CHAPTER 3

1231 Words
"Raizzel Georgette Zaldivar,” basa ng School Principal sa hawak nitong School Form. Ngumiti si Georgette at agad na lumapit sa binibini. Saglit nitong inayos ang lente ng suot nitong salamin bago siya pinasadahan ng tingin mula ulo hanggang paa. Szarina Basco, ang kasalukuyang nakaupong Prinsipal ng Northeast Academy. Nasa singkwenta na ito at matandang dalaga kaya gano’n na lamang kasungit at kahigpit. Halos karamihan sa mga estudyante na nag-aaral sa mismong eskwelahan ay natatakot sa binibini. Maliban sa masungit ay wala rin itong patawad sa pagpataw ng parusa. “Nasabi na ni Ms. Lahra sa akin ang tungkol sa pagdating mo. Pasalamat ka at may kapit ka sa isa sa mga board of directors dahil kung wala ay talagang lagot sa akin. Bakit ba kasi ngayon ka lang nag-enroll?! Alam mo ba na nasa kalagitnaan na ng pasukan?! Ano ang ginawa ng mga magulang mo at ngayon ka lang pinag-aral?! Sagot?!” Natakpan bigla ni Georgette ang kanyang tenga. Hindi niya akalain na matinis pala ang boses ni Ms. Basco. Pakiramdam niya ay nabingi siya sa lakas ng sigaw nito. Gano’n pa man ay nanatiling kalmado si Georgette. Nginitian niya ang binibini at sinalubong ang tingin nito. Agad niyang napansin ang pag-amo ng mukha nito nang sandaling magtama ang kanilang mga paningin. Biglang nawala ang galit sa mukha nito at napalitan ng kalmadong ekspresyon. “Transferee ka nga pala from France. Sige na, hija. Pumasok ka na sa klase mo. Baka lalo ka pang malate.” “Opo, Ms. Basco. Salamat po,” paalam ni Georgette at agad na lumabas ng Principal’s Office. BUONG buhay niya ay hindi pa nakaramdam ng gano’ng klase ng takot si Ms. Basco. Hindi niya maipaliwanag pero nang sandaling magtama ang mga paningin nilang dalawa ng batang iyon ay bigla na lamang nanindig ang kanyang balahibo. Agad siyang pinagsakluban ng takot at pangamba na wari’y ito na ang pinaka nakakatakot at pinaka delikadong tao na kanyang nakita. Alam niyang may kakaiba sa kulay abong mga mata ng batang iyon. Para itong sumisigaw sa kapangyarihan at tapang. Sino ba talaga ang Raizzel Georgette Zaldivar na iyon? Bakit parang hindi maganda ang kutob niya sa mga mangyayari? NANG MAHANAP ang silid ng Class 4A ay agad na kumatok sa pinto si Georgette. Nakuha niya ang atensyon ng lahat lalo na ang guro na nagsasalita sa gitna ng pisara. Tumahimik ito at sumenyas na pumasok siya. “Good morning po,” magalang na bati ng dalaga. “Ikaw siguro ang bagong lipat. Halika, magpakilala ka muna sa mga kaklase mo.” Tumango si Georgette saka humarap sa mga kaklase niya. Ngumiti siya at yumuko upang batiin ang mga ito. “Hello po sa inyong lahat. Ako po si Raizzel Georgette Zaldivar. Puwede niyo po akong tawaging Georgette. Sana po ay maging magkaibigan po tayo.” Agad na nabuhay ang mga bulong-bulungan nang sandaling sambitin niya ang katagang Zaldivar. Batid niya na kilala ng buong Northeast ang kanyang ama kaya hindi na siya nagulat pa sa naging reaksyon ng mga ito. “Zaldivar? Kaano-ano kaya siya ng King?” “Isa na namang Zaldivar? Baka katulad din ‘yan no’ng isa.” “Mukhang hindi naman. Tingnan niyo, ang bait-bait ng mukha niya. Para siyang anghel.” “Oo nga, ‘wag nga kayong judgemental. Georgette, halika! Dito ka na maupo sa tabi ko.” Isang babae na may maangas na dating ang kumaway kay Georgette. Tinuro nito ang bakanteng upuan sa tabi nito kaya ngumiti siya at agad itong nilapitan. Mabilis niyang nakapalagayan ng loob ang babae. Chantal Magbanua ang tunay nitong pangalan at kahit pa na kamukha ito ni Avril Lavigne sa taglay nitong angas ay mabait pa rin ito at pala-kuwento. Isa pang personalidad ang nakilala ni Georgette, si Lyndsy Moreño. Magkaibigan sina Chantal at Lyndsy kaya naging malapit din siya rito. Tahimik at mabait si Lyndsy. Hindi ito mahilig mag kuwento tulad ni Chantal. Mahinhin din ito kung kumilos at bakas sa maamo nitong mukha ang mga kahinaang taglay nito. Natutuwa si Georgette dahil nagkaroon agad siya ng mga kaibigan sa unang araw pa lamang niya sa Akademya. Batid niya na matutulungan siya ng mga ito sa kanyang misyon. Sa kung anumang paraan ay hindi pa niya alam sa ngayon. Nang sumapit ang lunch break ay niyaya siya nina Lyndsy at Chantal na kumain sa school canteen. Habang naglalakad sa kahabaan ng pasilyo ay mahigpit siyang nakahawak sa braso ng mga ito. Patuloy pa rin sa pagkukuwento si Chantal kaya parehong nakatuon ang pansin nilang dalawa ni Lyndsy rito. “Alam mo, Georgette may kamukha ka. Hindi ko lang matandaan pero talagang pamilyar ka.” “Baka artista,” biglang singit ni Lyndsy. “Hindi. Sandali lang at mag-iisip muna ako. Sino nga ba?” Hindi napigilan ni Georgette ang ngumiti habang nakatingin kay Chantal na bahagyang pinapalo ang ulo nito. “Tabi!” Isang grupo ng kalalakihan ang namataan nilang palapit sa kanilang puwesto. Sa bilang ni Georgette ay lampas sa sampo ang mga ito. Maangas ang dating ng mga lalaki at halatang kinakatakutan ng lahat. ‘Sino kaya sila?’ sa isip ng dalaga. Kung titingnan nang mabuti ang ayos at dating ng mga ito ay mukha itong mga gangster. Gangsters, sa wakas ay may nakilala na rin siyang mga gangster. “Georgette, tumabi ka.” Naramdaman ni Georgette ang paghila nina Chantal at Lyndsy sa kanya. Dahil dito ay nakuha nila ang atensyon ng lalaking nangunguna sa lahat. Tumigil ito sa tapat nilang tatlo at agad na dumako ang paningin kay Georgette. “Bago ka ba rito? Ano ang pangalan mo?” tanong ng lalaki kay Georgette. “Raizzel Georgette Zaldivar,” sagot niya. “Zaldivar? Interesting. Kaninong angkan ka ng Zaldivar galing? I’m also a Zaldivar.” Hindi nagsalita si Georgette at matagal na tinitigan ang binata. Agaw pansin ang tatu nito sa kanang braso na imahe ng isang serpyente. Pinag-aralan niya nang mabuti ang kabuuan nito at mayamaya pa ay bigla siyang umiling. Hindi ito ang klase ng gangster na hinahanap niya. Kung pagbabasihan ang pangangatawan ng lalaki ay hindi niya maipagkakaila na may tinataglay itong kakaibang lakas. Ngunit habang tumatagal ang pagkakatitig niya sa kulay itim nitong mga mata ay unti-unti rin niyang nababasa ang takot na bumabalot sa buo nitong pagkatao. Marami itong mga tinatagong sekreto at mahina rin ang loob nito. At mas lalo niyang nakompirma iyon nang mauna ito sa pag-iwas ng tingin sa kanya. “You’re pretty. Aaminin ko, ngayon lang ako nakakita ng babaeng kasing ganda mo. Kaya babalikan kita. Maghintay ka,” mahina nitong sabi habang nakatingin sa maganda niyang mukha. Bahagya rin nitong hinawi ang ilang hibla ng buhok na tumatabing sa kanyang pisngi. Nagpatuloy na ulit sa paglalakad ang lalaki kaya sinundan niya ito ng tingin. “Ayos ‘yon, ah! Akala mo naman ang guwapo! Hindi hamak naman na mas guwapo si Yorick sa kanya!” nanggagalaiti na sabi ni Chantal nang maiwan silang tatlo sa hallway. “Sino ba ‘yon?” tanong ni Georgette. “Si Rage Zaldivar, anak ng King ng mga gangster na si Race Zaldivar. Georgette, mag-ingat ka sa lalaking ‘yon, kinikilala iyon bilang Prince ng mga gangster.” Kumunot ang noo ni Georgette sa sinabi ni Lyndsy. Paano nangyari ang bagay na iyon? Siya si Rage Zaldivar.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD