KESHA
Nakailang ikot na ako sa kwarto ko at nagpapractice kung paano hihingi ng pera kay mama para sa nasira kong palda.
Muli ko itong tinignan at mahahalata mo na ang kalumaan nito dahil 2nd hand lang naman din kasi ito kaya makunat na ang tela.
"'Ma, pwede bang makahingi ng 200 pesos, nasira kasi ung palda ko nung nakaraang araw dahil sumabit doon sa gate natin," practice ko ulit. "Tama! Tama! Gano'n nga, Kesha!" saad ko at muling lumabas ng kwarto at ngumiti.
Nanginginig ang mga paa ko at kamay nang makaapak ako sa sala ng bahay at nakita ko si Mama doon kasama ung bunso kong kapatid. Monday ngayon at mabuti talaga mamaya pang ala-una ang pasok ko, kung bibigyan man ako nito. Makakabili pa ako, ngayon sa palengke para magamit mamaya.
"'Ma," nanginginig ang boses kong tawag sa kan'ya.
Nilingon ako nito na nakataas ang kilay.
"Ano?!" galit n'yang tanong sabay tingin sa paldang hawak ko. "Ay naku, Kesha! Kung hihingi ka ng pera pambili ng palda, wala akong pera! Wala akong budget para d'yan! Tahiin mo na lang! Maagapan pa yan!" singhal nito.
Wala pa man akong sinasabi, tinanggihan na ako agad.
"'Ma, penge nga ako pambili ng t-shirt! Eto oh.. maganda! Bagay sa akin," napalingon ako sa kapatid kong sumunod sa akin nang dire-diretso s'yang manghingi kay mama.
"Ay patingin nga ako! Kailan mo ba bibilhin iyan?" masiglang tanong ni Mama sa kan'ya.
Ang kaninang salubong nitong kilay ay masaya at panatag na.
"Ngayon sana! Pupunta akong mall ta's bibilhin ko," saad nito sabay ngumiti nang malawak.
Halos madurog naman ang puso nang harap-harapang kunin ni mama ung wallet n'ya at magbigay ng limang daang peso bill sa kapatid ko.
Walang budget para sa palda kong gagamitin sa paaralan pero may budget para sa luho ng kapatid ko?
"Ayan! Bilhin mo na! Bagay sa'yo paniguradong sikat ka sa school mo pag nakita na suot iyan, lalo na kakapanalo mo lang sa competition mo!" masayang usal ni Mama.
Tumalikod na lang ako dahil masyadong masakit sa isipan at kalooban ang nakita ko.
Kinuha ko ung tahian namin at dinala sa kwarto ko.
Halos mabasa ang palda ko dahil sa mga luhang tumutulo galing sa mata ko habang tinatahi ito.
Ibinaba ko iyon sabay kuha ng unan ko at ibinaon doon ung mukha ko para sumigaw, gusto kong ilabas ung sakit ng nararamdaman ko!
—----------------------
"Kesha!"
Napatingin ako sa grupo nila Ella na kumakaway sa akin. Napangiti ako dito at excited na lumapit sa kanila.
Nawala naman agad ang ngiti ko nang iabot nila sa akin ang bag nila isa-isa.
"Padala naman nito sa room, tapos alam mo na! Ung upuan namin a! Ilagay mo doon iyang mga bag! Dapat nandoon malapit kila Johnson!" utos nito habang inaayos ung buhok n'ya.
"Sige, pero may pupuntahan ba kayo? Sama ako a," saad ko.
Nakita ko naman na tinignan nila ako isa-isa mula ulo hanggang paa 'ska nagtinginan bago sumagot sa akin.
"Sure! No problem!" saad ni Ella sabay ngiti.
Ngumiti na din ako bago naglakad papuntang building namin.
Hingal na hingal akong nakarating sa room namin kung saan marami na din ang nandoon pero alam ko naman na hindi nila uupuan iyong mga upuan nung tatlo dahil malalagot sila.
Inilagay ko na ung bag nila sa upuan na malapit kila Johnson bago pumunta sa upuan ko sa likod nila.
Alam ko naman na saling pusa lang ako sa grupo nila at tingin lang nila sa akin ay isang alalay at utusan pero wala na akong paki-alam doon, gusto ko ng kaibigan kaya naman hinahayaan ko na.
Pagkalagay ko ng bag ko, mabilis akong bumaba para pumunta sa pwesto kanina nila Ella pero huli na ang lahat dahil wala na sila doon at mukhang iniwan na naman nila ako.
Kagat labi akong tumalikod doon at muling bumalik sa room namin.
Pawis na pawis at hapong-hapo ako pagdating ko doon. Pagpasok ko, nagulat na lang ako na may nakaupo na sa pwesto ko kanina.
"Kesha, nilipat ko ung bag mo a. Masakit kasi ung mata ko ngayon kaya gusto ko nandito ako sa medyo unahan," saad nung kaklase kong nakaupo sa upuan ko kanina.
Ngumiti lang ako at tumango sa kan'ya 'ska naglakad papunta sa upuan sa dulo.
Nakatingin ako sa buong klase at lahat sila nakalabas ang mga cellphone, may kausap at kakwentuhan. Nagkokopyahan at nagbibiruan pero ako.. wala akong kausap, wala akong cellphone na katulad sa kanila at wala rin akong kabiruan, wala din gustong kumopya sa akin dahil hindi naman ako katalinuhan.
Kinagat ko na lang ang loob ng pisngi ko para pigilan ang luhang gustong tumulo. Hindi ako mapakali, kinikilabutan ako sa sobrang pagpipigil na umiyak. Kung saan-saan dumadaan ung mata ko, para akong masusuka sa sobrang lungkot.
Yumuko na lang ako sa mesa ko para mawala lahat ng iniisip ko. Hindi ko kaya. Ang hirap huminga!
Dumating ang teacher namin sa unang subject kasabay nila Ella na hindi man lang nagtaka na wala ako sa upuan ko.
Nagtuloy-tuloy ang klase namin hanggang sa nagpagroupings ang teacher namin.
Nakangiti akong nagpunta kila Ella sa pag-aakalang inaantay nila ako pero hindi.
"Sorry, Kesha. Nandito na kasi si Joyce, so s'ya na lang ung kinuha namin. Hanap ka na lang ng iba, complete na kami," saad nito tapos muling nakipag-usap sa mga kagrupo n'ya, hindi na n'ya inantay na makasagot ako.
Tumalikod na din ako at tumingin sa paligid para mag hanap ng kagrupo.
Naglakad ako papunta doon sa kabilang grupo pero hindi nila ako tinanggap dahil kumpleto na sila, ganon din sa iba. Apat na lang kaming walang kagrupo pero ung tatlo, magkakaibigan din.
"Hernandez? Wala kang kagrupo?" tanong ng teacher ko na ikinatango ko lang. "Sige, madali lang naman ito kaya kayang-kaya mong walang katulong kaya ikaw na lang mag-isa. Kung hindi mo kaya, magpaturo ka na lang sa mga kapatid mo, matatalino naman iyon," saad n'ya kaya naman nakarinig ako ng mahihinang tawanan.
Napayuko na lang ako dahil sa kahihiyan. Nakumpara na naman ako sa mga kapatid ko.
Kasalanan ko na naman na ganito lang ako na hindi katalinuhan.
Ibinigay sa amin ung kailangan naming sagutan sa bahay. Tinignan ko ito at mukhang kailangan kong magrenta na naman sa pisonet para makapag research ako nang maayos. Mababawasan na naman ang pera ko sa alkansya ko.
"Kesha! Wag mong pasagutan sa mga kapatid mo ah! Baka magtop 1 ka pag ginawa mo iyon! Makonsesnya ka! Lumagay sa dapat kalagyan!" pang aasar sa akin ni Joyce na ikinatawa ng lahat kasama doon sila Ella.
"Hala! Kung ganon lang din naman pala! Dito ka na sa group namin para naman maambunan kami ng talino ng mga kapatid mo," segunda ni Ella kaya muling nagkaroon ng tawanan ang buong klase.
Hindi ko naman gagawin iyon, sasagutan ko ito nang ako lang at walang tulong galing sa kanila dahil alam kong hindi rin naman nila ako tutulungan at iinsultuhin pa.
?????