KESHA
ISANG malakas na tawanan ang namutawi sa buong silid-aralan nang i-aanunsyo ng aming guro ang nakuha naming grado sa pagsusulit.
"Hay! Kesha, akala ko pa naman may ibubuga ka na. Mukhang naka chamba ka lang last year. Mag-aral ka ng mabuti! Sayang ang pinapaaral sa iyo ng gobyerno," usal ng guro ko.
Hindi naman ako nagbigay ng kahit na anong reaksyon sa kan'ya kaya inilingan lang ako nito.
Matapos nitong mabilin sa amin, umalis na din ito kaya muli akong naging tampulan ng asaran nila Ella.
"5 out of 20! OMG! Ang bobo mo talaga, Kesha! You doesn't deserve to be recognized last recognition dahil hindi ka naman talaga nararapat doon," pangungutya nito sa akin sabay tawa ng malakas.
Tumayo lang ako at kinuha ang bag ko. Lumabas ako ng classroom na pinagtatawanan ng karamihan.
Kuyom ang kamay kong umalis ng paaralan namin kahit pa may dalawa pa akong klase.
Ganito na ang naging routine ko simula nang magsimula muli ang pasukan.
Napasok ako pero hindi nag-aaral. Umaalis ako ng school pag pinagtatawanan na nila ako o naa-out of place ako na dati pa man ay nangyayari pero ngayon dahil sawa na akong ipagsiksikan ang sarili ko, umaalis na lang ako.
Muli akong tumambay sa parke at doon ako nagpapalipas ng oras. Alam kong malapit na at madadrop na ako sa iilang subject ko pero hindi na ako katulad noon na nababahala. Ngayon, wala na akong paki kung madrop, wala namang paki sa akin sila Papa, kahit naman anong pilit kong ayusin at mag-sumikap, puro mali pa din ang mapapansin nila.
Matapos ang pag mumuni-muni ko, huminga ako ng malalim para mabawi ang pagkahingal ko, wala naman akong hika pero lagi ko na itong nararamdaman, parang lagi akong hirap huminga at hirap mag-isip ng tama.
Naisipan kong tumayo at umalis sa parke para maglakad lakad sa paligid. Para akong isang ligaw na kaluluwa na hindi dapat nabubuhay. Para akong nag-iintay na lang na kunin ang kaluluwa para matapos ang mga paghihirap dito.
TAMAD akong tumingin sa bahay naming madilim.
Matapos ko kasing maglakad lakad sa kung saan, nagdesisyon akong umuwi na para muling magmukmok sa kwarto ko. Ayon nga lang, pag-uwi ko eto namang madilim na bahay ang nadatnan ko.
Tamad akong umupo sa gater ng bahay at pinaglaruan ang mga bato sa paanan ko.
Katulad kanina, walang luhang lumabas sa akin, parang sanay na sanay na ang puso at isip ko sa lungkot pero hirap na hirap akong huminga.
Ilang oras na ang lumipas at wala pa din sila. Siguro ay napasarap ang gala nila kaya gano'n.
Nakatingin lang ako sa paanan ko nang may maramdaman akong isang tapik sa balikat ko. Agad akong napalingon dito at nakita ko si Patrice na nakatingin sa akin habang may ngiti.
"Mag-isa ka na naman dito," saad n'ya.
Tinignan ko lang s'ya at pilit na ngumiti.
"Oo, late na kasi ako nakauwi kaya naiwan ako," pagsisinungaling ko dahil alam ko naman na alam n'ya na lagi akong naiiwan dito.
Tumango lang ito at ngumiti sa akin.
"Lagi kitang nakikita dito na nakaupo e," saad n'ya, "gusto nga kitang lapitan kaso lagi kang nakayuko at mukhang malalim ang iniisip kaya hindi na kita ginagambala, pero wala din kasing tao sa bahay kaya nilapitan na kita ngayon," paliwanag nito.
Ah! Kaya pala.. muli, ginamit na naman ako-
"But! Don't get me wrong, lalapitan naman talaga kita kahit pa man tao sa bahay.. nagkataon lang," habol nito sabay ngiti.
Nabasa n'ya ba sa isip ko?
"Ah," ayon lang ang nasabi ko at muling yumuko.
Hindi naman din s'ya magsalita na kaya naging awkward ang paligid.
Katulad ng sinabi ko noon, matagal na simula noong huli naming usap ni Patrice, bata pa kami noon. Simula nang magdalaga kami ay hindi na kami gaano lumalabas ng bahay kaya siguro awkward na sa amin ang mag-usap.
"Grabe 'no? Ibang-iba na ang lugar natin kesa noon," putol n'ya sa katahimikan naming dalawa. "Dati, ganitong oras nagtatakbuhan pa tayo dito sa labas tapos naglalaro ng bangsak tapos lulugiin ung taya kasi magsisi-uwian na tayo," natatawang usal nito.
Napangiti lang ako nang maalaala ko ang bagay na iyon.
Ginagawa namin iyon dati sa mga kalaro namin na wala na din ngayon dahil nagsilipat na ng bahay sa ibang lugar.
"Ngayon kasi ung mga bata dito laging hawak, cell phone o kaya naman nasa computer shop," saad nito na ikinatango ko.
Ramdam kong inaalis n'ya ang awkwardness sa aming dalawa.
"May pisonet na din kasi kaya gano'n, hindi naman katulad noon na wala talaga kahit anong gadget na nagagamit," usal ko sabay yuko ulit at muling pinaglaruan ang mga bato sa paanan ko.
"Totoo naman! Boring ng childhood nila dahil hindi nila naranasan iyon," tugon nito.
Napatawa ako bahagya dahil sa sinabi nito.
"At least tayo hindi naboring ang childhood," balik ko sa kan'ya sabay tingin dito.
Ngayon ko lang napansin na may dala pala itong folder na may mga nakalagay na papel at may nakasulat doon na kung anu-anong events, merong din parang mga nakaguhit o inedit na mga music instruments.. parang flyers, may nakalagay kasing free workshop, nang mabasa ko nang maigi iyon, muli kong ibinalik ung tingin ko sa harap.
"Hindi ka ba busy? Baka may gagawin ka pa bukas," saad ko dahil nakita kong meron schedule doon na natala.
Saturday, 7am - KidsJAM.
So feeling ko may lakad s'ya bukas at kailangan na maaga. Hindi naman na n'ya ako kailangang samahan dahil sanay naman na akong mag-isa.
"Uy! Wala akong gagawin bukas umaga! Pahinga ko sa church namin pero bandang hapon meron kaming meeting at discipleship pero hapon pa naman iyon kaya okay lang na tumambay pa muna ako dito," masigla nitong saad.
Noon pa man, madaldal na talaga si Patrice at masigla. Ako naman kasi dahil bata masigla din naman pero hindi ako madaldal dahil bata pa lang ako, namulat na ako na bawat salita ko ay may mali kaya hangga't maaari, hindi ako nagsasalita.
"Ah! Active ka pala sa simbahan n'yo?" tanong ko dito.
"Oo! Every weekends lang naman dahil pag weekdays focus ako sa school tapos every bakasyon nasa Iba, Zambales kami for youth camp, minsan tumatagal ako doon ng isang buwan," tugon nito na may kagalakan sa bawat salitang sinasabi kaya naman napalingon ako sa kan'ya at nakita kong nakangiti s'ya.
Mukhang masayang-masaya s'ya sa mga ginagawa n'ya. Mabuti pa s'ya, nagagawa n'ya ang gusto n'ya at hindi inaayawan ng mga tao. Siguro malayo din ang narating ni Patrice.. hindi ko katulad na talunan.
Madami pa s'yang ikinuwento sa akin na ikinatango at ngiti ko lang naman. Meron pa s'yang ikinuwento na about sa youth camp nila na may malaking slide daw at sa babagsakan mo ay may putik kaya naman maliligo ka sa putik. May ikinuwento pa s'yang may lake daw doon sa campsite at minsan ay naliligo sila doon.
"Nakakatuwa naman ang mga kwento mo, mukhang masayang masaya ka," nakangiti kong turan dito at bahagyang yumuko para paglaruan ulit ung mga bato sa paanan ko.
Panandalian s'yang tumahimik bago ko muling narinig ang boses n'ya.
"Ikaw? Kumusta ka?"
Agad akong napahinto sa paglalaro ng mga bato dahil sa tanong n'ya. Wala namang kakaiba sa tanong nito. Simpleng tanong lang pero parang iba sa pakiramdam ko.
Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan kusang tumulo ang mga luha kong nakatago na nitong mga nakaraan.
Kumusta ako? Kumusta nga ba ako?
Hindi ko alam, sa tagal nang panahon na walang nagtatanong sa akin n'yan hindi ko na alam kung kumusta na nga ba talaga ako.
Ano nga ba ang pwedeng isagot sa tanong na 'kumusta?' kung kahit ako ay hindi ko alam kung kumusta na nga ba ako..
-----------