CHAPTER 4

1000 Words
PAGKATAPOS kumain ay nagyaya si Chantal na mamasyal sa tambayan ng mga ito. Wala rin namang ibang gagawin si Georgette kaya nagpasya siya na sumama sa mga kaibigan. Mas mabuti na rin na maging pamilyar siya sa buong Northeast. Magandang oportunidad din ito upang maghanap ng mga miyembro para sa pinapangarap niyang gang. "Ayokong sumama, Chan. Alam kong nandoon si Spring kaya gusto ko muna na lumayo sa kanya," sabi ni Lyndsy bago nagpaalam na aalis na. Tahimik na sinundan ni Georgette ng tingin ang kaibigan. "Hayaan mo na lang 'yong si Lyndsy, Georgette. Nabasted kasi 'yon kaya nasasaktan sa tuwing nakikita si Spring." Ipinagpatuloy nila ni Chantal ang paglalakad hanggang sa makarating sa tapat ng isang luma at sirang gusali. Iginala ni Georgette ang kanyang paningin, masiyadong magulo at makalat ang buong lugar. "Ikaw, Georgette? Nagka boyfriend ka na ba?" "Hindi pa," mabilis niyang sagot. Lumaki siya sa loob ng Kingdom at minsan lang din kung lumabas kaya kung may mga lalaki man sa buhay niya, 'yon ay kanyang ama at mga Tiyo lamang. "Really? Sa ganda mong 'yan hindi ka pa nagka boyfriend? Imposible naman na walang nanligaw sa 'yo sa France. Naku, maniwala ako sa 'yo," nakabusangot na sabi ni Chantal. "Mayro'n akong boyfriend. Mahigit dalawang taon na kami. Huwag kang matakot, ah. Pero isa siyang gangster. 'Yon nga lang, medyo kulilat." "Talaga? Gangster din ang boyfriend mo? Puwede ko ba siyang makilala?" "Oo, naman. Tara." Hinila siya ni Chantal papasok sa loob ng lumang gusali. Agad niyang natanaw ang pitong lalaki na naglalaro ng baraha sa isang tabi. Magulo ang puwesto ng mga ito. Nagkalat ang mga bote ng beer, balat ng mga chichirya at yosi. "Baby!" Sabay na lumingon ang pito nang marinig ang boses ni Chantal. Agad na tumayo ang lalaking may kulay asul na buhok at mabilis na lumapit sa puwesto nila. Binuhat nito si Chantal at agad na sinungaban ng halik. Tumayo na rin ang iba pa at naglakad palapit sa kanila. "Chan, sino naman itong kasama mo? Si Lyndsy?" tanong ng lalaking may pilat sa pisngi. "Wala si Lyndsy, ayaw niyang pumunta rito. Si Georgette nga pala guys, kaibigan ko," pakilala ni Chantal sa kanya. "Hi, nice to meet you. Ako nga pala si Sven Gonzalez," sabi ng lalaking may pilat saka nilahad ang kamay nito. Ngumiti si Georgette saka tinanggap ang pakikipagkamay ng binata. Nagpakilala na rin ang iba pa. Sina Ralph Hernandez, Reign Curtis, Yorick Dave Fuentes na boyfriend ni Chantal, Spencer Salvador, Adrian Spring Richards at si Nazi Pierre Santillan na tumatayong lider ng grupo. Nabaling ang tingin ni Georgette kay Nazi at matagal itong tinitigan. Ngumiti siya nang matitigan ang kulay tsokolate nitong mga mata. Nasasalamin sa mga mata ng binata ang tinataglay nitong katapangan. Hindi ito ang klase ng tao na basta-basta na lamang sumusuko o umaatras sa laban. Batid ni Georgette na naaapektuhan ito sa kanyang presensya subalit nanatili pa rin itong kalmado. Lalong lumawak ang pagkakangiti ni Georgette at nauna na sa pag-iwas ng tingin. Muli niyang tinapunan ng tingin ang iba pang mga kasama nito. Mukhang nahanap na niya ang mga taong karapat-dapat upang maging miyembro ng kanyang gang. Magkagan'on man ay kailangan pa rin niya na obserbahan at kilalanin ang mga ito. Ayaw niyang magkamali sa magiging pasiya niya. NANG makarating sa hall ay naabutan ni Georgette ang kanyang Tiyo Theo na nagluluto ng kanilang hapunan. Binati niya ito at gumanti naman ito ng ngiti. Naupo si Georgette sa mesa saka inilapag ang kanyang mga gamit. "How's your first day?" tanong nito. "Nakahanap na po ako ng mga miyembro para sa pinapangarap kong gang, Uncle Theo. Sa ngayon po ay o-obserbahan po muna sila, kikilalanin at tuturuan ng mga bagay na kailangan nilang matutunan," pagbabalita ni Georgette. "That's good news. Alam ko na makakahanap ka agad ng mga miyembro. Kapag sigurado ka na sa kanila, dalhin mo sila rito sa hall. Ako naman ang kikilatis sa kanila." Hindi napigilan ni Georgette ang tumawa. Kilala niya ang kanyang Tiyo kaya batid niya na may binabalak na naman ito na hindi maganda. "Uncle, may nakilala nga po pala ako na nagngangalang Rage Zaldivar. Pinagmamalaki po niya sa lahat na siya po ang Prince, ang anak ng King ng mga gangster." Mukhang tapos ng magluto ang kanyang Tiyo kaya pinatong na nito sa ibabaw ng mesa ang nilutong fried chicken at hotdog. Sunod itong naupo sa kanyang harapan. "Just play with his game. Sooner or later, malalaman din ng lahat ang totoo." Natahimik si Georgette. Mukhang may alam ang kanyang Tiyo na hindi niya alam. "Naaalala mo ba ang kinuwento ko noon sa 'yo na nakidnap ka noong sanggol ka pa?" Mabilis na tumango si Georgette. Alam na alam niya ang tungkol doon. Hindi iyon nilihim ng kanyang ama. Ang pangyayaring iyon ang tunay na dahilan kung bakit hindi siya malayang nakakalabas sa Kingdom. Dahil pagkatapos ng insidenteng iyon ay nag desisyon ang kanyang mga magulang na itago ang tunay niyang pagkatao. Natakot ang mga ito na baka muling maulit ang mga nangyari noon. "Ang alam ng lahat ay nawala ka at napasama sa pagsabog nang gabing iyon. Of course, walang may alam maliban sa amin na nailigtas ka ni Kuya Dean. Kaya noong kumalat ang balita na namatay ang anak ng King at Queen ay hindi iyon pinansin ni Race. Ginawa niyang panakip ang usaping iyon upang itago ka sa lahat. But of course, may mga lumabas pa rin na mga balita na may nakakita raw sa sanggol at nabuhay ito sa pag-asa na rin na makatungtong sa Kingdom at makuha ang lahat ng kayamanan ng mga magulang mo. 'Yun nga lang, tanging pangalan na Rage Zaldivar lamang ang alam ng lahat. Hindi nila alam na babae ka talaga at hindi lalaki," paliwanag ng kanyang Tiyo. Tumango siya. Ngayon ay malinaw na kay Georgette ang lahat. Batid na rin niya ang totoong intensyon ng taong umaangkin ng kanyang pagkatao. Sa huli, ito pa rin ang matatalo dahil siya ang totoong Rage Zaldivar. Siya lamang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD