Khloe Amelia's POV
"Papasok ka na ba sa paaralan ngayong taon, Khloe? Isang taon na lang ang kulang mo sa kolehiyo. Hindi mo pa tatapusin?"
Awtomatiko akong napahinto sa paglilinins ng kabayo nila Hades dahil sa tanong niya. Isang taon akong tumigil sa pag-aaral at dapat sana tapos na ako ngayon kung hindi lang nagkaproblema ang pamilya ko.
"Hindi muna. Alam mo naman na mas kailanan kong unahin na tubusin ang lupa na tinatayuan ng bahay namin," sagot ko kay Hades.
Matagal ko ng kaibigan si Hades at kaklase ko siya simula high school. Sa kanila ako namamasukan bilang taga-ngasiwa sa ubasan nila at mga kabayo. Ang mga Aceves ang may pinakamalaking lupain dito sa Escajeda kaya sa kanila ko na lang pinili na magtrabaho para makatulong sa pagtubos sa lupa namin.
Mabuti na lang talaga at mababait ang mag-asawang Aceves na magulang ni Hades kaya tinanggap agad ako. Kung ituring na rin nila ako rito ay parang pamilya na rin.
"Pumasok ka na kaya, Khloe. Kami na ang bahala sa tuition mo," alok sa akin ni Hades. "Para naman pumasok na rin ako."
Napailing ako sa kaibigan ko dahil masyado na silang nakatulong sa akin at ayokong madagdagan pa ang utang na loob ko sa kanila.
"Hindi na talaga kailangan, Hades. Ang gawin mo na lang ay pumasok ka na sa susunod na pasukan at h'wag na akong hintayin."
Huminto rin kasi si Hades sa pag-aaral niya kahit na may pera naman sila. Sadyang gusto lang ni Hades na sabayan ako. Mabuti na nga lang at hindi nagalit sa akin ang mga magulang niya dahil ako ang dahilan kaya nahinto siya.
"Ayoko nga! Wala akong makokopyahan!"
Kumawala ang malakas na paghalakhak sa labi ko sa sinagot niya. Sira talaga ang ulo nitong kaibigan ko.
"Mamaya na nga 'yang kalokohan mo, Hades. Tapusin na muna natin ang paglilinis sa mga kabayo na ilalaban sa karera," saad ko.
Kahit kailan hindi ko naramdaman na isa akong trabahador dito dahil sa pagiging bukas ng pamilya nila sa akin. Sinasamahan ako palagi ni Hades sa paglilinis ng kabayo at pamimitas ng ubas para sa wine na negosyo nila.
"Khloe!"
Agad na napalingon ang ulo ko sa likod ko habang ang kamay ko ay nasa katawan ng kabayo na nililinisan ko. Nakita ko ang ngiti ng isang ginang.
"Misis Nirvana!" masayang-masayang saad ko.
Kapag nakikita ko ang mama ni Hades, hindi pwedeng hindi ako mapapangiti dahil sa labi nito na palaging nakataas ang magkabilang sulok. Ang puting-puting ipin ng ginang na palagi kong nakikita sa bawat pag ngiti niya na abot hanggang tenga.
Punong-puno ng integridad na naglakad palapit sa amin ang ginang ng hindi nawawala ang ngiti sa kanyang labi. Agad kong binitawan ang hawak kong kabayo at sinalubong ang ginang.
"Ano pong kailangan n'yo?" magalang na sambit ko sa kanya.
"Kumain na tayo ng tanghalian, iha. Ipapatapos ko na sa iba ang paglilinis ng mga kabayo na 'yan."
Napalingon ako kay Hades na naghuhugas na ng kamay niya at bumalik agad sa ginang ang tingin ko. Hindi ko kayang tanggihan ang asawa ng isang Aceves dahil sino ba naman ako para tumanggi?
"Sige po. Maghuhugas lang ako ng kamay," pagpapaalam ko at bumalik sa tabi ng kwadra ng kabayo kung saan may hose.
Hinugasan ko na rin ang bota na gamit ko ngayon sa tuwing maglilinis ako ng kabayo. Pagkatapos kong maglinis sabay kaming naglakad ni Hades palapit sa mama niya.
"Ngayon nga pala ang dating ni kuya," biglang saad ni Hades sa mama niya.
"Mamayang gabi narito na siya," sagot ng mama niya at naglakad na kami papunta sa mansyon nila.
Dito ako nakikitira sa bahay nila at umuuwi lang ako sa bahay namin tuwing katapusan ng buwan. Sa kabilang probinsya pa kasi kami at nasasayangan ako sa pamasahe. Mabuti na lang talaga at inalok ako ng mama ni Hades ng libreng kwarto sa mansyon nila.
"Ano namang naisipan ni kuya at uuwi pa siya rito?" tanong ni Hades na parang ayaw na dumating ang kapatid niya.
Hindi na lang ako nagsalita dahil hindi ko rin naman kilala ang kuya na sinasabi niya. Kasama ko na si Hades sa lahat simula noong high school ako pero hanggang ngayon hindi ko pa rin kilala kung sino ba ang kuya niya.
"Tinanggap na niya ang ipapa-manage ng papa mo na wine company kaya kailangan na siya rito sa Hacieda para alam niya kung paano nga ba pinapatakbo ang kumpanya simula sa pinakamaliit na impormasyon," saad ni Misis Nirvana.
"Napapayag niyo na si kuya na hawakan ang kumpanya?" tanong ni Hades. "Akala ko ba ang gusto niya ay ang tumambay nang tumambay sa harapan ng isla?" natatawang saad ni Hades.
Sa pagkakaalala ko, na kwento sa akin ni Hades noon na ang kuya niya ay nakatira sa isang isla kasama ang iba nilang pinsan.
"Baka naman may nagawang kalokohan si kuya kaya umuuwi na rito sa hacienda," natatawang saad pa ni Hades.
"Kalokohan talaga?"
Sabay-sabay kaming napahinto sa paglalakad papasok sa mansyon ng may isang boses na nakisali. Napalingon kami sa likod at nakita ko ang isang matikas na lalaki na kulay kayumanggi.
Higit na mas malaki ang pangangatawan nito kumpara kay Hades. May matangos na ilong, matangkad na binata. Ang buhok nito ay naka-flat patagilid na kulay brown din. Hindi lang 'yon dahil kamukhang-kamukha niya ang isang Hariente Llaurentos Aceves, ang tatay ni Hades.
"Kalokohan na ba ang tawag sa pag-iwas sa mga babaeng naghahabol sa akin sa isla?" mayabang na saad nito na kinalaglag ng panga ko.
"My son!" masayang sigaw ng ginang at naglakad patungo sa binata.
Nagkatinginan kaming dalawa ni Hades at napakibit balikat siya sa akin na parang hindi masaya sa pagdating ng lalaking 'to.
"Kuya ko 'yan," walang ganang saad sa akin ni Hades. "Patulan mo na lahat ng lalaki sa hacienda, Khloe, pero h'wag ang kuya ko. Ipapahamak ka lang niya."
Napalingon ako sa kuya niya na kausap ang ina nito.
"Sa tingin ko naman hindi ako magkakagusto sa kuya mo. Hindi nga kita nagustuhan kaya baka mas lalo ang kuya mo."
Wala pa rin sa isip ko ang pagkakagusto dahil masyado akong busy sa pag tratrabaho para matubos ang lupa ng bahay namin na naisangla dahil sa pagpapagamot ng kuya ko na may lung cancer.
"Excuse me," ang kapatid ni Hades na nakatingin sa gawi ko.
Napaturo pa ako sa sarili ko para lang makasigurado kung ako nga ang tinatawag niya. Ayokong mapahiya sa kanya.
"Oo, ikaw," aniya. "Kuhanin mo ang mga gamit ko sa kotse at ipasok mo. Ingatan mo rin na madumihan—"
"Neandro!" agad na putol ng ina niya sa sasabihin niya.
Hindi na lang ako umimik dahil sa pamilya niya pa rin ako nagtratabaho kahit na medyo nakakainis ang pagkausap niya sa akin.
"Hindi katulong sa bahay si Khloe kaya ayusin mo ang pagkausap sa kanya," utos sa kanya ng mama niya pero ang mga mata sa akin ng binatang 'to ay hindi na naalis.
Hindi naman ako nagpatalo sa kanya at sinalubong ko rin ang tingin niya sa akin.
"Oh, hindi ba? Akala ko siya ang magiging katulong ko sa bahay na 'to pero mukhang sa kapatid ko ang babaeng 'to."