Halos takbuhin niya ang papasok ng mall na iyon dahil batid niyang galit na galit na ang kaibigan. At nang makita ito ay nakabusangot nga ang mukha nito at ang hawak nitong popcorn ay halos maubos na niya.
"Sorry beshy, kanina ka pa ba?" Aniya rito.
"Ay hindi. Kararating ko lang, tignan mo nga hindi ko pa nauubos itong popcorn," pabalang na sagot nito.
"Sorry na talaga besh, hinarang kasi ako kanina ni Richard kaya na-late ako." Bigay alam rito. Nang marinig ang pangalan ng ex niya ay napakunot noo ito.
"Ano naman ang gusto ng ex mo at hinarang ka pa!" Pang-uusisa nito.
"Ewan ko doon. Matapos akong ipagpalit tapos aaktong tila nagseselos na ewan! At buti na lamang kamo at dumating si sir. Tangkain ba naman akong halikan." Palatak pang kuwento sa kaibigan.
Doon ay napangiti na ang kaibigan. "Mukhang tinamaan na ang boss mo sa'yo ah," komento nito.
"Sana nga pero paano iyon? Sabi no feelings involve. Ang mainlove ay talo." Malungkot na saad dito.
"Ay ganoon! Grabe iyang si sir Harvey mo ha. May ganoon pang nalalaman. Hindi kaya—." Biglang bitin ng kaibigan.
"Hindi kaya—" Ulit niya.
"Bakla iyang boss mo?"
"Baklaaaaaa?" Gilalas niya.
"Grabeness ang bunganga. Pwede namang ulitin pero huwag namang pasigaw. Oo, bakla, beks ganoon o kaya ay pamin-paminta," ani ni Marian saka tumawa na.
"Grabe, bakla. Teka paano mo nasabing bakla si sir Harvey?" Naguguluhang wika.
"Gosh, alam ko brainy ka beshy." Anito na tila palaisipan pa rin sa kaniya. "Maganda ka, imposibleng hindi siya attracted sa'yo. Baka naman beks siya." Anito.
Napaisip siya. Kaya ba ayaw nito ng seryosong relasyon dahil bakla ito. Tutol ang isip sa isiping ganoon. Sayang. Sayang ang lahi nito kung hindi niya maipapakalat.
Napamaang siya sa isiping baka nga bakla ito. Hindi niya lubos isiping ganoon ang boss. Hindi talaga carry ng utak niya.
"Baka naman may ibang dahilan beshy." Pagtatanggol pa niya sa amo.
"Baka nga pero since may plano kayong magkasal-kasalan eh di akitin mo na at kung maghubad ka sa harap niya at hindi ka man lang nagawang hawakan. Alam na this," anito.
"Gaga!" Sabay batok sa kaibigan.
"Para lang mapatunayan kung bakla ito. Paghuhubarin mo pa ako sa harap niya. Ang brainy mo talaga."
"Aray naman! Suggestion lang naman baka gawin mo," anito saka ngumisi.
"Ayaw ko nga, magahasa pa ako ng wala sa oras niyan eh."
"Sus! Kung kasing guwapo ng sir Harvey mo kahit ilang ulit pa akong pagahasa."
"Di ikaw na,"aniya rito.
"Joke lang!" Salag naman dito.
"Tara na nga at makapanood na." Yakag na dito para hindi sila masyadong gabiin.
Palalim na ang gabi ngunit nagsisimula pa lang ang gabi ni Harvey kasama ang mga kabarkada niya.
"Yohoooo, good to see you man. Akala ko ay hindi ka na makakasama sa mga lakad. So, musta naman ang kompaniya niyo sa kamay mo. Pabagsak na ba?" Nakatawang tapik ng kaibigang si Lawrence.
"Ulol! Hindi iyon babagsak dude! Wala ka yatang tiwala sa kaibigan mo." Mayabang na turan rito.
"Hep! hep! Hep! Anong nangyayari rito!" Maingay na pasok ng kaibigang si Cazandra na may-ari ng bar na kinaroroonan.
"Long time no see," dagdag pa sabay tapik sa balikat niya.
"Mukhang naging babae ka na ah," turan rito.
"Gago! Babae naman ako ah."
Nagtawanan sila nang dumating ang pinakamaingay sa grupo nila si Alfred.
"Hey! Hey! Hey! Wazzup men, mukhang nahuhuli ako sa jamming ah. Ohhhhhh—look who's here,"bulalas nito nang makita si Harvey. "Kumusta naman ang Mr. Entrepreneur of the town." Anito na tila nang-aalaska.
"Itigil niyo na iyan at baka mapikon itong si Harvey. Ngayon na nga lang natin nakasama. By the way, kumusta naman ang buhay?" Seryosong tanong na ni Cazandra.
Napangiti siya dahil sumingit sa isipan ang magandang mukha ni Sabinah. Hindi niya alam na lahat pala ng kaibigan ay nakatingin na sa kaniya.
"Aba! Mukhang inlove ang ating kaibigan. Cheers." Maingay na wika ni Alfred. Doon ay napatingin siya sa mga ito.
"Tell us, may pumalit na ba sa pwesto ni Jackie?" Wika ni Lawrence sabay akbay sa kaniya.
Biglang napalis ang ngiti sa labi ng marinig ang pangalan ng babaeng nanakit at sumira sa kaniyang puso. Dahilan kung bakit ayaw na niyang magseryoso sa relasyon. Nang mapansin ng mga ito ang pagbabago ng mood niya, lahat ay natahimik.
"Don't tell me, hindi ka pa rin nakaka-move on kay Jackie. Dude, alam mo bang ikakasal na siya. Move on na. Its been four or five years?" Gagad ni Lawrence.
Napahigpit ang paghawak niya ng bote ng beer. Buti pa ito, ikakasal na pala samantalang siya. Hindi niya alam kung magtitiwala pa ba sa salitang pag-ibig.
"Matagal nang wala si Jackie, Harvey kaya move on na. Alam naming dahil sa kaniya kaya ayaw mong pumasok sa seryosong relasyon pero hindi lahat ng babae ay katulad niya." Dagdag pa ni Lawrence.
Napangisi siya saka muling naalala ang nakaraan. Jackie was his first serious relationship. He was second year in college when he first met her. Na-love at first sight siya rito at hindi niya ito tinigilan hanggang maging kaibigan siya nito. Hanggang sa napapasama na sa barkada nila.
Kay Jackie naramdaman niya ang matinding pagmamahal. Nagawa niya itong gawing mundo niya. Ipinakilala sa mga kaibigan, kamag-anak at sa magulang niya. They had a perfect relationships until they graduated. They even planned to tie a knot. Mahal na mahal nila ang isa't isa kaya nagpasya na silang magpakasal. Nagpropose siya rito sa harap ng mga special na tao sa kanilang buhay. Jackie said yes.
Masayang masaya sila habang inaayos ang kasal nila. Everything was perfect. From the venue to the reception area. From the food to the guests list. From the gowns to the cake design. Lahat ay handa na. Maging sila ay handa na. What they're waiting is the day to come.
Habang sinusuot ang kaniyang damit para sa kasal nila ng babaeng pinakamamahal ay hindi mapigilang mapangiti. He was so excited to a life journey he was dreaming with Jackie ngunit isang sulat ang inabot sa kaniya ng pinsan ni Jackie. Isang sulat na gumiba sa kaniyang pangarap at halos dumurog sa kaniyang puso.
Harvey,
I am so sorry but I can't marry you. Sa sandaling ito ay malayo na ako. Hindi ko alam kung bakit hindi ko agad nasabi sa'yo ito marahil ay dahil ayaw lang kitang saktan pero alam kung walang kapatawaran itong gagawin ko. Sorry, hindi ko kayang magpakasal sa'yo dahil hindi na kita mahal. Natakot akong magsabi sa'yo ng totoo. Patawarin mo ako.
—Jackie
Laman ng sulat na sumira sa kaniyang buhay. Mabilis na nilamukos iyon at binato kasabay ng malakas na sigaw niya.
"Ahhhhhh! Jackieeeeee!"
Ang nanginginig na sigaw niya dahilan upang mapatakbo ang papa at mama niya sa silid. Nakabihis na ang mga ito para sa kasal nila.
"Anong nangyayari anak?" Ang tanong ng mama niya.
"Umiyak siya ng umiyak saka sinuntok ang pader. Agad siyang inawat ng ama at tinawag pa ang kanilang driver.
"Ahhhhhhh!"
"Anak, anong nangyayari?" Tanong ng ina.
Hindi alam kung ano ang gagawin.
"Wala na Ma, wala nang kasal na mangyayari. Wala na si Jackie. Iniwan na akoooo! Ahhhhhh!" Atungal niya.
Labis ang sakit na nararamdaman sa sandaling iyon. Maging ang nga magulang ay napatigil dahil sa nalaman.Lalo na at nalamang ang mga kamag-anak at ilang bisita nila ay nasa simbahan na.
"Calm down anak. Hindi malulutas ang problema mo sa ganyang paraan." Ani ng ina na pilit nagpapakatatag para sa kaniya.
"Ahhhhh! Jackie—mahal na mahal kita paano mo nagawa ito sa akin!" Iyak pa rin niya.
Naghahalo na ang luha at sipon sa pag-iyak niyang iyon. Ang damit ay halos mabasa na ng pinaghalong sipon, pawis at luha.
Nagkukumahog na pumasok sa bahay nila ang mga kaibigan. Mukhang nalaman ang nangyari kaya imbes na sa simbahan ang punta ay sa bahay nila.
Awang-awa ang mga ito sa kaniya.
"Dude!" Alanganing wika ni Alfred. Masayahin at palabiro ito ngunit ng sandaling iyon ay seryoso ito.
Tahimik na siyang lumuluha noon. Ayaw niyang lumabas ng silid niya. Nakitang kumislap na rin ang luha sa mata nito ngunit agad nitong pinahid.
"Dude, hindi pa katapusan ng mundo," anito.
"Madali para sa'yong sabihin iyan dahil hindi ikaw ang nabilad sa kahihiyan at tinakbuhan ng taong pinakamamahal mo!" Wika.
Napatigil ito. Sina Lawrence at Cazandra ay pilit na kinukontak si Jackie pero hindi na ito makontak.
Halos tatlong araw siyang nagkulong sa silid. Hindi kumakain at ni hindi na naliligo. Hanggang sa katukin siya ng kaniyang ama. Galit ito.
"Balak mo bang magpakamatay dahil lang sa babae. Cheer up!" Galit nito.
"Nasasabi niyo iyan Pa dahil hindi ikaw ang—."
"Ang iniwanan! My God son, maraming babae pa diyan. Maraming Jackie sa mundo at hindi ka mabubuhay kung ikukulong mo ang mundo mo sa iisang babae. Wake up! Bata ka pa. Guwapo at may pinag-aralan. Alam mo, kapag nakita ka ngayon ni Jackie tatawanan ka lang noon at sasabihing tama lang na iniwan ka niya!" Uyam ng ama.
"Stop it dad!" Gigil dito.
"No! You have to learn the hardest way. Iyon ang gusto mo di ba? Tatawanan ka niya dahil ang lalaking katulad mo ay hindi dapat minamahal. Wala kang bay—."
Tigil ng ama ng inambaan niya ito ng suntok.
"Huwag! Huwag anak, mahal. Ano ba? Hayaan mo muna ang anak mo," awat ng mama niya na noon ay umiiyak na.
"Pabayaan? Farrah, nag-iisang anak lang natin siya tapos papatayin niya lang ang sarili dahil sa isang babae. Hindi ko papabayaang mangyari iyon. Kaya ikaw, ayusin mo ang sarili mo!" Duro ng ama sa kaniya saka umalis at naiwan ang inang nagmamakaawa sa kaniya.