KESHA
ILANG araw na ang lumipas matapos namin mag-usap ni Patrice.
Sabado na ngayon at naghahanda na lang ako ng isusuot ko para mamaya. Kumuha lang naman ako ng simpleng damit at pantalon tapos kinuha ko na din ang sapatos ko.
Alas-dose na'ng naisipan kong maligo na. Mabilis lang din akong natapos at nagbihis dahil nakakahiya naman kay Patrice kung malelate pa ako.
Matapos kong maghanda ay lumabas na ako. Plano ko ay doon na lang antayin si Patrice sa labas ng bahay kaso nga lang mukhang hindi matutuloy dahil pababa pa lang ako ng sala ay narinig ko na s'yang sumisigaw sa labas ng bahay.
Mabilis naman na tumayo si Mama na sinundan ko na din agad. Nasa likod lamang ako nito na naglalakad. Alam ko naman kasi na ako ang pakay ni Patrice.
"Oh? Patrice, bakit ka kumakatok?" tanong ni Mama dito nang makita ito.
"Hi po, susunduin ko lang po si Kesha, ininvite ko po kasi s'ya," masiglang tugon ni Patrice.
"Si Kesha? Bakit si Kesha? Wala kang mahihita doon sa bata na iyon, yung kapatid na lang n'ya! Mas may maitutulong iyon sa'yo," usal ni Mama.
Napayuko naman ako at patalikod na sana dahil sa mga sinabi ni Mama. Minsan na nga lang, hinarang pa..
"Hindi na po, si Kesha po ung kaibigan ko kaya s'ya po ung isasama ko. Siguro po sa susunod ko po sila isasama,"
Agad akong napahinto nang marinig ko iyong sinabi n'ya.
Kaibigan n'ya ako? May kaibigan ako?
Humarap akong muli at mabilis na maglakad papunta sa pwesto nila. Agad na akong nagpakita kay Patrice bago pa kung anong masabi ni Mama sa kan'ya.
"WAG kang mag-alala, Kesha. Mababait lahat ng nandoon at'ska, hindi kita iiwan doon. Sasali tayo sa mga games," masiglang pahayag ni Patrice habang naglalakad na kami papunta ng sakayan.
Matapos kasi naming mag paalam kay Mama na siyang masama ang mukha, mabilis na kaming umalis at eto nga, kinu-kwentuhan n'ya ako about sa pupuntahan namin. Puro tango lang naman ang sagot ko sa kan'ya dahil wala akong ibang sasabihin.
"Basta wag kang mahihiya a! Kasama mo naman ako, okay?" saad nito.
"Okay, ayos lang naman ako." tugon ko at tipid na ngumiti.
Nang makarating kami ng sakayan ng jeep, nag-intay lang kami ng ilang minuto bago kami makasakay.
Nakakahiya dahil wala talaga akong pera at si Patrice lahat at sumagot ng pamasahe namin. Gusto ko naman talagang mag-share kaso, wala talaga e.
Halos kalahating oras ang tinagal namin sa byahe bago kami bumaba.
"Lakad na lang tayo a, sobrang malapit lang din ito. Sorry.." saad n'ya.
Mabilis naman akong umiling..
"Hindi! Okay lang, sanay naman akong maglakad," usal ko.
Mag-iinarte pa ba ako e, wala na nga akong naiambag sa pamasahe namin.
Nakarating kami ng venue na sinasabi n'ya at isa lang itong private clubhouse na kung saan pwedeng rentahan at katulad ng sabi n'ya malapit lang talaga ito sa binabaan namin.
Nasa labas pa lang kami ay rinig na ang masayang tunog doon. Hindi ko namam alam kung anong kanta iyon dahil mukhang sila lang ang nakakaalam.
"Tara, Kesh! Pasok na tayo," yaya ni Patrice sa akin.
Tumingin ako dito at bahagyang pinaglaruan ang daliri ko sa kamay kasabay ng pagyuko ko.
"Ahm! Okay lang ba ako? I mean baka nakakahiya na pumasok ako," saad ko.
Bigla akong kinabahan at parang gusto ko na lang umuwi o lumakad palayo.. paano kung walang kumausap sa akin? Hindi ko kilala ung mga tao.. paano kung ayawan din nila ako? Paano kung tignan nila ako katulad ng tingin ng iba sa akin? Paano-
Napaangat ang tingin ko nang may mga kamay na humawak sa kamay ko.
Isang nakangiting Patrice ang bumungad sa akin.
"Okay lang na pumasok ka. Kaya nga kita inimbitahan dahil hindi ka nakakahiyang kasama e! Tara na?" usal nito.
"Ahm.. okay, sorry"
"Huy! Normal na mahiya, parte iyon ng nature ng tao kaya wala kang dapat ika-sorry..." tugon nito na may ngiti pa din sa labi.
Huminga lang ako nang malalim at ngumiti ng pilit.
Pumasok kami sa loob ng clubhouse at agad napunta sa amin ang tingin ng mga tao doon. Napahigpit ung kapit ko sa braso ko at bahagyang kinurot iyon dahil nakaramdam ako ng pagsakit ng tiyan at pangangalay.
"Ate Patrice!" bungad ng isa sa mga nandoon at masiglang lumapit sa amin. "Kanina ka pa hinahanap ni Ate Cloe," habol nito.
Nahiya naman ako dahil mukhang ako ang naging delay ng pagpunta n'ya dito.
Ang arte mo kasi, Kesha!
Kastigo ko sa sarili ko at mas hinigpitan ang kurot doon.
"Nagchat nga sa akin si ate, pero sabi ko naman may sinundo akong friend kaya malelate ako sa calltime," tugon nito sabay tingin sa akin. "Si Kesha pala, kaibigan ko. S'ya ung sinundo ko kaya medyo nalate ako pero okay lang naman," pakilala nito sa akin.
Tipid naman akong ngumiti doon sa kausap n'ya na nakangiti dun sa akin.
"Hi, Kesha! Ako nga pala si Julia!" pakilala nito sabay lahad ng kamay n'ya na mabilis ko namang kinuha. Nakakahiya kung mag-iinarte ako.
Matapos ng pakilala na iyon, inaya na nila ako na umupo sa mga upuan kung saan nakaupo ang iba pang mga sa tingin ko ay bisita din.
Naupo kami sa isang gilid na malapit sa pader. Nag-uusap lang silang dalawa doon habang ako naman ay tumitingin lang sa paligid.
Bigla parang may kumirot sa puso ko. Muling nanariwa ang eksena sa akin sa-
"Kesha, anong year mo na?"
Bigla akong napalingon at naputol ang pag-iisip ko dahil bigla akong kinausap ng kasama namin kanina. Pareho silang nakatingin sa akin at nakangiti.
"Ah! 2nd year college na ako," tugon ko at muling yumuko sa pag-aakala na hindi na nila ako muling tatanungin.
"Ow! Anong course mo?" tanong muli nito at naramdaman ko pang umupo ito sa tabi ko. "Ay! Si Ate Patrice, umalis lang saglit ah... may gagawin kasi iyon pero babalik daw s'ya. Kakausapin lang daw n'ya si Ate Cloe," habol pa nito.
Mukhang naramdaman n'yang nagtataka ako dahil wala si Patrice.
"Okay lang. ABM ung course ko," tugon ko.
Muli pa s'ya doong nagtanong at nagkwento sa akin bago n'ya ako niyaya na pumunta sa mga kaibigan n'ya din para ipakilala ako.
Nahihiya ako kaya namam tumanggi na ako dito at sinabing magsstay na lang sa upuan ko.
"Sure ka?" tanong nito na tinanguan ko lang naman. "Ahm! Sige, punta lang ako sa mga friends ko tapos balikan kita a," saad nito.
Tumango lang ako ng dalawang beses pagkatapos no'n ay tumayo na ito at nagpunta sa mga totoo n'yang kaibigan at katulad noon ay naiwan na naman akong mag isa.
Unti-unti na namang nababalutan ng kalungkutan ang paligid at isip ko. Bago pa ako muling lamunin ng isipan ko isang tapik sa balikat ko ang nagpabalik ng sarili ko sa reyalidad.
Nang lingunin ko kung sino ito ay nakita ko si Patrice kasama ang dalawang babae na nakangiti din sa akin.
"Kesh! Si Ate Cloe at Ate Bianca, friend ko din sila dito," saad nito sabay upo sa tabi ko. "Mga ate kong pangit! Si Kesha, kababata ko,"
Kinausap lang nila ako doon ng halos sampung minuto bago sila nag paalam na pupunta sa harap dahil mag-uumpisa na ang program na inihanda nila.
Si Patrice naman ay hindi umalis ko at sinabing sila na daw ang bahala doon.
Medyo nakakahiya lang dahil meron ata s'yang mga gagawin pero nandito s'ya sa akin...
Buong programa ay hindi ako iniwan ni Patrice, 'pag magpapalaro ay niyayaya ako nitong sumali na minsan ay tinatanggihan ko pero minsan naman ay sumasali kami.
Sa unang pagkakataon, nakalimutan ko ang lungkot at pag-iisa. Sa unang pagkakataon nakikita ko ang sarili kong tumatawa dahil sa mga nakakatawa nilang banat.
Iba pala pagkasama ka sa kasiyahan at hindi ka iniiwan. Iba pala ang pakiramdam. Naiiyak ako pero hindi dahil sa lungkot kun'di dahil ngayon ko lang naranasan ang ganitong pakiramdam. Nakakatakot na baka sa mga susunod na araw bigla na lang maglaho ang kasiyahang nararamdaman ko ngayon. Nakakatakot na biglang bawiin...
?????