KESHA
Sa mga nagdaang araw, linggo at buwan. Pinilit kong ibaling ang atensyon ko sa pag-aaral at pilit iwinaksi ang mga sakit na nararamdaman ko.
Halos magsuka na ako sa sobrang stress dahil sa pag-aaral ko, halos hindi na ako kumakain.
Bawat araw, pahirap nang pahirap huminga kada labas ko ng bahay. Bawat araw parang pinipiga ang puso ko sa nakikita ko sa bahay at sa school.
Ilang beses na din akong umuwi na wala sila sa bahay. Siguro ay naging manhid na ako sa sakit kaya wala na sa akin. Lahat ng pambabalewala nila sa akin, hinahayaan ko na lang.
Nagmistulang hangin na ako sa bahay namin pati na sa school.
Ung mga pina praktis kong ngiti tuwing lalabas ako, nawala na din. Ang gusto ko lang gawin ay ipakita ang kaya ko at hindi ako naiiba sa mga kapatid ko at sa iba pa, na walang mali sa akin.
Pakiramdam ko naman ay malapit na iyon dahil nitong mga nakaraan nakakaya ko ng makataas kahit paano sa iba. Kaya nga nakakarinig na ako ng mga kung anu-anong mga salita kila Ella pero dahil gusto ko talagang may mapatunayan at ipagmalaki nila Papa, hindi ko pinapansin ang masasakit na salita nila pati na ang panghuhusga ng guro ko.
Natatandaan ko na dahil perfect ako sa exam namin noong nakaraan ay pinaulit ako na ako lang mag-isa, inalis lahat ng gamit ko at itinira lang ay ball pen at folder na sila din ang nag provide. Dalawang teacher din ang nagbantay sa akin para ata masiguro na hindi ako mandadaya, aaminin kong masakit sa akin iyon dahil ginawa ko ang lahat para makataas sa exam tapos ay paghihinalaan ako pero hinayaan ko na lang din dahil alam kong kaya ko.
Ngayon nga ay isang buwan na lang at matatapos na ang school year at sasabihin kung sino ang mga papangaralan para sa recognition namin.
Masama man na umasa at maghangad pero umaasa pa din ako na meron akong mauuwing parangal kila Papa.
"So now! I will announce who got into our Dean's Lister. I'm happy because almost all of you manage to be in our Dean's Lister," masiglang saad ng aming block adviser.
"For sure, si Kesha lang ang wala d'yan," rinig kong saad ni Joyce na sinamahan pa ng pang-insultong tawa na sinabayan nila Ella at ng iilan.
Huminga na lang ako nang malalim at hindi sila pinansin.
"Sorry to say guys but! Kesha is actually 2nd to the highest in this section," saad ng aming teacher kaya naman halos manlaki ang mata ko at mababaw man pero gusto kong maiyak dahil ngayon lang ako makakuha ng gano'n!
Madaming nagprotesta pero hindi ko iyon pinakinggan para pa din akong nasa alapaap habang inaabot sa akin ng teacher ko ang patunay na pangalawa ko.
Nakaalis na ang teacher namin na nagpoprotesta pa din sila pero hindi ko sila pinansin. Masaya ako na may sasabihin kila Papa kaya naman nang mag-uwian na kahit pa kung anu-anong panghuhusga ang sinasabi nila Ella sa akin ay hindi ko pinansin at nakangiti akong uwi ng bahay namin.
Hindi ako pumunta ng park para tumambay at mag drama bagkus dire-diretso ako sa bahay na para pa ding lumilipad sa alapaap.
Huminga ako nang malalim bago ko hinawakan ung hawakan ng pintuan namin.
Pagpasok ko, nasa sala sila Mama at dalawa sa kapatid ko. Nahihimigan kong nagsasabi ito na mayroon silang parangal na matatanggap sa pagtatapos ng school year kaya ang mukha ni Mama ay masayang masaya, ayon nga lang nang makita n'ya ako ay para na naman s'yang nakakita ng malas sa buhay n'ya pero hindi ko ininda iyon.
"'Ma, may-"
"Mama! May award ako sa recognition! Alam mo na! Highest Honor ang anak mo!"
Hindi pa man ako natatapos ay may sumingit na sa akin na mas nagpasaya kay mama.
"Naku! Talaga? Ay naku! Eto ding dalawa mong kapatid ay nasa una! Ang galing talaga ng mga anak ko! Kaya proud na proud ako sa inyo e," saad nito.
Gusto ko din masabihan ng ganyan kaya naman, sumingit na ako.
"'Ma! Ako din, may award sa recognition namin," singit ko pero hindi ako pinansin nito kaya inulit ko. "'Ma! Ako din may award sa recognition namin!"
This time malakas ko ng sinabi na ikinahinto nila.
"Ano namang award? Pinakab*bo sa lahat?" saad ng kapatid ko habang may tunog na pang iinsulto.
"Oo na, Kesha! Para lang may masabi ka at mapansin. Sige na may award ka na! Sabihin mo kung kailan ang recognition mo at pupunta kaming lahat," singhal ni Mama sa akin. "Sige na! Umalis ka na sa harap ko at nasisira ang kasiyahan," habol pa na may kamay pang kasama.
Hindi na muli ako nitong pinansin at nakipagkwentuhan na doon sa kapatid ko at masayang-masaya s'ya. Ibang-iba sa ipinakita n'ya sa akin.
Pero kahit gano'n, masaya pa din ako dahil pinansin ako at sinabing pupunta sila sa recognition.
Tahimik akong umakyat sa kwarto ko. Marahan kong ibinaba ung gamit ko at umupo sa ibaba ng kama ko.
Kusang tumulo ang luha ko kasabay ng pagpikit ko, naiiyak ako dahil ngayon lang ako nagkaroon ng ganitong karangalan. Matapos ang ilang taon! Eto na at makikita ko ng aakyat sila Mama sa stage kasama ako.
Naiimagine ko na kung paano mami aakyat nila Papa at Mama habang lahat kami ay nakangiti at masaya sa karangalan ko.
Para sa akin, worth it lahat ng puyat, walang kain at mga masasakit na salita na narinig ko kila Ella at kung kani-kanino pa! Wala lahat ng iyon dahil nakakuha ako ng bagay na pwede kong iregalo kila Papa!
Maingay na ang lahat sa hapag kainan dahil kan'ya-kan'ya na ng anunsyo ng mga nakuhang award.
Tahimik lang ako dahil hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kanila, nahihiya at kinakabahan ako pero agad napaangat ang ulo ko nang tawagin ako ni Papa.
"Kesha! Balita ko may award ka daw? Ano iyon?" tanong nito.
Nagkaroon muna ng mga salitang nakakainsulto bago ko nasagot ang tanong ni Papa.
"Nakapasok po ako sa Dean's Lister, pangalawa po ako sa pinakamataas," mahina kong saad, sapat para marinig nila.
Sandali muna silang tumahimik at ilang minuto lang ay puro malalakas na halakhak ang pinakawalan nila. Samu't saring pang-aasar ang ginawa nila pero huminto din agad nang tumikhim si Papa.
"Pangalawa ka? Kailan ang recognition n'yo?" tanong nito.
Sinabi ko lang ang araw na iyon at nakita kong nag-isip si Papa nang malalim.
"Sige, makakapunta kami," saad ni Papa na agad kinontra ni Mama.
"'Pa! Kasabay iyan ng anak mo," saad ni Mama at bahagya naman akong nasaktan dahil anak din naman ako.
Bakit kung itrato ako ni Mama parang laging iba?
"Oo nga, papa! Kasabay iyan ng recognition ko!" saad ng kapatid kong sumunod sa akin.
"Hapon naman po ang amin, umaga po ang sa kanila. Pwede pa pong hatiin," saad ko habang nakayuko.
Tumahimik ang lahat at hindi nagsalita, gano'n din si Papa, matagal bago ito muling nakasagot.
Halos magdiwang at tumalon naman ako sa tuwa nang sabihin ni Papa na pupunta sila para makita ako!
"Yes!" saad ko sa kwarto ko nang makapasok ako matapos kong maghugas.
Napasayaw pa ako dahil sa nararamdaman ko. Ganito pala ang pakiramdam ng napapansin at nabibigyan ng atensyon.
Sa tagal ng panahon, ngayon lang ako makakatulog ulit nang hindi umiiyak o tinatanong ang sarili kung anong mali sa akin. Sa unang pagkakataon! Naramdaman kong walang mali sa akin at kaya kong sumabay sa mga kapatid ko! Sa unang pagkakataon, naramdaman kong proud sila Papa sa akin!
------------