PRINCE DEVON
“Akala ko ba aalis na tayo? Bakit magpapa-iwan ka?”
Marahas kong nilingon si Sanjo at sinamaan ko siya ng tingin nandito kami sa tangapan ng bisita sa loob mismo ng bahay ni Princess Thana. Nawalan kasi siya ng malay kanina sa bisig ko. Hindi ko rin alam kung bakit ko ito ginagawa. Pumunta ako dito upang makilala ang malupit na prinsesa ng Arezan. Gusto kong kilatisin kung tunay nga ang mga balitang naririnig ko sa aming kaharian. Pero sa nakita ko kanina nagdadalawang isip na akong maniwala. Mas maniniwala pa ata ako kung nalaman kong may sakit ito sa pag-iisip na hindi kayang controlin ang kanyang kapangyarihan bilang isang bampira.
“Ito naman galit kaagad, pero hindi kita maaring iwanan dito mag-isa.”
Napabuntong hininga ako sa pangungulit ni Sanjo sa akin. Higit pa sa kanang kamay ang tingin ko sa kanya. Matalik din kaming magkaibigan simula bata pa kami kaya ganito siya ka-komportable na kausap ako.
“Magpadala ka na lamang ng mensahe na magtatagal tayo dito sa Arezan. Yun kamo ang hiling ni King Geraldo upang magkakilala pa kami ng Prinsesa.” Utos ko sa kanya. Inalok naman talaga kami ng Hari na manatili muna dito sa kanilang emperyo pansamantala. Habang hindi pa namin alam kung anong sakit ang dumapo sa Prinsesa.
“No! Bitawan mo ako!”
Nagkatinginan kami ni Sanjo nang marinig ang sigaw na yun mula sa taas ng silid ng prinsesa. Naglabasan pa ang ibang katulong ng mangagamot na tumingin dito at takot na takot para sa buhay nila.
“Hindi yan totoo! Hindi ako bampira! Kalokohan yan!” Malakas na sigaw ulit ni Prinsesa Thana. Gusto kong umakyat at pumasok sa loob ng kuwarto niya ngunit ayokong mangahas. Nararapat kong malaman kung ano ba talaga ang meron sa babaeng yun. At kung bakit siya nagpapakita ng kakaibang pag-uugali sa harapan ko. Malayo kasi ang pinapakita niya sa akin sa usap-usapan na naririnig ko sa aming kaharian.
“Delikado tayo sa magiging kabiyak mo Prinsipe Devon. Paano kung talagang tinakasan na siya ng tamang pag-iisip? Paano kung paslangin ka din niya? Nakita mo naman kung paano niya pinatay lahat ng nagtangka sa kanila hindi ba?” dagdag pa ni Sanjo. Wala akong nararamdaman na kahit katiting na takot. Kaya kong protektahan ang aking sarili lalo na ang aming kaharian sa kung ano man ang balak ng aming mga kalaban.
“Alis! Umalis kayo! Mga halimaw!” patuloy na pagwawala ng prinsesa. Hindi na ako makatiis at humakbang ako paakyat ng silid niya.
“Prinsipe Devon!” narinig ko pang tawag ni Sanjo pero umakyat pa rin ako at hindi ko siya nilingon. Bukas ang malaking pintuan ng kanyang kuwarto kaya nagkaroon ako ng pagkakataon na masilip sila sa loob. Nakatali na ang kamay at paa niya sa ibabaw ng kama. Pilit na pinapakalma ng kanyang ina. Kita ko sa mga mata niya ang takot sa mga ito at patuloy din sa pagtulo ang kanyang mga luha.
“Prinsipe Devon, hindi po kayo maaring pumasok.” Pigil ni Luke sa akin nang nagtangka akong pumasok.
“Gusto ko lang siyang makita.”
Tumigil sa pagwawala si Prinsesa Thana at tumingin siya sa akin. Nilingon ako ng kanyang mga magulang at tumayo naman si King Geraldo.
“Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa aking anak. Pero nakikita kong kumalma siya nang makita ka niya.” Mahinang sabi nito sa akin. Napatingin ulit ako sa prinsesa. May awa akong nararamdaman sa kanya. Dahil sa mahigpit na pagkakatali ng rehas niya sa kamay nagdurugo na ito.
“Maari niyo po ba kaming iwanan?”
Tumango siya sa akin at inakay si Queen Lana palabas ng kuwarto. Pagkatapos ay sinara nila ang pinto. Dahan-dahan akong humakbang palapit sa kanya at naupo ako sa gilid ng kanyang malambot na kama.
“Devon, ang pangalan mo hindi ba? Please, ilabas mo ako dito. Ibalik mo ako sa labas ng palasyo. Hindi ako isang bampira. H-hindi ako umiinom ng dugo…ng tao--yuck!. Hindi ako cannibal. Okay lang sa akin kung maging asawa ako ng matandang yun tatangapin ko na kahit labag sa loob ko. Pero hindi ko kayang maging bampira! Tulungan mo ako Devon, please…maawa ka sa akin…” humihikbing sabi niya sa akin. Napuno nang luha ang maganda niyang mga mata. Pero sa lahat ng sinabi niya. Yung tungkol sa matanda ang hindi nakaligtas sa aking pandinig.
“Mas nanaisin mo pang ikasal sa matandang lalaki kaysa sa akin?” kunot noo kong tanong sa kanya. Nainsulto ako sa sinabi niya. Maraming Maharlika na kababaehan ang nais akong maging kabiyak. Pero siya, harap-harapan niyang sinasabi na mas pinipili niya pa ito kaysa sa akin.
“Hindi yun, hindi mo kasi na-iintindihan. Hindi ako bampira…isa akong tao Devon. Hindi ako kagaya nila—kung ganon. Isa ka ding bampira? Lahat kayo na nandito ay halimaw?” bulalas niya.
“Lahat ng taong nakikita mo. Lahat sila ay kaisa sa atin. Lahat tayo ay umiinom ng sariwang dugo ng tao man o hayop—"
“Hindi, sa movies ko lang napapanuod ito. Siguro tama ako. Panaginip lang ang lahat ng ito. Kaya please, huwag ka nang magbiro ng kanyan gisingin mo na ako.” Hiling pa niya sa akin.
“Wala ka sa panaginip mahal na Prinsesa Thana. Kung totoo ang sinasabi mong hindi ikaw ang nasa katawan ng prinsesa. Kaya mo bang patunayan sa akin yun?” Paghahamon ko sa kanya.
“Patunayan? Paano?” naguguluhan na tanong niya sa akin. Wala sa mukha niya ang pagpapangap. Pero hindi ako maaring basta na lamang maniwala sa aking nakikita at naririnig lalo pa’t ngayon ko lamang ito naranasan.
“Patunayanan mo na hindi ikaw ang prinsesa. Patunayan mo na iba ka sa kanya. Kapag nakumbinsi mo ako. Tutulungan kitang makabalik sa mundo na sinasabi mo kahit sa paanong paraan.”
Natahimik siya at napa-isip sa sinabi ko. Hindi ko rin alam kung bakit yun ang nasabi ko sa kanya.
“S-Sige, pero mangako ka. K-kapag napatunayan kong hindi ako si Thana. Mangako kang tutulungan mo ako.” paniniguro na tanong niya sa akin. Itinaas pa niya ang hinliliit niyang daliri sa harapan ko. Nagtataka ko siyang tinignan.
“Ano ang ibig sabihin niyan?”
Suminghot siya na parang bata.
“Pinky promise…gawin mo na lang para maniwala ako sa pangako mo.”
Itinaas ko din ang kamay ko ay ikinuyom ang aking kamay. Inilabas ko ang aking maliit na daliri at ikinawit niya ito sa kanya. Pinagdikit din niya ang hinlalaki naming dalawa.
“Nangako ka na sa akin kaya hindi mo na puwedeng bawiin pa.” paniniguro niya na ikinatango ko. Tinangal niya ang kamay niya.
“Hindi ko alam kung paano ako napunta sa katawan na ito. May naalala ako kanina nang magpatihulog ako sa talon. Nakita ko ang sarili ko na nahulog sa building. Bumalik sa akin ang lahat ng memory na nawala. Hindi ako si Thana, Prinsipe Devon. Ako si Ailee, at dapat patay na ako pero nabuhay ako sa katawan ng babaeng ito. Sa katawan ng isang halimaw.” Kuwento niya sa akin. Hindi ko alam kung saan niya napulot ang ganuong kuwento. Pero muntik na akong maniwala sa kanya.
“Hindi ikaw si Thana at isa kang tao?” ulit ko sa kanya. Sunod-sunod siyang tumango sa akin.
“Oo, tama! Mabuti naman na-intindihan mo.”
Napahawak ako sa aking noo.
“Bakit? Hindi ka naniniwala?”
Nag-angat ako ng tingin sa kanya at sinalubong ang kanyang mga mata.
“Kung hindi ka si Thana, paano mo nagawang paslangin ang mga kalaban kanina? Nakita ko ang lahat. Kung paano mo sila walang awa na pinaslang. Hindi yun kayang gawin ng normal na tao.”
Umiling siya sa akin. “Hindi ko rin alam, nang matauhan ako kanina. Wala na silang buhay.”
Napabuntong hininga ako dahil sa naging sagot niya.
“Kung ikaw ay kaluluwa na napunta sa katawan ni Thana. Saan naman napunta ang kaluluwa ni Thana?” seryosong tanong ko sa kanya.
“Hindi kaya nagkapalit kami?”
Lalong sumakit ang ulo ko sa lahat ng mga sinabi niya. Tama nga ang desisyon ko na huwag munang bumalik sa Zereyo. Dahil gusto kong malaman kung hangang saan ang pagpapangap na pinapakita sa akin ni Prinsesa Thana. Hindi kaya dahilan niya lang ito upang hindi matuloy ang kasal naming dalawa?
“Hindi ka pa rin ba naniniwala sa akin?” may panunuyong tanong niya sa akin. Imbis na sagutin ay malakas na hinila ko ang rehas na nakakabit sa kamay niya. Kinuha ko ang tela na nakapalibot sa aking tiyan at ibinuhol ko sa kanyang mga sugat.
“Kailangan mo munang magpagaling prinsesa. Mabuti pa magpahinga ka muna. Kakausapin ko si Sanjo tungkol sa lahat ng mga sinabi mo sa akin.”
Inalalayan ko siyang humiga at nagpaubaya naman siya. Pero nang aalis na sana ako ay hinabol niya ang kamay ko. Napatingin ako sa kamay niyang nakahawak sa akin.
“Natatakot ako…puwede mo ba akong bantayan hangang makatulog ako?”
Naupo ulit ako sa tabi niya at itinaas ko ang kumot hangang sa kanyang dibdib. Hindi na niya binitawan ang kamay ko. Hangang sa naramdaman ko na ang banayad niyang paghinga. Pinagmasdan ko ang maamo niyang mukha. Wala na itong kolorete at mas natural na ang ganda nito. Tunay din ang narinig patungkol sa kanya. Hindi lang siya nagmamay-ari ng pinakamagandang mukha na nakita ko. Siya din ang may pinakamatamis na labi na natikman ko.
Napalunok ako nang makita ang natural at mapula niyang labi. Hindi ko akalain na sa una naming pagkikita natukso kaagad ako sa kanya. At nagawa kong kalimutan si Emma.