"Tignan mo na nga ang anak ko sa taas, Khloe," utos sa akin ni Tita.
Kakasabi ko pa lang sa sarili ko na ayaw kong umakyat tapos mukhang nabasa pa ni Tita ang iniisip ko.
"Ma, ako na lang," agad na pag priprisinta ni Hades at tumayo na sa silya niya. "Ito ka na pala, Kuya."
Napatingin kaagad ako kay Neandro na blangko ang mukha na tuloy-tuloy sa paglalakad papunta sa pwesto niya. Mukhang galit nga talaga siya sa akin dahil hindi niya ako binati o ang hinalikan sa pisngi ko na ginagawa niya tuwing umaga.
Napatingin ako kay Mister Hariete na sinisipat kami ni Neandro ng kanyang mapangmasid na tingin kaya napaiwas agad ako sa kanya.
"Mabuti naman at natapos ka na. Kanina pa kami nagugutom," pagrereklamo ni Hades sa kapatid niya.
"Pwede naman kayong kumain ng hindi ako inaantay," malamig na saad niya.
Ang paghihintay ko sa kanya ng matagal na makababa rito ay napunta sa wala. Nawalan na ako ng ganang kumain. Ganito ang makakasama ko sa buong araw na trabaho?
"May trabaho pala kayo ngayon, Khloe. Anong oras ka mag eensayo para mahatid kita?"
Dahan-dahan akong napatingin sa katabi kong si Hades na malawak ang ngiti. Alam niyang ayaw nga ni Neandro na sumali ako kaya bakit pa niya pinarinig kay Neandro ang bagay na 'yon?
Hindi ko alam kung sinasadya ba ni Hades na itanong sa akin 'to o inosente talaga ang bunsong Aceves.
"P-Pagkatapos na lang siguro ng t-trabaho ko," kinakabahang sagot ko dahil ramdam ko ang titig ni Neandro sa akin.
Ang titig niya katulad noon na sobrang sama na parang may pinatay ako. Bakit kami bumabalik sa simula na parang isang pusa at daga na palagi na lang magkaaway.
"Bakit hindi si Neandro ang maghahatid sa'yo?" Napatingin naman ako kay Mister Hariete na umagaw sa atensyon ko.
Seryosong-seryoso siya na para bang may alam na agad siya sa nangyayari sa pagitan namin ni Neandro. Gusto ko sana na ayusin 'to ng kaming dalawa lang at walang nakakaalam sa pamilya niya.
"Bakit ko siya ihahatid kung hindi ko naman gusto 'yang sinalihan niya."
Napakagat labi ako at napahawak sa ibabaw ng hita ko ng mahigpit. Parang bumalik talaga kami sa nakaraan na parang bawat salitang sinasabi niya na tungkol sa akin at sinusuka niya. Paano niya naatim na iparamdam sa akin ang ganito kung grabe ang takot ko na makapagbitaw sa kanya ng salita?
"Neandro, walang masama sa sinalihan niya. Dapat nga matuwa ka pa dahil sasali siya sa—"
"Hindi para sa kanya ang karera ng kabayo," aniya sa kanyang Ina. "Delikado sa kanya pero patuloy pa rin siya. Sinabi ko ng ayaw ko pero mukhang sisigi pa rin siya sa gusto niya."
"Neandro, hayaan mo na ang girlfriend mo at suportahan mo na lang siya sa gusto niya—"
"Hinding-hindi siya makakakuha ng kahit na anong suporta galing sa akin."
Narinig ko ang pag galaw ng silya kaya napataas ang tingin ko sa kanya na nakatayo na kahit hindi pa kami nagsisimulang kumain.
Inilapat niya ang dalawang palad niya sa ibabaw ng lamesa at bahagyang yumuko. Mas lalong nagkalapit ang mga mata naming dalawa at nakikita ko ang Neandro na inalis ko na noon sa harapan ko.
"Hindi ka sana manalo sa laban mo, Khloe."
Parang natalo na agad ako sa sinabi niya at basta na lang siyang umalis sa hapag kainan. Gano'n ba siya kagalit sa akin para hilingin na hindi sana ako manalo? Sumosobra na talaga siya sa pananakit sa akin gamit ang salita niya.
"Sandali lang po," pagpapaalam ko sa pamilya niya at tumayo sa silya ko at tumakbo pasunod kay Neandro.
Ang laki-laki ng problema niya sa akin para umabot na siya sa punto na hiniling niyang huwag akong manalo.
"Neandro!" Hinarang ko agad siya ng maabutan ko siya.
Napataas ang kanang kurbadong makapal niyang kilay sa akin.
"Wala tayong trabaho ngayon—"
"Neandro, ano bang problema mo sa akin at bakit ang laki-laki para hilingin mo na matalo ako—"
"Huwag na huwag mong puputulin ang sasabihin ko kapag ako ang nagsasalita, Khloe. Wala kang karapatan," madiing saad niya.
Sunod-sunod akong napalunok at inisip na lang na baka nadadala lang siya ng damdamin niya kaya siya nagagalit sa akin ngayon. Mahal niya ako at galit lang siya.
"Hindi mo pa rin ba alam kung bakit ako galit? Sinabi ko na sa'yo na huwag mo ng subukin na sumali pa sa ganyan dahil aksidente lang ang aabutin mo pero hindi ka nakinig sa akin at parang wala ka pang pakialam na pinagbawalan na kita. Wala ka na bang pake sa sinasabi ko?"
"Neandro, kung wala akong pake sa'yo sana hindi ako nasasaktan ngayon sa lahat ng mga sinasabi mo sa akin..."
Nagsimula na naman kumawala ang luha sa mga mata ko dahil hanggang ngayon nasasaktan pa rin ako sa nagagawa niya sa akin.
"Ako nga ba talaga ang walang pakialam sa relasyon natin, Neandro? Lahat ng binibitawan kong salita sa'yo, pinag-iisipan ko ng maigi dahil ayokong may masabing masama sa'yo. Kapag nagtatanong sila tungkol sa'yo palagi kitang pinagtatakpan sa lahat ng kamalian mo dahil mahal kita. Ako ba talaga ang walang pakialam sa'yo o baka hindi mo na naman maramdaman dahil ayaw mo na naman pagbigyan na maramdaman mo?"
Napaupo ako sa sahig at napasabunot sa buhok ko. Hindi ko na kaya at napahagulgol na ako sa sakit. Parang sinasarado na sa akin ng boyfriend ko ang sarili niya.
"Neandro, girlfriend mo ako at hindi trabahador lang na sasabihan mo ng kung ano-ano. Gusto ko lang ipaalala sa'yo dahil baka nakalimutan mo na rin."
Kahit na anong kagustuhan ko na magkaayos kaming dalawa, hindi kami maayos dahil sa sarado niyang isip.
"Umurong ka sa laban niyo at hindi ko kakalimutan kung ano ka nga ba sa buhay ko."
Laglag ang panga ko at parang gusto ko ng humiga sa sahig.
"Neandro, bakit ba ang babaw mo? Gusto ko lang naman na maging masaya at makasali sa larong matagal ko ng pinangarap—"
"Hindi ako mababaw, Khloe. Mahal lang din kita at ayokong may mangyari sa'yo sa karerang 'yan na sa huli baka ang sarili ko lang ang sisihin ko."
----------------------------------------
Ano nga ba ang nangyari sa kanilang dalawa? Bakit parang isang trabahador kung ituring niya si Khloe? Mahal niya ba talaga ang dalaga o pinapahirapan niya lang ito?