PRINCE DEVON
Wala pa ring malay ang prinsesa nang lumabas ako ng kuwarto niya. Nahimatay siya kanina pagkatapos niyang sabihin sa akin na nasa loob ng katawan niya si Prinsesa Thana. Kaya buhat ko siya pabalik dito at hangang ngayon ay hindi pa rin siya nagkakamalay.
Papasok na ako sa tutuluyan namin ni Sanjo pansamantala at naabutan ko siyang natutulog sa hagdan.
“Sanjo, bakit diyan ka natutulog?”
Nagising siya at tumayo.
“Mabuti naman at dumating ka na mahal na Prinsipe. Sino ba naman kasing makakatulong ng maayos kung nasa lugar ka ng ibang emperyo ano?” Humihikab na litanya niya sa akin.
Umakyat ako patungo sa kuwarto dahil nakaramdam na rin ako ng pagod. Nilingon ko muna siya bago ako pumasok sa aking silid.
“Wala kang dapat na ipag-alala. Walang magtatangka sa buhay natin dito. Kaya magpahinga ka na.”
Napakamot siya sa ulo niya at binuksan ko na rin ang pinto ng aking kuwarto upang makapagpahinga.
Kinabukasan ay maingay na boses ni Sanjo ang gumising sa akin.
“Mahal na Prinsipe! Gumising ka na!”
Kaagad akong tumayo at bumukas ang pintuan ng aking kuwarto.
“Anong nangyari? Bakit hinihingal ka?” Usisa ko sa kanya.
“Nawawala ang Prinsesa! May dalawang oras na siyang hinahanap ng mga Drako!” Imporma niya sa akin. Nagmadali akong bumaba at lumabas ng aking tinutuluyan. Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras. Kaagad akong bumalik sa talon.
“Prinsesa Thana! Nasaan ka?!”
Halos libutin ko na ang ilog ay hindi ko pa rin siya nahanap. Kaagad akong nagpunta sa tarangkahan upang tanungin ang mga bantay kung anong nangyari. Naabutan ko silang tinatanong ni Luke.
“Sigurado ba kayo na hindi niyo siya nakita? Nahalughog na namin ang buong emperyo kahit anino ng prinsesa ay hindi namin mahagilap.” Tanong ni Luke sa kanila. Napansin ko ang pagkabahala ng dalawa sa kanila at nagtitinginan pa ang mga ito.
“Prinsipe Devon, ikaw pala.” Wika ni Luke nang lingunin niya ako. Yumuko silang lahat sa pagdating ko.
“Hinahanap ko din ang Prinsesa. Kapag hindi natin siya naibalik kaagad. Maari siyang manganib sa labas. Kaya kapag hindi niyo sinabi kung nasaan siya. At malaman namin na may kinalaman kayo sa paglabas niya. Ako mismo ang tatapos sa inyo dahil hinayaan niyong manganib ang magiging Prinsesa ko.” Seryosong banta ko sa kanila.
Mabilis na lumuhod ang dalawa sa harapan namin ni Luke.
“Lumabas po siya kaninang madaling araw pinunong Luke at mahal na Prinsipe. Ngunit sabi niya mamimitas lang daw siya ng bulaklak upang at dadalawin daw niya si Prinsesa Thaya. Ayaw niyang ipasabi dahil baka magalit daw po si King Geraldo.” Pagtatapat niya. Napatingin ako kay Luke dahil hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng isang Drako. Yumuko siya at sinalubong ng masamang tingin ang nagsabi kung nasaan ang Prinsesa.
“Huwag mong ipagsabi ang bagay na yan. Kapag nalaman ng Hari ang ginawa ni Prinsesa Thana. Alam mo na siguro kung anong mangyayari sa’yo hindi ba?” Banta niya dito na sunod-sunod nitong ikinatango.
“Ipaghanda niyo ako ng kabayo!” Ma-authoridad na utos niya.
Pinigilan ko siya sa tangka niyang pag-alis.
“Hindi mo man lang ba lilinawin sa akin kung ano ang ibig sabihin ng Drako na yun?”
Hinarap niya ako at mariing tinignan. “Nasa labas ng palasyo ang Prinsesa kailangan natin siyang maibalik dito bago pa malaman ng hari ang ginawa niya. Kung gusto mo siyang makita. Sundan mo ako.”
Mabilis siyang sumakay sa kabayo at kaagad kong sinakyan ang isa pang kabayo na dala nila. Bumukas ang malaking tarangkahan at mabilis ang naging patakbo niya. Kaya tinapatan ko ang bilis niya.
Halos limang minuto din ang lumipas hangang sa matanaw namin si Prinsesa Thana. Nakatayo siya sa harapan ng isang napakalaking puno. Nang makalapit na kami ay sabay kaming bumaba sa kabayo.
Kaagad na lumapit si Luke sa kanya.
“Mahal na Prinsesa, kailangan niyo nang bumalik sa emperyo.” Pahayag ni Luke. Dahan-dahan siyang lumingon sa amin. Kitang-kita ko ang pamamaga ng kanyang mga mata dahil sa pag-iyak.
“Lu-ke, ilang taon na ang nakalipas. Ngunit sariwa pa rin sa isip ko ang mga nangyari. Nagising ako kanina dahil sa masamang panaginip. Tinatawag niya ako…tinatawag ako ni Prinsesa Thalya. Humihinge siya ng tulong sa akin…hangang sa—”
Muli siyang napahikbi…at muntik na siyang mapaluhod sa lupa. Kaagad siyang inalalayan ni Luke sa balikat. Ako dapat ang gagawa noon. Pero hindi ko maintindihan ang mga nangyayari.
“Panaginip lang yun mahal na Prinsesa. Huwag niyo na pong sisihin ang sarili niyo sa nangyari noon.” Pang-aalo nito sa kanya.
“Kasalan ko ang lahat… Kung hindi ako natakot noon. Naipagtangol ko sana siya…naging duwag ako Luke…hindi ko siya nailigtas…” patuloy na paghikbi niya. Akmang yayakapin niya ito ngunit kaagad akong lumapit at hinila ang kamay niya patungo sa akin. Nag-angat siya ng tingin at nakatitigan kaming dalawa.
“Patawad, nais ko lang siyang patahanin.” Wika ni Luke sabay talikod sa amin. Hindi ko alam kung bakit ngunit nakaramdam ako ng selos sa ginawa niya.
“Andito ka rin ba para sunduin ako?” Tanong niya sa akin. Napaka-amo ng kanyang mukha. Wala siyang kahit anong kolorete at mas bumagay sa kanya ang napaka-inosente niyang mukha. Ngunit sa likod ng mukhang ito ay nakapaloob ang dalawang katauhan ni Thana.
“Kailangan na nating bumalik. Saka ko aalamin kung bakit ka naririto.” Wika ko sa kanya.
Wala siyang pagtutol nang isakay ko siya sa aking kabayo. Kaagad kaming bumalik sa emperyo at gaya ng sinabi ni Luke walang dapat makaalam na lumabas kaming tatlo.
“Puwede niyo na akong iwan dito? Pasabi na lang kay Ama at Ina na natagpuan niyo ako sa talon. Tutungo ako sa kanilang tahanan mamaya.” Wika ni prinsesa Thana nang alalayan ko siyang bumaba sa kabayo.
“Higpitan niyo ang pagbabantay sa kanyang tahanan mula ngayon.” Mahinang utos ni Luke sa mga Drako at kaagad naman nilang pinalibutan ang labas ng tahanan ni Prinsesa Thana.
Inaya ko siya sa isang lugar upang ipaliwanag niya ng maayos sa akin ang nangyari kanina. Kaya andito kami sa taas ng Talon. Nang sa ganun at walang ibang makarinig maliban sa akin.
“Sabihin mo? Sino si Prinsesa Thalya? Anong ginagawa ni Prinsesa Thana sa harapan ng malaking puno? At bakit paiba-iba na lamang ang ipinapakita niya sa akin?” Sunod-sunod na tanong ko sa kanya. Marami pa akong nais itanong ngunit hindi ko alam kung nalalaman din niya ang kasagutan.
“Si Prinsesa Thalya, ay kakambal ni Prinsesa Thana. Ngunit matagal na siyang namayapa. Yung nakita mong puno kung saan siya nakatayo. Doon siya binawian ng buhay. Kung ano man ang naging dahilan ng kanyang pagkamatay. Wala na sa akin ang Karapatan upang sabihin pa yun sayo mahal na prinsipe. Ang alam ko…mahigpit na ipinagbawal ng hari ang pagpunta doon ni Prinsesa Thana. Dahil maalala lamang niya ang lahat at maaring gabi-gabi na naman siyang dadalawin ng masamang panaginip.” Pahayag niya na hindi ko inasahan. Kung ganun, may kakambal si Thana. At may nangyari noon na muntik nang ikapahamak nilang dalawa.
“Simula nang mangyari yun, ang dating ngiti ng prinsesa…ay nabura na sa kanyang labi. Ang masayahin na Prinsesa ay naging malupit sa lahat ng nakakagawa sa kanya ng kasalanan. Yung pagbabago niya hindi lang ikaw ang nakapansin noon. Dahil maski ako, ang hari at ang reyna. Alam nilang may kakaibang nangyayari sa Prinsesa. At tanging siya lamang ang makakapagsabi nito.” Dagdag pa niya. Pagkatapos niyang sabihin ang lahat ng yun ay pumayag na ako na iwan niya. Sandali pa akong namalagi sa talon bago ako bumalik.
“Hinahanap ka ng hari, sumabay ka daw sa inihandang tanghalian.” Imporma ni Sanjo nang makabalik ako. Inayos ko ang aking sarili at nagpalit din ako ng kasuotan bago magtungo doon.
“Dito lang kami sa labas.” Wika ni Sanjo na ikinatango ko. Nauna na silang kumain kanina kaya magbabantay na lamang sila sa labas.
Pagpasok ko sa loob ay mahabang mesa na punong-puno ng iba’t-ibang pagkain ang bumungad sa akin.
“Maupo ka.” Utos niya sa akin. Naupo ako sa kabilang dulo ng mesa.
“Ipagpaumanhin mo sana ang lahat ng ginawa ng prinsesa. Ibibigay ko sayo ang pasya kung nais mo pang pakasalan ang aking anak. At kung ano man ang magiging pasya mo ay malugod naming tatangapin.” Wika niya sa akin. Nagpunta ako dito hindi para ituloy ang kasal. Ngunit nang makita ko Prinsesa Thana. Nagbago ang lahat nang hindi ko namamalayan.
“Mahal na Hari, nais ko pong ituloy ang pag-iisang dibdib namin ng yung anak. Kung yun ang ipahihintulot niyo.” Magalang na sagot ko sa kanya. Itinaas niya ang kupita ng mamahaling alak at ganun din ang ginawa ko.
“Ipinapahintulot ko na makasal kayo kaagad.” Nakangiting turan niya. Sabay kaming uminom at habang umiinom ako ay napadako ang aking mga mata sa malaking pintuan kung saan ay bumungad sa amin ang maganda at kaakit-akit na si Prinsesa Thana.