita magugustuhan kahit kailan. Alam kong wala kang pake pero gusto ko lang sabihin para lang malaman mo na hindi lahat ng babae ay hahabulin ka."
Nag-igting ang panga niya sa pagiging totoo ko sa sinabi ko. Nagkunwari ako na parang wala lang at bumaba na ako ng golf cart.
"Tara na, panganay na Aceves," anyaya ko sa kanya pero nanatili siyang nakaupo sa golf cart habang masama ang tingin sa akin.
"Gustong-gusto mo talaga na hinahamon ako, Khloe?" seryosong saad nito sa akin.
"Hah? Wala naman akong sinabi na hinahamon kita—"
"Magugustuhan mo ako at maghahabol ka rin sa akin. Tandaan mo 'yan para makita ko kung paano mo lulunukin ang mga sinabi mo sa akin ngayon."